Chapter 24: Planning! Tulala pa rin siyang nakatingin sa sahig habang ang mga kamay niyang nanginginig sa takot ay kumuyom. Diniinan niya pa ang pagkuyom sa mga kamay na umabot pa sa puntong kahit siya ay nararamdaman na ang sakit. Hindi maisip na kakailanganin niyang harapin ang matandang iyon. Sa kaniyang takot ay hindi na niya naigalaw muli ang mga binti niya upang suportahan ang katawan na bumangon, ang mga kamao niyang nanginginig ay unti-unti na ring nawawalan ng pakiramdam, tila kinokonsumo ng matinding takot ang enerhiya at lakas ng katawan niya. Sa takot na may makakita sa kaniya sa ganitong kalagayan ay diniinan niya pa ang pagkuyom ng kamao. Hindi na niya namalayan na sumobra na pala ang p'wersang ginamit niya na nagresulta sa mga kuko niyang bumutas ng kaunti sa balat ng kamay niya. Habang tumutulo ang mga dugo sa kamay niya ay itinaas niya ang dalawang kamao na lumagpas sa ulo niya, at saktong tumaas ito ay agad din niyang ibinagsak sa lupa ang mga kamao gamit ang buong lakas na hindi tinatansiya ang kabayaran nito. Nang dumikit ang mga kamao niyang tumutulo ang dugo ay nakaramdam siya ng kirot sa mga kamao na mabilis kumalat sa kabuuan ng mga braso niya. Gayunpaman ang naging sanhi ng mukhang walang kabuluhang suntok ay inulit niya pa rin ito dahil sa sakit, sa sakit na nadama niya ay parang nabawasan ang takot sa puso niya. Isa pa, ang panginginig ng braso niya ay humina ng kaunti dahil sa natamong sakit, kaya naman inulit niya ng inulit ang pagsuntok sa sahig na tila wala siya sa katinuan habang nakaluhod. Buong p'wersa ng isang [Foundation Rank] ang puwersa na nililikha ng tuloy-tuloy na pagsuntok ni Rain Goodman sa lupa. Wala itong sapat na lakas para lumikha ng malakas na hangin na wawasak sa kapaligiran, pero ang ingay na nililikha nito ay may sapat na lakas para abutin ang mga nasa paligid. At ang tahanan ni Joe Blood na malapit lang sa kinaroroonan ni Rain Goodman ay kabilang sa mga masasabing malapit dito. Bumukas ang pinto ng bahay ni Joe Blood at iniluwa nito ang binatang may takot na may halong pag-aalala sa mukha. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa labas na pinagmumulan ng kakaibang ingay na naririnig niya. Pero malinaw niyang napagtanto na ang ingay ng mga suntok na naririnig niya ay tumatama sa matigas na bagay. Pangyayari na kahit kailan ay hindi naganap sa harap ng tahanan niya, marahil ay higit na mas malakas ang halimaw na naligaw sa bahay niya. Subalit ang takot na isang halimaw ang makakaharap ay naglaho nang makita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ni Cleo Blood. Bumungad sa tanawin niya ang mga matang nilalamon ng takot ng binansagang pinakatalentadong Adventurer sa kasaysayan ng angkan nila. Puno ng panlulumo ang mukha nito at ang mga kamao nitong paulit-ulit na sumusuntok sa lupa ay basang-basa na ng dugo. Malayo sa pigura na madalas nakikita at naririnig niyang usapan ng iba. 'Kahit pala ang mga katulad niyang talentado ay nakakaranas din ng ganito. Gaano ba talaga kalakas ang Adventurer na tumalo sa kaniya? Kahit na sobrang layo nila sa isa't isa, ganito kalaki ang pinsala sa mentalidad ni Cleo.' isip ni Joe Blood. Bumuntong hininga siya at nalulungkot na lumapit sa nakaluhod na binata. Pero sa kaniyang paglalakad ay binura niya rin sa mukha ang naaawa niyang ekspresyon. Alam niyang mapagmataas si Cleo Blood at kung makikita nitong kahit ang kagaya niya ay nakakaramdam ng awa, siguradong mas bababa lang ang kumpiyansa nito sa sarili. Patuloy pa rin sa pagsuntok ang binata. Bawat suntok niya ay kasing lakas pa rin ng huling suntok kaya ang sugat sa kamao niya ay palaki ng palaki. Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay itinaas ulit ni Rain Goodman ang mga braso niya para magbagsak ng malakas na suntok sa lupa. Pero bago pa bumagsak ang mga kamao niya ay nakarinig siya ng boses na nakapukaw sa atensiyon niya. "P-pumasok kana muna sa loob, Cleo." Inihaya ni Joe ang palad niya para alukin ng tulong ang binata. Dahan-dahang tumingala si Rain Goodman at nagulat siya nang makita sa harap niya si Joe Blood na hindi niya namalayang lumakad na pala papalapit sa kaniya. Sa pagkakataong ito ay ngayon niya lang napansin ang pagiging pabaya niya ng sobra, wala siyang kamalay-malay na sa tindi ng takot na biglang sumabog sa loob niya ay nagawang lumapit ng isang [Body Strengthening] sa kaniya na hindi niya napapansin. Noong naranasan niya ang marahas at puno ng panganib na buhay sa loob ng Blood Forest ay wala na siyang masiyadong katatakutan. Pero isa pala itong malaking pagkakamali, nakalimutan niyang ang mga tao ay higit na mas nakakatakot sa mga halimaw na hinarap niya sa gubat. Matalino at tuso ang mga tao, hindi madaling intindihin ang kanilang ugali at takbo ng isipan kaya mas mahirap silang labanan kumpara sa mga tinatawag nilang halimaw. Napatingin siya sa palad ni Joe Blood at napaisip, 'Paano kung sabihin ko na sa kanilang apat ang katotohanan? Mababawasan ba ang takot sa puso ko? Mas mapapadali ba ang mga laban na dapat kong harapin?' Sa mga araw na nabubuhay siya, mayroong takot sa puso niya na laging nag-aalala na kahit mabilis ang proseso niya, baka hindi pa rin niya kakayanin ang laban sa huli. Natatakot na kahit gawin niya ang lahat at baka isang araw, kapag kinaharap niya na ang mga problema ay lamunin siya ng matinding takot. Paano niya lalabanan ang mga 'yon ng mag-isa? Kakayanin niya ba talaga sila kahit na mag-isa lang siya? Sa sunod-sunod na katanungan niya ay bumigat ang dibdib niya at lumalim ang bawat paghinga niya. Hindi niya napansin na nakatulala na pala siya ng ilang minuto sa palad ni Joe Blood. Tahimik niyang pinagmamasdan ang mukha ni Cleo Blood habang nakahaya ang palad niya sa harap nito. Sa totoo lang ay hindi pa rin siya makapaniwala sa kaniyang nakikitang inaasta ng kaharap niya. Gayunpaman katagal na nakatulala ang binata sa kamay niya, hindi niya naman ito inalis kahit na nangangawit na siya ng kaunti. Bigla niyang naisip ang sarili sa sitwasyon ni Cleo Blood. Noong namatay ang mga magulang niya ay tinalikuran siya ng angkan niya, itinuring na parang isang nakakahawang malubhang sakit at pinagkaisahan. Sa kaniyang edad noon ay isa pa lang siyang binata, mainitin at wala pang masiyadong kaalaman. Ipinakita niya ang galit at hindi pag-unawa sa naging desisyon nila na pagpapaalis sa kaniya, dahil dito ay lalo siyang kinainisan ng lahat. Pakiramdam niya ay mag-isa na lang siyang mabubuhay, mag-isang mamamatay na walang nakakaunawa sa damdamin niya. Pero sa hindi niya inaasahang pangyayari, sumulpot ang isang tao na nagbigay liwanag sa buhay niya, ang kaniyang unang kaibigan. Ngayong nakikita niya si Cleo Blood na parang mag-isa at walang nakakaintindi, pakiramdam niya ay kailangan niya itong tulungan kagaya ng pagtulong sa kaniya ng kaibigan niya noon. Bumalik lang sa sarili si Rain nang makita niyang nanginginig na rin ng kaunti ang kamay na nakahaya sa harapan niya. Tumingala siya sa mukha ni Joe at ibinalik ang malamig niyang tingin, tinapik niya ang kamay nito at bumangon sa sariling mga kamay at paa. Tumayo siya at lumakad na papasok sa bahay ni Joe Blood. Ang totoo, wala siyang planong tapikin ang kamay ni Joe Blood. Bigla lang siyang nakaramdam sa loob niya na parang naantig siya sa kamay nito. Natatakot siya na sa oras na tanggapin niya ito, mahikayat siya sa paghingi ng tulong sa iba na hinding-hindi niya p'wedeng gawin. Habang lumalakad si Rain Goodman papasok ng bahay niya ay napangiti na lang ng mapait si Joe Blood. Inintindi niya na lang ito dahil minsan na rin siyang nalagay sa sitwasyon nito. .... Kumain lang saglit si Rain sa loob ng bahay para ikalma ang kaniyang sarili. Makalipas ang tatlumpong minuto ay lumabas ulit siya ng bahay para magtungo sa loob ng gubat, para maisagawa ang binabalak na planong pagkuha sa mga pills ay may isang [Foundation Rank] siyang halimaw na kailangan mahanap sa Blood Forest. Buo na ang loob niya na pasukin ang mapanganib na gubat para sa mga pills, kapag naging matagumpay siya ay siguradong tatalon ulit ang bilang ng mga [Stats] niya. May kadiliman na ang gabi, sanay naman na siya sa madilim na paligid kaya wala siyang masiyadong problema sa kadiliman. Pinili niya rin na hindi kumuha ng mga gamit na gagawa ng liwanag kagaya ng apoy sa kahoy dahil ipapakita lang nito sa mga halimaw ang lokasyon niya. "Oo nga pala. Mabuti na lang talaga at awtomatikong umaabsorba ng natural na enerhiya ang katawan ko kahit hindi ako nagmumuni-muni. Katulad noon sa laro na dumadagdag ng kaunti ang mana kapag nababawasan." Sa estado ng emosyon niya kanina na pinipigilang 'wag aksidenteng mailabas ang takot sa harap ni tandang Alchea, hindi niya na naisip ang tungkol sa kaniyang aktibong skill na [Disguise]. Kung hindi awtomatikong nadadagdagan ng natural na enerhiya ang katawan niya, na siguradong eksklusibo lang sa kanilang lima ay marahil nahinto na sa paggamit ang aktibong skill niya ilang oras matapos niya itong gamitin. "Ang Devouring Plant ay makikita lang sa malalim na tagong parte ng gubat. Saan ko naman makikita ang kweba na napapalibutan ng maliit na ilog?" Ito ang tahanan na naaalala niyang paboritong tahanan ng mga Devouring Plant. Ang mga Devouring Plant ay isang [Foundation Rank] na halimaw, isa itong uri ng halaman na ang laki ay nasa dalawang metro at ang katawan nito ay malaking bunganga na halaman, may abilidad itong kumain ng mga tao sa isang kagat lang kahit na nasa [Foundation] din ang rank ng Adventurer. Pero dahil sa mataas na ang [Vitality] niya, wala nang masiyadong banta para sa kaniya ang Devouring Plant. Kaso, ang problema ay ang mga halimaw na posibleng naninirahan sa mga kailangan niyang tahaking lugar para makapasok sa teritoryo ng isang Devouring Plant. Hindi niya alam ang mapa ng Blood Forest, at bumabase lang siya sa naaalalang laging tahanan ng mga Devouring Plant. Isinama sa kategoryang mga Rare na halimaw ang Devouring Plant, hindi lang dahil sa nag-iisa ito at naglalaman ng maraming uri ng mga halamang gamot sa loob ng katawan, dahil ito sa naglalakasang halimaw na kailangan niya munang kaharapin bago marating ang Devouring Plant. Kaya kahit na nasa [Foundation] lang ang rank ng halimaw, tanging mga [Mana Core Rank] Adventurer lang ang may sapat na lakas para puntahan ang isa nito. At para naman sa mga Mana Core Rank Adventurer, masiyadong mababa ang halaga ng Devouring Plant na hindi na nila ito pinagtutuunan ng pansin. Tanging mga Alchemist lang na Mana Core Rank ang magbibigay ng atensyon dito, ibig sabihin ay si Alchea lang sa kabuuan ng Blood Clan ang p'wedeng magbigay ng atensyon dito na masasabi namang imposibleng mapuntahan niya dahil sa masiyado itong maraming ginagawang trabaho. Malaki ang tsansa na walang impormasyon ang matandang Alchea sa kinaroroonan ng Devouring Plant. Baka nga hindi pa nito alam ang tungkol sa pagkakaroon ng Blood Forest ng isang rare na halimaw. Ang problema lang ay p'wedeng mauwi sa wala ang paghihirap niyang gagawin ngayong gabi kung mali ang inaakala niyang hindi pa natutunugan at napapatay ni Alchea ang nag-iisang Devouring Plant sa Blood Forest. Kung malaman ng matanda ang tungkol dito, walang duda na ititigil niya ang kasalukuyang ginagawa para lumabas at puntahan ito. Walang impormasyon na nakuha si Rain Goodman sa malalim na parte ng gubat na hiningi niya noon kay Joe Blood. Pero ang mapapanganib na lugar na hindi dapat puntahan ay ang daan papasok sa mas malalim na parte ng gubat, kaya naman natuklasan niya pa rin ang daan papunta roon kahit na wala siyang impormasyon dito. Kampanteng naglalakad sa loob ng gubat si Rain Goodman. Ang aura niya na sumisimbolo sa antas ng rank niya ay hindi mararamdaman ng iba dahil sa system niyang nagtatago rito. Ang silbi lang ng [Hide] skill niya ay itago ang presensiya niya na hindi niya pa nahahasang itago, kaya kung pipiliin niyang itago ang aura at presensiya, walang kahit na sino ang makakaramdam nito kahit na Mana Core Adventurer pa ang magtangkang humanap sa kaniya. Nagpatuloy sa paglalakad sa loob ang binata. Hindi kagaya nang dati ay naging mas maingat na siya ngayon. Nag-iiwan siya ng ilang marka sa mga puno at sahig na dinadaanan niya para hindi na ulit maliligaw sa oras na tahakin niya ang daan pabalik. Madilim na ang paligid at walang masiyadong halimaw ang makikita. Ang kaunting liwanag lang ng bilog na buwan ang nagbibigay sa kaniya ng kakayahang makakita sa paligid. Sa sobrang tahimik ng paligid ay maririnig lang ang malalakas na ihip ng hangin na tumatama sa mga puno. Habang naglalakad ang binata at maingat na dinadama ang paligid, napahinto siya nang makarinig siya ng malakas na atungal ng isang tigre, pero ang atungal nito ay labis na mas nakakatakot kumpara sa mga Bloody Tiger na nakalaban niya. At isang uri ng halimaw lang sa gubat na ito ang nag-iisang uri ng halimaw na may pagkakatulad sa mga Bloody Tiger. "Narito na agad ako sa teritoryo ng mga One-Eyed Dark Tiger?" Tanong niya sa sarili at walang alinlangan na ginamitan ng [Hide Skill] ang kaniyang sarili. Nabalot siya ng kakaibang bagay sa paligid at tuluyan nang naglaho ang mahinang presensiya niya na pilit itinatago kanina kahit walang ginagamit na skill. Taimtim siyang dumiretso sa pinanggalingan ng ingay. Mas malakas na uri ng tigre ang mga halimaw na ito, pero maikukumpara lang sa mga [Foundation 1] ang antas ng lakas nila at kahit [Foundation 2] lang ang pisikal na lakas na gamitin niya ay matatalo niya ito ng walang kahirap-hirap. ROAR! Nang tuluyan niya nang marating ang kinaroroonan ng ingay ay bumungad sa tanawin niya ang itim na tigre. Kasing laki lang ito ng mga Bloody Tiger na halos kasing tangkad ng mga tao, pero ang katawan nito ay mas malaki at puno ng kalamnan. Ang mata rin nito ay nag-iisa lang at kagaya ng pangalan nito, purong itim ang balahibo ng kabuuan nito. Sa harapan ng tigre ay isang lalaking nasa dalawampu't dalawang taong gulang na. Naglalabas ito ng [Foundation 1] na aura habang may hawak din itong pilak na espada na naglalabas din ng aura na kagaya sa rank niya. Pinoprotektahan ng Adventurer ang sarili laban sa One-Eyed Dark Tiger gamit ang espada niya, subalit base sa pawis na pawis nitong mukha at mabibigat na paghinga ay mukhang pagod na pagod na ito at maaaring bumigay ano mang oras. Sa kaniyang nakikita ay biglang napaisip si Rain Goodman at hindi makapaniwalang nagwika. "Huh? Bakit ko nga pala kailangan isabak ang sarili ko sa panganib?" Natawa sa sarili ang binata at parang hindi makapaniwala sa kaniyang ginagawa. Nagpahinga siya sa loob ng bahay ni Joe Blood at inayos niya ang planong naisip kanina para makuha ang mga pills. Inakala niyang nahimasmasan na at naikalma niya na ang sarili noong nakapagpahinga na siya saglit sa loob ng bahay ni Joe. Pero sinong mag-aakala na okupado pa rin pala ng takot ang pag-iisip niya na nagresulta sa mga pamali-mali niyang pagpaplano? 'Bakit ko kailangang puntahan ang Devouring Plant para lang makumpirma ang katauhan nito? Siguradong sa oras na marinig ni tandang Alchea ang tungkol dito ay lalabas at lalabas ito. Sa madaling salita, kahit sabihin ko lang ang tungkol sa teritoryo nila at nakapalibot dito ay makukumbinsi ko siya.' isip niya. "Kahit na sabihing nakuha niya na ang Devouring Plant sa Bloody Forest, hindi ko naman kailangang ipakilala ang totoo kong sarili o ang katauhan ni Joe Blood." Sambit niya at tumingin sa direksyon ng Adventurer na nakikipaglaban sa One-Eyed Dark Tiger na kasalukuyang tumatalo rito. 'Ang mga Pills niya ay marami at hindi ito p'wedeng ilagay sa Storage Space dahil mabababang kalidad lang ng storage space ang mayroon sila rito at wala itong kakayahan na magpanatili ng mga pills.' Nakumpirma niya na ito noong bumisita siya kanina sa matanda. Ipinagmalaki kasi ni Alchea ang mga nalikom nitong pills sa kaniya. Kahit na ilipat man ng matanda ang pinagtaguan ng mga pills, siguradong hindi naman ito lalabas sa tahanan niya o sa maliit na gubat niya.