NAGING abala si Yvette sa mga sumunod na araw na nakalimutan na niya ang tungkol sa kanila ng nobyo. Ni sagutin ang messages at calls nito ay hindi niya nagagawa dahil minsan ay nakakalimutan na niya o 'di kaya'y nakakatulugan.
Sunod-sunod kasi ang mga guestings at photoshoot niya kasama si Gideon na pinipisil bilang bago niyang ka-loveteam. Mayroon na ngang nilulutong bagong proyekto para sa kanila kaya sinisiguro ni Momshy Vodka na sunod-sunod ang paglabas nila sa magazine, balita, at telebisyon ng magkasama para makakuha agad sila ng fanbase.
Ngayon ay nasa studio sila ng isang kilalang clothing brand at nakahanda na para sa shoot ng lingerie at mens underwear. Maraming shots ang kinuha at kada-pose ay nakakatanggap sila ng papuri lalo na si Gideon dahil hindi daw ito mukhang baguhan.
Nang matapos ang shoot ay nagbihis na siya at nagpasalamat sa mga staff. Pagkatapos ay panandaliang siyang nagpahinga habang hawak ang telepono. Kalahating araw na ang nakalipas at hindi pa rin tumatawag si Alfred. Napagod na siguro itong suyuin siya kaya tumigil na ito.
"Yvette, o, uminom ka muna," sabi ni Babeth at iniabot ang bottled water sa kanya.
Nang abutin niya 'yon at akmang iinumin na ay saka naman tumunog ang telepono niya. Pangalan ng nobyo ang nakarehistro doon. Napatingin siya kay Babeth at ng makitang abala ito ay nagmamadali siyang naglakad palayo roon saka sinagot ang tawag.
Hindi siya agad nagsalita ng itapat sa tainga ang aparato at naghintay lang sa sasabihin ng nasa kabilang linya.
"Babe?" Parang namamaos ang tinig na tawag nito.
"A-Alfred, is that you? What's wrong? Bakit ganyan ang boses mo?" May pag-aalala sa tinig na tanong niya.
"I have flu. It's maybe because of working too much plus I'm thinking about you. I can't focus on my work thinking that you are mad at me. Now, I'm glad that you answered. Babe, forgive me, please?" Puno ng pagsusumamo ang tinig nito.
Hindi siya agad nakapagsalita. Gusto na niya itong patawarin pero may isang bahagi sa kanya ang umaayaw. Hindi niya pa rin nakakalimutan kung paano siyang nagmukhang tanga ng iwan siya nito. Naiintindihan niya na abala ito dahil sa tungkulin na ginagampanan. Pero napagtanto niyang maling-mali ang ginawa nitong pagpapaalis sa kanya. Yes, he's busy pero hindi excuse 'yon. He can let him stay in his house while he's working. But he didn't let her.
Kahit anong isip ang gawin niya hindi siya makahanap ng tamang rason sa ginawa nito. Kapag naaalala niya ang ginawa nito ay para bang naiisip niyang nagbago ito. Hindi ito ang Alfred na gentleman, at sweet na nakilala niya.
"Babe?" Nabalik siya sa kasalukuyan ng marinig ang boses ng lalaki. Muntik na niyang makalimutan na kausap pa niya ito.
"Yvette, aalis na daw tayo." Narinig niyang sabi ni Gideon mula sa likuran niya. Nilingon niya ito at tinanguan.
"M-Magpunta ka na lang kung kailan ka free at sasabihin ko sa'yo kung anong sagot ko. Bye." Pinatay na agad niya ang tawag ng mapansin na hindi pa rin umaalis si Gideon.
"Let's go," turan niya at nauna ng naglakad.
"Sino 'yong kausap mo? Pwede ko bang malaman?" Tanong nito na ikinalingon niya. Pasakay na sila sa SUV ng magtanong ito.
"Kaibigan ko 'yon. Inaya kong mag-unwind. Bakit?" Tipid na tugon niya. May pagka-usisero din pala ito.
"W-Wala. Tara na." Nauna pa itong sumakay kaysa sa kanya. Bukod sa usisero ito ay ungentleman din. Ipinagkibit balikat na lang niya 'yon at sumakay na din.
KINABUKASAN ay balik ulit sila sa Laguna para sa taping ni Gideon. Kinausap na siya ni Momshy Vodka na pwedeng hindi na siya sumama at magpahinga na lang. Pero sumama pa rin siya para dalawin ang Abuela gaya ng pangako niya.
Kasama niya ulit si Babeth at bago sila tumuloy sa Ancestral house nila ay nagpunta muna sila sa pinakamalapit na mall para bumili ng wheelchair.
Automatic wheelchair ang binili niya at sa sobrang saya ay hindi niya namalayang nahubad ang scarf na suot niya. Huli na ng ma-realize niya dahil may tagahanga na nanakakilala sa kanya.
"Miss Yvette? Miss Yvette, ikaw nga! OMG! Pwede pa-picture?" Tuwang-tuwa na tili ng isang babae at hindi sinasadyang nakatawag pa 'yon ng atensyon. Nataranta sila ni Babeth at hindi maintindihan kung anong gagawin. Naroong sinubukan niyang takpan ulit ang mukha gamit ang scarf. O 'di kaya ay nagkunwari na hindi siya si Yvette. Pero wala na silang nagawa ng dumagsa na ang tao at pinagkaguluhan siya.
Sa dami ng tao muntik ng magka-stampede buti na lang at itinago siya ni Babeth sa likuran nito. Pero nagtaka siya dahil parang naging mas mataas yata sa kanya ang Personal Assistant gayong mas mataas siya dito. At bakit parang ang gaspang ng kamay na nakakapit sa palapulsuhan niya?
Sinubukan niya itong sulyapan pero bigla nitong iniyuko ang ulo niya at sinimulan siyang higitan sa kung saan. Rinig niya pa rin ang nagkakagulong mga tao pero hindi na niya 'yon nabigyang pansin. Ang napansin na lang niya ay humihina na ang boses at pagkaraan ay binitawan siya ng kung sinong humigit sa kanya.
Noon niya lang napansin ang maong na jacket na nakatakip sa ulo niya. Hinubad niya 'yon at tiningnan ang paligid niya. Nasa parking lot na siya ng mall at katabi niya… si Enrique De Guia. Ito pala ang nagligtas sa kanya sa muntik ng pagdumog ng mga fans. Matikas itong nakatayo habang inililibot ang tingin sa paligid na parang bodyguard na nagbabantay.
Bago pa siya matulala na naman sa lalaki ay nag-iwas na siya ng tingin para hanapin si Babeth. Pero hindi niya ito nakita sa paligid.
"Nasaan na si Babeth? Baka kung anong mangyari sa kanya? Kailangan ko siyang hanapin sa loob." Tumalikod na siya at akmang babalik sa loob ng mall ng higitin siya pabalik ng lalaki.
"Walang mangyayari sa kanya. Ikaw ang dapat na mag-ingat. Dumito ka na lang at maghintay. Kinukuha na niya ang binili mo." Maawtoridad na sabi nito.
Halos magsalubong ang makakapal nitong kilay kaya imbes na sumuway ay sumunod na lang siya. Para kasing masama itong magalit.
"H-Hindi na 'ko aalis. P-Pakibitawan na lang ng kamay ko." Alanganing turan niya habang nakatingin sa kamay nito.
Para namang napapaso nitong binitawan ang kamay niya at nag-iwas ito ng tingin.
"Mabuti pang sa loob ka na ng sasakyan maghintay dahil baka may makakilala na naman sa'yo at dumugin ka," sabi nito ng hindi tumitingin sa kanya.
"Dito na lang ako. Hihintayin ko si Babeth." Tanggi niya. Napaisip siya kung bakit ito naroon at anong ginagawa nito? Hindi naman siguro ito pinasunod ng Lola Ade niya dahil hindi naman nito alam na nasa Laguna siya. Plano kasi niya itong i-surprise.
Kung gano'n ay nagkataon lang ba ang lahat? Kunsabagay maliit lang naman ang bayan ng Sta. Cruz, kaya hindi malayong nagkataon lang talaga ang pagkikita nila.
"Matigas din pala ang ulo mo. Takpan mo na lang ang mukha mo kung hindi ka mapapakiusapan." Seryosong wika nito at muling itinakip sa ulo niya ang jacket. Wala na siyang nagawa kundi hawakan 'yon.
Naamoy niya ang panlalaking pabango doon kaya nahinuha niyang pag-aari nito ang jacket.
"Hindi matigas ang ulo ko." Hindi niya alam kung para saan at sinalungat niya pa ito. Hindi naman siya na-offend sa sinabi nito.
Hindi napigilan ng dalaga na dalhin sa ilong ang tela ng damit at amoy-amoyin 'yon. Gusto niya ang amoy no'n na nahaluan na ng pawis. Hindi masyadong mabango at hindi rin naman mabaho. Basta nagustuhan niya ang amoy.
Natigil siya sa ginagawa ng marinig itong tumikhim. Nagkunwari siyang inaayos 'yon at pagkaraan ay nag-iwas ng tingin.
Hindi napansin ni Yvette ng may sumilay na ngiti sa labi ng binata.
Natanawan niya ang P. A, na paparating kaya kinawayan niya ito. Kasunod nito ang isang lalaki na may tulak-tulak na cart laman ang wheelchair na binili niya.
Nang mailagay sa likod ng truck ang gamit ay umalis na rin sila.