"WHAT DO you want us to think Miss Silvestre? This is the only solution that we know to fix the problem. Can't you see all the people out there? They have stomach and families to feed," litanya ni Misis Roy. Kitang-kita niya ang mga litid na nakalitaw sa sentido nito. Palatandaan na nauubusan na ito ng pasensya.
Iginigiit nito na kailangan na nilang isuko ang kompanya dahil 'yon ang mas nakabubuti para sa lahat. Marami ang nagpo-protesta ngayon sa labas ng Silvestre Land at lahat ng mga 'yon ay ang mga tauhan nila na hindi na sumusuweldo ng tama. May punto si Misis Roy, pero bukod sa pangungumbinsi nitong 'wag na nilang isalba ang negosyo ay ang proposal na ibenta niya ang natitira nilang share, na alam niyang hinding-hindi papayagan ng daddy niya.
Nang mapagtanto ng mga kaharap na walang makukuhang sagot sa kanya ay isa-isa na itong nagsitayuan. "We will give you one week to decide, Miss Silvestre, and by that time we expect a better decision from you." Tanging pagtango lang ang nagawa ni Brenna sa buong durasyon ng meeting. Nanatili siyang tahimik hanggang sa siya na lang ang maiwan sa conference room.
Pakiramdam niya kinakalawang na siya pagdating sa pagnenegosyo. Para siyang baguhan na nangangapa sa trabaho at naghihintay lang ng utos o desisyon mula sa nakatataas.
Binigyan lang siya ng isang linggo para mag-desisyon at kapag dumating ang oras na 'yon dapat na siyang makaisip ng solusyon o talagang mauuwi sa lahat ang pinaghirapan ng daddy niya.
Idinukdok niya sa conference table ang mukha dahil sa panlulumo. Sari-sari ang tumatakbo sa utak niya at hindi siya makapag-isip ng maayos. Iniiwasan niyang panghinaan ng loob pero 'yon ang nananaig sa kanya ngayon. Unti-unti siyang nawawalan ng pag-asa na maisasalba pa niya ang kompanya.
Noong isang araw lang ay tinanggihan ng mga bangko ang loan application nila na dapat ay para sa mga empleyado. Pati 'yong mga pinadalhan nila ng project proposal ay puro rejection ang natanggap nilang reply. Wala na siyang maisip na ibang paraan para maisalba ang Silvestre Land kundi ang i-give up ang posisyon niya bilang Presidente at ibenta ang fifty-percent shares nila.
'There could be another option, Brenna. There should be...' sigaw ng isang bahagi ng utak niya.
"Bren, look at this!" Nahimigan niya ang excitement sa boses ni Sheryll. Hindi pa nito alam ang nangyari sa meeting kaya siguro masaya ito.
"Here, look! Sa tingin ko solved na ang problema ng S.L." Pasimple niyang pinunasan ang takas na luha sa pisngi bago siya nag-angat ng tingin. She tried to act normal but she didn't succeed. Kitang-kita sa mukha niya ang pagkatalo. Pero mukhang hindi man lang nag-alala si Sheryll sa nakitang itsura niya bagkus ay halos iduldol pa nito sa mukha niya ang tablet nito.
Hindi niya naiwasang mapakunot ang noo at hinintay munang mag-adjust ang paningin sa brightness ng tablet bago binasa ang nakasaad doon. Pero hindi pa man siya nakakapagsimula ay umarangkada na ang bibig ng sekretarya.
"We have a new project...!" Eksaheradang turan nito na halos tumili na. Halos magtatalon pa ito sa tuwa.
Lalong kumunot ang noo niya at mabilis na pinasadahan ng tingin ang email na natanggap nila. Ni hindi na niya natandaan ang pangalan ng kompanya na kumukuha ng serbisyo nila. Basta tumatak sa isip niya kung gaano kalaking proyekto ang nakuha nila. The project can support the financial needs of the company and the email says they can get half of the payment as soon as they sign the contract.
"When did you receive this?" Tanong niya nang ibalik dito ang tablet.
"Kaninang umaga lang. And they want to talk about the project ASAP!"
"Then set an appointment right away." Kung kanina ay halos mawalan na siya ng pag-asa ngayon naman ay bumalik na ang diwa niya. Akala niya ay mapipilitan na siyang ipagtapat ang tunay na estado ng negosyo sa daddy niya. Pero iyon at may blessing na dumating.
Abot-tenga na ang ngiti ng dalaga nang lumabas ng conference room. Dumiretso siya sa elevator at pinindot ang lobby. Haharapin niya ang mga nagpo-protestang empleyado para kausapin at ibalita na malapit nang bumalik sa dati ang lahat.
Habang papalapit siya sa lobby ay naririnig na niya ang ingay ng mga taong nakikipagtalo sa security team.
"Palabasin niyo si Ma'am Brenna para makausap namin siya! Kung hindi niyo siya palalabasin magkakagulo dito!" Naulinigan niyang sigaw ng isang lalaki.
Hindi pa man siya tuluyang nakakalabas ay hinarang na siya ng security guard. "Ma'am, 'wag na po kayong lumabas. Baka magkagulo pa po,"
"Okay lang po, Mang Gener. May good news po ako para sa ating lahat." Nakangiting sabi niya.
Wari'y nagulat ang mga empleyado nang makita siya at natahimik ang mga ito.
"Magandang umaga po sa inyong lahat. Batid ko po kung ano ang nag-udyok sa inyo para gawin ito at humihingi po ako ng paumanhin." Panimula niya.
"Anong magagawa ng paghingi niyo ng paumahin kung hindi niyo pa rin maibibigay ang sweldo namin. Hindi makakakain ang mga pamilya namin sa simpleng paghingi niyo ng paumanhin."
"Nakikiusap po kami ibigay niyo na ang sweldo namin."
"Kailangang-kailangan ko po ng pera ngayon dahil nasa ospital ang Nanay ko." Kanya-kanyang sabi ng mga ito.
"Humihingi po ulit ako ng paumahin. Pero hindi niyo na po kailangang gawin ito. Simula po ngayon ay aasikasuhin ko na ang nabinbin na sweldo ng bawat isa sa inyo dahil mayroon na po tayong bagong proyekto." Nakangiting turan niya.
Nagkatinginan naman ang mga trabahador at pagkaraan ay napalitan ng ngiti ang galit na reaksyon ng mga ito. Nakahinga siya ng maluwag dahil do'n. Walang kasing-saya ang makitang nabunutan ng tinik ang mga ito dahil na-resolba na ang problema.
Nang araw din ngang 'yon ay inasikaso ni Brenna ang pagbibigay ng sweldo sa mga empleyado. Lahat ng perang inilabas niya ay galing sa personal savings at ang natitira pang pera ng kompanya. Ni hindi siya nagdalawang isip na ibigay 'yon dahil alam niyang mapapalitan din 'yon kapag nagkapirmahan na ng kontrata sa bago nilang proyekto.
Nanlalatang ibinagsak ng dalaga ang katawan sa kama nang marating niya ang condo at napatitig siya sa ceiling ng silid niya. Sobrang dami ng nangyari sa maghapon pero masaya pa rin. Pakiramdam niya magiging maayos na ang takbo ng Silvestre Land sa mga susunod na araw.
Bukas na bukas ay sasabihin niya sa daddy niya ang magandang balita. Baka kapag nalaman nito ay lalong gumanda ang kalusugan nito.
Nasa ganoon siyang posisyon nang marinig niya ang tunog ng doorbell sa unit niya. Ilang segundo ang lumipas bago niya naisipang bumangon. Wala siyang inaasahang bisita kaya wala siyang ideya kung sino ang nagdo-doorbell na 'yon.
Paglabas niya ng silid ay biglang tumigil ang pagtunog kaya naman napakunot ang noo niya. Binuksan niya na lang ang pintuan nang hindi tumitingin sa peephole para tingnan kung sino ang bisita. Pero nagtaka siya nang walang makitang tao sa labas. Now she's thinking kung sa unit nga ba niya 'yong doorbell na narinig. Pero hindi siya pwedeng magkamali. Soundproof ang unit niya kaya hindi pwedeng pati doorbell ng kabilang unit ay marinig niya.
Naikibit niya ang mga balikat matapos isara ang pintuan. Baka naman nagkamali lang siya. Dahil sa pagod ay kung ano-ano na ang naririnig niya.