The Thing I Wish I Never Heard

2214 Words
TINANGGAL ni Lucille ang kanyang gloves at mask, saka iginiya sa desk ang pasyenteng kakatapos niya lang bunutan ng ngipin. "Inumin mo na lang itong pain killer twice a day for three days. Bumili ka na paglabas mo ngayon dahil mayamaya lang mawawala na ang epekto ng anaesthesia," sabi niya pagkatapos gumawa ng reseta. Binilinan niya pa ito ng ibang bagay na kailangan nitong gawin bago ito pinayagang umalis. Agad namang kumilos si Margot para linisin ang mga apparatus na ginamit niya kanina. Nang matapos ay agad na rin namang nag-ayos si Lucille dahil nakapag-schedule na siya ng lunch date kasama si Troy. "Aalis ka na, Doc?" tanong ni Margot. "Oo. Isara mo na muna ang clinic. Mag-lunch ka na lang din muna. Babalik lang ako pagkatapos naming mag-lunch." "Sige." Nag-retouch ng make up si Lucille. Ilang beses niya pang tinanong si Margot kung okay lang ba ang kulay ng lipstick niya, kung maganda ang damit niya at kung anu ano pa. Bagaman ay sinasagot naman siya nito, napansin ni Lucille ang pagkunot-noo ni Margot. "Ano?" Pakiramdam niya kasi ay may sasabihin ito. "Naninibago lang ako sa'yo. Dati kasi, wala ka namang pakialam kung anong suot mong damit o kung anong kulay ng lipstick mo, basta presentable ka, okay na sa'yo. Pero ngayon, kung makaakto ka, para bang nakadepende ang ika-aasenso ng Pilipinas sa kulay ng lipstick mo." Napahalakhak si Lucille sa sinabi ni Margot. Pati pagtawa niya ay ikinamangha nito. Aminado naman kasi siyang tama ang obserbasyon nito. Dati ay wala siyang pakialam sa ibang bagay. Pero ngayon, gusto niyang maging pinakamaganda para kay Troy. Kahit si Lucille ay naninibago sa sarili pero gusto niya ang pakiramdam kapag kasama niya si Troy. Para bang nagkaroon ng excitement sa buhay niya ngayon. Para ngang pakiramdam niya ay wala ng kulang sa buhay niya dahil kinumpleto na iyon ng binata. Pinunan nito ang kung anumang kahungkagan sa puso niya. She had never felt happier than now that he found the love she had been looking for in Troy. Kahit wala pang label ang kung anumang mayroon sila ay aminado si Lucille na mahal niya ang binata at nasisigurado niyang parehas ang nararamdaman nila para sa isa't isa. Wala mang sinasabi si Troy pero nararamdaman niya ang pagmamahal ng binata sa kanya. She can feel his love through his kiss, by the way he looks at her and by the way he holds her hand like he's assuring her that no matter what happens, she would always have him. "Eh hayaan mo na. Minsan lang ako nagkaganito," natatawang tugon niya. "Kung sabagay. Pero paalala ko lang sa'yo, Doc, mag-ingat ka." "Bakit naman?" "Wala lang. Parang sobrang bilis lang kasi ng pangyayari. Baka sa sobrang bilis ng takbo mo, madapa ka." Naiintindihan naman ni Lucille ang punto ni Margot pero sa tingin niya ay wala rin naman sa tagal ng pagsasama ang sikreto ng true love. Minsan, may mga taong kahit bago pa lamang magkakilala ay may spark at magic nang nararamdaman. Nasa mga tao na lamang iyon kung paano i-work out ang kung anumang namamagitan sa kanilang dalawa. Love is something that needs to be worked out every day and it takes two willing people to make that happen. "Eh sa kanya ko naramdaman ang spark eh." "Na naramdaman mo rin sa kakambal niyang si Sir Thrace." Hindi niya naman iyon idine-deny. Pero kasi ay mas matindi ang nararamdaman niya para kay Troy. Siguro ay na-amuse lang siya noong nakilala niya si Thrace dahil naging crush niya ito dahil sa madalas na pagkikita nila sa convenience store. Sa lalaki niya nakita ang mga katangiang ideal para sa kanya. Kay Thrace niya naramdaman muli kung paano muling makilig. Ito rin ang naroon noong mga panahong handa na siyang bigyan ang sarili ng pagkakataon para sumaya. Pero na-realize niyang hindi kailanman lumalim ang nararamdaman niya rito. It was just a crush. Pero nang makilala niya si Troy, nagulo ang tahimik niyang buhay. Bukod sa palagi siya nitong inaasar ay sinisiraan nito si Thrace sa kanya. Pero kahit nag-iinit ang dugo niya kay Troy ay palagi namang pinagkukrus ng tadhana nila na mas higit pa sa kanilang dalawa ni Thrace. Si Troy ang palaging naroon kapag kailangan niya at sa kalaunan ay ito rin ang nagpapaganda ng araw niya. Hanggang sa mamalayan na lang ni Lucille na si Troy na lang ang palaging hinahanap niya araw-araw. Troy made her feel the happiness that she never thought she could feel. "Alam ko namang kailangan kong makausap si Thrace para humingi ng tawad sa kanya kung kinakailangan pero sigurado ako sa nararamdaman ko kay Troy." Nanatiling nakatitig si Margot sa kanya pero sa huli ay napabuntung-hininga na lang ito. "O siya. Bahala ka," sumusukong wika nito. "Basta masaya ka, masaya na rin ako." Napangiti si Lucille. Alam naman niyang kasiyahan lang ang hangad ni Margot sa kanya dahil mabuti ito sa kanya. "Salamat." Isang beses niya pang tiningnan ang sarili sa compact mirror. "O siya, mauuna na ako. Babalik lang talaga ako." "Kahit huwag ka nang bumalik, Doc. Magpakalango ka sa pag-ibig." Natatawang napailing na lamang si Lucille kay Margot. Excited na lumabas siya sa ospital. Umaga pa lang ay naging nakakapagod na ang araw niya dahil sa dami ng kanyang pasyente pero alam niyang kapag makita niya si Troy ay mapapawi din agad ang pagod niya. Isang yakap lang nito ay alam niyang gaaan na ang loob niya at gaganda ang araw niya. Iyon ang gusto niyang klase ng pag-ibig, pag-ibig na nakakapanatag sa kanya. Kasasakay pa lamang ni Lucille ng sasakyan niya nang bigla na lang tumawag si Troy. Awtomatikong lumuwang ang pagkakangiti niya. "Hello! Nasa restaurant ka na ba? Papunta pa lang ako. Pasen---" "Lucille." "Hmmm?" "Okay lang ba kung i-cancel muna natin ang lunch? Di ako makaaalis sa office. Tambak ang paperworks ko." Awtomatikong bumagsak ang balikat ni Lucille. Excited pa man din siyang makita ito. "Hindi ba puwedeng---" Kaso hindi pa man natapos ni Lucille ang sasabihin ay nakarinig na siya ng ibang boses sa kabilang linya. May kinakausap na si Troy tungkol sa isang kaso. "Sorry. Tawagan na lang kita mamaya." Bago pa man makasagot si Lucille ay ibinaba na ni Troy ang tawag. Dismayadong dismayado siya dahil pinaghandaan niya pa naman ang date nilang iyon. Pero sa kabila ng pagkadismaya ay na-realize ni Lucille kung gaano ka-stressed ang boses nito. Base sa narinig niyang pag-uusap ay madami ngang trabaho si Troy. Hindi niya na naiwasang mag-alala para sa binata. Kaya tutal ay nasa kotse na rin naman siya at gusto rin naman niyang makita ang binata ay nakaisip si Lucille ng paraan. After all, when you love someone, you must be willing to compromise. "SERYOSO KA ba?" hindi makapaniwalang wika ni Troy kay Martin nang magpunta ito sa opisina niya kanina. Bukod sa dami niyang inaasikasong paperworks, gusto daw ng presidente firm na mag-guest siya sa isang T.V show at pinapahawakan pa nito sa kanya ang isang copy infringement case. Halos hindi na makahinga si Troy sa dami ng ginagawa. "Oo." Ipinatong nito ang files sa mesa saka naupo sa isang silya sa harap ng desk. "Since copyright infringement case ito, hindi naman 'yan urgent. Bakit ngayon mo binibigay sa akin?" Nangingiting nagkibit-balikat ito. "Dahil wala akong time. Busy ako sa kasong tinanggihan ni Atty. Bajaro. Ako na ang sumalo noon." "At ang TV show, bakit sa akin niyo ibinibigay?" Napaarko ang kilay niya. "Dahil ikaw ang pinakaguwapo sa atin. Ang presidente na ng firm ang nag-decide na ikaw ang pupunta. Makakatulong ito sa firm natin." Frustrated na napakamot siya sa ulo nang makita kung gaano karaming files ang naroon sa opisina siya. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon na tambak siya sa trabaho. Kadalasan nga ay madami naman siyang trabaho at nagugustuhan niya iyon dahil noon ay iyon lang naman ang mayroon siya sa buhay niya noon. Pero ang lahat ng iyon ay bago dumating si Lucille sa buhay niya. Nang maging malapit sila ni Lucille sa isa't isa ay gumagawa na siya ng panahon para mas makita ito. Mas naging priority niya na ang dalaga kaysa sa trabaho niya at hindi siya natutuwa ngayong kinailangan niyang i-cancel ang lunch date nila dahil lang sa dami ng dapat niyang gawin. Excited pa man din sana siyang makita ito lalo pa at missed niya na ito. Mukhang napansin rin naman ni Martin ang pagbabagong iyon sa kanya dahil napakunot-noo itong tumingin sa kanya at pagkamaya-maya ay bigla na lamang itong napailing at natawa. "What?" nakaarko ang kilay na sita niya rito. "Are you in love?!" hindi makapaniwalang wika nito saka napahalakhak. Imbes na umamin sa kaibigan ay lalo lang siyang nairita sa inakto nito. Nakakatawa na ba talaga kung aminin niya mang in love siya? Pero kung sabagay ay hindi rin naman masisisi ni Troy ang kaibigan dahil sa loob ng mahabang panahon ay ito ang first hand na nakaranas ng kasungitan niya. Alam din nitong hindi na siya naniniwala sa pag-ibig mula nang magkahiwalay sila ni Ruby. Pero ano bang magagawa ni Troy? Talagang nagbago ang buhay niya nang makilala si Lucille. Inaamin naman ni Troy na noong una ay parang na-challenge lang siyang lapitan ito dahil sa kaalamang gusto ni Thrace at hindi siya samantalang madalas niya itong makasalubong sa convenience store. Ni minsan nga ay hindi siya nito nginitian pero maluwang ang ngiti nito kapag nagsasalita ito ng tungkol kay Thrace. Isa pa ay naiinis siya dahil palagi na lang siyang kinukumpara ni Lucille kay Thrace. Kaya ay lalong nagkaroon ng determinasyon si Troy na patunayan ang sarili kay Lucille. Pero ang hindi niya inasahan, sa mga panahong iniinis niya lang ang dalaga ay lalong nagiging mas interesado siyang makilala ito. Lalong gusto niyang protektahan ito hindi lang kay Thrace kundi pati sa ibang taong maghahatid ng panganib dito. Nang mas makilala ni Troy ang dalaga ay lalong nahulog ang loob niya dahil sa busilak nitong puso. Sa kabila ng hirap na pinagdaanan ni Lucille para mapaluguran ang pamilya nito ay buong buo pa rin ang pagmamahal ng dalaga para sa mga ito. She is selfless. Natuklasan rin ni Troy kung gaano kasarap kasama ang dalaga. Her witty remarks would unfailingly make him smile. Lagi rin itong naroon kapag kailangan niya ng karamay at iniintindi siya ng dalaga kahit hindi man siya naiintindihan ng mundo. Lucille made him believe in love again and she made a big difference in his life. Ngayon ay mas masaya na siya at mas handa na siyang magpatuloy sa buhay dahil alam niyang naroon naman si Lucille para sumuporta sa kanya. "Tigilan mo nga ako," sabi niya. Ipinagpatuloy niya ang trabaho pero nararamdaman niya pa rin ang pagtitig ni Martin. "At hindi ka nga nag-deny?!" Isang beses pang natawa ito. "Wala akong dapat ipaliwanag sa'yo." "I can't believe it!" Nagtaas ng tingin si Troy at tiningnan niya ito nang masama. Lalo lang siyang nairita sa inakto nito. "Puwede ba?! Kung aasarin mo lang ako, umalis ka na lang dahil marami pa akong gagawin." "Hindi. Sandali lang. Magkuwento ka muna. Ngayon lang nagkaroon ng interesante sa buhay mo. Gusto kong malaman," tila excited na wika nito. Parang pumitik ang ugat sa sentido ni Troy habang pinagmamasdan niya si Martin. Hindi niya akalaing may tsismosang lalaki. At hindi ba sabi nito ay wala itong panahon? "So, kapag tsismis ay may panahon ka?" iritadong wika niya saka muling ibinalik ang atensyon sa trabaho. Pero hindi natinag si Martin. "Kaya pala sabi ng secretary mo ay panay ang labas mo. Usap-usapan rin ng mga empleyado rito na may dumalaw raw na babae sa'yo dito at isinama mo pa sa restaurant sa labas." Hindi na rin nagtaka si Troy na na-tsismis iyon dahil alam naman ng mga empleyado doon na matagal na siyang wala siyang interes makipag-date. "Pero wait. Si Lucille ba iyon?" Minsan na rin niyang naikuwento kay Troy ang kay Lucille kasi nasaksihan ni Martin ang pagsampal sa kanya noon ng dalaga. Kasama niya rin ito sa club noong gabing nakita niya doon si Lucille. Ikinuwento niya noon na si Thrace ang gusto nito pero maliban doon ay hindi na siya rito nagkuwento sa kung anumang namamagitan sa kanila ni Lucille. Nang hindi sumagot si Troy ay lalo lang napatunayan ni Martin ang hinala. Napamura pa nga ito. "Maganda naman talaga siya, di ba, kaya hindi na rin nakapagtatakang magustuhan mo siya. Pero hindi ba ay si Thrace ang gusto nito? Sandali nga, gusto mo ba talaga si Lucille o gusto mo lang makipagtagisan kay Thrace?" Hindi siya sumagot pero lalo lamang itong nag-isip ng kung ano. "Posible naman iyon. Knowing na nasaktan ang pride mo dahil sa palagi kang kinukumpara kay Thrace. Sigurado naman akong hindi ka na magpapatalo kay Thrace, this time. Tama ba ako?" Ilang beses pa siyang kinulit nito nang hindi siya sumagot. Tumayo pa nga ito at tumabi sa kanya para kulitin siya at naiinis na si Troy. Hindi lang dahil sa makulit ito kundi dahil ganoon ang tingin ng kaibigan sa kanya. Totoo rin naman ang sinabi nito pero wala na ba talagang karapatan si Troy para maging masaya? Sa iritasyon niya ay bigla siyang napatayo at binalingan ito. "Oo na! Lumapit lang ako kay Lucille dahil gusto kong makipagtagisan kay Thrace! Dahil hindi kaya ng pride ko na pati ang babaeng nagugustuhan ko ngayon ay saiya ang gusto! At first, it was just a challenge for me!" bulyaw niya. "Masaya ka na?!" "Ecstatic," tila walang siglang sagot ng isang boses doon sa silid pero hindi iyon kay Martin. Agad napadako ang tingin ni Troy sa pinto at parang piniga ang kanyang puso nang makita ang pait sa mukha ni Lucille. Narinig nito ang sinabi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD