BAGO pa makapaglabas ng statement sila Yvette tungkol sa lumabas na viral video ng pagsampal sa kanya ay naunahan na siya ng panig ni Marian. Nasa bahay sila ni Momshy Vodka at kasalukuyang pinapanood ang interview ng babae.
Umiiyak ito habang ibinabato sa kanya ang lahat ng sisi. Hindi lang daw nakuhaan ng video ang parte kung saan siya ang unang nanampal dito.
"I-I just congratulated her but she didn't accept it. She told me to go away but I didn't listen and ask her to be polite then she slap me. Ipinagtanggol ko lang po ang sarili ko…" anito sa harap ng mga interviewer.
Hindi pa man natatapos ang balita ay pinatay na 'yon ni Momshy Vodka at naihilamos nito ang mga palad sa mukha.
"Napakasinungaling talaga ng bruhang impakta na 'yan! Hindi nakuhaan? Syempre kasi wala naman talagang nangyaring gano'n." Nanggagalaiti na sabi ni Babeth.
"'Yan na nga ba ang sinasabi ko! Ikaw Babeth, ang inaasahan kong magsasabi sa'kin ng mga nangyayari kay Ivy, dahil para mo na ring alaga 'yan. Pero ano?! Kinunsinti mo pa! O, paano na ngayon? Ikaw na nga ang naagrabyado ikaw pa ang lumalabas na nang-agrabyado." Nagpalakad-lakad ito sa harapan nila habang nakasapo ang isang kamay sa sentido habang sila ni Babeth ay nagkatinginan na lang.
"Ano na'ng gagawin natin ngayon?" Tanong ng P.A.
"I-I'm sorry, Momshy… Hindi ko alam na aabot sa ganito." Hinging-paumanhin niya.
"Ayaw kitang sisihin, Ivy. Pero sana ngayon ay matuto ka na. Ito ang resulta ng pagiging secretive mo." Sermon nito.
Napayuko siya at hindi na nagsalita. Ano pa bang sasabihin niya? Tama naman ito. Kasalanan talaga niya kung bakit ngayon ay siya ang nababaligtad.
"Akala ko pa naman ay matino itong Manager ni Marian. Iyon pala ay isa pa ring dalahira gaya ng alaga niya. No wonder na sila lang ang nagtagal sa isa't isa." Pagkaraan ay sambit nito.
"Sabi ko naman sa'yo, Momshy, atribida at traydor 'yang France na 'yan," saad naman ni Babeth na ang tinutukoy ay ang Matandang dalaga na Manager ni Marian.
"Kung gusto niya ng ganitong laban p'wes pagbibigyan ko siya. Sayang, ayoko pa naman sana ng may kaaway sa showbiz. Pero kung isang gaya lang niya ang pakikisamahan ko 'wag na lang!" Taas ang kilay na wika nito
"Momsh, 'wag na nating palakihin 'to. Let's just leave it hanggang sa mamatay na lang ang issue."
"Hindi pwede 'yon, Ivy. Binaligtad ka niya at pinagmukhang masama kaya dapat lang na tapatan mo sila!" Komento ni Babeth na kuntodo ismid pa rin.
"O, sige! Kung maglalabas tayo ng counterstatement anong mangyayari pagkatapos no'n? Hindi ba mas lalaki at lalala lang ang issue? Saan aabot 'yon? Lalo lang akong aawayin ni Marian." Hindi na niya napigilang magtaas ng boses. Pero mayamaya ay humugot siya ng malalim na hininga at napagtanto kung ano ang naging akto niya.
Nagiging irrational na ang mga ito dahil sa kagagawan niya at hindi niya gusto 'yon. Kung magiging warfreak ang mga ito ng dahil lang sa kanya ay mas gugustuhin niyang akuin na lang ang ibinabato ni Marian.
"I'm really sorry, Momshy. Pero mas mabuti siguro kung kakausapin na lang natin ng private sila Marian ng sa gano'n hindi na lumala pa ang issue. Kung kailangang ako ang humingi ng apology gagawin ko 'wag na---"
"No! No, Ivy. Hinding-hindi mo gagawin 'yan. Ikaw ang naagrabyado kaya hindi mo pwedeng ibaba ang sarili mo sa level niya. Iisip na lang tayo ng ibang paraan." Pigil ng Manager sa iba pa niyang sasabihin.
Tumango na lang siya at muling humugot ng malalim na hininga.
Matapos ang meeting nila; kung matatawag nga bang meeting 'yon, ay lulan na si Yvette ng SUV at ihahatid na siya ni Kuya Lando pauwi. Naiwan si Babeth at si Momshy Vodka. Alam niyang may pag-uusapan ang mga ito na ayaw ipaalam sa kanya kaya hindi na siya nag-stay doon.
Palabas na sila ng gate ng makita niya ang sasakyan ni Gideon na nasa labas. Nakababa ang side mirror sa driver side kaya nakita niyang nasa loob ito ng sasakyan. May kinakausap ito sa telepono at mukhang iritado ang mukha nito base sa talas ng titig nito sa manibela.
Nakalampas na sila sa sasakyan nito ng maisipan niyang patigilin si Kuya Lando. Nakangiti pa siya ng bumaba at plano niyang gulatin ito. Pero napatigil siya sa likurang bahagi ng sasakyan ng bigla itong bumaba.
"Gagawin ko ang iniuutos mo pero pigilan mo si Kuya Alfred sa pangingialam sa trabaho ko! Gano'n na ba siya ka-obsess sa babae niya at bawat kilos namin ay pinapasundan niya?" Halos bulyawan na nito ang kausap at rinig na rinig niya ang mga sinasabi nito.
Napaisip siya ng marinig ang sinabi nitong pangalan. Wala naman siyang naaalala na may nabanggit itong nakatatandang kapatid na Alfred ang pangalan. Though hindi naman niya ito inuusisa patungkol sa personal nitong buhay.
"Ano?! Anong 'wag pansinin? Pinagbantaan niya kami ng Inay ko! Hindi ko pwedeng palampasin na lang 'yon---" Napaatras siya ng lumingon sa gawi niya si Gideon. Napatigil ito sa pagsasalita at naibaba ang telepono.
Hindi niya alam kung anong sasabihin dito kaya nanatili lang siyang nakatitig. Nakakatakot ang itsura nito pero ng makita siya ay bigla 'yong nagbago.
"P-Pasensya na hindi ko sinasadyang makinig. G-Gugulatin sana kita pero nag-alangan na 'ko kasi n-narinig kong may kausap ka at mukhang importante. S-Sige, ituloy mo na 'yan. Pasensya na ulit." Alanganin siyang ngumiti at hindi na hinintay ang sagot nito. Nagmamadali siyang bumalik sa sasakyan. Papasok na siya ng maabutan siya nito at pigilan siya sa braso.
"P-Patapos na rin kami ng kausap ko. Pwede bang hintayin mo na 'ko?" Tanong nito. Bumalik na ang dati nitong awra. Wala na ang madilim nitong anyo na kanina lang ay kinatatakutan niya.
Wala sa sariling napatango siya. Sinundan na lang niya ito ng tingin ng magpaalam ito saglit at binalikan ang kausap nito sa telepono. Hindi na niya marinig ang sinasabi nito dahil mukhang hininaan na nito ang boses. Panaka-naka ay tumitingin ito sa gawi niya at ngumi-ngiti. Pagkatapos ay muling tatalikod.
Mayamaya ay bumalik na rin ito at nagpaalam kay Kuya Lando na ito na ang maghahatid sa kanya. May agam-agam man tungkol sa narinig niya ay sumama pa rin siya.