Her Choice

1627 Words
DAHIL nagkaroon ng bakanteng oras si Lucille ay pumunta siya sa bahay ng Mama niya para humingi ng tawad sa Papa niya noong nagalit ito dahil sa paglabas nila ni Alice. Pinatawad naman siya nito at sinabing huwag na lang daw nilang uulitin iyon. Habang naroon na lang din siya ay kinuha niya na ang mga natitira niyang gamit doon. Dahil medyo marami pa iyon ay kailangan niyang ilagay sa roof rack ng sasakyan ang isa pang kahon. Nang makapag-park na siya malapit sa bahay ay kinalas na ni Lucille ang tali sa kahon. Sinubukan niyang kunin ang kahon pero dahil sa mabigat iyon ay nahihirapan siya. Kanina kasi ay ang katiwala nila sa bahay ang naglagay noon. She was struggling when someone called her. "Lucille." Paglingon niya ay nakita niya si Troy. Kakababa lang nito ng sasakyan nito at mukhang kagagaling lang din ng opisina. "Troy." "Anong ginagawa mo?" tanong nito. "Kinuha ko ang gamit ko kina Mama. Kaso ang bigat. Hindi ko mabuhat," nakangising sagot niya. "Tulungan na kita." "Naku, huwag na. Naka-suit ka pa man din," aniya. Nawi-weirduhang tiningnan siya nito saglit saka napailing at natawa. Hinubad nito ang blazer saka ipinatong iyon sa ibabaw ng sasakyan. "Puwede na?" nakangising sabi nito. "Nakita kasi kita kanina. Mukhang nahihirapan ka kaya nagmadali na ako. Mukhang kailangan mo ng super hero eh," tudyo nito sa kanya. Itinaas-baba pa ng binata ang mga kilay at nakakalokong ngumiti sa kanya. Pati si Lucille ay hindi na rin mapigilang mapangiti dahil sobrang cute naman talaga si Troy at parang lumulobo ang puso niya dahil sa sinabi nito. Kung siguro noon ay maiilang siya kung tulungan siya nito, ngayon ay medyo nasanay na siya. Mula nang magkaayos sila ay naging malapit na si Troy at Lucille sa isa't isa. Madalas na itong bumisita sa bahay niya para lang makipagkuwentuhan at madalas na rin ang pagsasabay nilang mag-gym. Minsan ay sumasama na rin ito sa pag-jogging niya. They spend a lot of time together and she's okay with that. Ang totoo ay natutuwa siyang kasama ang binata. Sa unang pagkakataon sa buhay ni Lucille ay hindi niya naramdamang mag-isa siya dahil sa mga panahong kailangan niya si Troy at kahit man hindi, ay naroon pa rin ito sa tabi niya. Ni hindi niya alam na kaya niyang maging ganoon kasaya kasama ito. Minsan kasing inakala niya na tatanda siyang mag-isa. At sa bawat pagkakataong kasama ni Lucille si Troy ay parang mas lalo lang siyang nahuhulog sa binata. Wala pa man silang napapag-usapang dalawa tungkol sa kung ano man ang kahulugan ng pagkakasama nila pero hindi iyon masyadong iniisip ni Lucille. What's important for now is the happiness she feels when she's with Troy. "Sige na nga," sumusukong wika niya. Walang kahirap-hirap na binuhat nito ang kahon saka nagsimulang maglakad papunta sa bahay niya. Dali-dali ring kumuha ng gamit si Lucille mula sa loob ng kotse at sinabayan si Troy. "Dapat kasi mag-boyfriend ka na eh para may tumutulong sa 'yo," nanunudyong wika nito nang lumingon ito sa kanya pagkamaya-maya. Napansin ni Lucille ang kakaibang kislap sa mga mata ni Troy. Pakiramdam niya ay may pinapahiwatig ang paraan ng pagtingin nito sa kanya. "Eh nandito ka naman na. Puwede ka na," "Puwedeng ano? Puwedeng maging boyfriend mo?" biro nito. Oo, gusto mo ba? "Baliw!" natatawang wika niya. Pakunwari lang si Lucille na hindi siya naaapektuhan sa biro nito pero sa totoo ay kinikilig siya. May mga nagliliparan na namang mga paru-paro sa tiyan ni Lucille na umabot yata pati sa puso niya. Masisisi niya ba ang sarili niya?! Napakaganda ng ngiti nito, tama sa timing ang banat nito at higit sa lahat, may amusement sa mga mata nitong parang tinutudyo siya. Para bang sinasabi ni Troy na alam nito ang ipinahihiwatig ng sagot niya. "Ay oo nga pala. Si Thrace pala ang gusto mo, eh ano? Crush mo iyon 'di ba?" sabi nito sa kanya pagkamayamaya. Nahimigan niya ang insekyuridad sa tinig nito kaya napangiti siya. "Nagseselos ka ba?" tudyo niya rito. "Hindi 'no!" He snorted. "Bakit naman ako magseselos? Eh mas guwapo ako doon, mas hot pa," dagdag pa nito. Lumuwang ang pagkakangiti ni Lucille. Dahil kasi sa pagkakaila nito ay nakumpirma niya ngang nagseselos ito at napaka-cute ng dating niyon para sa kanya. Hindi naman dahil sa gusto niyang masaktan si Troy o kung ano pero cute lang ang dating sa kanya na gusto rin pala ng binata na dito lang nakapokus ang atensyon niya at hindi sa kung sino sino. Parang gusto tuloy ni Lucille pisilin ang mga pisngi ni Troy sa sobrang panggigigil rito pero siyempre, pinigilan niya iyon. "Weh? In denial ka pa," tudyo niya. She was grinning ear to ear when she looked at her. "Hindi kaya!" "Kung hindi, bakit palagi kang nakikipagtagisan kay Thrace? Palagi mong sinasabi na better ka?" "Dahil nasasaktan ang pride ko na siya na lang ang palaging mas higit sa mga mata mo." Natatawang napailing si Lucille. "Kaya ba nagseselos ka? You're ridiculous." "Hindi nga. At wala naman akong karapatang magselos eh." "Hindi naman dahil sa wala kang karapatan kundi wala ka naman talagang dapat ipagselos eh dahil totoo naman, kahit magkamukha kayo, mas guwapo ka sa kanya," nakangiting sabi niya. Awtomatikong sumilay ang mga ngiti sa mga labi ni Troy tanda na nagustuhan nito ang sinabi niya. "Eh 'yong mas hot, hindi?" ungot pa nito sa kanya. "Aba, ha! Abuso ka!" natatawang wika niya. Napahalakhak na rin lang si Troy sa sinabi niya. Kinulit pa siya nito para sagutin niya ito ng Oo kaya lalo lamang silang nagtawanan. Iyon nga siguro ang dahilan kung bakit parang hindi nila nararamdaman ang pagod kahit ilang beses silang pabalik-balik mula sa sasakyan hanggang sa bahay para kunin ang mga gamit niya. "Saan ko ba ito ilalagay?" tanong ni Troy nang maipasok na nila sa bahay ang huling gamit niya. "Diyan na lang sa kitchen counter," tugon niya. "Anyway, salamat, ha! Napagod ka pa tuloy," "Sus! Di ka pa nasanay. Malakas ka sa akin, eh." "Pero nga, napagod ka pa. Ayan, pawis na pawis ka pa," sabi niya. Kumuha si Lucille ng face towel at ibinigay niya ito kay Troy. "Here." Mabilis na inabot niya iyon sa binata pero hindi iyon nahawakan agad ni Troy kaya nahulog ang face towel sa sahig. Magkapanabay silang umuklo para kunin ang face towel pero imbes na iyon ang makuha nila ay ang kamay ng isa't isa ang nahawakan nila. Nagkaroon na naman ng spark nang magdaiti ang mga balat nila at nang itaas niya ang tingin rito ay dati nang nakatingin sa kanya ang binata. There was that intense gaze in his eyes once again. Para bang hinihipnotismo na naman ni Troy si Lucille na naging dahilan ng pagbilis ng t***k ng puso niya. Alam ni Lucille na kailangan niyang lumayo na dahil hindi nakakabuti sa puso niya ang ganoong pagkakalapit nila sa isa't isa. They were too close for comfort. Halos nga magpalitan na sila ng hininga. Pero hindi niya mahinuha kung bakit hindi siya makagalaw. Ang akala ni Lucille ay sa mga pelikula lamang nangyayari ang ganoong pagkakataon pero sa totoong buhay din pala. Parang nag-short circuit na nga ang utak niya lalo pa nang mapansin niyang napatingin ito sa kanyang mga labi. He looked at her lips like they were something to eat. Parang natatakam ito. Unknowingly ay bumuka naman ang labi niya at kung sakaling ituloy man nito ang kung anong iniisip gawin ay hindi magagawang mag-protesta ni Lucille. Sadyang napakalakas lang ng mahikang bumabalot sa kanilang dalawa noong mga sandaling iyon na parang hindi niya kayang labanan. Hanggang sa napansin niya ang sunud-sunod na paglunok ni Troy na para bang nagising ito sa ginagawa. Umayos ito ng tayo. "Tya-tyansingan mo na naman ako 'no?" tudyo nito sa kanya at idinaan na lang iyon sa tawa para mawala ang pagkailang na bigla na lang bumalot sa paligid. Pero bakit ganoon? Bakit parang kinakabahan ito? Bakit parang may tensiyon sa mga labi nito nang ngumiti ito? Lihim siyang napangiti. Kung ganoon, ay kinakabahan rin ito dahil sa kanya?! Kung ganoon ay hindi lang pala siya ang naaapektuhan sa presensiya ng binata kundi ito rin sa kanya. "Kapal nito!" kinuha niya ang face towel at hinampas niya iyon dito. Napahalakhak na lang ito sa kanya. "Naku, Lucille, mag-ingat ka. Baka kapag natikman mo ang halik ko, pati si Thrace makalimutan mo," panunukso pa nito sa kanya. Kung alam lang ni Troy, matagal nang nawala si Thrace sa isip niya. Mula nang maging malapit sila ni Troy sa isa't isa ay napansin niyang hindi na muling tumawag sa kanya si Thrace. Ni hindi niya alam kung ano na ang nangyayari dito. Sa pagkamangha rin ni Lucille sa sarili ay parang hindi na siya naaapektuhan. Kung una ay nagngingitngit siya dahil hindi naalala ni Thrace ang date nila, ngayon ay hindi niya iyon nararamdaman. She felt okay with it. Pero kahit ganoon ay hinihiling niya na sana ay nasa maayos rin itong kalagayan. "Tse!" sabi na lang niya. "Anyway, gustuhin man kitang pag-meryendahin man lamang para naman makabawi ako sa 'yo pero hindi pa ako nakapag-grocery eh." Alam na rin ni Lucille kung bakit ganoon ang kanyang nararamdaman. Si Troy ang dahilan. Ito kasi ang palaging naroon sa tabi niya. "Okay lang. Eh kung ako na lang ang mag-treat sa 'yo?" "Ha?" "Libre kita ng dinner mamaya," sabi nito sa kanya. Umawit ang puso ng dalaga. Inaaya na ba siya nitong mag-date?! Lumalabas naman kasi sila talaga at kumakain sa labas pero parang hindi naman date iyon. Para bang parehas lang nilang gustong kumain kaya lumabas sila. Ganoon lang. Pero kung sakali, iyon ang unang pagkakataon na aayain siya nito nang pormal na date. "Like a date?" hindi niya mapigilang naitanong. "Yes, like a date," amused na sagot nito. Parang sumirko ang puso niya. "Kung hindi magagalit si Thrace." "Bakit naman siya magagalit? Ako ang magdedesisyon para sa sarili ko." "At anong desisyon mo? Pumapayag ka?" "Since mapilit ka, sige na nga," biro niya. Napahalakhak si Troy at hindi nito maitago ang kaligayahan. Kahit naman si Lucille ay parang bigla-biglang na-excite.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD