Halos masilaw si Faizal sa puting-puti na kuwarto na kanilang napasukan. Nag-adjust ang kaniyang mga mata sa liwanag. Ibang-iba ang hitsura niyon sa Grandiosong Bulwagan. Wala na iyong mga kakaibang simbolo. Basta't kulay puti lamang iyon at ang nag-iisang higanteng screen sa gitna ng pader lamang ang nag-iisang bagay roon.
Hindi niya alam kung parte pa ba iyon ng bulwagan, ngunit tulad niyon, nakapakalaking kuwarto rin ng kuwartong napasukan nila ngayon, at napakataas ng kisame. Nagmistula silang mga sugatang langgam sa laki ng kuwartong iyon. Kahit marami ang namatay sa unang laro ay mas marami pa rin ang natirang buhay na mga manlalaro. At dahil puting-puti nga ang paligid, binahiran ang sahig niyon ng mga bakas ng paa na may dugo ng mga nangamatay na manlalaro mula sa Patintero.
Nang makapasok na ang lahat ng mga manlalaro ay malakas na sumara ang higanteng gate na bato. Agad niyang inilibot ang mga mata. Wala nang ibang daan na maaaring labasan sa kuwartong iyon maliban na lamang sa gate na pinasukan nila kanina. Hindi naman sila siguro ikukulong sa kuwartong iyon at lulunurin, hindi ba?
Pinilig niya ang ulo upang alisin sa kaniyang isip ang hindi kaaya-ayang ideya na iyon na pumasok sa kaniya isip. Hindi. Hindi sila lulunurin. Alam niya iyon, dahil ang paglunod ay hindi naman isang laro. Kung gagawin iyon ng Siklo, sana una pa lang ay iyon na ang ginawa, at hindi na sila nakipagpatintero kay Kamatayan.
Tama, hindi gagawa ang Siklo ng isang bagay na ikamamatay agad ng lahat ng manlalaro. Isa-isa sila nitong papatayin, iyon ang mangyayari. Kaya inaasahan na nila na malapit na sa imposible ang kasunod na mga laro. Mas malala na at mahirap malagpasan. Kung gayon, para saan ang kuwartong iyon?
"Paano tayo kakalap ng impormasyon, Faizal?" Mahinang tanong ni Elizeo na nakatayo sa tabi niya.
"Mag-iisip ako kung paano. Mamaya na natin pag-usapan. Makiramdam muna tayo," bulong din niya. "Maging alerto ka palagi. Hindi natin alam ang susunod na mangyayari." Tumango-tango naman si Elizeo bilang sagot.
Pasimple niyang iginala ang mga mata. Nakita niya si Santiago at ang babaeng nagngangalang Zita, sa hindi kalayuan. Nag-iinat ang babae, samantala naghihikab naman si Santiago. Kumunot ang kaniyang noo nang makita ang lalaki na hinuhubad ang sapatos nito. Nang tuluyan nitong mahubad ang sapatos ay prente itong naupo sa sahig na animo'y nasa sarili itong pamamahay.
Inilibot pa niya ang mga mata sa paligid. Napansin niyang may ilan pa sa mga manlalaro ang umuupo rin sa sahig at hinuhubad ang kani-kaniyang mga sapatos. Doon pumasok ang isang realisasyon sa isip niya. Oo naman, alam na ni Santiago kung para saan ang kuwartong iyon dahil Game Repeater ito. At ang mga nakaupong manlalaro, alam din iyon. Lahat ng nakaupo ay maaaring Game Repeater o Grand Repeater. Samantala ang mga naiwang nakatayo na naghihintay pa rin ng susunod na mangyayari ay mga baguhan katulad nilang dalawa ni Elizeo. Pahingahan ang kuwartong iyon, sa kaniyang hula. At kung tama siya, malamang, pinagpapahinga ang mga kalahok pagkatapos ng bawat laro.
Mas marami ang nakatayong mga manlalaro kaysa mga nakaupo. Pinagmasdan niya ang bawat Game Repeater. Syempre, nauna na niyang makilala sina Santiago at ang kasama nitong si Zita.
May isang lalaki roon na malaki ang pangangatawan. May malaki itong peklat mula sa balikat pababa sa braso nito. Tinakpan iyon ng tattoo ng isang dragon. Mayroon ring dalawang babae na parehong may mahabang buhok, na pareho ring nakatirintas. Nag-uusap ang dalawa na animo'y gumagawa na ng plano.
Sa kabilang parte naman ng kuwartong iyon ay isang matandang lalaki. Mukhang mas matanda pa ito sa kaniyang ama; mas matanda pa kay Santiago. Talagang kulubot na ang balat nito. Mabuti nga at nakaabot ito sa kuwartong iyon. Karamihan sa mga matatanda na kalahok sa palarong iyon ay naiwan doon pa lamang sa tunnel. Patunay iyon na malakas pa ang matandang ito o may iba itong pamamaraan para na rin makaligtas sa Patintero. Kung ano pamamaraang iyon? Hindi pa niya alam.
Ang huli niyang napansing ay isang dalagita sa hindi kalayuan na tila mas bata pa sa kapatid niyang si Corbin. Kulot ang puting-puti nitong buhok na pinapula ng mga dulo ng mga namatay na kalahok. At gamit rin ang dugo na iyon, may isinusulat itong kung ano sa sahig. Iyon lamang ang mga taong napansin niya, ngunit alam niyang may iba pang Game Repeater doon na natatakpan ng kumpol ng mga tao.
Bumukas ang malaking screen sa pader at muling ipinakita roon ang mukha nina Pahimakas at Tadhana.
"Mabuhay, mga manlalarong may taglay na liksi at alerto. Napagtagumpayan ninyo ang Patintero. Napasainyo ang suwerte sa unang laro," nakangiting sabi ni Tadhana. Kahit kailan ay hindi talaga siya masasanay sa ngiti ng kambal na iyon. Hindi iyon normal. Halos labas ang lahat ng ngipin ng mga ito at titig na titig sa kamara, kaya naman para rin itong titig na titig sa kanila. Para itong mga robot na nagbalat-tao, kung may sense man ang bagay na iyon.
"Bilang gatimpala, bibigyan kayo ng isang oras upang magpahinga sa kuwartong ito," sabi naman iyon ni Pahimakas. "Sa kuwarenta 'y singko minutos ay maririnig ninyo ang tunog na ito." Bumalot sa buong kuwarto ang isang masaya at maingay na tunog. "Ito ang magiging hudyat para malaman ninyo na apatnapu't limang minuto na ang nakalipas, at kapag natapos ang natitirang labing limang minuto, magbubukas ang pintuan para sa inyong susunod na laro. Ito rin ang magiging alarma para sa mga manlalarong nakatulog."
Muling ipinakita si Tadhana. "Bibigyan rin kayo ng ating mga guwardiya ng opisyal na uniporme na iyong susuotin hanggang sa pinakadulo ng Palaro."
Kasunod ng sinabing iyon ni Tadhana, naghanay-hanay sa isang linya ang siyam na guwardiya. Sa mga kamay ng bawat isa sa mga iyon ay may pinagpatong-patong na mga uniporme na sinasabi ni Tadhana. Ang iba pang guwardiya ay pinahanay naman sila upang ang lahat ay makatanggap ng uniporme. Humanay sila sa depende sa Sektor na kanilang kinabibilangan.
"Paalala lamang po, mga mahal naming manlalaro. Ito ang una at huling pagkakataon na mabibigyan kayo ng uniporme. Kaya inyo itong pag-ingatan," dugtong pa ni Tadhana.
"Habang abala ang lahat sa pagkuha ng kani-kaniyang pagkuha ng uniporme, hayaan ninyo akong ipaliwanag ang una nating laro," nawala na sa screen ang mukha ng kahit sino sa kambal. Isang mistulang infograpiks na ang ipinakikita roon ngunit maririnig pa rin ang boses ni Pahimakas.
"Ang Patintero ay binubuo ng dalawang grupo. Ang grupo ng mga Bangon, at ang grupo ng mga Taya. Sa laro ninyo kanina, kayo ang Bangon. Ibig sabihin, kayo ang tatakbo at kailangang makalampas sa mga linya, at syempre ang mga taya ang lima nating guwardiya. Hindi maaaring lumabas sa lugar-palaruan ang mga Bangon. Ibig sabihin hindi maaari ang ginawa ng grupong ito." Ipinalabas sa malaking telebisyon ang ginawa ng grupong nakita nila ni Santiago kanina. Agad niyang naiiwas ang kaniyang tingin nang isa-isang ipakita roon kung paano ito lumabas sa linya at kung paano ang mga ito namatay sa malalaking palaso.
Nahagip ng mga mata niya si Santiago. Nakita niyang nakatingin ito sa telebisyon at tumatawa, samantala ang kasama naman nitong babae ay napapailing-iling na lamang. Kitang-kita sa mukha nito na dismayado ito sa katangahang ginawa ng grupong ipinakita sa telebisyon. Tila naramdaman ni Santiago ang tingin niya rito, kaya naman lumingon ito sa direksyon niya. At nang magtama ang mga tingin nila ay sumaludo ito sa kaniya na para bang isang sundalo na sumasaludo sa kapwa nito sundalo.
Hindi na niya pinansin ang ginawa nito at ibinalik ang kaniyang tingin sa malaking telebisyon sa pader. Infograpiks na muli ang pinakikita roon. "Ang ilegal na paglabas sa linya tulad na lamang ng inyong nakita ay ikinokonsiderang pandaraya. Kaya naman ang grupong ito ay ikinonsidera ring diskwalipikado. Kaya naman alam na ninyo ang mangyayari kapag sinubukan ninyong mandaya," babala ni Pahimakas.
"Ang inyong laro ay may tatlumpung minutong oras na limitasyon lamang, at ang lahat ng mga manlalaro na hindi umabot sa palugit na iyon ay diskwalipikado na, at hindi na maaaring sumali pa sa susunod na laro." Nawala na ang boses ng kahit sino sa kambal pagkatapos niyon.
Umusad ang linya, hanggang sa siya na ang kasunod na kukuha ng uniporme. Kulay itim at pula ang uniporme nila, tulad na lamang ng kulay ng maskara ng mga guwardiya. Ang pantaas niyon ay isang long sleeves na may tig-dalawang pulang linya mula sa parte ng balikat hanggang sa dulo ng mahaba niyong manggas. Makapal ang tela niyon, at sa likod niyon ay may nakasulat na 'SINGKO' na kulay puti naman. Ang pang ibaba naman isang kulay itim din na jogging pants. Sa kanang parte niyon malapit sa paanan ay may roon naman malaking '5' na nakaimprinta. Kulay puti rin ang pagkakasulat niyon at halos masakop niyon ang buong hita niya. Wala iyong bulsa man lang, pero sabagay, wala rin naman silang magiging pakinabang sa bulsa niyon sakaling meron iyon. Wala naman kasi silang ibang maibubulsa. Lahat ng gamit na dala ng bawat manlalaro ay nakumpiska na sa inspeksyon pa lamang sa tren.
Muli siyang napatingin sa direksyon nina Santiago. 'Nuwebe' naman ang nakasulat sa likod ng pang itaas na uniporme ng mga ito. Kung gayon ay sa Sektor Nuwebe pala nanggaling ang dalawang iyon. Sabi ng kaniyang isip.
Nang mabigyan ang lahat ng unipormeng damit ay sapatos naman ang ibinigay sa kanila ng mga guwardiya. Pare-pareho silang nabigyan ng kulay pulang sapatos na may kulay itim na sintas. Sa gilid ng kanang sapatos na kaniyang natanggap ay may salitang 'Singko' uli na nakalagay. Ibig sabihin, kapag sinuot na ng manlalaro ang mga unipormeng iyon, sinisigaw na kaagad ng buong katawan ng mga ito kung saang Sektor ito nanggaling. Siguro'y isa iyon sa paraan ng mga ito upang mas mabantayan pa sila, at ma-monitor kung saan nanggaling na Sektor ang mga matitira pang kalahok. Iyon ay kung may matitira pa pagkatapos ng lahat ng ito.
Nang matapos ang bigayan ng uniporme ay may bumukas na siyam na pintuan sa pader. Napaatras ang ilang manlalaro dahil sa pagkabigla, at kasama na silang dalawa doon ni Elizeo. Hindi mapapansin ang mga pintuang iyon dahil kakulay na kakulay iyon ng pader. Wala ring seradura iyon kaya naman talagang walang makakaalam at walang makakapansin man lamang na may mga pintuan doon hanggang sa bumukas iyon.
"Ang mga pintuang ito ay mga banyo kung saan kayo maaaring maligo at magpalit ng damit. Mayroon lamang sampung minuto ang lahat upang magpalit ng mga suot. Pagkatapos niyon ay magsisimula na ang isang oras na pahinga. Muli, binabati namin ang lahat ng manlalarong pinalad sa unang laro. Nawa'y mapasainyo ang suwerte sa mga susunod pang laro."
Tuluyan nang namatay ang telebisyon. At nang muli iyong nabuhay, ang sampung minutong palugit na sinasabi ni Pahimakas kanina ang siyang nasa screen. Tumatakbo ang oras doon. Kaya naman nagmamadali rin ang lahat sa pagtakbo patungo sa banyo.