MUNTIK ng mapatalon sa gulat si Yvette ng pagbuksan ng ilaw sa living room ng condo ay bumulaga sa kanya si Alfred na nakaupo sa single couch habang seryosong nakatingin sa kanya.
Kahahatid lang sa kanya ni Gideon. Inabot na sila ng dilim dahil napasarap ang kwentuhan nila.
"P-Pupunta ka pala. Bakit hindi ka nagpasabi?" Inilapag niya ang bag sa couch at hinubad ang heels na suot.
"Saan ka galing?" Tanong nito.
"Sa taping. Bakit?" Itinali niya ang buhok at naghubad ng damit sa harapan nito saka nagsuot ng kamiseta.
"Sinong kasama mo?" Tanong pa nito.
She chuckled and went closer to him. She sat on his lap and wrap her hands around his neck.
"Bakit ang dami mong tanong? Nagpunta ka lang ba dito para awayin ako?" Aniya.
"Of course not. I was just asking."
"---and jealous?" Pananalakab niya at pilya itong nginitian.
Hindi ito nagsalita at tumitig lang sa kanya. So silence means yes.
"You have no reason to be jealous…" Habang sinasabi niya 'yon ay dinadampian niya ng halik ang labi nito. Napangiti siya ng hapitin ni Alfred ang baywang niya.
Sabik nitong inangkin ang labi niya at binuhat siya papunta sa silid. Maingat siya nitong inilapag sa kama at buong paghanga siyang tinitigan.
"Are you sure about this?" Tanong nito.
Hindi niya agad naintindihan ang sinabi nito at maang siyang napatitig. Saka lang niya 'yon nakuha ng paikot-ikutin nito ang hintuturo sa tiyan niya na parang gumuguhit ng bilog.
"If that's what makes you happy. Then I am sure," saad niya at hinaplos ang pisngi nito.
Nakangiti namang kinuha ng lalaki ang kamay niya at dinala sa labi nito para hagkan.
"Thank you, Babe. Thank you." Anito.
MADALING araw kinabukasan ng magising si Yvette. Nakita niya si Alfred na naghahanda na para umalis. Pagkatapos ng magdamag na pagniniig ay maaga pa rin itong bumangon.
Pinilit niyang bumangon kahit na nararamdaman niya ang pananakit ng katawan lalo na ng balakang niya.
"Do you really have to go this early? I mean maybe you can stay 'til sunrise? I want to sleep beside you." Lambing niya at niyakap ito mula sa likod.
Nakaharap ito sa salamin at inaayos ang necktie nito. Nakita niya ng bahagya itong ngumiti at pagkaraan ay hinarap siya.
"As much as I want to stay beside you I can't, Babe. You know your boyfriend is a public servant. I should be the first one to go to the Capitol and the last one to go home." Malambing din na wika nito at hinalikan siya sa noo.
Ngumuso naman siya at hindi na nagsalita. Inihatid niya sa labas ng unit ang nobyo pero bago ito umalis ay muli siya nitong hinarap.
"Don't be sad. I will try to go back as soon as possible," anito. Tumango naman siya at tipid na ngumiti.
Nang makaalis ito ay bumalik na siya sa silid at muling nahiga. Inaantok pa siya at masakit din ang katawan niya. Kaya hindi naglipat oras ay nakatulog na ulit siya.
MATAAS na ang sikat ng araw ng muling magising si Yvette. Nasa kusina siya at naghahanda ng pagkain. Oatmeal, prutas, at isang basong gatas lang ang inihanda niya. Naupo siya sa high bar stool at sinimulan ng kumain habang nag-scroll sa telepono niya.
Nasa kalagitnaan siya ng pagkain ng bigla siyang makatanggap ng tawag mula kay Babeth. Agad naman niya 'yong sinagot at itinapat sa tainga niya.
"Yve, alam mo na ba ang balita?" Agad na bungad nito.
"Anong balita?" Kunot ang noong tanong niya.
"Jusko! Late ka lagi sa balita! Sandali nga ipapasa ko sa'yo ng makita mo ang video." Pagkasabi no'n ay nawala ito sa kabilang linya. Naghintay naman siya sa sinasabi nitong video habang napapaisip kung ano ang laman no'n. Sa pagkataranta ng boses ni Babeth ay hindi niya maiwasang kabahan sa nilalaman no'n.
Makalipas ang ilang minuto ay may nag-pop up na sa messenger niya. Binuksan niya agad 'yon at pinanood. Nanlalaki ang mata na tinutop niya ang bibig habang pinapanood 'yon.
Matapos panoorin ay siya na ang tumawag sa make up artist niya. Sa unang ring pa lang ay sinagot na nito.
"Ikaw ba ang naglabas ng video? Hindi ba sabi ko sa'yo 'wag na nating palakihin 'yon?"
"Hep! Hindi ako ang naglabas niyan. Nakita mo naman na wala akong hawak na telepono noon 'di ba? Saka sa anggulo na lang ng camera kitang-kita na nasa malayo ang kumukuha. Isa pa, hindi ba kita rin ako sa video? So ibig sabihin hindi ako ang kumuha at mas lalong hindi ako ang nagkalat." Hindi siya nakapagsalita sa tinuran nito.
Tama nga ito. Nasa tabi niya ito no'ng mga oras na inaaway siya ni Marian kaya imposible na ito ang kumuha ng video. Pero kung hindi ito ay sino? Natatandaan niyang silang tatlo lang ang naroon ng mga oras na 'yon.
"Viral na ang video at wala pang bente kuwatro oras ng mailabas siya pero almost one million na ang nakapanood. Sigurado ako tatawag na si Momshy niyan. Anong sasabihin natin? Naku, Yvette, tutuktukan ako no'n!" Kahit hindi niya ito nakikita alam niyang nakangiwi ito.
"Ako na ang bahala. 'Wag kang mag-alala." Hindi rin nagtagal ay nagpaalam na si Babeth.
Muli niyang pinanood ang video. Kitang-kita ng sampalin siya ni Marian sa video. Pero hindi kita ang buong mukha ng babaeng sumampal sa kanya. Side view lang ang kita pero sigurado siyang nakagawa na ng paraan ang media para makilala kung sino 'yon.
Hindi pa nga nagtatagal matapos makausap ang make up artist ay tumatawag naman ang Manager. Huminga muna siya ng malalim saka sinagot ang tawag. At gaya nga ng inaasahan parang armalite ang bibig nito dahil sunod-sunod na sermon ang sinabi nito. Nailayo niya ang aparato sa tainga dahil para siyang mabibingi sa lakas ng boses nito.
Makalipas ang halos dalawampung minuto ay wala na siyang naririnig sa kabilang linya kaya naman unti-unti niya 'yong ibinalik sa tainga niya.
"Kalmado ka na ba, Momsh?" Alanganing tanong niya.
"Alam mo bang muntik na 'kong atakihin sa puso dahil sa video na 'to? I know this is a good publicity. Pero ayokong magkaroon ka ng kaaway sa industriya. We will fix this, Ivy. Mag-iimbita ako ng media at maglalabas ka ng statement first thing in the morning. Hindi na natin 'to patatagalin." Litanya nito.
"Hindi ba mas lalaki lang ang issue kung maglalabas pa tayo ng statement, Momsh? Mas makabubuti siguro kung hayaan na lang natin na mamatay ang issue." Suhestiyon niya.
"No. Naba-bash na kayo ni Marian online kaya bukas na bukas kailangan may paliwanag na kayo kung ano talaga ang nangyari. I'm sure naghahanda na rin ang kampo ni Marian sa explanation nila." Wala na siyang nagawa kundi pumayag sa gusto ng handler.