NATULOS si Lucille sa kinatatayuan nang marinig niya ang sinabi ni Troy. Kasabay iyon ng labis na paninikip ng kanyang dibdib. Parang hindi siya makahinga.
Excited pa man din sana siyang sorpresahin si Troy dahil naisip niyang kung hindi ito makakalabas ay siya na lang ang pupunta rito. Nagdala pa man din siya ng pagkain para dito at sa mga staff nito pero hindi niya inaasahang iyon ang maaabutan. Siya pala ang nasorpresa.
Nagulat din ang kaibigan ni Troy nang dumating siya at nagmamadali itong umalis. Nang sila na lang na dalawa ay nanatili lang nakatitig sa kanya si Troy. Bagaman ay napansin niya ang pagguhit ng kalungkutan sa mga mata nito ay hindi man lang nito pinagtanggol ang sarili. Siguro mas matatanggap pa ni Lucille kung magpalusot man lang ito pero wala itong ginawa. He just stood there watching her face looking so sorry. Parang may punyal na tumarak sa puso ni Lucille.
Akala niya pa man din ay natagpuan niya na ang tunay na pag-ibig pero iyon pala ay may motibo ito sa paglapit sa kanya. Hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kanyang luha sa sobrang sakit na nadarama niya.
"Ganoon lang ba ako sa'yo?! Challenge lang ako sa'yo?! Gusto mo lang makaganti kay Thrace?! Para ano?! Para mabawi ang tinapakan mong pride noon?!"
"Lucille...." mabuway na wika nito.
"Ano?! Sabihin mo sa aking mali ang pagkakaunawa ko saka ako makikinig sa'yo!" asik niya.
Pero tulad ng inaasahan ni Lucille ay hindi pinagtanggol ni Troy ang sarili. Kahit hindi ito sumagot ay kinumpirma lamang nito ang lahat na lalong nakasakit sa kanya.
"I'm sorry, Lucille," anito. Napansin niya ang pangingilid ng luha nito.
Kahit parang dinudurog ang puso ni Lucille na makitang tila nahihirapan din si Troy ay hindi niya kayang isantabi ang galit na nararamdaman niya ngayon. Kung sa tingin nito ay mapapatawad niya lang ito sa isang sorry lamang ay nagkakamali ito.
Pakiramdam niya ay trinaydor siya nito at pinaglaruan. Handa pa man siyang isantabi ang takot niya na masaktan ulit sa pag-ibig, handa pa man sana siyang sumubok ulit at ibigay ang lahat para sa lalaking pinakamamahal niya pero anong ginawa nito? Niloko lang siya ni Troy! Ang masakit pa ay nagsisimula pa nga lang siyang magmahal pero parang biglang natapos na iyon.
Parang gusto niyang pagtawanan ang sarili dahil pinakaiiwasan niya nga noong masaktan ulit pero iyon rin naman ang nangyari sa kanya ngayon. Ang masaklap pa ay mas masakit pa ang nararamdaman niya ngayon kaysa sa heartbreak niya noon.
Sunud-sunod ang pagbuhos ng luha ni Lucille nang magbalik sa kanya ang mga naging pag-uusap nila dati. Akala niya ay talagang galit lang si Troy kay Thrace pero hindi niya akalaing pati siya ay gagamitin nito. It all made sense to her now.
Because I like you but you like my brother, instead. You make me want to compete with him.
I can't believe that you just drew a line. I bet it's because of Thrace. I felt like you challenged me.
Dahil nasasaktan ang pride ko na siya na lang ang palaging mas higit sa mga mata mo.
"Kaya pala paulit ulit mong sinasabi na mas higit ka kay Thrace dahil nasasaktan ang pride mo. That's why you made me your game," Pagak siyang natawa.
Lucille can't believe that she missed those signs! Ang tanga tanga niya! Palibhasa, kahit ayaw niyang paniwalaan noon ang sabi nitong gusto siya nito, ang totoo, unconsciously ay naniwala siya kay Troy. She got swayed by his charming smile, his sweet gestures and his genuine love for her. Parang gusto niya tuloy pagdudahan kung totoo ba ang pinakita nito sa kanya o kung talaga ngang mahal siya nito. Ni hindi naman nga nito sinabi na mahal siya nito.
Parang lalong sumikip ang dibdib niya sa reyalisasyong iyon.
"Laro lang ba ako para sa'yo, Troy?!" naghihinanakit na wika niya.
Naiintindihan niya naman ang sama ng loob ni Troy kay Thrace pero ang masakit sa kanya ay dinamay pa siya nito. Sinayang lang nito ang pagmamahal na ibinigay niya rito!
"No, Lucille..." Lumapit ito sa kanya at akma siyang hahawakan pero agad na tinabig niya ang kamay nito. "Hayaan mo naman akong magpaliwanag. It was just a stupid and silly mistake."
"Stupid?" hindi makapaniwalang wika niya. Kung tingin nito ay maliit na bagay lamang ang ginawa nito, kay Lucille ay napakalaking bagay na iyon. "It wasn't silly to me. Napakalaking bagay niyon para sa akin, Troy!" bulyaw niya.
"You broke my trust at napakahalaga noon sa akin. Iyon ang bagay na ikinakagalit ko. Dahil higit sa lahat, ikaw ang nakakaalam na ayaw ko nang masaktan muli. Higit sa lahat, ikaw ang nakakaalam kung gaano kahalaga sa akin itong pagkakataon na binigyan ko ng pagkakataon ang sarili kong maging masaya."
Pinagmasdan niya ang mukha ni Troy. Dati, iyon ang mukhang gusto niyang makita at iyon ang nagpapasaya sa kanya. Pero ngayon, hindi niya mahanap ang kasiyahan tuwing tinitingnan niya ito, sa halip ay mas matinding sakit ang nararamdaman niya pag nakikita niya ito. How can so much love can suddenly turn into so much pain? Sunod-sunod na bumuhos ang kanyang luha.
"But you, of all people, broke my heart! Iyon ang hindi ko matanggap! Pinagkatiwalaan kasi kita! Akala ko kasi ay naiiba ka sa mga lalaking nanakit sa akin. Akala ko, sa'yo ko mahahanap ang tunay na pag-ibig. Ikaw ang nagparamdam sa akin ng mga bagay na ipinagkait ko sa sarili ko noon. Ikaw ang nagturo sa akin kung paano maging masaya ulit. Because everything we shared was true for me," aniya sa pagitan ng paghikbi. Parang kinakapos siya ng hininga at parang mas lalong bumibigat ang tila pader na nakadagdan sa kanyang dibdib. "Pero sa'yo, totoo ba ang mga ipinapakita mo sa akin o lahat ng iyon ay pagpapanggap lamang?!"
"Of course, totoo iyon."
"Paano naging totoo iyon kung sa'yo na rin nanggaling na niloko mo lang ako?" naghihinanakit na wika niya. Marahas na pinunasan ni Lucille ang mga luha niyang walang tigil sa pagtulo. "Alam mo ang masakit pa nito?! Nasasaktan ako kahit alam ko namang wala akong karapatan na umakto nang ganito dahil ngayon ko lang na-realize na kailan man ay hindi mo sinabing mahal mo ako."
Napadaklot si Lucille sa kanyang dibdib nang maramdaman ang mas malakas na pagpiga sa kanyang puso. Baka nga ay laro lamang para dito ang lahat lalo pa at ni minsan ay hindi man lang ito nagtapat ng pag-ibig sa kanya. Oo, pinaramdam nitong importante siya rito pero alam naman ni Lucille na malaki ang pagkakaiba ng importante sa mahal.
"Pero talagang mahal kita!" si Troy.
"Mahal?!" bulyaw niya. "Paano mo ako magagawang mahalin kung walang ibang pumupuno sa puso mo kundi ang galit mo sa kapatid mo?! Kung walang ibang mahalaga sa'yo kundi gantihan siya?!"
"Mahal na mahal kita, Troy pero ngayon ko lang na-realize na hindi ko magagawang makuha ang buong puso mo dahil hindi mo pa pinapalaya ang puso mo sa iyong nakaraan. Hindi ka pa nakakapagpatawad." Napahagulgol siya ng iyak. "Naiintindihan kong mahirap ang lahat para sa'yo pero mahirap din ito para sa akin."
Nang makita niya ang pagtulo ng luha ni Troy ay lalo lang nahirapan si Lucille. Parang paulit ulit na sinasaksak ng punyal ang puso niya. Parang pakiramdam niya ay gumuguho ang kanyang mundo. Kaya bago pa man niya hindi kayanin ang lahat ay tinalikuran niya na ito. Ni hindi man lang siya pinigilan ni Troy habang papaalis siya kaya lalong bumigat ang loob niya. Siguro nga ay wala naman siyang halaga sa binata.
"Akala ko talaga, ikaw na ang para sa akin, Troy. Nagkamali na naman pala ako" wika niya bago siya makalabas ng pinto. Mabilis na naglakad siya papalayo rito. She needed to walk away from all the hurt she's feeling.