PANAY ang hikbi ni Jean habang nanonood siya ng paborito niyang anime na Bokura Ga Ita sa computer niya. Lampas alas kuwatro na ng hapon at mamaya lamang ay magsasara na ang flower shop. Ang tatlong tauhan niya ay abala naman sa paglilinis habang wala pa silang mga customer.
Siya ang tumatayong kahera kapag nasa shop siya kaya kapag ganoon na walang customer ay inaabala niya ang sarili sa panonood ng anime sa laptop niya. Ang Bokura Ga Ita na marahil ang pinakapaborito niyang anime dahil kahit ilan beses na niyang napanood iyon ay bumubuhos pa rin ng bongga ang mga luha niya.
Habang umiiyak ay binuksan niya ang drawer para maghanap ng panyo o tissue na maaari niyang maipunas sa mga luha niya. Napapalatak siya nang makita na wala siyang makuhang kahit ano na pwede niyang magamit. Nagulat na lamang siya nang may isang kulay asul at mabangong panyo ang tumambad sa harap niya. Gulat na nag angat siya ng tingin. Tumambad sa kaniya ang nakakunot noong mukha ni Zac.
"Zac?" gulat na bulalas niya. Napansin niya na parang naestatwa na ang mga tauhan niya habang nakatutok ang mata ng mga ito sa binata. Ang binata na mismo ang nagpahid ng panyo sa magkabilang pisngi niya ng hindi agad siya kumilos kanina.
"Why are you crying?" kunot noong tanong nito sa kaniya. Tulalang nag angat siya ng tingin dito.
Bahagya itong yumukod para magpantay ang mga mukha nila at kahit mayroong mesa ang nakapagitan sa kanila ay hindi nakasagabal iyon para maamoy niya ang mabangong amoy na nagmumula sa katawan nito.
"N-nothing.." halos hindi na humihinga ng normal na tugon niya. Nagpakawala siya ng pekeng tawa at nagsalita. "Kasi naman itong anime na pinanonood ko nakakaiyak ang story."
Nagulat siya nang basta na lang nito hawakan ang isang kamay niya. Muli ay naramdaman na naman niya na nabuhay ang mga paruparong nagliliparan sa loob ng sikmura niya.
"T-teka.."
"Let's go..gusto ka nang makilala nila daddy."
"Ha?" halos malaglag ang mga pangang bulalas niya. "A-as in ngayon na?"
"Gusto na nilang makilala ang fiancee nila.."
"What-teka-sinabi-mo-s**t!" halos ilan beses siyang nagkamali dahil sa labis na pagkataranta.
"Hindi ako ang nagsabi sa kanila. Nagkataon lang naman na ang kuya Brandy mo pala ang nag interview sa kapatid ko na si Kurt Villegas at nabanggit niya ang tungkol sa ating dalawa. At maliban doon ay parehong kilalang TV host ang kuya mo at ang mommy ko kaya imposibleng hindi siya mag usap."
Si kuya talaga!
Hindi makapaniwalang natapik niya ang noo. Daig pa niya ang binuhusan ng isang timba ng nagyeyelong tubig dahil sa sinabi ng binata. Ang Kurt Villegas na kakambal ni Zac ay isa palang sikat na international football player.
Nalaman niya ang tungkol doon dahil narinig niyang sinabi nito iyon sa daddy niya noong isang araw.
Wala na siyang nagawa pa ng hilahin nito ang kamay niya. Daig pa niya ang papel dahil nanlalambot ang mga tuhod na sumunod na siya dito. Pwede naman niyang ipagkatiwala ang pagsasara ng flower shop sa isang tauhan niya dahil alam na nito ang dapat gawin sa tuwing wala siya.
Pero ang puso ko, pwede ko bang ipagkatiwala sa lalaking ito?
Dumako ang mga mata niya sa magkahugpong na mga palad nila ni Zac. Pinisil nito ang palad niya nang tangkain niyang kumawala. Teka nga! bakit ba ganoon ang pakiramdam niya ngayon? pakiramdam niya ay isang buong linggo silang hindi nagkita at ngayon lang ulit nagpiyesta ng ganoon katindi ang puso niya?
Napaatras siya ng tumigil si Zac sa paglalakad at humarap sa kaniya.
"Bakit ka nga ulit umiiyak kanina?" nakataas ang isang sulok ng mga labi na tanong ng binata.
"D-dahil nga nanood ako ng anime.." halos mapugto na ang hiningang tugon niya.
Napaigtad siya ng basta na lamang nito sapuhin ang mga pisngi niya. Nagyuko ito ng ulo para magpantay ang mga mukha nila. Para siyang unti unting hinihigop ng magandang pares ng mga mata nito.
"Mas mabuti na iyon umiiyak ka sa panonood ng anime kaysa malaman ko na umiyak ka na naman ng dahil sa ex boyfriend mo."
"What?" tumambling yata ang puso niya dahil sa narinig. Iniipit nito ang ilang hibla ng buhok niya sa gilid ng tenga niya saka muling hinawakan sa kamay at iginaya sa kinaroroonan ng sasakyan nito.
Stop! Awat niya sa nagwawalang puso niya.
Himala ng mga himala! Walang PMS ngayon ang fake fiancee niya!
☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆
"HIJA!" isang maluwag na ngiti ang isinalubong kay Jean ng ina ni Zac na si Tita Tonette.
"Tita," natigilan siya nang yakapin siya nito. Bigla ay parang gusto niyang maiyak. Hindi ganoon ang naging pagtanggap sa kaniya ng ina ng dating nobyo niya na si Edison ng makita siya.
Gulat na gumanti siya ng yakap sa butihing ginang at pinigilan niya ang pagbuhos ng matinding emosyon.
"No, huwag mo akong tawaging tita dahil simula ngayon ay miyembro ka na ng pamilya namin. 'di ba Zac, anak?" baling ng ginang kay Zac na kanina pa nakamasid sa kanilang dalawa.
"Ah.. opo."
"Kaya dapat mommy na rin ang itawag mo sa akin, papaano ang kasal? napag usapan na ba ninyo ang tungkol sa pagpapakasal ninyo?" anang ginang at hinaplos ang mga pisngi niya.
"Mom, naexplain ko na sa'yo 'di ba na hindi kami pwedeng magpakasal ngayong taon dahil kagaya nga ng kasabihan ng mga matatanda ay malas ang sukob sa kasal."
"Oo nga pala, sa sunod na buwan na ang kasal ng kakambal mo. Pero hindi bale.. sisiguruhin ko na magiging engrande rin ang kasal ninyo sa sunod na taon."
Ilan beses siyang napalunok. Kahit sa pamilya niya ay naipaliwanag na rin niya ang tungkol sa matandang kasabihan at dahil naniniwala ang kaniyang ina sa mga pamihiin napahinuhod niya ang mga ito.
Nagkaroon na sila ng sapat na dahilan ni Zac para hindi madaliin ng pamilya niya ang pagpapakasal nila.
"Let's go hija, gustong gusto ka ng makilala ng daddy ni Zac."
Dumoble ang kaba niya nang marinig ang sinabi nito. Natrauma na siya sa mga ganoong eksena dahil kailanman ay hindi niya naramdaman na nagustuhan siya ng pamilya ng first boyfriend niya.
Naramdaman niya na nasa tabi niya si Zac habang naglalakad silang tatlo. Takot na tumingin siya dito. Hinawakan naman nito ang palad niya at tumango na animo ay sinasabi na magiging maayos din ang lahat.
Kahit papaano ay nakalma siya. Nakapagtatakang isipin na kahit hindi pa niya lubusang kilala ang binata ay parang nakikita na niya ang buong mundo niya sa tuwing tumitingin siya sa mga mata nito.
Habang nasa hapagkainan ay tila nakalimutan na ni Jean ang tungkol sa takot na nararamdaman niya kanina. Mabuti kasi ang naging pakikitungo sa kaniya ng pamilya ni Zac. Nakilala na niya ang ama at kapatid nito. Maging ang fiancee ng kakambal ni Zac na si Patty ay naging magiliw rin ang pakikitungo sa kaniya.
"Alam mo ang ganda mo talaga. Ang sarap mong paglihian." naaaliw na wika sa kaniya ni Patty. Dalawang buwan na pala ang ipinagbubuntis nito kaya ganoon na lang kung alagaan ito ni Kurt.
"Thank you.." nakangiting saad naman niya.
Pagkatapos kumain ay nagtungo sa sala ang iba habang siya naman ay isinama ni Zac sa silid nito para saglit na magpahinga.
"Wow.." namamanghang bulalas niya nang makita ang ayos ng silid ng binata.
Kompleto sa mga gamit at malinis ang ayos ng buong paligid. Parang ang sarap tuloy matulog sa ganoon kalinis na lugar.
"Sa apartment na ako tumitira kaya bihira na lang ako matulog dito kapag ganitong may okasyon lang." ani Zac at naupo sa kama.
"Ah, bakit ano ba ang okasyon ngayon?"
Kinuha ni Zac ang rubix cube na nasa ibabaw ng bedside table at pinaglaruan iyon sa mga palad.
"Gusto ka nilang makilala kaya nagpaluto ng marami si mommy.."
Eng! Oo nga pala!
Naupo siya sa kabilang bahagi ng kama na medyo malayo dito. Pinagmasdan niya ang ginagawa nito. Halatang sanay na ito sa paglalaro ng rubix cube dahil mabilis nitong natapos ang pagbuo ng mga kulay.
Patamad na ihinagis nito sa kung saan ang hawak nito at sumalampak ng higa sa kama. Ginawa nitong unan ang mga braso at nag angat ng tingin sa kisame. Walang sawa na tumitig naman siya sa gwapong mukha nito.
Mula sa matangos na ilong, mamula mulang mga labi. Makapal na mga kilay at malalantik na mga pilik mata na paulit ulit na kinabisa niya sa isip niya. Dumako ang mga mata niya sa hugis pusong mukha nito at naramdaman niya ang mabilis na pagwawala ng puso niya.
"Alam mo ba na napakarami ng nangyari magmula ng makilala kita," naiiling na sabi niya dito.
Ipinikit nito ang mga mata at nagsalita.
"Alam ko dahil kahit ako nahihilo na rin sa dami ng mga nangyayari simula ng makilala kita."
"P-pero.. pinagsisihan mo na ba na tinulungan mo ako sa parking lot ng ospital at sa club?" lakas loob na tanong niya dito.
Pakiramdam niya ay sasabog ang dibdib niya kapag narinig niya ang magiging sagot nito.
"Nope, papaano ko naman pagsisisihan ang pagtulong sayo kung natutulungan mo rin naman ako. Dahil sa'yo ay naging mas masaya sila mommy. Hindi na ulit mag aalala ang mommy ko kahit nagdesisyon ako na bumukod ng tirahan dahil iniisip niya na nandiyan ka naman."
"T-talaga?"
"Yes," nagmulat ito ng mga mata at tumingin sa kaniya. "Nandito na tayo eh kaya wala na tayong lusot pa. Pareho tayong naipit pero huwag kang mag alala dahil pwede naman nating palabasin sa sunod na marami tayong hindi pinagkasunduang bagay kaya tayo naghiwalay. Marami naman tayong pwedeng idahilan sa kanila para hindi matuloy ang kasal." saad nito at muling pumikit.
Napalis ang ngiti sa mga labi niya. Para siyang sinampal ng malakas dahil sa katotohanang gumising sa kaniya. Malungkot na sinapo niya ang mga pisngi at huminga ng malalim.
Ano ba Jean! nagpapanggap lang kayong dalawa dahil may kaniya-kaniya kayong dahilan kaya pwede ba tigilan mo na ang pagpapanggap!
Sigaw niya sa isip.
Nagsisikip ang dibdib na nahilot niya ang sariling batok.
Pero papaano nga ba siya kikilos ng normal kung ngayon pa lang ay nahihirapan na siyang tanggapin ang katotohanan na pagpapanggap lamang ang lahat?