"NASAAN ang Lola, Yaya Idang?" Tanong ni Yvette sa katulong na kasalukuyang nagpupunas ng mga muwebles sa loob ng malawak na tanggapan. May edad na si Yaya Idang. May isa itong anak sa asawa nito na isang magsasaka sa farm ng Lola niya.
"Yvette…!" Tili nito at sinugod siya ng yakap. Masaya naman niya itong sinalubong. Sa pagkakatanda niya ay labing isang taong gulang siya ng huling magpunta doon. 'Yon ang huling taon niya sa elementarya at lumipat na sila sa Manila pagkatapos dahil nagdesisyon ang mga magulang na doon na siya pag-aralin ng highschool.
"Siguradong matutuwa ang Lola Adelina, mo kapag nalaman na nandito ka! O, siya puntahan niyo na siya sa taas at ikukuha ko kayo ng meryenda." Paalam nito at iniwan na sila. Tinalunton niya ang ikalawang palapag para puntahan ang abuela.
"Hindi halatang Ancestral house ito ha? Ang ganda pa rin at mukhang alagang-alaga." Komento ni Babeth habang inililibot ang tingin.
Tama naman ito. Well loved ang bahay na 'yon dahil doon tumira ang Lolo at Lola niya. Doon din lumaki ang daddy niya at mga kapatid nito. Taon-taon ay pinapapinturahan 'yon at kahit konting sira ay agad na pinapaayos ng Lola Ade niya. Sa pagkakarinig niya mula sa daddy niya ay katatapos lang magpa-install ng bagong chandelier sa living area.
Dumiretso sila sa Master's Bedroom at nakita nilang bahagya iyong nakaawang. Hindi na sila kumatok pa at pumasok na lang. Natanawan nila si Lola Ade na nakatanaw sa labas ng bintana habang nakaupo sa wheelchair. Agad silang napansin ng nurse at tinanguan sila. Nasa walumpu na ang edad ng Abuela at hindi na ito nakakalakad dala na rin ng edad kaya kailangan na nito ng wheelchair.
Pinakiusapan na rin ito ng mga anak na mag-hire ng private nurse na mag-aalaga dito dahil wala na itong kasama. May sari-sarili ng pamilya ang mga anak at kapwa mga pinili na tumira sa malayo.
Noong bata siya gustong-gusto niyang naroon. Ayaw niyang iwanan ang Abuela. Pero ng lumaki at nagkaisip ay mas ginusto niya ang buhay sa Manila. Gustuhin man niyang dalawin ito ay nahihirapan siyang maghanap ng oras.
Ngumiti siya at niyakap ang Abuela mula sa likod. "Surprise, Lola! Na-miss mo ba ang maganda mong apo?" Tanong niya at nagpunta sa harapan nito saka lumuhod para magpantay sila.
Halata na ang kulubot sa mukha nito. Pero magkagayon man ay napakaganda pa rin nito sa paningin niya.
"Gwen, apo?!" Bulalas nito at hinigit siya para yakapin. Malugod naman niya 'yong ginantihan.
Ilang segundo sila sa gano'ng posisyon at hindi niya maitatangging na-miss niya ang lambing ni Lola Ade. Mayamaya ay narinig niya ang hikbi nito. Nag-aalala siyang humiwalay at tiningnan ito.
"May problema po ba, 'La? May masakit po ba sa inyo?" Tanong niya.
"Wala apo. Natutuwa lang ako na may dumalaw sa'kin. Alam mo hindi ko na nga matandaan kung kailan huling dumalaw ang mga Tito at Tita mo. Ang mga pinsan mo naman ay walang amor sa'kin hindi gaya mo na kahit anong pagka-abala ay nakakahanap pa rin ng oras para dalawin ako." Nakangiti ito pero hindi man lang umabot sa mata. Nakikita niya ang lungkot at pangungulila doon.
Nagpaalam siya sa nurse na siya muna ang mag-aalaga sa Abuela ar pumayag naman ito. Si Babeth naman ay naiwan dahil tinawag ito ni Yaya Idang para magmeryenda.
Inilabas niya ang Lola Ade niya sa malawak na garden at naglakad-lakad habang tulak niya ang wheelchair nito. Kita niya ang ngiti nito habang dinadama ang init ng araw na tumatama sa mukha nito.
Nalungkot siya ng marinig ang mga sinabi nito kanina. Hindi niya alam na gano'n pala ang nararamdaman nito. Bukod pa do'n ay ang kaalaman na ni hindi man lang ito dinadalaw ng mga anak at iba nitong apo.
Sa pagkakaalam niya nasa kabilang Probinsya lang si Tita Marionna, ang bunsong anak nito. Napakalapit para hindi magawang dalawin ang ina.
"Ang sarap ng hangin dito sa labas. Ito kasing si Precy, ni hindi man lang ako inilalabas." Tukoy nito sa nurse.
"Hayaan niyo, 'La, papakiusapan ko siya na ilabas kayo tuwing umaga para maarawan kayo," wika niya. Tumigil sila sa lilong ng punong mangga at naupo siya sa duyan na kahoy.
Presko sa lugar na 'yon. Sariwa ang hangin at hindi amoy polusyon. Natahimik ang Lola Ade niya. Siguro ay dinadama nito ang kapayapaan na hatid ng lugar na 'yon. Idagdag pa ang mabining hangin na dinadala ang buhok nila.
Gusto pa sana niyang magtagal doon pero narinig na nila ang sigaw ng nurse dahil oras na ng pag-inom ng gamot ng Abuela.
Tumayo siya at pinihit pabalik ang wheelchair. Pero hindi niya 'yon maitulak. Parang may nag-stuck sa gulong no'n.
Yumuko siya para silipin 'yon at parang wala naman problema. Sinubukan ulit niyang itulak pero gano'n pa rin.
"Anong problema, apo?" Anang abuela.
"Nag-stuck ang wheelchair, 'La. Wait lang titingnan ko ulit kung anong problema." Yumuko ulit siya at sinubukan ayusin ang gulong. Pero ayaw pa rin gumalaw.
Napatigil siya sa ginagawa ng may pares ng rainboots na tumigil sa harapan niya. Nang iangat niya ang tingin ay nakita niya ang isang estranghero na diretsong nakatitig sa kanya. His brown eyes are looking deep in her eyes. Sa paraan ng pagtitig nito para bang matagal na siya nitong kilala gayong unag beses pa lang niya itong nakita.
"Enrique, iho, maaari bang tulungan mo si Gwen, dahil nagkaroon ng problema dito sa wheelchair ko." Untag sa kanila ni Lola Adelina. Nahihiya naman siyang nagbawi ng tingin at tumayo.
"May kalumaan na kasi ang wheelchair na ito. Alam niyo kasi gamit pa ito noon ng Lolo ni Gwen." Kwento nito.
"Mukhang sira na po ito, Ma'am. Bubuhatin ko na lang kayo pauwi dahil narinig ko oras na daw ng pag-inom niyo ng gamot at magpapahinga na kayo," His voice sounds like it came from under the ground. But why does it sound so sexy to her?
Binuhat nga nito ang Abuela at kitang-kita niya kung pa'nong maggalawan ang muscles nito sa likod na halata sa suot na white shirt.
"Miss, hindi ka ba sasama?" Untag nito sa kanya at nauna na itong naglakad.
Oo nga pala! Kung ano-ano kasing naiisip niya na hindi naman dapat. Sumunod na siya pero nanatili lang siya sa likuran nito. She can't help but to stare in his back.
Nang makapasok sa loob ng kabahayan ay bigla na lang sumulpot mula sa kung saan si Babeth at ipinulupot ang kamay sa braso niya.
"Sino siya? Ang gwapo…" Pabulong na usisa nito.
Hindi siya sumagot at nagkibit balikat lang. Sumunod sila hanggang sa silid. Pinanood lang nila ng ilapag ng lalaki ang Abuela sa kama.
"Gwen, apo, halika." Tawag nito. Agad naman siyang lumapit at naupo sa tabi nito sa gilid ng kama.
"May kailangan po ba kayo?" Tanong niya.
Nakangiti nitong kinuha ang kamay niya at itinaas. Pagkaraan ay tinawag naman nito ang lalaking nagngangalang Enrique at hinawakan din ang kamay nito. Nagtataka naman siyang napatingin doon.
"Gusto kong ipakilala ka sa taong pinagkakatiwalaan ko sa farm, apo. Siya si Enrique De Guia. Enrique siya naman ang paborito kong apo si Ivy Gwenneth. Isa siyang sikat na artista." Pakilala nito. Hindi siya nakahuma ng ipatong nito ang palad ng lalaki sa kamay niya. Mainit 'yon at magaspang halatang sanay sa trabaho.
Nakaramdam siya ng kakaiba ng mapadikit ang balat nito sa kanya. Naisip niyang bawiin ang kamay pero baka magtaka ito kaya hinayaan niya na lang.
Tipid niya itong nginitian pero hindi man lang nagbago ang ekspresyon nito. Blangko lang 'yon at diretsong nakatitig sa mga mata niya. May pagka-suplado pala ito...
Binawi niya ang kamay at binalingan ang Abuela. "Lola, kailangan ko na palang umalis. Hinahanap na kasi ako ng Manager ko. Babalik na kami sa Manila." Paalam niya.
Nakita niya na nalungkot ito pero pilit na itinago at nakangiting tumango.
"Don't worry, 'La. Babalik ako as soon as possible at sa pagbalik ko may dala na 'kong bagong wheelchair para sa inyo. Promise 'yan." Itinaas pa niya ang kanang kamay.
"Hihintayin kita apo." Hinalikan niya ito sa noo at tumayo na para bigyang daan ang nurse. Pinainom nito ng gamot si Lola Ade. Pagkatapos ay inayos ito sa pagkakahiga.
"Galit na si Momshy, Ivy. Tara na…" Bulong ni Babeth at hinawakan na siya sa braso.
Sinulyapan niya ang Abuela at ng makitang nakapikit na ito ay saka siya lumabas. Ibinilin niya muna ito sa nurse at kay Yaya Idang saka siya tuluyang umalis.