Naalimpungatan si Zac mula sa mahimbing na pagtulog nang maramdaman na tila may mga kamay ang yumakap sa braso niya. Kahit inaantok pa ay nagmulat na siya ng mga mata. Tumambad sa kaniya ang natutulog na anyo ni Jean. Nagsumiksik ito sa tabi niya habang mahimbing na natutulog.
Dahan dahan siyang humiga patagilid at pinagmasdan ang dalaga. Tumingin siya sa suot na relo, alas diyes na pala ng gabi. Hindi niya namalayan kanina na nakaidlip na pala siya habang nag uusap silang dalawa.
Napabuntong hininga siya ng muling magsumiksik sa tabi niya si Jean. Sa pagkakataong iyon ay itinago nito ang mukha sa ibabaw ng dibdib niya. Nawalan tuloy siya ng tsansa na mapagmasdan ang magandang mukha nito. Bandang huli ay hindi niya mapigilan na muling ipikit ang mga mata nang manuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng mahabang buhok nito.
God! nakakataba pala ng puso na sa tuwing magigising siya ay ang maamong mukha ng dalaga ang bubungad sa kaniya. Ngayon niya lubos na naintindihan kung bakit sa tuwing umaga ay nakikita niya ang masayang ngiti sa mga labi ng kakambal niyang si Kurt.
Mapait na ngumiti siya ng maalala ang nalalapit na kasal ng kapatid niya. Ang buong akala niya ay magiging maayos na ang buhay niya nang magdesisyon siyang manirahan mag isa. Naisip kasi niya na kapag hindi siya masyadong nakikita ng magkasintahan ay mababawasan ang tensiyon sa pagitan nilang tatlo.
Nang bumalik si Kurt ng bansa makalipas ang ilang taon na pagkawala nito ay ipinaliwanag na niya kay Patty na nakahanda na siyang pakawalan ito. Tanggap na niya ngayon na si Kurt ang talagang mahal ng best friend niya kaya lumayo siya.
Batid niya na kahit ipinapakita ng kaniyang ina na masaya ito para kay Kurt ay nasasaktan naman ito para sa kaniya. Inakala niya na ang pag alis niya sa mansiyon ang magiging susi para matahimik silang lahat pero mali pala siya.
Mula kasi ng dumating si Jean sa buhay nila ay parang mas naging masigla pa ang mommy niya. Kung dati ay nagdadalawang isip pa ito na hayaan siyang mamuhay na mag isa, ngayon ay payag na ito. Sa tuwing magkausap sila ay wala itong ibang bukambibig sa kaniya kundi si Jean.
Escape. Excuse. Iyon ang tingin niya sa sitwasyon na nasuungan niya ngayon. Naipit na siya kaya wala siyang nagawa kung hindi ang magsinungaling. Parang panaginip lamang ang lahat nang nangyayari ngayon. Parang kahapon lamang ay paulit ulit pa siyang sinesermunan ng kaniyang ina dahil nga sa pag alis niya ng mansiyon. Pero ngayon ay masayang masaya naman ito para sa kaniya.
Kusang gumalaw ang kanang palad niya, hinagod niya ang likod ni Jean nang marinig niyang umungol ito.
“What time is it?” anas nito at nag angat ng tingin sa kaniya. Kinusot nito ang mga mata at saka kumurap ng ilang beses. Ilan dipa na lamang ang agwat nilang dalawa at hindi biro ang pagpipigil niya na kintalan ng halik ang tungki ng ilong nito.
“Time to go home,” sagot niya.
“Now?” anas nito at bumangon na. Nakuyom niya ang kanang palad dahil kamuntik na niya itong kabigin ulit para muling ihiga sa tabi niya.
“Yes, time to go home na.” napilitan na rin siyang bumangon. Nakita niyang humarap sa kaniya ang dalaga at inayos ang magulong buhok. Basta na lamang nito inipon ang makapal na hibla ng buhok at ipinuyod paitaas.
Sexy! ipinilig niya ang ulo para mawala ang agiw sa utak niya.
.
Tumayo na si Jean at naghikab.
“Ang sarap matulog dito sa kama mo parang ayoko nang umuwi.” saad nito.
Yeah.. me too..
☆☆☆☆☆☆☆☆
-----
PAGKALIPAS ng dalawang linggo ay tumawag ang ina ni Zac kay Jean para anyayahan siya nito sa isang event na gaganapin sa Archangel’s Charity. Agad naman siyang pumayag dahil hindi rin niya magawang tanggihan ang kahilingan ng butihing ginang.
Nakangiting iniunat niya ang mga balikat habang kasama niya ang ilang mga bata sa bahay ampunan. Nakipaglaro siya ng table tennis at jumping rope sa mga ito kaya medyo napagod siya.
Naroon sila sa malaking basketball court ng bahay ampunan at masayang naglalaro. Ang mommy ni Zac ay saglit na umalis para kausapin sa opisina ng bahay ampunan ang ilan sa mga kasamahan nito. Mas lalong lumaki ang paghanga niya kay Tita Tonette dahil natuklasan niya na hindi lang pala ito mabuting ina at asawa. Aktibo pala ito sa pagtulong sa mga mahihirap at ang ibang nakakaangat sa buhay na mga kaibigan ay hinihikayat din nito na tumulong sa mga nangangailangan.
Tiyak na magiging magkasundo agad ito at ang kaniyang ina dahil parehong matulungin at may mabuting puso ang mga ito.
“Ate, laro naman tayo ng basketball,” ani Justin sa kaniya. Hinila nito ang laylayan ng damit niya.
“Gusto ba ninyo?” kahit napapagod ay hindi naman kaya ng konsensiya niya na tanggihan ang paanyaya ng mga paslit.
Nag unahan pa kasi ang mga ito sa pagsagot sa tanong niya. Pumalakpak siya at pinapila ang mga ito.
“Okay.. okay bubuo tayo ng team ha?” hinati niya sa dalawang grupo ang mga ito. Hindi sinasadyang sumulyap siya sa dulong bahagi ng ng court.
Nakita niya si Zac na nakaupo sa mahabang upuan na yari sa bakal at abala sa pagbabasa ng hawak nitong papel.
Nagusot agad ang ilong niya. Simula pa kanina pagdating nilang dalawa ay naupo na ito doon at agad na inilabas ang laptop at nagsimula nang magtrabaho. Masyadong tutok ang buong atensiyon nito sa ginagawa at hindi na nag abala pa na makipaglaro sa mga bata.
“Sandali lang, ha? tatawagin ko lang ang kuya Zac ninyo para may kasama tayong maglalaro.” sabi niya.
“Ate, huwag na nating istorbohin pa si kuya Zac.” pigil ni Tess sa kaniya.
“Bakit naman?” kunot noong tanong niya.
“Kasi baka busy siya eh. Kaya nga mas gusto namin na si Kuya Kurt ang sinasama dito ni tita nanay kasi nakikipaglaro talaga siya sa amin buong araw. Si Kuya Zac palagi lang siyang nasa isang sulok at may ginagawa.” nakalabing tugon ni Tess.
Matipid na ngumiti siya at ginulo ang buhok ng paslit.
“Pero gusto ba ninyong makalaro ang kuya Zac ninyo?”
Nanlaki ang mata ng mga paslit at muling nagkagulo ang mga ito.
“Opo! Opo!”
“Sige, tatawagin ko lang siya,”
parang susugod sa giyera na naglakad siya at nilapitan ang binata. “Psst!”
Hindi nagsalita si Zac na animo ay hindi siya narinig. Naiinis na tumabi na siya ng upo dito at dumungaw sa ginagawa nito. Naipikit niya ang mga mata nang tumambad sa kaniya ang napakaraming computer codes sa monitor ng laptop.
“Baka naman pwedeng sa sunod mo na lang gawin iyan. Nagpunta tayo dito para makipaglaro sa mga bata at hindi isubsob ang sarili sa trabaho.”
“I’m busy..” kibit balikat na turan nito.
Sa sobrang inis ay tinangka niyang agawin mula dito ang laptop pero mabilis na nakaiwas naman ito. Tiningnan siya nito ng masama at galit na sininghalan siya.
“Pwede ba Jean! wala akong panahon na makipaglaro sa inyo dahil marami akong trabaho. At kung pwede lang huwag mo akong istorbohin.”
Para siyang sinipa ng malakas sa dibdib dahil sa pagtataboy nito sa kaniya. Namumula ang buong mukha sa inis na tumayo na siya at nagsalita.
“Manigas ka diyan! kaya pala mas gusto pa ng mga bata na kasama ang kakambal mo dahil mas masaya siyang kalaro. Mabuti pa si Kurt nakikisama sa mga batang naulila at nawalan ng pagkakataon na maienjoy ang buhay. Ikaw, maganda ang buhay mo, may kotse ka, may pera at may magandang trabaho. Hindi ka kagaya ng mga bata dito na nalulungkot at kailangan ng matinding atensiyon. Ilang oras lang naman ang hinihingi nila sa'yo pero hindi mo na maibigay! Ang KJ mo! dapat pala si Kurt na lang ang isinama namin ng mommy mo kung magmumukmok ka lang pala dito sa sulok!” nagsisikip ang dibdib na asik niya
. Nakita niya ang pagdaan ng magkakahalong emosyon sa mga mata ni Zac. Halatang nagulat ito sa sinabi niya. Para hindi na niya marinig pa ang magiging sagot nito ay basta na lamang siya nagwalk out at lumapit sa mga bata.
“Tayo na lang pala ang maglalaro. Busy pa nga ang kuya Zac ninyo—”
“Yehey! makikipaglaro na sa atin si kuya Zac!” sigaw ng isang paslit at pumalakpak pa.
Gulat na napasinghap siya at tumingin sa bandang likuran niya. Halos malaglag ang panga niya nang makita na nakatayo na pala si Zac sa gitna ng court at may hawak na bola. Masayang tumakbo ang mga bata patungo sa direksiyon ng binata para maglaro.
Tulalang pinagmasdan niya si Zac. Tumingin din ito sa direksiyon niya kaya nagtama ang mga mata nilang dalawa. Kumabog ng malakas ang dibdib niya habang pinaglalaruan nito sa magkabilang kamay ang bola.
Kung kanina ay galit na galit siya sa binata ngayon naman ay parang yelong natunaw na ang init ng ulo niya. Ngumiti siya dito. Gumanti naman ito ng ngiti kaya halos magbreakdance ang puso niya.
Parang walang nangyaring pagtatalo sa pagitan nila kanina. Nakakawala ng tampo ang simpatikong mga ngiti nito.
Naisip niya na hindi lang pala gwapo si Zac kapag nagmamaneho ito o nasa harap ito ng laptop. Hindi lang pala ito gwapong tingnan kapag nagsisimula na itong magpahayag ng opinyon tungkol sa pulitika. Mas bagay dito ang hitsura nito ngayon –Faded jeans, black t-shirt at white rubber shoes ang porma nito—pwede na itong modelo ng isang sports magazine habang may hawak itong bola.
Nagsimula nang maglaro ang mga bata kasama si Zac. Halatang hindi naman marunong maglaro ng basketball ang binata dahil kahit isang puntos ay wala itong nakuha.
Siya naman ay dakilang fan lang. Panay lang ang sigaw niya sa tuwing mag aagawan na sa bola ang dalawang team. Mahigit sampung minuto na marahil na naglalaro ang mga ito nang mapansin niya na bigla na lamang tumigil sa pagtakbo si Zac.
“Kuya Zac!”
“Zac!” nanlamig ang buong katawan niya nang masaksihan kung papaano ito natumba sa gitna ng court habang tutop nito ang kaliwang dibdib.
☆☆☆☆☆☆☆☆☆
HINDI mapigilan ni Jean ang mapaiyak habang pinagmamasdan niya si Zac. Kanina matapos nitong pangapusan ng hininga sa basketball court ay agad na isinugod ito sa ospital. Ngayon ay nagpapahinga na ito at siniguro naman ng doktor na maayos na ang kalagayan nito.
Nagsisikip ang dibdib na pinisil niya ang palad ng binata at nangilid ang mga luha niya.
“Nakakainis ka.. bakit hindi mo sa akin sinabi na may sakit ka sa puso?” humihikbing anas niya. Sa mismong doktor pa niya narinig ang tungkol sa sakit nito at halos ikagimbal niya iyon.
Hindi kailanman sumagi sa isip niya na kaya pala hindi ito mahilig sa kahit anong sports ay dahil mahina ang puso nito.
Awang awa siya kay Zac habang may nakakabit na oxygen dito at natutulog ito. Kung pwede lang na mapunta sa kaniya ang sakit na nararamdaman nito ngayon ay ginawa na sana niya. Siya ang mas higit na nasasaktan sa nakikita niyang paghihirap nito.
Nag angat siya ng tingin nang bumukas ang pinto at pumasok sa loob ang ina ng binata. Matipid na ngumiti ito at nilapitan siya. Tinapik siya nito sa balikat at tumabi ng upo sa kaniya.
“S-sorry po.. hindi ko po alam na may sakit pala siya.” mahinang anas niya at nagyuko ng ulo.
“Hindi mo kasalanan ang nangyari hija. Marahil ay talagang inilihim ni Zac sa'yo ang tungkol sa pagkakaroon niya ng sakit sa puso dahil gusto niya na ituring mo siyang normal. Alam mo kasi..”
Nag angat siya ng tingin nang gagapin nito ang mga palad niya.
“Simula pagkabata ay nasanay na siyang mag isa dahil alam niya na hindi niya kayang makipagsabayan sa mga batang kaedad niya. Nang ipanganak ko sila ni Kurt at natuklasan ko na mahina ang puso niya ay ipinangako ko sa sarili ko na mas dobleng atensiyon ang ibibigay ko sa kaniya. Kaya nga nang dumating ka sa buhay niya ay nakampante na ako, alam ko naman kasi na hindi mo pababayaan ang anak ko.”
“T-tita..” hindi makapaniwalang anas niya. Pinunasan naman nito ang mga luha at huminga ng malalim bago nagsalita.
“A-alam mo kasi, Jean.. minsan na siyang nasaktan kaya hindi ko siya magawang sisihin kung bakit mas pinili niya na lumayo na muna sa amin pagkatapos magdesisyon ng kakambal niyang si Kurt at ni Patty na magpakasal.”
“Po?” naguguluhang pinagmasdan niya ito.
Pilit na ngumiti naman ang ina ni Zac at ipinaliwanag sa kaniya ang lahat. Pakiramdam niya ay parang sasabog ang dibdib niya habang isinasalaysay sa kaniya ng ginang ang bawat detalye ng buhay ng anak nito. Ang pagiging mag best friend nila Zac at Patty. Ang pagpipilit nito na ilayo ang babaeng mahal nito sa sarili nitong kapatid.
“Siguro ganoon talaga ang pagmamahal. Natututo tayong ipagdamot sa iba ang taong mahal natin.”
“T-tita..” umiiyak na niyakap niya ito. Dahil sa mga natuklasan ay mas nakilala pa niya ang totoong si Zac.
Hindi na siya maaaring mainis ngayon sa binata sa tuwing magsusungit. Hindi na siya makikipagtalo pa dito dahil wala itong ibang kailangan kundi ang pag aalaga at atensiyon para maghilom ang sugat sa puso nito.
“Ako na po ang bahala sa anak ninyo, pangako po aalagaan ko siya. Hinding hindi ko po hahayaan na mangyari pa ulit ito. Kung kinakailangan po na bantayan ko ang anak ninyo twenty four seven ay gagawin ko.”
“Talaga?”
“Promise po,”
Ngumiti si Tita Tonette at tinapik ang kanang pisngi niya.
“Alam kong mahal mo ang anak ko kaya may tiwala ako sa'yo.”
Natigilan siya. Parang nagkaroon ng matinding giyera sa loob ng dibdib niya dahil sa narinig.
Mahal? ipinilig niya ang ulo. Bakit ba pakiramdam niya ay sumasang ayon ang buong sistema niya sa salitang iyon?