BAHAGYANG umisod si Yvette sa silyang inuupoan para bigyan ng space ang lalaking tumabi sa kanya. Wala ng space sa simbahan dahil sa dami ng taong dumalo para sa misa. Mayroon pa namang maliit na space sa tabi niya kaya nagbigay na siya dahil magsisimula na ang misa.
"Salamat," anang baritonong tinig na ikinalingon niya. Nakita niya ng umupo ang binata sa tabi niya. Ni hindi man lang siya tinapunan ng tingin.
"Enrique De Guia…" Banggit niya sa pangalan nito habang hindi mapuknat ang titig dito. Saglit naman itong sumulyap at tinanguan lang siya saka ibinalik ang tingin sa Pari na nag-utos na tumayo.
"Ivy, stand up." Untag sa kanya ng ina. Agad naman siyang tumalima at hindi sinasadyang napadaiti ang braso niya sa braso ng lalaki. Ni hindi man lang ito nag-react kaya nagpatay malisya na lang din siya.
Hindi niya maiwasang sulyapan ito dahil naninibago siya sa itsura at ayos nito. May iaayos pa pala ang itsura nito kaysa sa uniporme nito sa pagtatrabaho. Not to mention that he's utterly handsome with his get up now.
Nang magsimula ang misa ay pinilit ituon ni Yvette ang atensyon sa sermon ng pari. Pero mahirap ignorahin ang babae na nasa kabilang parte na kanina pa sumusulyap sa gawi nila. Hindi niya alam kung sa kanya ito nakatingin o sa binatang katabi niya. Pero nakasisiguro siyang sa gawi nila ito nakatingin
Nasa kalagitnaan na ng misa at tumayo silang lahat.
"Ipahayag ang kapayapaan sa bawat isa," sabi ng Pari.
Peace be with you." Nakangiting sabi niya sa mga taong katabi at malapit sa kanya.
Nang humarap siya kay Enrique ay nahuli niya itong nakatitig sa kanya at parang sinusuri siya. Mayamaya ay nag-iwas ito ng tingin. Inulit niya lang dito ang sinabi niya at muling naupo.
Itinuon na niya ang atensyon sa unahan at sumabay sa pag-awit. Panaka-naka ay nahuhuli pa rin niyang tumitingin sa kanya ang binata pero ipinagpapatay malisya na lang niya. Baka naninibago lang ito sa hitsura niya dahil hindi siya nakaayos ng todo. Simpleng bestida at sandalyas lang ang suot niya. Wala rin masyadong aksesorya sa katawan niya maliban sa relong pambisig. Manipis na lipstick at pulbo lang din ang nasa mukha niya habang naka-ponytail ang buhok niya.
Ganoon naman palagi ang ayos niya sa tuwing magsisimba. Pero noon 'yon. Noong kasama pa niya ang abuela. Nang mapunta kasi siya sa Maynila at mapasok sa showbiz ay madalang na lang siyang nakakasimba dahil sa kawalan ng oras. Pero hindi naman siya nakakalimot na magdasal kahit nasaan siya.
Pagkatapos ng misa ay hindi agad sila umalis ng simbahan. Kakausapin pa daw ng Lola Ade niya ang namamahala sa Parokya at magbibigay na rin ito ng donasyon para sa simbahan. Hindi na siya sumama sa mga ito at nauna na siya sa sasakyan. Pero hindi siya agad pumasok dahil biglang tumawag si Gideon at sinagot niya 'yon.
"Kumusta?" Agad na bungad nito.
"Okay naman. Nandito kami sa Laguna para bisitahin ang Lola ko at para na rin magbakasyon kahit ilang araw lang. Ikaw? May appointment ka ba ngayon kay Momsh o kasama mo ang Inay mo?" Tanong niya.
Hindi pa niya ito nakakausap ulit simula ng maghiwalay sila ng ihatid siya nito sa unit niya.
"Kasama ko ang Inay. May dialysis siya ngayon." Tugon nito.
"Gano'n ba? Sana maging okay siya," wika niya.
"Sana nga. Siya nga pala, hindi tungkol sa'kin o sa buhay ko ang dahilan ng pagtawag ko. Gusto kong malaman kung natanong mo na ba ang Alfred na 'yon sa mga bagay na sinabi ko sa'yo?" Walang paligoy-ligoy na tanong nito.
Hindi naman niya maintindihan kung ngingiwi siya o mapapanguso sa pagka-alala sa nobyo.
"Ayoko na muna siyang pag-usapan. Nasisira ang mood ko. Iba na lang ang pag-usapan natin," turan niya.
Ang totoo ay kaninang umaga pa siya kinukulit ni Alfred na magkita sila mamayang gabi dahil gusto ulit nito na may mangyari sa kanila. Pero hindi niya ito sinasagot. Linggo ngayon kaya marami itong oras para kulitin siya. Pero wala siyang balak na sagutin o siputin ito. Naiinis siya hindi lang dahil sa mga tanong sa utak niya kundi sa hindi niya malamang dahilan.
"Okay. Tatawagan na lang ulit kita. Tawag ako ng doktor ni Inay. Mag-iingat ka diyan." Hindi na siya nakasagot dahil pinatay na nito ang tawag.
Matapos isilid sa bag ang telepono ay sasakay na sana siya ng sasakyan. Pero pagharap ay nakita niya ang babaeng nakatingin sa gawi nila kanina sa loob ng simbahan.
"H-Hi." Alanganing bati niya. Hindi niya mabasa kung ano ang iniisip ng babae dahil walang emosyon na mababanaag sa mukha nito. Ipinagtataka niya rin ang pakay nito sa biglaang paglapit.
"Si Marian Alvarez ba ang tinutukoy mong nakakasira ng mood mo?" Nakataas ang kilay na tanong nito.
Napakunot noo naman siya at napaisip sa ibig nitong sabihin. Naalala niya na 'yon ang sinabi niya kay Gideon ng tanungin nito ang tungkol kay Alfred at hindi 'yon dahil kay Marian.
"N-No. Pasensya na pero nagkamali ka ng pag-intindi. Ibang tao ang tinutukoy ko," sagot niya sa mababang tinig.
"Sinungaling! Ang kapal ng mukha mong magsimba. May sungay ka namang itinatago!" Singhal nito. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang galit nito. Pero parang wala na ito sa lugar.
Ibinuka niya ang bibig para magsalita pero naunahan na siya ng baritonong tinig ni Enrique.
"Anong nangyayari dito? May problema ba Elenita?" Tanong nito ng makalapit sa kanila. Elenita pala ang pangalan ng babae at bukod do'n ay magkakilala pala ang mga ito.
Tumikhim siya bago nagsalita. "Pasensya na, Ma'am. Pero kung ano man ang naririnig o napapanood niyo, sa social media man o sa balita ay walang katotohanan. 'Wag mo rin sanang idamay ang pagsisimba ko. Malinis ang konsensya ko at alam ng nasa itaas 'yon. Excuse me." Litanya niya at iniwan na ang mga ito.
Nagdesisyon na lang siyang balikan ang abuela at mga magulang sa loob ng simbahan. Naabutan niyang palabas na rin ang mga ito. Nakangiti pa siyang sinalubong ng abuela na tinugunan niya ng mas matamis na ngiti. Imbes na mawalan ng gana sa babaeng nakausap niya sa labas ay ipinagkibit balikat na lang niya ito.
Bakit ba siya mawawalan ng gana gayong alam niya sa sarili na wala siyang kasalanan. Magpapasalamat siya kung malilinis ang pangalan ng wala siyang ginagawa. Pero mas okay na rin kung mamamatay na lang ang issue.
"I thought sa kotse ka na lang maghihintay? Bakit sumunod ka pa? Baka mamaya may mga fans na makakita sa'yo at pagkaguluhan ka." Anang Mama niya ng kuhanin niya dito ang pagtutulak sa wheelchair ng Lola Ade niya.
"Matutuwa ako kung meron, Ma. Pero imposible 'yon dahil karamihan ng tagahanga ko may mga edad na." Pakli niya.
Natawa naman ang mga magulang dahil sa tinuran niya.
"Gusto mo bang kumain muna tayo sa labas, La?" Baling niya sa abuela paglabas nila ng simbahan.
"Nakapagpa-reserved na 'ko sa paborito nating restaurant, apo. Kasama natin si Riq at ang kaibigan niyang si Lenlen." Pagbibigay alam nito.
Bago pa siya makapagsalita ay nakita na nilang papalapit ang dalawang binanggit nito. Ngiting-ngiti ang babae ng batiin ang mga kasama niya maliban sa kanya. Palihim siya nitong inirapan na binalewala lang niya.
Unang pagkikita pa lang nila ay mainit na ang dugo nito sa kanya at hindi niya ito masisi dahil buong akala nito ay sinaktan niya ang iniidolo nito.
"Siya nga pala apo, doon ka na lamang sumabay kay Enrique dahil sa'min na sasabay si Berta at may importante kaming pag-uusapan," anang abuela.
"H-Ho? P-Pero kasya pa naman sa sasakyan 'di ba?" Hindi niya alam pero pakiramdam niya masamang ideya kung sasabay siya sa mga ito.
"Sige na, anak. Hindi ba maganda kung magiging kaibigan mo si Elenita? Reyna Elena 'yan ng bayan natin." Pagbibigay alam ng ina.
Para namang pumalakpak ang tainga ng babae at nahihiya itong ngumiti. Pagkaraan ay muling napatingin sa kanya at ngumisi.
Wala na siyang nagawa ng mauna na ang mga magulang sa sasakyan kasama si Lola Ade at naiwan siyang kasama ang dalawa.
"Halika na, Enrique, baka mahuli tayo sa restawran," wika nito at nauna na sa kanila.
"Pagpasensyahan mo na si Lenlen. Idol na idol niya kasi si Marian Alvarez kaya siguro gano'n na lang ang pagtataray niya sa'yo." Hinging paumanhin ni Enrique.
Tipid siyang ngumiti at naglakad na papunta sa sasakyan nito. Sinabayan naman siya nito.
"I can't blame her if she feels that way because she only knows one side of the story," tugon niya.
Hindi na ito nagsalita at naramdaman niyang parang hindi rin naman ito interesado na malaman ang buong kwento. Kaya nanahimik na lang siya hanggang sa makalulan sila sa sasakyan.