"NAGAWA mo na ba ang ipinapagawa ko sa'yo?" Tanong ng babaeng katabi ni Gideon sa loob ng sasakyan.
"Tapos na, Madam. Nailagay ko na ang wiretap sa phone niya at nilagyan ko na rin ng tracker ang gamit niya. Ano man ang sabihin niya o saan man siya magpunta ay malalaman niyo na," wika niya.
"Siguraduhin mo lang dahil gusto kong malaman ang bawat galaw niya at kung sino ang mga kinakausap niya." Para patunayan ang ginawa niya ay may kung anong kinalikot ang lalaki sa laptop at mayamaya lang ay naririnig na nila ang boses ni Yvette. Nakikipagkuwentuhan ito sa Lola nito base sa boses ng matanda na naririnig nila sa background.
Matapos 'yon ay may kung ano ulit siyang ginalaw at nakita naman nila ang exact location nito ng mga oras na 'yon. Nang balingan niya ang babaeng kasama ay ngumisi ito at mukhang satisfied naman sa ipinakita niya.
"Ipagpatuloy mo lang ang pagdikit mo sa kanya. Gusto kong makita kung paanong masisira ang mundo niya." Utos nito.
Tumango lang siya at iniwan na ito. Hindi niya alam kung bakit gusto ng babae na masira ang buhay ni Yvette at wala na siyang balak na alamin 'yon. Basta ang alam niya kailangan niya ng pera para ipangtustos sa gamutan ng nanay niyang may breast cancer. Utang niya ang lahat sa babae dahil ito ang tumulong sa kanya na maipagamot ang ina.
Pasensya na lang kay Yvette dahil ang pagkasira ng buhay nito ang kapalit ng kaginhawaan niya.
"HALIKA at magmeryenda muna kayo!" Tawag ni Yaya Idang sa kanila mula sa veranda.
Kanina lang sila dumating galing sa mall at excited niyang pinasubukan sa Abuela ang wheelchair na binili niya. Nasa dulo sila ng garden at pinapanood niya itong tuwang-tuwa sa pagmamaniobra no'n.
"Gusto ko ang wheelchair ng Lolo Pedring mo. Pero mas gusto ko na itong binili mo para sa'kin." Masiglang sabi nito ng bumalik sa pwesto niya.
"I'm glad you like it, Lola." Nakangiting turan niya.
"Maraming salamat dito, apo. Ngayon hindi ko na kailangang hintayin lagi ang nurse dahil kaya ko ng kumilos mag-isa," anito.
Tipid lang siyang tumango bilang pagsang-ayon. Nalulungkot pa rin siya sa tuwing naiisip na mag-isa lang ito doon at tanging nurse ang kasama.
"Yve, meryenda ka muna. Kanina ka pa walang kinakain. Baka naman mabuwal ka na lang sa kung saan," sabi ni Babeth at inabutan siya ng juice. May dala din itong kakanin pero hindi nito mailapag dahil walang lamesa doon. Ipinasa niya dito ang baso at kinuha naman ang platito na may kakanin saka tahimik na kumain habang nakatingin sa Abuela na patuloy sa paglilibot sa buong garden.
"Hindi ka ba naiilang?" Mula sa kawalan ay tanong ng P.A niya.
"Ha? Bakit naman ako maiilang?" Kunot ang noong tiningnan niya ito.
"E, kasi kanina pa siya nakatitig sa'yo." Parang sinisilihan ang puwet na wika nito.
"Sino?" Sinundan niya ang direksyon na tinitingnan nito at nakita niya si Enrique na nakatingin sa kanila. Pero ng mapansin na nakatingin siya ay bigla itong umiwas.
"Baka naman napatingin lang." Balewalang turan niya at ibinalik ang tingin sa kinakain. Pero bigla siyang nakaramdam ng pagkailang. Na-conscious siya sa itsura at kilos niya.
"Okay! Sabi mo e. Hindi naman sa sinasabi kong kanina pa rin ako nakatingin sa kanya. Pero parang gano'n na nga at kitang-kita ko kung pa'no ka niya titigan. Ang lagkit Mámá!" Palatak nito.
Natawa siya sa way ng pagsasalita nito at npailing. Pero sa isip-isip ay nadagdagan ang pagkailang niya. Pasimple niyang inayos ang takas na buhok at iniipit sa likod ng tainga niya.
Nang sulyapan niya ulit ang binata ay nahuli na naman niya itong nakatingin. Pero hindi gaya kanina na nag-iwas ito. Ngayon ay lantaran nitong sinalubong ang titig niya. Ayaw niyang magpatalo pero masyadong malalim tumitig ang mga mata nito na para bang kinikilatis siya. Kaya sa huli ay siya rin ang naunang nagbawi.
"Babeth, may dumi ba 'ko sa mukha?" Tanong niya dito pagkaraan.
"Wala. Baka nagagandahan lang siya sa'yo kaya siya nakatitig. Siguro naisip niya na mas maganda ka pala sa personal kaysa sa tv."
Gano'n nga siguro… Ano pa bang magiging dahilan ng pagtitig nito sa kanya? Artista siya at maaaring humahanga lang ito sa kanya. Siguro nga.
Lumapit si Yvette sa Abuela para kunin na ito dahil oras na ng pag-inom ng gamot at magpapahinga na ito.
"Aalis ka na ba pagkatapos ko uminom ng gamot, apo?" Ginagap nito ang kamay niya at malamlam ang mga matang tumingin sa kanya.
Wala sa sariling napatingin siya kay Babeth. Ito kasi ang may alam ng schedule niya.
"Wala ka naman schedule ngayong araw hanggang bukas ng umaga," wika nito.
"Kung gano'n ay pwedeng dito ako matulog ngayong gabi, 'La. Babantayan kita at tabi tayong matulog." Nakangiting turan niya.
Inihatid na nila ito sa silid at hindi nito binibitawan ang kamay niya. "Parang noong bata ka pa. Palaging gusto mong sa tabi ko natutulog." Kuwento nito.
Tandang-tanda nga niya 'yon. Hindi siya nakakatulog ng hindi ito katabi. Mahilig kasi maglaro ng mahjong ang Lola Ade niya dati at inaabot ito ng hatinggabi sa paglalaro. Kaya ang ending nakaupo siya sa tabi nito at sa mismong mesa siya nakakatulog.
Matapos itong painumin ng gamot ay tinabihan niya ito sa kama. Nagkuwentuhan sila ng tungkol sa kabataan niya. Pati 'yong love story nito at ng Lolo Pedring niya ay ikinuwento nito. Panaka-naka ay nagtatanong siya pero madalas na hinahayaan niya lang itong magsalita. Hanggang mayamaya ay tumahimik na ito.
Inayos niya ang pwesto nito at pagkaraan ay hinimas ang buhok. Nang masigurong tulog na ito ay saka siya dahan-dahang bumaba ng kama.
Muntik pa siyang mapatalon sa gulat ng mapansin si Enrique na nakasandal sa may balcony habang nakasalikop ang mga braso sa dibdib. Buong akala niya ay sila na lang ng Abuela ang naroon pero hindi pala. Ni hindi niya ito nakitang sumunod sa kanila.
"M-May kailangan ka ba?" Naiilang na tanong niya.
Umiling lang ito at umalis sa kinatatayuan saka siya tinalikuran. Nagtataka naman niya itong sinundan ng tingin.
"Anong nangyari do'n?" Maang na tanong niya sa sarili. Kanina ay bigla na lang itong sumulpot sa mall at tinulungan siya. Ngayon naman ay para itong guwardiya sibil na nakabantay sa kanila ng Abuela. Ano ba talaga ang meron sa lalaking 'yon at parang nabuhay ag curiousity niya?