AELIX POINT OF VIEW
Gabi na, ngunit narito pa rin ako sa loob ng aking opisina sa kompanya. Tahimik na ang buong building; halos lahat ng empleyado ay nakauwi na. Ang tanging maririnig na lamang ay ang mahinang tunog ng aircon at ang pagta-type ko sa keyboard ng laptop. Ngunit kahit tapos na ang karamihan sa aking trabaho, hindi pa rin ako umaalis.
Sa totoo lang, wala rin naman akong uuwian na pamilya sa bahay. Si Lola Els ay maaga nang natutulog. At kapag nagkataon namang gising pa siya pagdating ko, siguradong kukulitin na naman niya ako tungkol sa pag-aasawa.
“Mag-asawa ka na, Aelix. Gusto ko nang magkaapo sa tuhod.”
Napabuntong-hininga ako habang pinaglaruan ang ballpen na hawak ko. Ilang beses ko na bang narinig ang mga salitang iyon mula sa kanya?
Maya-maya ay biglang umilaw ang cellphone ko sa mesa. May tumatawag.
Si Laurence.
Napailing ako bago sinagot ang tawag. Isa siya sa iilang kaibigan kong matagal ko nang kilala. Ngunit hindi tulad ko, pinili niyang iwan ang magulong buhay sa siyudad at tumira sa isang probinsya dahil doon nakatira ang babaeng pakakasalan niya.
“Hey, dude!” bungad niya sa kabilang linya, halatang masaya.
“Anong kailangan mo?” diretso kong tanong.
“Gusto kong pumunta ka dito sa probinsya para sa gaganaping bachelor’s party ko.”
Napangisi na lang ako habang umiikot ang ballpen sa pagitan ng mga daliri ko.
“Wala akong hilig sa ganyang bagay. Maboboring lang ako,” sagot ko.
“Ano ka ba! Huwag ka ngang KJ. Subsob ka na masyado sa trabaho. It’s time to treat yourself naman. Mapayapa dito, baka magustuhan mo rin,” pilit niyang pangungumbinsi.
“In your dreams,” malamig kong sagot.
“Aasahan kitang pupunta dito ha. Malay mo, dito mo makilala ang mapapangasawa mo,” natatawa niyang sabi.
Napairap ako. “f**k you.”
Napailing ako habang ibinaba ang cellphone at muling hinarap ang laptop ko. Ngunit ilang segundo lang ang lumipas ay muli itong umilaw.
Isang text message mula kay Laurence.
Binuksan ko ito.
Isang address.
At ang pangalan ng probinsya.
TINGLAYAN
Kasunod nito ang isa pang mensahe.
“Aasahan kita dito next week. Magtatampo ako kapag hindi ka pumunta.”
Napabuntong-hininga na naman ako habang nakatitig sa screen ng cellphone ko.
Ano kayang nakain ng lalaking iyon at nagdesisyon na tumira sa probinsya kasama ang mapapangasawa niya? Sa dami ng oportunidad sa siyudad, doon pa niya piniling manirahan sa isang tahimik na lugar sa bundok.
Umiling ako at inilapag ang cellphone sa mesa.
Sa totoo lang, wala naman talaga akong balak pumunta.
Masyado akong busy para sa mga ganitong bagay.
Ngunit sa kung anong dahilan, hindi ko maiwasang muling silipin ang pangalang nakasulat sa mensahe.
Tinglayan.
Hindi ko alam kung bakit, pero may kakaibang pakiramdam na tila may naghihintay doon na hindi ko pa alam.
Hindi ko na sana papansinin ang mensahe ni Laurence, ngunit hindi ko maiwasang mapatitig muli sa pangalan ng probinsyang nakasulat sa screen ng cellphone ko. Tinglayan. Isang lugar na hindi ko pa napupuntahan at ni hindi ko man lang naisip na bisitahin. Tahimik, malayo sa lungsod, at siguradong kabaligtaran ng buhay na nakasanayan ko.
Napailing ako at ibinaba ang cellphone sa mesa. Ibinalik ko ang atensyon ko sa laptop at sinubukang mag-focus sa mga dokumentong kailangan kong tapusin. Ngunit ilang minuto pa lang ang lumilipas ay muli na namang umilaw ang cellphone ko.
Tumatawag.
At nang makita ko ang pangalan sa screen, napabuntong-hininga na lang ako.
Lola Els.
Alam ko na kung ano ang sasabihin nito.
Pinindot ko ang answer at inilapit ang cellphone sa tenga ko.
“Ano po ‘yon, La?” tanong ko habang nakatingin pa rin sa laptop.
“Ano pa nga ba? Nasaan ka na naman ba, Aelix?” sagot niya agad, halatang may halong inis.
“Nasa opisina pa ako,” sagot ko nang walang emosyon.
“Naku! Gabi na, andiyan ka pa rin? Hindi ka ba marunong magpahinga?” sermon niya.
“May tinatapos lang akong trabaho,” sagot ko.
“Trabaho na naman! Aelix, hindi ka robot. Tao ka. Kailangan mo rin magpahinga at magkaroon ng buhay.”
Napailing ako habang nakasandal sa upuan.
“May buhay naman ako, La,” sagot ko.
“Talaga? Nasaan? Sa opisina mo?” sagot niya agad.
Napatawa ako nang bahagya. Kahit papaano, marunong talaga mang-asar ang matanda.
“Umuwi ka na. Mag-isa lang ako dito sa bahay. Nakakatakot kaya,” dagdag pa niya.
“La, ang dami nating security guard sa labas,” sagot ko.
“Hindi ko sila kailangan. Ikaw ang kailangan ko.
Apo kita, hindi bodyguard,” sagot niya.
Napabuntong-hininga na lang ako.
“La, may meeting pa ako bukas ng maaga.”
“Excuses! Lagi na lang ganyan. Aelix, gusto ko lang naman makita kang masaya. Hanggang kailan ka ba ganyan? Trabaho, trabaho, trabaho.”
Tahimik ako sandali.
Hindi ko alam kung bakit, pero may tama ang sinabi niya.
“Umuwi ka na ngayon,” dagdag niya.
“Bakit?” tanong ko.
“May ihahanda akong late dinner para sa’yo. Paborito mo.”
Napatingin ako sa orasan sa dingding. Halos alas-dose na ng gabi.
Napabuntong-hininga ako bago tuluyang isinara ang laptop.
“Sige na nga, La. Uuwi na ako.”
“Good! At huwag kang dadaan kung saan-saan ha. Diretso ka dito,” masigla niyang sabi.
“La, hindi na ako bata,” sagot ko.
“Sa akin, baby boy ka pa rin.”
Napailing na lang ako habang ibinaba ang tawag.
Pagkatapos kong iligpit ang mga gamit ko, kinuha ko ang cellphone ko sa mesa.
Muli kong nakita ang mensahe ni Laurence.
TINGLAYAN.
Hindi ko alam kung bakit, pero sa isang iglap ay may pumasok na ideya sa isip ko.
Siguro… hindi rin masama kung pansamantala akong lumayo sa lungsod.
Baka tama si Laurence.
Baka kailangan ko rin ng pahinga.
Ngunit agad kong itinaboy ang ideyang iyon.
“Busy ako,” bulong ko sa sarili ko habang pinapatay ang ilaw ng opisina.
Wala pa akong balak pumunta sa probinsya.
Sa ngayon.