---
Kabanata 3
Aninong Tagapagtanggol
---
Runway ng Fort Aurelio Air Command
Mabigat ang katahimikan sa paligid ng runway. Ang malalakas na tunog ng makina ng eroplano ay tila naglalaman ng bigat ng isang misyon na hindi pa man nagsisimula ay dama na ng lahat ang panganib.
Nasa paakyat na hagdan si General Callix Reyes, ang pinakabatang heneral sa kasaysayan ng Sandatahang Lakas ng Republika. Kilala siya bilang isang lider na walang inuurungan. Matikas ang kanyang tindig, at sa bawat hakbang niya paakyat ng eroplano ay ramdam ang bigat ng responsibilidad na nakapatong sa kanyang balikat.
“General!” tawag ng isang sundalo, humahangos at tila nagmamadali. May hawak itong tablet na nanginginig pa sa kanyang kamay. “Kailangan niyo pong makita ‘to. Ngayon din!”
Napakunot ang noo ni Callix. Tumigil siya sa gitna ng hagdan at ibinaba ang kanyang bag. Lumapit ang sundalo, sabay abot ng tablet.
“Live broadcast po ito, Sir. Hindi namin alam kung saan galing pero… buong bansa, buong mundo—nakakapanood.”
Nagpatuloy ang sundalo, nanginginig ang boses. “Mga rebelde, Sir. Pinamumunuan ni Ramon… at higit sa lahat—si Nando.”
Mabilis na pumintig ang ugat sa sentido ni Callix. Si Nando Alvarado—ang pinakapinuno ng pinakamatinding grupong rebelde sa bansa. Malupit. Mapanlinlang. At higit sa lahat—walang pakundangan sa buhay ng tao.
Mabilis na umikot si Callix at bumaba ng hagdan. Tumayo siya sa gilid ng runway kung saan walang ibang tunog kundi ang hangin at ang alingawngaw ng makina. Kinuha niya ang tablet at agad na tumutok ang kanyang tingin sa lumalabas sa screen.
---
Blink. Live Stream Activated.
Sa simula, pawang mga ingay lang ng kalikasan at lagitik ng kamera. Madilim ang paligid, ngunit may bahagyang liwanag mula sa mga sulo at bombilya na nakasabit sa mga kawayan. Sa gitna ng screen, may limang taong nakaluhod, nakapiring at nakaposas, nakahanay na parang hayop na itinatali bago katayin.
Halatang nanginginig ang kanilang mga katawan, ang ilan ay nananalangin sa isip. Ngunit isang pigura lang ang agad na tumimo sa paningin ni Callix.
Prinsesa Anna Lizzie.
Kahit nakapiring at may duct tape ang bibig, kita ang kanyang postura—banayad na nanginginig, nakayuko, at pilit na pinipigil ang hikbi. Ang kanyang buhok ay gusot, at ang kanyang suot na royal dress ay madungis at punit.
Kasunod nito, lumitaw sa video ang isang pigura na agad nagpasimangot kay Callix.
Si Nando.
Matangkad, balbasin, at may malamig na titig na tila ba mismong kamatayan ang nakasilip sa kanyang mga mata. Nakasuot siya ng itim na unipormeng punit-punit at puno ng putik, at sa kanyang kamay ay hawak ang isang maitim na riple.
“Makinig kayong lahat,” wika ni Nando, mabagal at malumanay ang tinig, ngunit bawat salita’y tila tumatagos sa kaluluwa ng sinumang nakikinig. “Hindi ito simpleng laban. Ito ay paalala… paalala na hindi kami tatahimik hangga’t hindi kayo nakikinig.”
Lumapit siya sa isa sa mga bihag—isang lalaki—at walang sabi-sabing itinutok ang baril sa kanyang sentido.
“Kapag patuloy kayong nagbibingi-bingihan… isa-isa silang mawawala.”
At bago pa nakapagsalita ang sinuman, isang putok ang umalingawngaw.
BLAG!
Tumilapon ang katawan ng lalaki. Ang dugo’y kumalat sa sahig. Isang malakas na sigawan ang umalingawngaw mula sa mga nanonood ng live broadcast—sa mga bahay, paaralan, ospital, maging sa mga kalsada.
“Anak, huwag mong panoorin ‘yan!” sigaw ng isang ina, tinatakpan ang mga mata ng kanyang anak.
“Diyos ko…” napaupo ang isang guro sa sahig ng faculty room, hawak ang dibdib. “Totoo ba ‘to?”
Sa mga opisina, sa mga bus na may TV, sa bawat tahanan na may internet—lahat ay napatigil. Ang iba’y napaiyak, ang iba nama’y nagngalit ng galit.
“Paano nakalusot ‘to? Nasaan ang pamahalaan?” sigaw ng isang negosyanteng nanonood sa kanyang telebisyon.
Habang ang mundo ay nababalot ng takot at pagkabigla, sa Palasyo ng Solana ay sumabog ang kaguluhan.
---
Palasyo ng Pilipinas – Crisis Hall
“Madam President, this is a direct threat to international peace!” sigaw ng isang opisyal, pawis na pawis habang inilalatag ang satellite images at intelligence reports.
“She’s not just a royal, Ma’am! Isa siyang simbolo ng pagkakaisa sa Europa. Kapag may nangyari sa kanya, hindi lang tayo ang maapektuhan—posibleng magkaroon ng internasyonal na giyera!” dagdag pa ng isa.
Ang Pangulo, nakaupo sa gitna ng mesa, ay mariing nakatitig sa replay ng broadcast. Namumula ang kanyang mukha, ngunit pilit niyang pinananatiling kalmado ang tinig.
“Any confirmation from their embassy?” tanong niya.
“Wala pa, Madam. Pero may galaw na sa kanilang borders. May mga protesta na rin sa bansa nila. Sigaw ng mga tao—‘hostaged princess,’ war daw kung hindi ito malulutas.”
“Ma’am,” sabat ng National Security Adviser, “kapag hindi natin nailigtas si Princess Lizzie sa lalong madaling panahon, hindi lang reputasyon ng Republika ang nakataya. Peace treaties. Trade agreements. Military alliances. Lahat ng ito, posibleng magbago.”
Tumindig ang Pangulo, mabigat ang tinig.
“Walang mangyayari ng giyera. Wala tayong plan B. General Reyes… siya lang ang pag-asa natin.”
---
Fort Arcangel Command Center
Tahimik ang buong silid. Ang mga mata ng mga sundalo’y nakatutok lahat kay General Callix. Hawak niya ang tablet, nakatitig pa rin sa huling frame ng video kung saan nakaluhod si Princess Lizzie, nanginginig at luhaan.
Parang kumukulo ang kanyang dugo. Mariin ang pagkakakuyom ng kanyang kamao.
“General…” mahinang tawag ng isa sa kanyang mga tauhan. “Ano pong utos natin?”
Mabigat ang bawat hakbang ni Callix habang lumapit siya sa war board. Pindot niya sa pulang button, at agad na lumiwanag ang satellite map ng kagubatan. Luminaw ang kinaroroonan ng kampo.
“Hindi na tayo pwedeng maghintay,” mariin niyang sabi. “Kung maghihintay pa tayo, may isa na namang mamamatay.”
Huminga siya ng malalim, saka nagsalita ng buo ang loob:
“Ihanda ang operasyon. Siguraduhin ninyong buhay ang prinsesa. Hindi siya pwedeng mamatay.”
“Yesss, Sir!” sabay-sabay na sagot ng mga sundalo.
---
Sa Kampo ng mga Rebelde
Madilim. Malamig. Ang sahig ay puno ng putik at dugo. Ang mga bihag ay nakaluhod pa rin, nanginginig.
Nasa sulok si Princess Lizzie, nakaposas, nakatali ang paa, at may busal pa rin ang bibig. Luhaan ang kanyang asul na mga mata habang nakatingin sa sahig. Sa kanyang harapan, nakahandusay pa rin ang katawan ng lalaking pinaslang ni Nando.
“Ganito pala kabangis ang mundong ‘to…” bulong niya sa kanyang isip. “Walang pakundangan. Walang awa.”
Biglang bumukas ang pinto ng kulungan.
Pumasok si Nando. Mabigat ang kanyang mga yabag, at ang mga bantay ay napaatras para bigyang-daan siya.
Lumapit siya kay Lizzie. Walang babala, marahas niyang hinawakan ang buhok nito at itinaas ang mukha. Napaiyak ang prinsesa sa sakit, pilit na pumalag ngunit wala siyang lakas.
“Makinig ka, Prinsesa,” malamig ang tinig ni Nando, nakatutok ang matalim na titig sa kanya. “Kapag hindi sumunod ang gobyerno… bangkay mo ang makikita ng pamilya mo.”
Lalo niyang diniinan ang pagkakahawak, saka idinugtong sa malamig na bulong:
“…at hindi lang basta patay. Sisiguraduhin kong gugustuhin nilang hindi ka na lang nakita kailanman.”
Napapikit si Lizzie. Bumagsak ang kanyang luha, sunod-sunod, habang ang kanyang puso’y unti-unting lumulubog sa bangin ng pangamba.