"OKAY, get ready! In five, four, three, two… one. ACTION!" Cue ng direktor mula sa megaphone at narinig nila ang tunog ng clapboard.
Hudyat 'yon para sabihin ni Gideon ang linya nito. Hinawakan nito ang kamay niya at diretso siyang tinitigan sa mata. Ibinuka nito ang bibig para magsalita pero walang lumabas na boses doon.
Yvette tried to stay in character kahit pa nagsisimula ng umusbong ang pagtataka sa dahilan ng pagkapipi ng binata. Ilang segundo pa ang lumipas na wala itong sinasabi at narinig na nila ang inis na boses ng direktor.
"CUT!"
Napakamot si Gideon sa ulo at nahihiyang nag-iwas ng tingin sa kanya. Hinarap nito ang direktor at humingi ng paumanhin.
"What happened, Gideon?" Mariing tanong ni Direk Manny.
"Pasensya na po, Direk. Na-mental blocked lang po ako. Second take po at hindi na 'ko matatameme." Anito at pinagdikit pa ang mga palad.
"Sigurado ka?" Taas ang kilay na tanong nito.
"Opo!" Attentive naman na tugon ng binata. Nang tumalikod ang direktor ay nakahinga ito ng maluwag at muling humarap sa kanya.
"Kakaiba kasi ang awra mo ngayon kaya bigla ko tuloy nakalimutan ang linya ko," wika nito at kinindatan siya.
"Ang sabihin mo makakalimutin ka lang talaga." Pakli niya at inirapan ito.
"Okay! From the start! In 3, 2, 1… ACTION!" Sa muling pagtunog ng clapboard ay maayos ng nai-deliver ni Gideon ang linya. Pagkatapos ay siya naman at ilan pang batuhan nila ay tapos na. Ibang artista naman ang kinukunan ng eksena. Samantala sila ng binata ay nagpalit ng wardrobe para kunan naman ng pictures para sa gagawing banner na ilalabas sa mga commercials.
"Ang ganda mo talaga ngayon." Komento ni Gideon na nakaupo malapit sa kanya at kasalukuyang inaayusan ng make up artist.
Nakita niya ng magpalitan ng tingin ang mga staff na nakarinig sa sinabi nito. Imbes na mahiya ay natawa pa siya at kunwa'y iwinagayway ang buhok.
"Araw-araw akong maganda no!" Pakli niya.
"Alam ko 'yon. Pero extra ngayon e. Alam mo ba 'yong parang sa mga teleserye? 'Yong kapag na-in love na 'yong bidang lalaki sa babae ay parang lumiliwanag 'yong tingin niya? Gets niyo ba?" Pati ang mga staff at crew na malapit sa kanila ay tinanong pa nito.
Kapwa naman nagtanguan ang mga ito at sinimulan silang tuksuhin.
"Naku, iba na 'yan ha?!" Tukso ni Babeth dito.
"Ay, bet ko 'yan! Team Givette! Team Givette!" May pagtaas pa ng kamay ang baklang make up artist ni Gideon na parang nagpo-protesta. Nakisabay na rin ang ibang naroon at para bang nagka-rhyme 'yon.
"Parang hindi maganda sa tainga 'yong team Givette?" Bulong niya na medyo lumapit pa sa lalaki.
"Parang… okay naman?" Tumatango-tangong wika nito.
Nangasim naman ang mukha niya at pagkaraan ay inirapan ito. Matapos silang make up-an ay nagpunta na sila sa naka-set na Chroma Key.
Matapos ang ilang shots ay natapos din. Binati pa sila ng photographer na malakas raw ang chemistry nila ng binata. Ngumiti lang siya at nagpasalamat saka nagpaalam para magbihis na.
"BAKA gusto mong sa'kin na sumabay? Ihahatid na kita sa condo mo." Nakangiting suhestiyon ni Gideon. Nasa lobby na sila ng building at hinihintay na lang sila Momshy Vodka na kinukuha ang sasakyan sa basement parking lot.
"Ha? Hindi ba sa iisang sasakyan lang tayo sasakay kasama sila Momshy?" Tanong niya.
"Hindi na. May sarili na kasi akong sasakyan. Nakakahiya naman kung susunduin at ihahatid pa 'ko lagi. Kaya simula ngayon hindi na 'ko sasabay sa inyo ni Madam Vodka." anito
Bago pa siya makasagot ay dumating na ang SUV at binuksan ni Babeth ang pintuan sa back seat.
"Ivy, kay Gideon ka na sumabay. Ihahatid ka niya sa condo mo. May pupuntahan pa kami kaya hindi ka namin maihahatid." ani Momshy na inilabas ang ulo sa bintana ng front seat.
Napasulyap siya sa binata at pagkaraan ay sa manager. Parang alam nito na inaalok siya ng una na ihatid.
"A, sige, Momsh." Tipid siyang ngumiti at kumaway na lang kay Babeth na isinara na ang pintuan. Nakita niya pa ang nakakalokong ngiti sa labi nito.
Sinundan na lang niya ng tingin ang papalayong sasakyan hanggang mawala 'yon sa paningin niya at hinarap na si Gideon. Pero nagtaka siya ng hindi ito natagpuan sa tabi niya.
Napapitlag siya ng may marinig na busina sa 'di kalayuan. Mayamaya ay may tumigil na brand new Cherry Tiggo sa harapan niya at sakay no'n ang binata.
"Sakay na!" Utos nito. Tumalima naman siya at pumwesto sa front seat.
"Kain muna tayo bago umuwi. Nakakapagod at nakakagutom din 'yong ginawa natin. Tamang-tama may alam akong resto na madadaanan natin bago makarating sa condo mo. Sigurado ako magugustuhan mo 'yon," sabi nito habang nasa daan ang atensyon.
"You did great actually. Parang hindi ka baguhan. Tuwang-tuwa nga sa'yo sila direk. I'm sure masusundan agad ang project mo." Nakangiting sabi niya.
"Nagmukha lang akong magaling dahil ikaw ang ka-eksena. Inaalalayan mo kasi ako sa mga eksenang ginagawa natin. Isa pa, natatakpan na lang ang mga pagkakamali ko dahil sa galing mong umarte." Sinulyapan siya nito at marahang pinisil ang baba niya.
Napangiti naman siya sa gesture nitong 'yon. She felt like she found a brother to him.
"Nag-research ka ba tungkol sa'kin?" Tanong niya ng itigil nito ang sasakyan sa harap ng isang Japanese Restaurant.
Hindi ito sumagot at bumaba saka umikot sa gawi niya para pagbuksan siya ng pinto. Inilahad nito ang kamay at malugod naman niya 'yong tinanggap.
"Hindi naman masyado." Kibit balikat na turan nito.
"---Bukod sa Japanese food ang paborito mo at hilig mong uminom ng cold foam iced espresso. Mahilig ka rin sa kulay purple at marami pang iba." Dagdag nito.
"Fan ba kita o stalker? Ang dami mong alam tungkol sa'kin e. Hindi ko tuloy alam kung matatakot ba 'ko o matutuwa?" Pakli niya habang papasok sila ng establishment.
Sinabi ni Gideon ang pangalan nito at iginiya na sila ng mismong Manager sa table na naka-reserved sa kanila.
"Mas gusto ko kung kikiligin ka. Saka masama bang kilalanin ko ang babaeng nagpatibok ng puso ko?" Napatitig siya dito ng sabihin 'yon. Wala siyang nabanaag na emosyon sa mukha nito. Seryoso ba ito?
"Joke…!" Napasimangot siya ng humagalpak ito ng tawa. Napatingin tuloy ang ibang guest at staff na naroon.
Dahil sa inis ay pinaghahampas niya ito na sinalag nito ng braso habang patuloy na tumatawa.
"Aww… Ang sakit." Nakangiwing sabi nito habang hinihipan ang braso na namumula.
"That serves you right!" Nakaingos na wika niya at naupo na.
"Mas lalo kang gumaganda kapag nakasimangot. Kaya mula ngayon ikaw na si Simang short for simangot." Buska nito at binuntutan pa ng tawa ang sinabi nito.
"Tse! Gutom lang 'yan! Um-order ka na!" Utos niya at isinampal dito ang menu. Natawa siya ng mapatigil ito at animo'y nagulat. Matapos 'yon ay itinuon na niya ang atensyon sa pagpili sa menu.