[Kaileen's POV]
"Busy ka ba ngayon?" tanong ko kay Wren. Saturday kasi ngayon at araw iyon ng punta ko sa isang animal shelter na aking sinusuportahan.
Gusto ko sana siya isama para may malaman siyang mga bagay tungkol saakin.
"Hindi naman, bakit?" tanong niya
"Gusto sana kita isama sa animal shelter kung saan ako nagsponsor. Baka gusto mo lang sumama? Gusto ko rin kasi sana mag-adopt ng aso." sabi ko naman sa kanya.
"Sige, punta tayo. Teka, magbihis lang ako." sagot naman niya sa akin atsaka umakyat sa taas.
Maya-maya lang ay bumaba na siya at nakabihis na ng casual attire niya.
Napangiti naman ako ng palihim dahil pumayag siyang samahan ako. Alam kong simpleng bagay lang 'yun pero sobrang saya pa rin ng puso ko.
Kinuha na niya ang susi ng kotse niya at lumabas na sa bahay, sumunod na ako kaagad sa kanya para makapunta kami sa shelter.
"Hindi ko alam na may ganitong side ka pala." sambit niya habang nagdadrive.
"Marami ka pang hindi alam sa akin." nakangiting sagot ko naman sa kanya.
"Edi aalamin natin lahat 'yan." sagot naman niya, "Sa loob ng marriage natin, kailangan lahat 'yan madiscover ko." dagdag pa niya.
Napangiti naman ako. Ibig bang sabihin nito ay gusto malaman ni Wren ang mga bagay sa akin? Interesado na ba siya sa akin? Wait, bawal mag-assume. Sinabi niya 'yun pero hindi ibig sabihin dapat mag-assume na ako or magread between the lines.
Hindi na lang ako nag-abala na sumagot pa sa kanya kaya naman naging tahimik ang buong byahe namin hanggang sa makarating kami sa shelter.
Sinalubong ako ng pinakafounder ng shelter na si Yurina. Actually, matagal na rin kami magkakilala ni Yuri dahil nag-uumpisa palang ang shelter nila ay nagsusupport na ako. Alam na rin niya kung anong mga araw ako usually dumadalaw sa shelter, nagsasabi rin naman ako kapag dadalaw ako.
"Ito na ba ang asawa mo? Nakita ko sa news na ikinasal ka na." nakangiting bati niya naman sa akin, "Ang tagal na natin magkakilala pero hindi ko alam na boyfriend mo pala ang isa sa mga anak ng Cruz. Bagay kayo." dagdag na puri niya pa sa amin.
"Salamat." nakangiting sagot ko lang sa kanya.
"Tara, para mailibot ko kayo sa extension building ng shelter." nakangiting pag-aya naman niya sa amin.
Malaki na ang ipinagbago ng shelter na ito, dahil na rin siguro sa mga walang sawang suporta ng mga tao sa kanila. Maliit na shelter lang sila noong napansin ko sila sa social media at ngayon, ang dami na nilang narerescue at napaadopt, although syempre minsan ang hirap talaga maghanap ng taong pwede magmahal at adopt sa kanila.
"Actually Mr. Cruz, halos 80% ng mga donation ng shelter ay galing talaga kay Ms. Kai. Itong extension building namin, siya rin ang nagsponsor para maipagawa ito at hindi magsiksikan ang mga aso sa lumang building. Kaya ngayon, kahit paano naging maluwag na ang mga aso sa old building at kahit dito sa new building ng shelter." pagkekwento naman ni Yuri sa kanya.
Nakita ko naman ang pagtango at ngiti ni Wren sa narinig niya.
"Mahilig ka ba sa aso, Mr. Cruz? Baka gusto niyo mag-adopt?" tanong niya naman sa kanya.
"Mahilig ako sa aso, kaya lang noong namatay ang alaga ko noon, natakot na akong magkaroon ng aso ulit dahil ayaw kong masaktan sa pagkamatay nila. Pero dahil mukhang gusto rin naman ng misis ko na mag-adopt, mag-aadopt na lang din ako. Atleast dalawang aso ang kahit paano magkakaroon ng furever home." nakangiting sagot niya naman kay Yuri.
"Maganda 'yan malaman sir, sige. You can choose sa aming booklet mamaya ng mga aso na pwede for adoption." sabi naman ni Yuri.
After namin lumibot ay pumunta kami sa office ng shelter kung saan pwede kami mamili ng mga aso na pwedeng i-adopt. Actually, ang gusto ko talaga i-adopt ay 'yung mga senior dogs na. Usually kasi sila ang mga asong hindi na masyadong naaadopt at naiiwan na rito sa shelter para mamatay. Kahit paano gusto ko sa huling mga taon nila, maramdaman nila kung paano mahalin ng tama.
"Yuri, kung sino ang pinakamatandang aso, 'yun ang kukuhanin ko." nakangiting sambit ko.
"Sige, Ms. Kai. Si buttercup ang pinakamatanda sa shelter sa ngayon, she's already 8 years old. So far, healthy dog naman siya, tahimik at maamo siya. Kailangan niya lang ng konting maintenance at regular vet check-ups dahil nagsastart na rin ang liver niya." sagot naman niya sa akin.
"Okay lang, walang problema. I'll adopt her." nakangiting sagot ko.
"Are you sure ayaw mo ng puppy?" pabulong na tanong ni Wren sa akin. Mukhang nagtaka siya kung bakit matandang aso na nag-uumpisa na magsakit ang kukuhanin ko.
"Senior dogs are the ones who usually don't get adopted, Wren. Kaya mas gusto kong iadopt ang mga senior dogs kasi konting taon na lang eh, atleast they get to experience the love and care they deserve. Ilang taon na silang nabuhay na walang pamilya, mas maganda kung ngayon mabigyan ko sila. Don't you agree?" tanong ko naman sa kanya.
Tumango naman siya sa akin, na parang sumasang-ayon sa sinabi ko.
"Okay lang kung puppy ang gusto mo i-adopt." sabi ko naman sa kanya.
"No, I'll also adopt the second oldest sa shelter." sabi niya naman bigla kay Yuri.
"Great, I'll get them ready. Upo muna po kayo while you wait for them to get out." sabi naman ni Yuri sa amin atsaka bumalik sa loob ng shelter.
"You really have a heart for dogs, pumipili ka talaga kung sino ang alam mong mas may kailangan." puri naman sa akin ni Wren.
"Kasi alam ko ang feeling ng walang nagmamahal, 'yung hindi alam kung kailan may makakapansin ng totoong lungkot na meron ka. 'Yung ang tagal tagal mo ng mag-isa pero wala pa ring nandiyan para tulungan ka." sagot ko naman sa kanya. Totoo naman eh, siguro kaya may special place talaga ang mga asong nangangailangan sa puso ko ay dahil alam ko ang pakiramdam ng binabalewala, 'yung pakiramdam ng taong hindi minahal ng tama. 'Yung tipong gusto mo na lang makawala sa kalungkutan na meron ka pero walang nakakapansin kasi akala okay ka, na akala kaya mo na dahil matanda ka na.
Alam kong ganun din ang nararamdaman ng mga matatandang aso sa shelter na ito, 'yung kailangan nila ng tulong pero ang tingin ng iba kaya na nila kasi matanda na sila. Pero ang totoo kailangan pa rin nila ng love at care ng totoong pamilya.
"Bakit pakiramdam ko tungkol sa buhay mo ang sinasabi mo?" tanong niya sa akin.
Hindi naman ako sumagot, nginitian ko lang siya atsaka tumayo para magready salubungin ang dalawang aso na inadopt namin. Narinig ko na kasing parang may paparating kaya baka sila na 'yun.
***
[Wren's POV]
Habang nagsasalita si Kai kanina, parang ramdam ko sa kanyang may pinanghuhugutan siya. Ramdam ko 'yung sakit sa mga mata niya. Nararamdaman ko 'yung lungkot na meron siya. Dahil kaya iyon sa maagang pagkamatay ng mommy niya?
Pero base naman sa kwento ni Courtney ay okay naman silang dalawa ni Kaileen pero may times lang na nabubully siya nito dahil sampid nga raw siya sa Victorino Family. Kaya lang bakit pakiramdam ko hindi kayang gawin ni Kaileen iyon? Or baka akala ko lang hindi niya kayang gawin.
Napangiti naman ako ng makita ang ngiti niya nang lumabas ang dalawang aso na iaadopt namin.
"Hello cute angels." pagbati niya sa dalawang senior dogs.
Kumawag naman ang buntot ng dalawa at inumpisahan siyang dilaan sa kanyang mukha.
"Ito si buttercup." turo naman ni Yuri sa asong nasa kanan niya, "At ito naman si Macy." pagturo naman niya sa hawak niyang aso sa kaliwang side niya.
Napangiti naman si Kaileen sa presensya ng dalawang aso. Ngayon ko lang napansin na maganda naman pala si Kaileen lalo na kapag ngumingiti. Parang ang warm ng mga ngiti niya, nakakatuwang tignan. Para bang nahahawa ako sa kasiyahan na meron siya.
Hindi ko rin inexpect na may side siyang ganito. At sa totoo lang, nakakaamaze makita ang pagiging matulungin niya.
Pagtapos namin pirmahan ang mga dapat na pirmahan namin ay bumalik na kami sa kotse kasama si Buttercup at Macy.
"Wren, salamat sa pagsama sa akin at sa pag-adopt din ng senior dog sa shelter. Malaking tulong iyon sa kanila, hayaan mo, habang buhay sila ay mamahalin ka ng mga asong iyan, it's their way of saying thank you na minahal at inalagaan mo sila." sabi niya naman, "Kagaya ng ginawa mo sa akin." hindi ko masyadong narinig kung ano ang huling sinabi niya.
"Ano 'yung huling sinabi mo?" tanong ko naman sa kanya.
"Wala, sabi ko masaya sila sa ginawa mo." pagtukoy naman niya sa mga aso na kasama namin.
"Masaya rin sila na napunta sila sa'yo. Dahil mabuti kang tao, mapagmahal, at mapag-alaga." sagot ko naman sa kanya.