Chapter 23: The Pills and the Herbs! Tinanong ng matandang Alchea ang binatang si Joe Blood tungkol sa ilang bagay. Pinagmamasdan niyang maigi ang bawat galaw ng katawan nito, ang mga kamay na nanginginig, mukha na puno ng takot, at ang mga panga nitong nanginginig ng kaunti tuwing nagsasalita. Sa kaniyang pagtatanong ay nakumpirma niyang walang masamang hangarin ang binata at mukhang nagsasabi naman ito ng totoo. Kasalukuyang inookupahan ni Rain Goodman ang upuan na nasa harap ng bilog na lamesang ginawa gamit ang kakaibang uri ng kahoy. Ang mga kamay niya ay parehas nakahawak sa mainit na tasa ng tsaa, hindi kasi maiwasang manginig ng mga braso niya habang hawak ang tasa at natatakot din siyang aksidenteng mabitawan ang inihanda ng matanda sa kaniya. Ang buhok niyang kulay pula ay basa pa rin ng mga pawis na kaninang inilabas ng katawan niya sa gitna ng matinding presyur na hinarap sa kamay ng matanda. Kahit ang suot niya ay malinaw na basang-basa pa rin ng pawis, dahil dito ay kinakabahan siya ng kaunti na baka matuyuan ng pawis. Gayunpaman, wala siyang ginagawang aksyon para punasan o alisin ang mga pawis na nagbibigay ng negatibong isipan sa kaniya. Sa harapan ng binata ay nakaupo rin ang matanda na dahan-dahang humihigop ng sariling tasa ng tsaa. Madilim ang paligid at nakasara pa ang mga bintana na nagbibigay ng kaunting liwanag sa maliit na tahanan ni tandang Alchea. Ilang mga piraso lang ng maliliit na kandila ang nagbibigay liwanag sa paligid, ang mga kandilang ito ay maliliit na at saglit na lang ang itatagal bago tuluyang maglaho. At ang mas ikinababahala pa niya ay ang tingin na ibinibigay ng matanda, naniniwala siya na masama ang husgahan ang isang tao base sa kanilang hitsura. Pero kung literal na hitsura lang ng matanda ang nakita niya ay baka hindi pa siya manginig sa takot tuwing nakikita ang mukha nito, ngunit hindi, nakita niya at napatunayan mismo sa harapan niya ang taglay na lakas ng matandang ito at naniniwala siyang kaya siya nitong patayin kahit na gamitin lang nito ang isa sa sampong daliri niya. Tuwing nakikita niya ang mukha ng matanda ay bumabalik ang takot na nadama niya kanina at ang mga pawis sa noo niya ay hindi maiwasan ang magsilabasan. Kapag nakikita niya naman ang mga mata nitong parang alam ang lahat ng bagay ay naaalala niya ang taglay nitong lakas na hinding-hindi niya mapapantayan. Ang kaniyang mga kaalaman na laging tumutulong sa kaniya sa mga sitwasyon ay ang naging pinto ng matinding takot para sakupin ang loob niya. Alam niya ang katauhan ng matanda at tuwing naiisip niyang magkamali sa harap nito ay tanging kamatayan lang ang sasapitin niya, kaya naman kahit anong pilit niya ay hindi niya mapigilan ang makaramdam ng matinding presyur. Matapos uminom sa maikling oras na parang napakatagal sa paningin ng binata ay ibinaba na ni tandang Alchea ang tasa niya at muling nagtanong. "May iba kapa bang binabalak? Bukod sa maghiganti sa mga pumaslang sa magulang mo?" Seryosong tanong ng matanda. Marami siyang nalalamang impormasyon na tanging mga nakakataas na adventurer lang ang nakakaalam, kaya naman alam niya kung sino ang binabalak gantihan ng binatang kaharap niya. "Kapag napatay ko na ang mga tumapos sa magulang ko, binabalak kong libutin ang mundo." Sinserong sagot niya. Matalim ang pandama ng matandang ito at mukhang marami na siyang karanasan, hindi wais kung puro kasinungalingan ang sasabihin niya. "Mapanganib ang mundo sa labas. H'wag mong masiyadong tataasan ang mga pangarap mo, baka 'pag bumagsak ka ay hindi kana makabangon," Pangaral ng matanda kay Rain. Napansin niya naman na mukhang hindi naman nagsisinungaling ang binata, hininaan niya na ang presyur na sikreto niyang pinapadama kay Rain Goodman. Sa gilid ng binata ay makikita ang parihabang lamesa na napapatungan ng mga bilog na babasaging lalagyan ng mga iba't ibang uri ng halaman. Hindi mapigilang mapatingin ni Rain Goodman ng ilang beses sa mga halamang ito na napansin naman ng matanda. Tapos na ang pagsusuri niya sa binata at ngayong napansin niya ulit ang tingin nito sa mga halamang gamot niyang nakalagay sa bote ay tumaas ang mga kilay niyang nagtanong sa binata, "May kaalaman ka sa mga herbs?" Nang marinig ni Rain Goodman ang tanong ng matanda ay nagulat siya ng kaunti. Iba na ang tono ng pananalita ni Alchea at mukhang umaasa din ito na sana ay may kaalaman talaga siya sa mga nasabing halamang gamot. Noong una ay hindi niya rin napansin sa sarili na naaakit na pala ng mga Herbs ang kaniyang tingin, hindi naman siya nahihikayat sa panlabas na anyo, nahihikayat siya dahil sa loob niya ay gusto niyang subukang kainin ang mga halaman na magpapataas sa [Stats] niya. "M-may kaunti akong kaalaman sa mga halamang gamot," Sagot ng binata. "Mn? Interesante, isang binata na may hilig sa mga herbs?" Tumatangong wika ng matanda. Gumanda ang tingin niya kay Rain Goodman. Hindi siya ang unang adventurer na naging interesado sa mga herbs, marami rin sila pero dahil sa nakakalitong katangian ng mga halaman ay marami ang nalilito at hindi tumatagal sa propesyon na [Herb Specialist], ang kasunod na rank ng [Herb Specialist] ay ang [Alchemist]. Kaya kalaunan, marami ang nagpokus na lang sa pagiging adventurer para hindi masayang ang oras nila hanggang sa naging madalang na ang mga kabataang mahilig sa mga herbs. "Alam mo ba ang herb na tinitignan mo?" Nausisa sa ugali ng binata si tandang Alchea at tinanong ito. "I-ito ba?" Turo ni Rain sa herb na ang anyo ay dalawang dahon na magkadikit at may kakaibang pulang bagay sa gitna nito. "Iyan nga, ano sa tingin mo ang kayang gawin ng herb na iyan?" "Sa pagkakaalam ko ay tinatawag na [Twin-Burning Herb] ang mga dahon na 'to. Ginagamit ito madalas ng mga normal na tao para gamitin pang pa anghang sa mga pagkain, pero ang totoong silbi nito ay ang pagbalanse sa [Twin-Cold Herb] na madalas ginagamit para sa paggawa ng mga pills na nakakatulong sa pag-angat ng antas sa [Body Strengthening]." Paliwanag ni Rain sa matanda. Alalang-alala niya pa ang impormasyon na nabasa niya tungkol sa herb na ito. Mayroon ding mga istorya ang mga herb kagaya ng sinabi niya sa mga normal na taong aksidenteng ginagamit ang Twin-Burning Herb para sa mga pagkain nila. Sa unang pagkakataon ay nagulat si tandang Alchea sa binata. Noong una, hindi siya masiyadong napahanga sa taglay na lakas na ipinakita nito dahil may edad na rin si Joe (Rain). Makokonsidera lang na mas mataas ng kaunti sa talento ng mga ordinaryong Adventurer ang kaniyang talento kaya napabilib siya saglit. Basura ang mga naririnig niyang balita kay Joe, at halos iyon lang ang ikinagulat niya sa nalaman kanina. Pero ngayon, ang ipinakita nitong kaalaman tungkol sa herb na nasa lamesa ay hindi niya inaasahan. Dapat pang isipin na walang masiyadong libro ang baryo tungkol sa impormasyon ng iba't ibang uri ng mga herb kaya ang may matataas na katayuan lang sa buhay ang mga may karapatan na malaman ang impormasyong ito. "Magaling. Napahanga mo ako, hindi ko inaasahan na may kaalaman ka pagdating sa mga halamang gamot." Tumayo ang matanda habang pinupuri si Rain, lumapit siya sa lamesa na pinapatungan ng mga herb at kumuha ng isa sa mga ito. "Ito, alam mo ba kung ano ito? At ano ang mga katangian na mayroon 'to?" Ipinakita ni tandang Alchea ang isang bote na naglalaman ng dilaw na dahon, ang kakaiba lang rito ay may mga ugat-ugat pa ito sa baba na nagsisilbing patunay na maingat itong binunot. "3 Year-Old Yellow Leaf, ang katangian nito ay madalas gamitin sa pagbuo ng pill na ang epekto ay mapakalma ang mga tao at halimaw, ito ang madalas na pinaggagamitan nila ng herb. Kapag dalawang taon naman ang dahon ay magiging kulay pula ito na kabaliktaran sa yellow leaf ang epekto, magiging bayolente ang mga kokonsumo nito. Kapag isang taon naman ang dahon ay kulay berde ito at wala pang epekto na magagawa, kaya madalas itong binubunot kapag dalawa o tatlong taon na. Ang epekto ng mga dahon ay konektado sa ugat nito kaya 'pag binunot ang halaman na wala ang ugat ay mahina ang epekto nito." Paliwanag ni Rain Goodman na nagpapakitang gilas ng konsiderable sa matanda. Dapat ay mahulog ang loob nito sa kaniya para maisagawa niya ang plano na pagkuha sa kanilang mga pills, base rin sa mga nakikita niya, walang duda na dito galing ang mga pills at herbs na ipapadala sa Blood Shop. "Hahaha! Mahusay, mahusay. Itong isang 'to alam mo ba ang epekto nito?" Tumatawa sa sayang tanong ng matanda. Pakiramdam niya ay nakahanap na siya ng tao na makakaintindi sa kaniya. Sinagot ulit ni Rain ang matanda base sa mga nabasa niyang impormasyon noon sa website ng World of Fantasy. Bawat sagot niya ay ito namang ikinahahanga ng matanda at kahit ang mga mata nito ay nagpapakita na ng respeto sa binatang tinitignan niya. Ganito ang ginawa nilang dalawa sa loob ng halos isang oras, tinanong ng tinanong ng matanda si Rain tungkol sa mga herbs na nasa lamesa niya at malugod naman itong sinasagot ng binata. .... Makalipas ang ilang oras na pag-uusap nila, maraming nalamang impormasyon si Rain tungkol sa matanda. Tama nga ang hinala niya, Alchemist si Alchea at matagal na itong naninirahan dito, ang buong lupain na tinatayuan ng mga puno at ang ilang metrong espasyo pa sa likod ng bahay nito ay pag-aari ng matanda. Regalo ng Clan Head ang lupain na ito bilang gantimpala sa matanda. Ang pinakanagustuhan pa ni Rain sa matanda ay ang ipinunta niya ritong mga pills, may impormasyon na siya tungkol dito at ang matanda ay nagsabi pa na handa niya siyang turuan sa paggawa ng mga pills. Sinabi rin kasi ni Rain na wala siyang karanasan sa pagbuo ng mga pills. "Ito ang mga pinagtataniman ko ng iba't ibang uri ng mga halamang gamot." Nakatingalang pagmamalaki ng matandang babae sa binatang nasa gilid niya. Kasalukuyan silang nasa likod ng tahanan ng matanda. Ang buong lupain ay natatakpan ng mga puno kaya hindi makikita ng mga normal na tao ang likod nito. Mayroong mga dahon, halaman, gulay, at iba pang uri ng mga herb ang nakatanim sa lupa. Bawat uri ng mga ito ay magkakahiwalay dahil nahaharangan ng maninipis na kahoy ang bawat paligid nila, nakasulat din ang ilang pangalan ng mga herb sa harapan ng mga nakahilerang herb. Hindi makapaniwala ang binata sa daan-daang magkakaibang herb na nasa harap niya. Ang bunganga niya ay naka-awang ng kaunti sa sobrang gulat. Muntik pa ngang tumulo ang laway niya sa mga nakikita na agad niya namang nilunok para hindi mapansin ng kasama. 'Ito na nga. Tagumpay ako, halos siyamnapung porsiyento na ang nagawang [Natural Energy Pill] ni tandang Alchea. At ang mga herb ay nandito rin na balak niyang gamitin para sa hinaharap!' Nanabik ang mukha ng binata. Kahit ang mga daliri nito sa magkaibang kamay ay gumagalaw-galaw na wari'y gusto niyang hawakan ang mga nakikitang herb. "Ganiyan nga, ganito rin ang naging reaksyon ko nung unang beses akong nakakita ng maraming herbs, hahaha." Masayang-masaya si Alchea sa inaasta ni Rain. Marami sa mga naninirahan dito noon ay weirdo ang tingin sa kaniya dahil sa pagiging adik at sabik niya masiyado pagdating sa mga halamang gamot. "Malapit na mamunga ang mga halamang gamot ko, ilang araw na lang ay tatanda na ang mga ito. Mabibigay na nila ang mga benepisyong nais ko." "M-maaari ko ba silang hawakan?" Bumalik sa sarili ang binata at napansin niya sa sinabi ng matanda na medyo nagustuhan nito ang naging reaksyon niya. Pero ang totoo, muntik na siyang mapahamak. Kapag hindi niya na kontrol ang sarili na kainin ng direkta ang mga herbs ay mapapahamak siya. "Hindi muna p'wede. Gusto kong hahawakan ko lang sila 'pag tuluyan na silang tumanda. Pasensiya na." Paumanhin ng matanda, hindi napansin na parang kapantay na ang trato niya sa binata. Patunay lang ito na malaki talaga ang respeto niya sa mga Alchemist o Adventurer na mahilig din sa mga herb. "Ganoon ba? Naiintindihan ko." "O-oo nga pala, kailan niyo pala ako balak turuan maging Alchemist?" Tanong ulit ni Rain. Mayroon na rin siyang naiisip na plano para sa pagkuha niya ng mga pills. Sa nalaman niyang hitsura ni Alchea ay may natuklasan siyang malaking sikreto, sikretong nagbigay pa sa kaniya ng mas matinding motibasyon para magtagumpay sa plano. Nagkaroon na rin siya ng kasagutan sa isang katanungan. "Bukas na bukas ay p'wede kang pumunta rito. May sapat na akong mga materyal para sumubok ng pitong beses sa pag-gawa ng pill. Ipapaliwanag ko sa'yo bukas ang proseso habang pinapanood mo ako." Tumingala ang matandang babae at nagwika ulit ito, "Medyo lumililim na ang paligid. Matutulog na ako at bumalik ka na lang bukas ng umaga." Paalam ng matanda at sinenyasan na si Rain na lumabas sa maliit na gubat niya. "Masusunod." Agad naman lumabas si Rain. .... Dumiretso sa bahay ni Joe Blood ang binata. Habang nasa daan na ng labas ng gusali ay iniba niya na ang kaniyang anyo sa katawan ni Cleo Blood. Pero habang naglalakad ang binata ay may kakaiba sa mukha niya, malamig ang tingin na binibigay ng mga mata niya, ngunit may iba itong aura na nilalabas na wari'y natatakot at kinakabahan ito. Nang makarating siya sa tapat ng bakuran at bahay ni Joe Blood na natatakpan ng mga sibat, bigla na lang bumagsak ang mga tuhod niya at hindi niya na napigilan ang tuluyang kainin ng takot. Ilang oras siyang nagpanggap na ayos lang siya sa harap ng matanda, ngunit noong mga oras na iyon ay takot na takot siya, pakiramdam niya ay kapag nagkamali siya, mamamatay siya sa oras na masabi niya ang iniisip tungkol sa matanda. 'Alchea, planado niya na pala ang puno't dulo ng mga mangyayari sa hinaharap. Kailangan kong makuha ang mga pill sa kaniya at hinding-hindi na ako babalik sa baryong ito.' Puno ng panlulumo niyang sabi. Malalim ang bawat paghinga na para bang sumabak siya sa matinding laban na umubos ng lakas at enerhiya niya. 'Pero paano kung malaman niya? P-papatayin niya ako kapag naalala niya ang amoy ko.' natatakot na siya sa binabalak. Hindi niya naisip na ang mapanganib na Alchea na naaalala niya ang binanggit ng babae sa Blood Shop. Inakala niyang magkapangalan lang ang mga ito dahil imposibleng mapunta rito ang matandang Alchea, pero nang makita niya ito ay doon niya lang nalaman ang totoo. Ito rin ang dahilan kung bakit sinubukan niyang patayin ang matanda kahit na alam niyang wala siyang tsansang manalo, desperasyon na nag-udyok sa kaniyang subukang tapusin agad ang isang malaking problema.