Sean's POV
Kanina pa naka-park sa gilid ang kotse niya. Halos kalahating oras na siyang nag-aabang sa babaeng nakita niya sa campus kanina.
Gusto niyang malaman kung ito nga si Samantha. Ang nakatira sa bahay na tinitingnan niya ngayon. Katabi lang ng bahay ni Ashley.
Naiinip na siya. Para na siyang tanga kakasulyap sa gate.
Hindi naman kalakihan ang bahay. Pero moderno. Hindi rin kalawakan ang bakuran. Tulad ng naaalala niya nung gabi na tumalon siya sa bakod.
Ewan niya kung bakit sobrang curious siya kay Samantha. Ang babaeng nahalikan niya. Hindi ito mawala sa isip niya.
At kung sakaling iisa lang ang babae sa campus at si Samantha na nahalikan niya, hindi na siya magsasayang ng panahon. Lalapitan niya ito agad. Gagawa siya ng paraan para mahulog ito sa kanya.
Alam niyang malayo sa tipo niya ang itsura ng babaeng nakita niya sa campus.
Una, ayaw niya sa babaeng may braces. Mahirap halikan yun. May istorbo. Pero nung halikan niya si Samantha, hindi naman siya nahirapan. Well, brief kiss lang yun. Hindi pa siya sigurado.
Marami na siyang naka-date na babae. Wala siyang pinipili. Bata man o matanda sa kanya. Basta hot at game, okay sa kanya. Pero wala pa siyang na-date na may braces. Dahil ayaw niya.
Pangalawa, ayaw niya sa style nito ng pananamit. Hindi moderno. Mas type niya yung naka-skirt at medyo litaw ang kaluluwa. Para ganahan siya.
Pangatlo, ayaw niya sa nerdy glasses nito. Although bagay naman dito. Alam nitong dalhin.
Pang-apat, ayaw niya sa babaeng pag naglalakad sa campus hindi tumitingin sa paligid. Alam niyang mababa ang confidence ng mga ganun. Turn-off sa kanya ang babaeng walang tiwala sa sarili.
Well, marami man siyang ayaw sa babaeng nakita sa campus, andito pa rin siya. Sa di kalayuan. Naghihintay sa bahay nito. Para masagot ang curiosity niya kung ito nga ba si Samantha na nahalikan niya.
Ilang beses na siyang napatingin sa mamahaling wrist watch niya. Naiinip na siya. Pero wala pa ring Samantha sa gate.
Bumuntong-hininga siya. Naiinip na talaga siya. At hindi siya sanay maghintay.
Inis niyang binuhay ang makina ng kotse. Marahil hindi si Samantha ang babaeng nakita niya sa campus. Marahil magkamukha lang. Pero hindi iisang tao.
Paalis na sana siya nang may humintong itim na Montero sa tapat ng gate na binabantayan niya.
Mabilis niyang pinatay ulit ang makina at inilapit ang mukha sa tinted na salamin. Hindi naman siya makikita ng mga ito.
Unang lumabas ang lalaki sa driver seat.
Kaagad niyang nakilala. Si Harvey Dela Serna.
Ang mga Dela Serna ang may-ari ng H. Dela Serna Bank sa San Miguel. Kilala niya ito. May magandang kapatid ito. Si Hainna Dela Serna. Dating pinopormahan ng pinsan niyang si Bryan. Pero hindi umubra si Bryan. Ito kasi ang nag-iisang anak na babae ng mga Dela Serna. Ang Dela Serna Princess.
Napamulat siya nang bumaba ang babae sa passenger seat.
Humugot siya ng malalim na paghinga.
Ang babaeng nakita niya sa campus. Ito pala yun.
Sigurado na siya. Si Samantha ang babaeng umagaw ng pansin niya kanina.
Lalo pang kumunot ang noo niya habang nakatingin sa dalawa. Maaari kayang may relasyon ang mga ito?
Kilala niya si Dela Serna. Madalas din sa mga party. Pero hindi ito katulad niya na matakaw sa babae. Hindi niya inaasahan kay Dela Serna na isang simpleng babae lang ang dine-date nito.
Well, siya nga rin naman. Hindi niya in-expect sa sarili na babalik siya sa bahay ni Samantha. At maghihintay rito ng halos isang oras.
Matagal pang nag-usap ang dalawa bago nagpaalam si Dela Serna kay Samantha. Hinihintay niyang halikan ni Harvey si Samantha. Pero hindi nangyari. Kaway lang. Yun lang.
Napahilig siya sa upuan ng kotse. Hindi inaalis ang mga mata kay Samantha.
Simple pero malakas ang dating ni Samantha.
Kahit siya nagtataka sa sarili. Bakit? Paano niya nakuha ang atensyon niya?
Kailangan niyang makalapit kay Samantha. Wala siyang pakialam kung Dela Serna ang makakalaban niya.
Hindi rin naman siya simpleng tao lang sa San Miguel. Isa siyang Monteverde.
Kinikilala rin ng mga taga-San Miguel ang mga Monteverde. Dahil sa mga negosyo nila sa ibang bansa at sa Maynila. Wala silang negosyo sa loob ng San Miguel. Pero alam ng lahat kung ano meron sila sa labas.
"Where have you been?" tanong ni Joshua nung gabing nagkita-kita sila sa VincElla Hotel. Sa bar na pinapagawa na ni Vincent sa ground floor.
"May dinaanan lang ako," tipid niyang sagot. Halata sa mukha ni Joshua na irita ito sa kanya. Alam niya kung bakit. Si Aya.
Overprotective si Joshua kay Aya. Kahit hindi naman nito tunay na kapatid si Aya.
"Babae na naman," sabi ni Vincent sabay abot ng bote ng beer.
"Sort of," nakangiti niyang sagot. Pasimple niyang sinulyapan si Joshua. Walang ekspresyon ang mukha nito.
"Who's the unlucky girl?" tanong ni Vincent nang maupo sa kabilang silya.
"You mean lucky," pagtatama niya rito.
"Kababalik mo lang, Sean. Pero nag-iingay ka na sa San Miguel," sabat ni Joshua.
"San Miguel girls are better than London girls," sagot niya sabay inom sa bote.
"I know," sagot ni Joshua. Sumilip sa cellphone na umilaw. "I have to go."
"Kararating lang ni Sean. Nagsisimula pa lang tayo," sabi ni Vincent. Gusto pigilan si Joshua.
Hindi siya kumibo. Dumukot siya ng sigarilyo sa bulsa. Sinindihan at inilagay sa bibig.
Sa kanilang tatlo, siya lang ang naninigarilyo. Nakuha niya yun nung nasa London siya. Dun siya nag-high school. Nabarkada rin siya. Kaya pinabalik siya ng Papa at Mama niya sa San Miguel. Baka daw hindi siya maka-graduate kung dun siya magpapatuloy.
"Busy man," sagot ni Joshua. Nagpaalam na sa kanila.
Tumango lang siya at nagbuga ng usok pataas.
"So, ano? Nakilala mo na siya?" tanong ni Vincent.
"Sino?" tanong niya. Humit sa sigarilyo.
"The un-modern chick," natatawang sagot ni Vincent.
Natawa siya sa tinawag nito kay Samantha. Un-modern chick.
"She is Samantha," sagot niya. Inilapag ang stick ng sigarilyo sa ashtray. "Even her name sounds un-modern."
"But she's beautiful, right?"
"Yeah, she is. But I know she is not your type."
"There is nothing wrong if I'm going to try something new. New for my taste," sagot niya kay Vincent. Muli siyang humit ng sigarilyo.
"Well, good luck," sabi nito. Sinuntok pa siya sa balikat.
"I saw her with Dela Serna," sabi niya. Uminom sa bote ng beer.
"Which Dela Serna?"
"Harvey Dela Serna."
"Oh…" tanging nasagot ni Vincent. Marahil alam din nito na hindi basta-basta ang mga Dela Serna.
At kung sakaling hawak nga ni Dela Serna si Samantha, wala siyang magagawa kundi agawin ito.
What Sean Monteverde wants, Sean Monteverde gets.
"What is your plan? How will you snatch her from Dela Serna?" tanong ni Vincent. Inabutan siya ulit ng bote ng beer. Hindi niya namalayan na ubos na pala ang hawak niya.
"I'm going to have a party this Friday night sa bahay," sagot niya. "And I'm going to invite Dela Serna and this girl, Samantha."