Akesia's POV
Pinatawag kami ng kapatid ko ni Mayor at kinausap. Nakayuko lang kami habang nakatayo sa harapan niya. Nasa loob kami ng opisina. Nasa tabi niya naman ang kan'yang asawa na nakangising nakatitig sa amin.
Rinig ko ang pagbuntong-hininga ni Mayor. Napatingin ako sa kan'ya. Stress na stress ang mukha niya habang nakapikit.
"Pasensiya na po, Mayor. Ako po ang may kasalanan. Iniwan ko ang kapatid ko gano'ng bago pa lang siya," pagpapaumanhin ko.
Kita sa gilid ng aking mata ang pagkagulat ng aking kapatid sakin. Nakatingin ito sa akin, yumuko muli kinalaunan.
Totoo namang kasalanan ko. Dapat hindi na lang ako lumayo kay Yesia. Para hindi na siya napahamak.
Hindi pa rin minumulat ni Mayor ang kan'yang mga mata kaya nagsalita na si Señora Emy.
"Nang dahil sa inyo nasira ang party ng aking asawa! Alam mo ba kung gaano namin ito pinaghandaan? At alam mo ba kung gaano kalaki ang binayad namin dito? Ha?!"
Yumuko lang ako at hindi na nagsalita pa. Lihim namang nilingon ko ang aking kapatid. Tahimik itong umiiyak. Nasasaktan ako. Hindi pa rin nalilinisan ang mga galos niya, naroon pa rin ang bakas ng kamay sa kaniyang pisngi.
"Hayaan mo na iyon, Mahal Ko," pagpapakalma ni Mayor kay Señora.
Nakamulat na pala ito at nakatingala kay Señora Emy. Inirapan siya nito at umalis, padabog na sinara ang pinto.
Tumingin si Mayor sa amin kaya napayuko ulit ako. Nahihiya na ako sa kaniya. Lagi niya kaming tinutulungan tapos problema lang ang sinukli ko sa kaniya.
"Umuwi na muna kayo. Ito," saka inabot ang isang puting sobre.
Sandali ko iyong tiningnan saka umiling.
"Huwag na po, Mayor. Labis ang gulong ginawa namin kaya nasira ang kasaluhan ninyo," nahihiya kong sabi. Hindi namin deserve na makatanggap ng sweldo. Ako ang may kasalanan.
He shook his head. Nasa ere pa rin ang kamay na may hawak na sobre.
"Hindi maaari iyon. Pinagkasunduan natin iyan. At saka 'wag niyong sisihin ang sarili ninyo. Walang gustong mangyari 'yon." Tipid siyang ngumiti.
Nag-aalinlangan kong inabot ang sobre.
"Maraming salamat po sa inyo. Napakabait niyo po talaga."
Tumawa siya.
"Naku, ikaw talaga. Oh, siya sige na umuwi na kayo at sobrang gabi na."
Tumango lang ako.
"Sige po. Pasensiya na po talaga, Mayor."
Nakasunod lang sakin si Yesia habang nakatungo. Hindi pa rin siya umiimik hanggang ngayon.
Inakbayan ko siya dahilan para tingnan niya ako. Ngumiti ako. Alam kong sinisisi niya ang kaniyang sarili dahil sa nangyari.
"Ang pangit mo naman," pagbibiro ko.
Ang haggard kasi ng mukha niya at ang gulo pa ng buhok. Tawa nang tawa ako habang naglalakad kami patungong kusina nitong mansiyon. Sa likod kami dadaanan para walang makakita sa amin.
Napanguso naman siya, naiiyak ang mga mata.
Napatigil ako sa pagtawa at tiningnan siya.
"Tumigil ka na. Nasasaktan ako kapag ang pangit mo, eh."
"Sorry, Ate dahil sa akin ka—"
"Lahat tayo nagkakamali, Yesia. Kaya 'wag mong sisihin ang sarili mo."
Tumango-tango naman sa aking sinabi. Sinasabi ko na nga ba't sinisisi niya ang sarili niya e!
Hinalikan ko siya sa kaniyang noo at nakangiting nakatingin sa kaniya. Medyo maaliwalas na ang kan'yang mukha ngayon.
"Darling!"
Rinig kong sabi ng kung sino. Nilingon ko siya, ganoon din ang aking kapatid. Agad sumama ang timpla ng aking mukha. Hinigit ko patungo sa aking likuran ang aking kapatid.
"Ano?" Nakataas na ngayon ang isa kong kilay. Inis na inis ako sa isang 'to lalo pa at hindi ko pa nakalilimutan ang ginawa niya sa akin kanina.
"I'm sorry. I was just so drunk," mahinang sabi ni Carl. He looked at me with his pleading eyes.
Bumuntong-hininga ako.
"Ok lang," sabi ko at tumalikod. Sa susunod na gawin niya ulit iyon papasabugin ko na ang itlog niya!
Isang linggo ang nagdaan mula noong nangyari ang kaguluhan. Kalat na kalat nga sa baryo namin. May iba't ibang version na ang k'wento sa kapatid ko. Dahil daw kuno na may nilandi ang kapatid o dahil daw kuno na nagtaray si Yesia doon. Magagawa ba ng kapatid ko 'yon? Mga tsismosa talaga ang tagal mamatay.
Mula nang araw na 'yon hindi ko na tinanong ang kapatid ko basta ang alam ko mali ang ginawa noong babae na 'yon. Buti at magaling na ang kalmot niya sa mukha.
Nagluluto ako ngayon ng talong para sa umagahan namin. Masama ngayon ang pakiramdam ko dahil sobrang bigat ng katawan ko. Pinilit ko lang bumangon, eh para magluto.
"Hoy, Isang! Bilisan mo naman ang kilos mo! Nagugutom na ako!" sigaw ni Tiya mula sa sala.
Hinihintay na nila ang umagahan namin. Kaya binilisan ko na ang pagluluto.
"Ate, ok ka lang? Mukhang lalagnatin ka,eh." Nag-aalala ang mukha niyang nakatingin sa akin.
Ngumiti ako sa kaniya at umiling.
"Sus, ako dadapuan ng lagnat? Over my hot body." Hinawi ko ang aking buhok at namaywang. Napairap ako nang walang nagbago sa nag-aalala niyang mukha. "Ok lang ako. Uunahan ko lang nang gamot ito."
Tumango lang siya at inayos na ang mga plato.
Pasikreto akong napaubo dahil kumakati na ang lalamunan ko. Naman! Ba't ngayon pa?! Hayst.
Pagkatapos naming kumain. Uminom agad ako ng gamot para mawala na ang bigat ng pakiramdam ko. Mainit na rin ang katawan ko at bumibigat ang talukap ng mga mata. Pero hindi p'wede akong magpahinga. Kailan kong magtrabaho.
"Isang, pahiram nga ng pera," pagtawag sa akin ni Tiya.
Bumuntong-hininga na lang ako at hindi na nakipagtalo pa. Binigyan ko siya ng pera saka mabilis na pumuntang k'warto. Naabutan ko naman si Yesia na nagsusuklay ng buhok.
"Yesia, oh baon mo aalis na ako kailan ko nang pumunta sa palengke," sabi ko at inabot ang pera. Kinuha niya ito. Bumakas sa mukha ang pagtataka nang mapatingin sa aking mukha.
Kumunot ang noo ko."Bakit?"
"Ate, maputla ka. Tingin ko kailangan mo munang magpahinga. Bukas ka na lang magtrabaho."
Umiling ako saka ngumiti.
"Kaya ko ito. Uminom na ako ng gamot at hindi p'wedeng hindi ako magtrabaho ngayon. Sige na aalis na ako."
Magsasalita pa sana siya ngunit mabilis akong tumalikod. Mawawala rin naman itong lagnat ko, eh.
"Oh, Isang. Mukhang maputla ka, ah. Ayos ka lang ba?" tanong ni Aling Pasing.
Pilit ang ngiti ko na tumingin sa kan'ya.
"Ayos lang po ako, Aling Pasing. 'Wag na po kayo mag-alala," sabi ko sabay ubo.
Umiling naman siya at namaywang.
"Naku, Isang. Huwag ako. Mabuti pa ako na lang muna ang magbebenta ng paninda mo. Magpahinga ka muna at maupo," pag alala niya. Sobrang bait talaga ni Aling Pasing kahit na minsan ay sinusungitan ko siya.
"'Wag na po. Kaya ko pa naman po, eh" pagpupumilit ko.
Bumuntong-hininga lang siya, naiiling na bumalik sa kaniyang upuan. Umupo naman ako sa harap ng mga paninda ko at nanghikayat ng mamimili.
Kanina pa sumasakit ang lalamunan ko at ulo. Bumibigat na rin ang aking katawan at umiinit na ang singaw ng katawan ko.
Kanina pa ako kinukulit ni Aling Pasing na siya na raw ang magtitinda ng mga isda ko pero hindi pa rin ako pumayag. Kaunti pa lang ang bumibili sa akin at wala pa sa kalahati.
Bumuntong-hininga ako nang malalim at tumingala.
"Okay ka lang?" tanong ng kung sino sa gilid ko.
Tiningnan ko ito at agad na inirapan. Mukhang dadagdag pa ang sakit ng ulo ko ngayon. Hindi ko siya pinansin at tinaboy na lamang ang mga langaw sa tinda ko.
"Hoy, kinakausap kita," medyo malakas na sabi niya.
Muli ko siyang tiningnan na may inis sa mukha. Nakangiti siya sa akin,hindi alintana ang inis ko.
"Hoy ka rin! May pangalan ako, no. "
Kung maka-hoy siya feeling close, eh. Umirap ako. Agad naramdaman ang pag-ikot ng paligid. Agad akong humawak sa gilid ng aking upuan at pumikit.
"Ano ba ang pangalan mo? Hindi kasi kita kilala, eh. Ayos ka lang ba?"
Tiningnan ko siya. Titig na titig siya sa akin.
Kaunti na lang tutusukin ko na ang mata ng lalaking ito.
"Akesia. Isang na lang," sagot ko uoang hindi na humaba pa ang pagdaldal niya.
Tumango tango siya saka nilingon sa mga paninda ko. Ang swerte naman ng isang 'to at nalaman ang pangalan ko. At nakausap niya pa ang isang dakilang 'Isang' ng baryo namin.
"Tutulungan kita sa pagtitinda," sabi niya na siyang kinalingon ko.
Tumaas naman ang kilay ko. Lumingon din siya sa akin, nakapaskil pa rin ang ngiti sa labi.
"Hindi na kaya ko na 'to. Alam mo bang araw araw ko itong ginagawa? Nang mag-isa lang," wika ko, may diin ang huling pangungusap.
Akala niya 'ata lumpo ako. Eh, kaya ko ngang ibalibag siya sa kinatatayuan niya, eh.
"Sige," sabi niya sabay kuha ng patpat sakin na may plastik sa dulo. Ginagamit ko iyon sa pangtaboy ng mga langaw.
Nagulat naman ako sa ginawa niya. Hindi niya ba narinig ang sinabi ko?! Aba! Loko 'to, ah!
"Hoy, ang sabi ko hindi kita kailangan. Bingi ka ba?!" bulyaw ko. Napatingin naman ang ilang mga tao sa akin.
Hindi niya ako pinansin, patuloy sa pagtataboy ng mga langaw.
"Edwin. Hindi hoy," pagtatama niya sa akin habang hindi pa rin tumitingin.
Kumukulo na ang dugo ko sa kan'ya. Gusto ko nang manapak. Lalong sumakit naman ang ulo ko nang akma akong tatayo para ipagtabuyan sana siya.
"Kung inaakala mong mada—"
"Ano po ang sa inyo, Aling Ganda?" pang-uuto niya sa babaeng maitim at pandak. Nakangiti siya sa babae. Halata naman ang kilig ng babae.
"Isang kilo nga ng bangus, guwapo, " malanding sabi ng babae.
Agad na mang kumuha si Edwin ng bangus at tinimbang. Inabot niya ito sa babae na pulang pula na ang mukha.
"Magkano, guwapo?" nahihiyang sabi niya.
Lumingon naman sakin si Edwin, naghihintay ng sagot.
Inarapan ko lang siya at humarap sa babae.
"200 'yan," walang gana kong sagot. Biglang nanlisik ang mata ng babae sa akin. Problema rin nang isang 'to? Patulan ko kaya siya? Dahil masama ang pakiramdam ko at mabait ako hinayaan ko na lang siya na irapan ako.
"Oh, ayan." Nandadabog niyang inabot sa akin ang pera. Isang beses niya akong inirapan saka nilingon ang lalaking katabi ko. Nag-flying kiss ito habang humahagikgik na umalis.
Muntik na akong mapasuka sa nakita. Bumalik ako sa upuan ko at tumingin ulit sa lalaki.
Agad nagtama ang aming mata dahilan kung bakit ko siyang inirapang muli.
"Ang galing kong magbenta, 'di ba?" bilib na bilib sa sariling sabi niya.
Umirap ako sa kaniya at humalukipkip.
"Mas magaling ako sa iyo. Yabang mo," sabi ko, binulong ang huling salita. Talaga namang ang yabang niya. Isang mamimili pa lang ang nabentahan niya.
Rinig ko namang bumungisngis siya na siyang kinainis ko lalo. Ramdam ko ang pamumula ng aking mukha sa galit sumabay pa ang masamang pakiramdam ko.
"Umalis ka na nga rito."
Hindi siya natinag sa kinatatayuan. Ngumiti pa lalo. Umiling siya. Hawak pa rin ang patpat na pantaboy sa mga langaw.
"Tutulungan nga kita. Ang kulit mo naman." Ibinalik niya ang kaniyang tingin sa unahan dahil may bumibili na ulit sa kaniya. Hindi ako nagsalita dahil baka umalis ang mga mamimili.
Pinigilan ko na lang ang aking galit kahit na gustong gusto kong sipain at suntukin ang isang 'to.
Nakatingin lang ako sa kaniya at sa inuuto niyang babae. Namumula na ang ibang babaeng kausap niya. Parang uuod kapag kausap ang katabi ko. Ano bang mayroon sa ngiti niya? Eh, mukha naman siyang paniki.