SAMANTHA POINT OF VIEW
Matapos ang ilang araw ng walang sawang pag-iisip tungkol sa pagdating ni Ninong Ethan, dumating na rin ang araw na pinakaayaw kong dumating—ang pag-alis nina Mommy at Daddy.
Maagang-maaga pa lang, nagising na ako sa tunog ng maletang hinihila sa sahig. Napabalikwas ako ng bangon, tinapik ang mukha ko para magising nang tuluyan, at bumaba sa sala.
Pagdating ko ro’n, nakita kong abala na sina Mommy at Daddy sa pag-aayos ng mga gamit nila. Si Mommy ay nakaupo sa sofa habang sinusuri ang isang folder na mukhang punong-puno ng mga dokumento. Si Daddy naman, kinakausap ang driver namin tungkol sa oras ng pag-alis nila.
“Sam, anak, gising ka na pala,” bati ni Mommy nang mapansin ako.
Nilapit ko ang sarili ko sa kanila at napaupo sa tabi ni Mommy. “Mamaya na kayo aalis?” tanong ko, kahit alam ko na ang sagot.
Tumango si Daddy. “Oo, anak. Paalis na kami after breakfast. Malapit na rin kasing dumating si Ethan.”
Pagkarinig ng pangalan ng Ninong ko, napangiwi ako. Hindi pa nga siya dumarating, pero naiirita na agad ako. Pakiramdam ko, ito na ang simula ng bagong yugto ng buhay ko na hindi ko sigurado kung ikatutuwa ko ba o ikakabaliw.
“Wala na ba talagang ibang pwedeng magbantay sa akin?” tanong ko, kahit alam kong wala na akong laban.
Napangiti si Daddy. “Anak, masyado mong iniisip ‘yan. Si Ethan lang naman ‘yan. Sigurado akong hindi ka niya guguluhin.”
Hindi ako sigurado ro’n, Dad.
“Pero, Dad, kasi…” sinubukan ko pang magrason, pero agad na akong tinapik ni Mommy sa braso.
“Huwag ka nang magreklamo, Samantha,” malambing niyang sabi. “Alam naming hindi mo gusto ‘yung idea na may magbabantay sa’yo, pero anak, mas panatag ang loob namin na may kasama ka sa bahay.”
Nag-cross arms ako. “Eighteen na ako—ay, nineteen na pala! Hindi na ako bata.”
“Alam namin ‘yon, Sam,” sagot ni Daddy, sabay tapik sa ulo ko. “Pero ikaw ‘tong kahit nineteen na, e, hindi marunong magluto. Paano kung magutom ka?”
“Grabe ka naman, Dad. Marunong naman akong magluto… ng itlog.”
Napatawa si Mommy, pero si Daddy umiling lang na parang hindi impressed. “Ayan. Wala na tayong usapan. Si Ethan na ang bahala sa’yo habang wala kami.”
Wala na akong nagawa kundi huminga nang malalim at tanggapin ang sitwasyon. Kahit ano pang sabihin ko, desidido na ang mga magulang ko, at wala akong choice kundi makisama kay Ninong Ethan.
Dumating na Siya
Ilang minuto bago umalis sina Mommy at Daddy, may narinig kaming tunog ng sasakyan sa labas. Napatingin ako sa pinto at alam ko na kung sino ‘yon.
Si Ninong Ethan.
Dahan-dahan akong bumangon at lumapit sa pintuan, pero bago ko pa ito mabuksan, nauna na si Daddy.
“Pare!” bati ni Daddy habang nakangiti.
Pagbukas ng pinto, doon ko siya nasilayan.
Si Ethan Salazar, nakasuot ng simpleng black fitted shirt at dark jeans, pero kahit gano’n lang ang suot niya, ang lakas pa rin ng dating. Para bang kahit saan mo siya ilagay, mukhang pang-commercial. Hindi mo aakalain na best friend siya ni Daddy dahil sa sobrang contrast ng ugali nila—si Daddy sobrang daldal, si Ninong Ethan parang hindi marunong makipagkwentuhan.
Dire-diretsong pumasok si Ninong Ethan at agad akong tinapunan ng tingin. “Sam.”
Ang lalim ng boses niya. Kahit isang salita lang ‘yung sinabi niya, parang ramdam ko ‘yung authority sa kanya.
Pinilit kong ngumiti kahit naiilang ako. “Ninong.”
Pinagmasdan niya ako sandali bago siya lumapit kay Daddy. “Lahat ng bilin mo, nasabi mo na ba?”
“Oo naman,” sagot ni Daddy. “Ikaw na bahala kay Sam, ha? Alam mo namang makulit ‘yan.”
Napataas ang kilay ko. “Hoy, Dad! Hindi ako makulit, ah.”
Pero si Ninong Ethan, tumingin lang sa akin saglit bago muling ibinalik ang tingin kay Daddy. “Walang problema.”
Walang problema? Aba, siya kaya ang magiging problema ko.
Habang nagpaalam sina Mommy at Daddy, hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot. Kahit pa sabihin kong annoyed ako sa idea na may magbabantay sa akin, mas masakit pa rin ang mawalan ng magulang sa loob ng limang buwan.
Nang yayakapin ko na si Mommy, mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko.
“Mag-behave ka, ha, Sam?” paalala niya. “Huwag mong pahirapan si Ethan.”
Napatingin ako kay Ninong Ethan na walang reaction sa mukha. Parang wala siyang pakialam kung pahirapan ko siya o hindi.
“Oo na po, Mommy. Alis na kayo,” sabi ko, pilit na ngumiti kahit gusto kong pigilan sila.
Huling niyakap ako ni Daddy bago siya sumakay sa kotse. “Anak, kung may kailangan ka, tawagan mo lang kami, ha? Aalagaan ka ni Ethan.”
Mula sa gilid ng paningin ko, nakita kong tumingin sa akin si Ninong Ethan, pero hindi ko iyon pinansin. Kumaway na lang ako kay Mommy at Daddy habang papalayo ang sasakyan nila.
At nang tuluyan nang mawala ang sasakyan nila sa paningin ko, doon ko lang napagtanto ang realidad—ako at si Ninong Ethan na lang ang nasa bahay.
Nang tumingin ako sa kanya, tahimik lang siyang nakatayo, nakahalukipkip at mukhang hindi natitinag.
“So... ano na?” tanong ko, awkward na ngumiti.
Tiningnan niya ako sandali bago sumagot. “Bahala ka sa buhay mo, basta huwag mo akong istorbohin.”
At doon ko lang na-confirm. Siguradong magiging mahaba ang limang buwang ito.
Pagkatapos ng ilang minutong awkward na katahimikan, napabuntong-hininga na lang ako. Si Ninong Ethan ay nasa loob na ng bahay ko. At simula ngayon, limang buwan kaming magkakasama sa iisang bubong.
Nang tumingin ako sa kanya, kalma lang siya, parang walang pake. Nakaupo siya sa sofa habang abala sa cellphone niya, halatang hindi interesado sa paligid. Samantalang ako, hindi ko alam kung paano ako magre-react. Hindi ko siya matantiya.
“Ahm… gusto mo ba ng tubig?” tanong ko, wala nang maisip na ibang sasabihin.
Lumingon siya sa akin sandali, pero agad ding bumalik ang mata niya sa cellphone niya. “Hindi na.”
Napangiwi ako. Napaka-cold talaga ng taong ‘to.
Para hindi na lang lalong maging awkward, dumiretso na lang ako sa kusina. Kumuha ako ng tubig para sa sarili ko at saglit na sumandal sa counter. Ano ba ‘to? Paano ko kaya mati-take na kasama ko siya dito nang ganito katagal?
Tama ba talagang siya ang binigay na guardian sa akin?
Naupo ako sa dining table habang iniisip ‘yon. Pero habang nagmumuni-muni, bigla kong narinig ang tunog ng maleta na hinihila mula sa sala. Paglingon ko, nakita kong bitbit na ni Ninong Ethan ang kanyang malaking itim na luggage at umaakyat sa hagdan.
“Uy, saan ka pupunta?” tanong ko, napabangon mula sa upuan ko.
“Sa guest room.” Walang lingon-lingon niyang sagot.
“Oh? Alam mo kung saan?”
Saglit siyang huminto sa gitna ng hagdan, saka tumingin sa akin. “Isang beses na akong nakapunta rito. Hindi ko na kailangang itanong.”
At saka siya tuluyang umakyat.
Napa-roll na lang ako ng eyes ko. Grabe, hindi man lang ako sinabihan ng "Salamat" o kahit ano. Gano’n ba talaga siya? Wala man lang warmth o kahit kapirasong friendliness?
Habang iniisip ko ‘yon, biglang tumunog ang phone ko. Nang makita ko ang pangalan ni Cassandra, agad ko itong sinagot.
“Hoy, anong update?!” bungad niya agad. “Dumating na ba ang Ninong mong pogi?”
Napabuntong-hininga ako at sumandal sa upuan ko. “Oo, kakadating lang. At hayop, Cassandra, ang suplado niya.”
“Paano mo naman nasabi?”
“Eh di ba dapat as a guest, kahit papaano e magiging polite? Aba, siya wala. Walang kahit ‘Thank you’ man lang. Diretso sa guest room, parang bahay niya ‘tong bahay ko.”
Narinig kong tumawa si Cassandra sa kabilang linya. “Diyos ko, Sam. Baka naman hindi lang siya sanay sa set-up niyo.”
“Wala akong pake! Hindi ako sanay sa kanya, kaya quits lang.”
“Hala ka, baka marinig ka niya,” natatawang babala niya.
“Wala akong pake, Cassandra. Ni hindi nga ako pinapansin no’n.”
“Hmm… o baka naman hindi mo pa siya kilalang mabuti?” may tonong pang-aasar sa boses niya. “Malay mo, sa loob ng limang buwan, may madiskubre kang something interesting tungkol sa kanya.”
Napangiwi ako. “Wala akong balak mag-discover sa kanya.”
Pero kahit sabihin ko ‘yon, hindi ko rin mapigilan ang sarili kong magtaka. Bakit nga ba wala akong nababalitaang kahit anong babaeng naugnay kay Ninong Ethan? Wala bang nakakagusto sa kanya? O siya mismo ang lumalayo sa gano’ng bagay?
Bago pa man ako malunod sa sariling isip ko, may narinig akong bumaba mula sa hagdan. Si Ninong Ethan.
“Sam.”
Nagulat ako nang marinig kong tinawag niya ang pangalan ko. First time ko siyang marinig na medyo seryoso ang tono habang kinakausap ako.
“A-Ano?” sagot ko, inilayo ang phone ko mula sa tenga ko.
“Anong oras ang pasok mo bukas?”
Nagulat ako sa tanong niya. “Ha? Bakit?”
Diretso siyang tumingin sa akin, hindi nagbibiro. “Para alam ko kung anong oras ako gigising. Ako na ang maghahatid sa’yo sa school.”
Wait, what?! Siya maghahatid sa akin?
“Ah… hindi na, kaya ko namang mag-commute.”
Pero umiling lang siya. “Sabi ng Daddy mo, ako ang maghahatid sa’yo. Susunduin din kita.”
“Ano?!” Napatayo ako sa gulat. “Huwag na! Kaya ko naman—”
“Samantha.”
Napahinto ako nang tawagin niya ako sa buong pangalan ko. Parang may awtoridad ang boses niya na hindi mo kayang balewalain.
“Wala ka nang magagawa. Akin ka na.”
Nag-freeze ako. WAIT. ANO?!
“ANONG AKIN KA NA?!” sigaw ko, nanlaki ang mata.
Tumaas ang isang kilay niya. “I mean, ako ang guardian mo. Ano bang iniisip mo?”
Napahiya ako bigla.
Narinig ko ang hagikgik ni Cassandra sa kabilang linya, halatang narinig niya ang buong eksena.
“SAM, AKALA MO KUNG ANO HAHAHAHA!” sigaw ni Cassandra bago ko siya pinatay sa tawag.
Tumingin ako kay Ninong Ethan, halatang awkward na ako bigla. “Uh… basta. Ayokong ihatid mo ako.”
Pero hindi man lang siya natinag. “Alas-sais ng umaga aalis tayo. Kung hindi ka bumaba ng bahay bago mag-alas-sais kinse, iiwan kita.”
Pagkasabi niya nun, naglakad na siya papunta sa kusina.
Naubusan ako ng sagot.
Ano ‘to? Sino ba talaga ang may-ari ng bahay na ‘to? Ako ba o siya?
Napabuntong-hininga ako nang malalim.
Ito pa lang ang unang araw. At ramdam kong hindi ito magiging madali.