Akesia's POV
Nakauwi na ako. Kasalukuyan akong naglalaba ng mga damit ni Tiya at ang anak nito. Inutusan kasi ako ni Tiya na maglaba. Dahil nasa mood ako, hindi ako nagreklamo. Wala rin naman akong pagpipilian, kung hindi sumunod. At hanggang ngayon hindi ko pa rin pinapansin si Kesia. Masama pa rin ang loob ko sa kaniya. Sa kaniyang ginawa na hindi ko akalain na gagawin niya. Sino ba namang kapatid ang tatawa kapag narinig na nangupit ang nakakabata mong kapatid, 'di ba?
Bumuntong-hininga ako sa naisip.
Ano ba klaseng damit 'to?! Ang dumi-dumi!
Inis kong kinusot nang maigi ang damit ni Tiya. Kanina pa ako sa damit na ito! Hindi pa rin maalis ang mantsa. Saan ba siya nagsususuot? Sa kangkungan? Eh, puro sugal at inom lang naman ang alam ni Tiya, hindi ang pagpipitas ng damo!
Napatigil ako sa pagkukusot nang mapansin ko ang magkapares na paa sa harapan ko.
Tiningala ko siya. Napapikit pa ako nang masinagan ng araw ang aking mata. Kinurap-kurap ko ito upang maaninag ang tao sa harapan ko. Mukha ng aking kapatid agad ang bumungad sa akin na nakangiti sa 'kin.
Inirapan ko siya saka ipinagpatuloy ko ang aking ginagawa. Akala niya ba gano'n-gano'n lang 'yon? Hindi niya ako makukuha sa ngiti niya!
"Ate…"
Nagkunwari akong walang narinig, pinagpatuloy ang pagkukusot.
"Sorry na," malungkot na sabi nya.
Saglit akong napatigil saka muling pinagpatuloy ang paglalaba. Naglakad siya palapit sa akin at umupo sa tabi ko. Kita mula sa gilid ng aking mga mata ang pagsilip niya sa nakatungo kong mukha. Alam ko na ang gagawin nito.
Niyakap niya ako saka nakangiting hinalikan ako sa pisngi.
Nilingon ko siya at sinamaan ng tingin dahilan ng pagsimangot niya. Hindi niya pa rin inaalis ang pagkakayakap sa akin.
"Sorry na, Ate," paghingi niya ng tawad.
Inarapan ko sya ngunit agad na sumilay ang ngiti ko sa labi. Sabi ko na nga ba! Bibigay ako kapag lumapit siya sa akin, e!
"Yehey! Bati na kami," masayang sabi nya, niyakap niya ulit ako.
Hindi ko talaga matiis ang kapatid ko na hindi pansinin. Siguro napakarupok ko pagdating sa kan'ya.
"Basta, 'wag mo nang gagawin ulit iyon, ha?" saad ko saka sinuklian ang yakap niya sa akin. Nakahinga ako nang maluwag dahil okay na kami ng kapatid ko. Hinalikan ko siya sa noo at hinarap.
"Bakit mo ba kasi ginawa 'yon?" tanong ko. Hindi naman niya iyon gagawin, kung hindi kailangan, eh.
"K-Kailangan ko lang, Ate," matagal na sagot niya saka ngumiti.
Inirapan ko ito at ginulo ang kaniyang buhok na lagi ko ginagawa. Bumusangot ang mukha niya na aking ikinatawa nang mahina.
Inayos niya ang kaniyang buhok at ngumuso.
"'Di ba sabi ko pag may kailangan ka sabihin mo agad kay Ate."
Lalo siyang ngumuso. Isang beses na tumango sa akin.
"Oh, ba't mo ginawa 'yon? " sabi ko at inalagay ang aking dalawang basang kamay sa pisngi nya. Inipit ko ang mukha niya. Kaya nakanguso pa rin sya. Umiling-iling lang sya, pilit na ngumiti. Para syang sira!
Ngumiti ako sa kaniya.
"'Wag mo nang uulitin 'yon, ha?" ulit ko saka niyakap ulit sya.
"Sorry talaga, Ate."
Narinig ko ang paghikbi nya mula sa pagkakayakap ko. Hinimas ko ang kaniyang likod upang patahanin. Hinding-hindi ko kakayanin na mawala pa ang kapatid ko. Siya na lang kasi ang pamilya. Siya rin ang dahilan kaya patuloy pa rin akong namumuhay sa napaka-unfair na mundong 'to!
Hindi ko alam kung ano ang kasalanan na nagawa ko kung bakit ako pinarusahan ng ganito. Panandalian lang binigyan ng oras sa murang edad para maging masaya. Hindi ko alam na may kapalit pala ang kaligayahan ko. Sobrang bilis namang palitan iyon ng kalungkutan at kahirapan. Nawala agad ang dalawang taong nagpapasaya at mahalaga sa'min.
Sobra-sobra ang pagluluksa ko no'ng namatay si Inang at Itang. Kahit na sampong taong gulang pa lang ako no'n. Naalala ko pa rin ang mukha ng mga tao na naaawa sa amin. Minsan nga nagtatanong ako sa sarili ko kung paano kung buhay pa ang mga magulang ko? Ano kaya ang buhay namin ngayon? Siguro hindi ganito ang kalagayan namin ngayon. Siguro masaya kami ngayon habang sama-samang nag-aagahan.
Kinabukasan, nagising ako nang maaga. Sobrang gaan ng aking pakiramdam dahil siguro nagkabati na kami ng kapatid ko. Naglinis muna ako ng bahay saka naghanda upang maagang makapunta sa palengke.
Palabas na ako ng bahay nang may tumawag sa pangalan ko. Lumingon ako at si Tiya lang pala. Nakataas ang kamay nito at nakabusangot ang mukha.
Ang anak naman niya na si Mia ay prenteng nakaupo sa upuan habang naglilinis ng paa. Hindi naman gumaganda ang paa nya, eh. Katulad ng mukha niya.
"Bakit po, Tiya?" tanong ko.
Lumapit siya sa akin saka inilahad ang palad. Ang isa niyang kamay ay may hawak na sigarilyo habang bumubuga ito ng makapal na usok.
Bumuntong-hininga ako dahil alam ko na ang ibig sabihin no'n. Hindi na ba ako nasanay? Siguradong pangsusugal na naman niya ito.
Dumukot ako ng dalawang daang piso sa aking bulsa at inabot sa kan'ya.
Agad naman niya itong hinablot. Dinilaan niya ang hinlalaking daliri saka ito binilang.
Tumaas ang isa niyang kilay saka tumingin sa akin.
"Ito lang? Dalawang daan?" mataray na sabi niya habang nakaturo sa pera ko.
"'Yan lang po kasi ang kita ko kahapon," pagdadahilan ko sa kaniya.
Ngumisi siya at umiling. Alam ko na ang sasabihin niya kaya nakahanda na ang buo kong tainga.
"Matapos ko kayong palamunin sa pamamahay ko! Matapos ko kayong palakihin ng kapatid mo! Gan'yan ang igaganti mo sa akin, ha, Akesia. Bakit?! Ano ba ang pinagmamalaki mo? 'Yang pesteng trabaho mo?! 'Yang walang k'wentang trabaho mo?!"
Ito na naman kami. Saulong-saulo ko na ang linyang 'yan. Mula pa no'ng bata ako, 'yan na lang parati ang aking naririnig mula sa kaniya. Sanay na sanay na ako. Pumapasok lang sa isa kong tainga ang lahat ng sinasabi niya tapos pinapatalsik ko ito sa kabilang tainga kasama ang dumi sa tainga ko para naman may pakinabang ang mga sinasabi niya sa akin, 'di ba?
Bumuntong-hininga ako nang malalim.
Labag sa loob kong dinukot muli ang pera sa bulsa at binigay iyon sa kan'ya.
Mabilis na ngumiti siya at dali-daling binilang ang pera ko.
"'Yan magaling. May pera naman pala ang arte-arte pa," saka ako inirapan. Umalis siya sa harapan ko. Bakas sa mukha ang kasiyahan ngunit hindi ko sinasabing maganda si Tiya, ha? Ang itim kaya ng labi niya! Iw!
Ipapatalo na naman niya sa sugal ang pinaghirapan ko. Buti na lang hindi lahat binigay ko sa kan'ya. Baka parehas na kaming walang pera kapag natalo siya.
Bumuntong-hininga ako at tumingala, pinigilan ang luhang nagbabadyang tumulo. Pinikit ko ang mata at pinakalma ang sarili.
Pagkamulat ko ay agad na bumungad akin ang nag-aalalang mukha ng kapatid ko. Binigyan ko lang siya ng ngiti. Pilit naman na ngiti ang sinukli nya sa akin.
"Aalis na si Ate, ha," ani ko.
Tumango lamang siya sa akin saka iniwas ang tingin.
Lumabas ako ng bahay saka malakas na nilanghap ang hangin. Hindi puwedeng bad mood ako ngayon dahil baka hindi ako makabenta mamaya.
Dumaan muna ako sa puntod ni Inang at Itang. Magkatabi ang puntod nila. Nilapag ko ang mga bulaklak na pinitas ko sa aming bakuran kanina saka umupo. Ngumiti ako sa kanila habang pinagmamasdan ang pangalan nila na nakaukit sa lapida.
"Magandang umaga Inang at Itang. Pasensya na at ngayon lang ulit ako nakabisita sa inyo. Medyo busy lang ang magandang anak niyo, eh. Kailangan ko kasing magtrabaho para mabuhay," nakangiting k'wento ko sa kanila.
Dito ako pumupunta kapag kailangan kong maglabas ng hinaing at problema. Pakiramdam ko kasi nakikinig sila sa akin.
"'Yon lang. Okay lang naman ang dalawa mong anak dito. Kinakaya namin. At kakayanin namin. Sabi niyo nga dati sa 'kin dapat maging matatag, 'di ba? Kasi lahat ng problema malalampasan. Kaya ito, naniniwala pa rin ako sa salitang 'yon, kahit pagod na pagod na ako. 'Wag kayong mag-alala Inang at Itang matatag kaya itong anak niyo. 'Wag na rin po kayong mag-alala hinding-hindi ko pababayaan si Yesia. Kahit matigas ang ulo niya minsan. Kahit na hindi siya sakin nakikinig. Okay lang mahal na mahal ko siya, e," sabi ko kasabay ng pagpatak ng luha ko.
Kinuwento ko rin ang pag-aaway namin ng kapatid ko hanggang kaninang umaga. Lahat-lahat ng nangyari sa buhay ko kinuwento ko sa kanila. Para akong baliw na umiiyak at tatawa sa harap ng puntod nila.
Pagkatapos no'n nagpaalam na ako at nagtungo sa palengke. Hinanda ko na ang aking ibebenta. Marami ang ibebenta ko ngayon kaya tiyak na gagabihin ako mamaya.
"Magandang umaga, Isang, mukhang galing ka sa puntod ng magulang mo, ah," bungad sa akin ni Aling Pising.
Alam na alam na talaga ako ni Aling Pising. Maga kasi ang mata ko dahil sa kakaiyak kanina sa harap ng puntod nila. Alam naman ni Aling Pising kung kanino ako nagsasabi ng sama ng loob.
"Opo. Binisita ko po sila kanina. Pinapasabi nga po nila kung kailan daw kayo susunod sa kanila, e," pagbibiro ko.
Lumaki naman ang mata niya sa sinabi ko saka binato ako ng basahan dahilan ng pag-ilag ko nang mabilis. Hindi pa siya siyempre kukunin ni Lord. Ang lakas pa kaya niya.
"Ikaw talagang bata ka!" sabi niya habang kumakatok sa kawayan, kasabihan ng matatanda upang 'di magkatotoo.
Malakas akong tumawa dahil sa mukha ni Aling Pising na hindi na maipinta.
"Biro lang po 'yon. Kayo naman. Alam ko naman na matagal pa kayong susunod sa kanila," pambabawi ko.
Siya lang talaga ang ka-close ko rito sa palengke. Mga peke kasi 'yong iba rito. At halata naman sa amoy nila, ang lalansa!
"Mukhang madami ang ibebenta mo ngayon, ah," pagbabago niya ng usapan. Nakatingin siya sa mga isda ko.
"Kailangan po, eh," sabay kamot sa batok.
Tumingin siya sakin saka namaywang. Suot niya ang kaniyang lumang apron. May mantsa ito at mukhang hindi niya pa nalalabhan.
"Hula ko kinuha na naman ng magaling mong Tiya ang pera mo, 'no?" proud na sabi niya sakin.
Ano pa ba ang ipagtataka ko kay Aling Pising. Lahat na lang 'ata ng tungkol sa akin ay alam nya. Kulang na lang pati ang kulay ng panty kong suot ngayon ay alam niya.
Dahan-dahan akong tumango saka napangiwi nang inirapan niya ako
"Naku! Sinasabi ko na nga ba, eh! Umalis na kasi kayo sa poder ng animal na 'yon," aniya.
"Nasa tamang edad ka na naman. Wala naman pating pakinabang ang isang 'yon lalo na ang kaniyang anak na kung makapagmake-up akala mo clown! Saka alam kong nagsusugal ang Tiya mo na 'yon! Nakita ko sya sa pasugalan kahapon. Naninigarilyo pa, ah!" dugtong ni Aling Pising.
Napatungo ako saka tumingin sa pinaglalaruan kong kamay. Kahit gusto naming umalis sa bahay hindi ko pa rin magawa. Dahil una, wala kaming mapupuntahan. Pangalawa, high school lang ang natapos ko at tanging pagtitinda lang ang alam kong gawin. At higit sa lahat marami kaming magagandang alaala nina Inang at Itang sa tahanan namin. Hindi ko kayang iwan ang aming tahanan kung saan ako panandaliang sumaya.
Rinig ko ang pagbugtong-hininga ni Aling Pising. Lumapit ito sa akin at hinagod ang aking buhok. Pinipilit ko lamang ang malantsa niyang amoy dahil mabait siya sa akin.
"Anak, hindi ko naman sinabing kalimutan mo ang bahay na 'yon, ang sa akin lang sobra-sobra na ang ginagawa ng Tiya mo sa inyo."
Tumango ako at saka ngumiti sa kan'ya.
"Alam ko po 'yon, Aling Pising. Salamat po sa pag-alala."
Bukod kasi sa kapatid ko ay si Aling Pising din ang kakampi ko rito sa aming lugar. Lagi niya akong ginagabayan. Kaya naman napakalaki ng utang na loob ko sa kaniya.
"Bahala ka na nga riyan!"
Umirap siya sa'kin at pumunta na sa p'westo nya. Ang bilis talaga magbago ng mood niya. Dahil 'ata tumatanda na siya.
Napailing na lang ako sa kaniyang ginawa at pinagpatuloy na lamang ang pag-aayos ng mga isda.
Tanghali na at nasa kalahati na ng paninda ko ang naipaubos ko. Kasalukuyan akong kumakain ng baon kong kanin at tuyo. Nagbaon din ako ng pritong talong na may toyo. Kahit kailan talaga hindi ako nagsasawa sa talong kahit isang buwan 'ata na ulam ko ito. Hindi ako magsasawa, e.
Kanina ko pa rin napapansin ang kumpulan ng mga tao sa may 'di kalayuan mula sa p'westo ko. Dahil nga wala akong paki at wala sa mood hindi ko ito pinansin. Marami talagang mga tsismosa sa palengkeng ito. Napapatanong nga minsan ako sa aking sarili kung bakit hindi sila gawing cctv sa aming barangay. Alam kasi nila ang lahat ng nangyayari sa paligid. Kahit 'ata pag-utot mo ay makikita nila.
"Isya ko!" sigaw ng isang lalaki.
Naglalakad ito patungo sa akin. Inirapan ko lang ito at hindi pinansin. Eto na naman sya. Manggugulo na naman sa akin.
"Kumusta ka na? Pasensya ka na at hindi kita natulungan kanina, ha. Busy kasi ang boyfriend mo," mayabang na sabi nya. At ano daw?! Boyfriend?! Ano bang nakain ng isang 'to?
Kinuha ko ang baunang tubig saka uminom doon. Hinarap ko siya at tinaasan ng kilay.
Nakangiti ito, hindi alintana ang pagtataray ko sa kaniya. Ang hangin naman dito.
"Sinong nagsabing nobyo kita, Tomas?" tanong ko.
Hindi ito natinag sa pagtataray ko. Sa kaniya ako tatanda nang maaga e!
"Ako." Tinuro ang kaniyang sarili. "Kasasabi ko pa lang kanina."
Lumalaban na sa akin! Dahil sa pagkainis ko sa kaniya, nawalan na ako ng ganang kumain.
Tinabi ko ang aking baunan at uminom muli ng tubig. Gamit ang suot kong apron ay pinunasan ko ang gilid ng aking labi.
Nanonood lamang ito sa aking ginagawa.
"Oh, tapos ka na kumain agad, Isya ko?" pagtataka niya.
Inis na inis talaga ako 'pag tinatawag niya ako sa gano'n. Hindi niya naman ako pag-aari. Bigyan ko kaya ng suntok 'to? Nang makita niya kung anong gusto niya talaga. Tsk
"Wala na akong gana."
"Baka magkasakit ka niyan, Isya ko," nag-aalala ang mukhang sabi niya.
Hahaba na naman ang usapang ito. Mabait naman si Tomas, eh. Tinutulungan niya ako minsan pero talagang kumukulo ang dugo ko sa kaniya. Bwisit! Meron ba ako ngayon?!
Inirapan ko sya. At hindi na lamang pinansin Patuloy pa rin ang pagdaldal niya kahit na hindi ko siya kinakausap. Minsan ay siya ang kumukuha ng bayad ng mga mamimili habang nagsasalita. Hinayaan ko lamang na gawin niya iyon. Para naman worth it ang pagpunta niya rito.