MAY ILANG minuto ng nakaharap sa salamin si Brenna at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya kumbinsido sa itsura niya.
May board meeting ngayong araw at nakatakda niyang harapin ang galit ng mga board member. Kahit na isasalang siya sa hot seat ay gusto niya pa rin na magmukhang presentable at kagalang-galang. Pero hindi siya makapag-decide kung ano ang dapat niyang isuot. Para na ngang dinaanan ng bagyo ang kwarto niya dahil sa dami ng damit na nakakalat sa ibabaw ng kama.
Napabuga siya ng hangin at pinili na muna niyang mag-apply ng lipstick. Maaga siyang gumising para sa araw na 'yon pero mukhang tanghali pa rin siyang makakaalis.
Nasa ganoon siyang posisyon nang makita niya ang repleksyon ng ina sa salamin na nakatayo sa may pintuan.
Nakasimangot niya itong hinarap at nakita niya ang pag-iling nito. Doon na siya nagpalipas ng magdamag sa bahay nila dahil hindi na siya pinayagan ng mommy niya na umalis.
Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa vanity table at pumunta sa harapan ng mga nakakalat na damit.
"I can't choose what to wear," sabi niya na parang sarili lang ang kinakausap.
"Any clothes will suit you. You're just nervous, baby," saad ng ina at umupo ito sa gilid ng kama.
Tama ito. Kinakabahan lang siya. Matapos kasi ang limang taon ay ngayon na lang siya ulit haharap sa board members at hindi lang siya basta haharap. Haharap siya bilang President ng Silvestre Land at unang araw pa lang niya ay gigisahin na siya sa sarili niyang mantika. Kailangan niyang magbigay ng konkretong solusyon sa kinakaharap nilang problema.
Isa pang buntong hininga ang pinakawalan ni Brenna at dinampot niya ang corporate attire na una niyang nakita.
Nagpaalam siya sandali sa ina para magbihis at makalipas lang ang ilang minuto ay bihis na siya.
Hinagod niya ng tingin ang kabuuan mula sa full length mirror at ng makuntento ay humarap siya sa mommy niya. Kahit ito ay mukhang satisfied na sa bihis niya.
Isang beses pa niyang sinipat ang sarili sa salamin at magkasabay na silang bumaba para mag-almusal.
"Nasaan si Daddy, 'My?" Tanong niya nang makitang wala pa ang ama sa hapagkainan.
"Ayaw lumabas ng study room kaya pinahatiran ko na lang ng breakfast kay Yaya Pinang." Umupo na ito at ipinaglagay siya ng kanin sa plato.
"Is he okay?" Alam niyang kahit wala na sa kompanya ang ama ay nakakaramdam pa rin ito ng pressure at nag-iisip pa rin ito ng paraan kung paano makakatulong.
"He's fine. Hindi naman natin maiaalis sa kanya ang pag-iisip at dahil do'n nagiging temperamental siya. Pero kaya ko naman kontrolin ang daddy mo kaya 'wag ka ng mag-alala."
Napatango siya sa sinabi nito. Gusto niyang i-assure ang daddy niya na magagawa niyang maisalba ang negosyo nila ng mag-isa. Pero bago niya sabihin 'yon dito gusto niya munang makakita ng resulta sa mga gagawin niyang hakbang.
"Yo, yo, yo! What's up folks?!" Sabay silang napalingon ng mommy niya sa entrada ng komedor nang marinig nila ang malakas na boses na nanggagaling sa nag-iisa at nakababatang kapatid niya na si Jiro.
Hinalikan sila nito sa pisngi at dumiretso ito sa silya na nasa tabi niya.
"Saan ka na naman nanggaling na bata ka at umaga ka ng umuwi?" anang mommy nila.
Tumingin siya sa kapatid habang umiinom ng tubig. Nagsalin ito ng maraming kanin sa plato at kumuha din ng bacon, egg, at ketchup.
"Galing ako kila Kuya Garret dahil may party sa kanila kagabi. Do'n na rin ako nagpalipas ng magdamag," saad nito at ipinagpatuloy na ang pagkain.
Ang Kuya Garret na tinutukoy nito ay ang panganay na anak ng Tito Kevin niya na nakatatandang kapatid ng mommy nila. Best friend ang dalawa kahit pa magkalayo ang edad ng mga ito. Twenty-two na si Jiro samantalang ang Kuya Garret nila ay thirty-seven na. Happy-go-lucky pa rin kahit na wala na sa kalendaryo ang edad.
"Tigil-tigilan mo na ang pagsama diyan kay Kuya Garret, ha? Mamaya matulad ka sa kanya na hanggang ngayon wala pa ring asawa," may himig pananakot na sabi niya sa kapatid.
Pinunasan niya ang gilid ng labi gamit ang table napkin saka siya tumayo para ayusin ang suot niya.
"Aalis ka na agad? Kaunti pa lang ang nakakain mo a," sabi ng mommy niya at tumayo rin ito.
"Kailangan ko ng umalis, 'My, para hindi ako ma-late sa meeting." Hinalikan niya sa pisngi ang ina at ginulo naman ang buhok ni Jiro. Naiinis nitong iniiwas ang ulo at sinamaan siya ng tingin na ikinatawa niya. Kahit kailan talaga ay ayaw nitong ipahahawak ang buhok nito kahit kanino.
Paalis na siya nang marinig na nagsalita ang kapatid. "Ikaw din wala na sa kalendaryo kaya mag-asawa ka na!" sigaw nito na ikinatigil niya.
Nakapameywang niya itong hinarap at pinaningkitan ng mata. "FYI! Thirty years old pa lang ako no! So basically, nasa kalendaryo pa rin ako dahil thirty-one days ang nasa kalendaryo. Tse!" aniya at nagmartsa na paalis.
Hindi na niya narinig pa ang sinabi ng kapatid dahil nakalulan na siya ng sasakyan niya at nagmaniobra na siya palabas ng garahe.
Kasalukuyan na niyang binabagtas ang daan patungo sa highway nang makatanggap siya ng tawag. Ipinatong niya sa dashboard ang cell phone saka 'yon sinagot at inilagay sa loud speaker.
"Three months from now is your thirty first birthday. So basically it's your last year in the calendar," mapang-asar na sabi ni Jiro at sinabayan pa 'yon nito ng halakhak. Pati ang tono ng pananalita niya ay ginaya nito.
"I hate you!" Sigaw niya. Pero ang totoo ay natatawa siya. Na-miss niya ang pang-aasar sa kanya ng kapatid.
"I love you too," reply nito mula sa kabilang linya at pagkatapos no'n ay pinatay na nito ang tawag.
Napangiti siya sa sinabi nito. Loko lang talaga 'yon pero may itinatago din naman lambing sa katawan.
Makalipas ang two hour drive ay narating na rin ni Brenna ang kompanya. Unang araw niya bilang CEO at hindi niya maiwasang makaramdam ng kaba. Pumapasok siya doon dati bilang marketing head at halos lahat ay kilala na niya. Pero iba na ngayon. Limang taon na ang nakalipas at hindi din niya sigurado kung ang mga taong nakakasalamuha niya dati ay naroon pa.
'You can do this, Bren. Trust your guts!' Bulong niya sa sarili at pumasok na sa elevator. Pinindot niya ang 23rd floor kung saan naroon ang opisina ng ama na ngayon ay ookupahin niya.
Lihim siyang nagpasalamat dahil mag-isa lang siya sa loob no'n at hindi niya kailangang makipag-plastikan. Mare-reserve niya ang energy para mamaya.
Plantsado na ang ilalatag niyang plano mamaya at pinapanalangin na lang niya na walang sumalungat sa kanya. Her plan is to find new investors and create more projects para mabawi nila ang mga perang nawala sa kanila dahil sa kapatid ng daddy niya.
Muntik na niyang makalimutan na present din sa meeting mamaya ang Tito Primo niya dahil ito ang numero unong may kasalanan kung bakit nasa bingit ng pagkalugi ang negosyo nila. Hindi pala siya dapat kabahan dahil unang-una ay siya ang magdadala ng solusyon sa problema. Dahil sa naisip ay nakahinga siya ng maluwag at wari ay naibalik ang composure niya.
Paglabas niya ng elevator ay sinalubong na agad siya ng sekretarya ng daddy niya na si Sheryll. Nakalarawan sa mukha nito ang takot at pag-aalala.
"Good morning, Ma'am. Nasa conference room na po ang lahat," sabi nito at iniabot sa kanya ang isang folder.
Iniabot niya dito ang mga gamit niya at taas-noong tumuloy sa conference room. Kanya-kanyang bulungan ang mga tao do'n nang dumating siya. Pero agad din tumahimik nang makita siya.
Tanging tunog ng heels niya ang maririnig sa buong silid at ramdam niya ang titig ng mga taong naroon. Hindi siya nagpakita ng kaba at pinanatili niya ang straight face hanggang sa makarating siya sa gitna kung nasaan ang silya ng Presidente.