Chapter 25

1854 Words
Chapter 25: Doing it! Tagaktak ang tulo ng mga pawis sa mukha ni Neo Blood. Punit na ang damit niya at may tatlong sugat din siya sa dibdib na nagmula sa matutulis na kuko ng kinakalaban niyang One-Eyed Dark Tiger. Hindi naman malalim ang sugat na natamo niya sa dibdib dahil nagawa niyang protektahan ang sarili, dumaplis lang ang mga kuko nito sa kaniya. Gayunpaman ay unti-unti pa rin siyang nauubusan ng dugo at ang katawan niya ay nanghihina na sa pagod. Bigla na lang nanlaki ang mga mata niya sa tanawing nakita. Bukod sa madilim ang paligid ay unti-unti na ring lumalabo ang paningin niya. Isa't kalahating metro ang layo sa kaniya ay nakatayo ang tigre na nakabuka pa ang bibig sa ginawang pag-atungal. Ang isa't kalahating metro na agwat nila ay naglaho na parang bula nang tumalon paabante ang One-Eyed Dark Tiger. Sa harap nito ay nakabuka ng malaki ang bibig niya na makikitaan ng mga naglalakihang mga pangil, at ang mga paa niya sa harap na may mga naghahabaang mga kuko ay nakahanda nang sunggaban ang dumudugong dibdib ng kalaban niyang tao. Hindi kasing talino ng mga tao ang mga halimaw sa gubat, pero ang maliit na kaalaman nila ay sapat na para malamang ang nilikha niyang sugat sa dibdib ng tao ay susi sa naging paghina ng kalaban niya. Sa isip niya ay sigurado siyang sa oras na tamaan niya ulit ang sugat nito sa dibdib, walang dudang mas hihina pa ang kalaban niya. Kapag nangyari 'yon ay makakakain na siya ng kaniyang pagkain. Sinubukang igalaw ni Neo Blood ang mga binti niyang nanginginig sa pagod. Subalit sa kasamaang palad ay hindi niya ito naigalaw ng maayos, at ang kalaban niyang halimaw ay papalapit ng papalapit sa kaniya. Napangitngit siya ng mga ngipin at inihanda na lang ang puro gasgas niyang espada. Diniinan niya ang tapak ng mga paa sa sahig para hindi mawalan ng balanse, pagkatapos ay hinigpitan niya ang hawak sa espada. Iniatras niya ang espada at inihawi ito ng napakalakas sa direksyon ng mga kuko ng halimaw sa harapan niya. Nang dumikit ang espada ay parang tumama ito sa matibay na pader, hindi lang 'yon, ang espada niya ay mabagal ding naitutulak ng mga kuko. Senyales na ibang level na ang pisikal na lakas ng halimaw kumpara sa kaniya. Pero ang mas ikinalumo ng mukha ni Neo Blood ay ang narinig niyang pagkabasag ng espada, sa maikling panahon ng pakikipaglaban niya sa One-Eyed Dark Tiger ay tuluyan na ngang bumigay ang armas niya. Tinignan niya ang hawak na espada at parang matatawa siya sa sitwasyon nang bumungad ang armas niyang nabasag sa maliliit na piraso, parang babasaging baso na nabasag nang malaglag ito sa sahig. Matagal-tagal na rin simula nang makuha niya ang espada na naging kasama niya sa mapapanganib na sitwasyon. Para sa kaniya ay napakahalaga ng espadang ito, tuwing lumalaban siya ay iniingatan niya ito na tila ito ang nag-iisa niyang kayamanan sa mundo. Subalit sa matinding laban na naganap sa pagitan nila ng halimaw ay hindi niya napansin na ang espadang iniingatan niya ay buong lakas na iniaatake at ginagamit pang depensa, na dahilan kung bakit nawasak ito na hindi niya napapansin. Tulala siyang hindi makapaniwala na nakatingin sa nadurog niyang espada. Hindi na niya napansin ang mga kuko ng tigre na dumikit na sa dibdib niya na lumikha ng mas malalim na sugat kumpara sa natamo kanina. "AAAAAAAAAHHH!" Umalingawngaw sa tahimik na gubat ang sigaw ni Neo Blood nang bigla na lang niyang maramdaman ang matutulis na kuko ng halimaw na bumutas ng walang kahirap-hirap sa balat niyang dapat ay matibay na. Bukod sa panibagong hiwa na natamo sa dibdib, sa kasamaang palad ay tinamaan din ang mga nauna niyang sugat na naging dahilan para lumalim ang mga 'to. Nasa gitna man ng matinding kirot ay pinilit niya namang ihakbang paatras ang mga paa niya kaya nakawala siya sa matutulis na kuko ng tigre. Pero sa ginawa niyang pag-atras ay hindi niya namalayang may nakalubog na maliit na bato sa hinahakbangan niya at ang balanse niya ay nagulo, bumagsak sa sahig ang balakang niya at tumingala na punong-puno pa rin ng takot ang mukha. Ang halimaw sa harapan niya ay nakaporma na ang isang paa at diretso na rin itong bumababa sa dibdib niya na puno na ng mga sugat. At katulad nang kanina ay walang kahirap-hirap na binutas ng matutulis na kuko ang balat niya na lumikha ng panibagong mga sugat, sisigaw na sana sa sakit si Neo Blood nang bigla pa siyang mapahiga sa sahig nang madama niya ang bigat ng paa ng halimaw na puro kalamnan. Maraming beses na siyang sumabak sa mapapanganib na sitwasyon. Ilang beses na rin niyang isinugal ang buhay para sa mga benepisyong matatamo niya. Pero ang malagay sa harapan mismo ng siguradong kamatayan ay hindi pa niya naranasan kahit kailan, at sa hinaharap niyang sitwasyon ay hindi na talaga niya alam ang dapat gawin para mabuhay. Tuluyan na siyang nilamon ng matinding takot. "T-tulong. TULOOOOOONG!" Takot na takot na sigaw ni Neo. Para siyang kaawa-awang bata na humihingi ng tulong, kahit ang tono ng pagsigaw niya ay may pagkamiserable na siguradong magiging malaking kahihiyan para sa kagaya niyang miyembro ng Blood Clan. Anong magagawa niya? Totoong buong buhay niya ay lumalaban siya ng matindi, may mga oras na nalalagay rin sa panganib ang buhay niya. Pero ang malagay sa ganitong sitwasyon, mapunta sa harap ng halimaw na hindi magdadalawang isip na patayin siya at lapain. Ngayon lang niya naramdaman ang totoong takot, noon, kung ang kalaban niya ay adventurer, siguradong mapupuno siya ng determinasyon na manalo kahit na mapatay pa siya sa huli, lalo na kung kalaban niya ang mga adventurer sa karibal na baryo. Pero ang halimaw na ito ay iba, naglalabas ito ng mapanganib na aura sa paligid, ang nagtatalimang mga pangil nito, katawan na napakalaki, at istilo ng pakikipaglaban. Gaano kasakit ang titiisin niya sa oras na patayin siya nito? Makikita niya ba ang ibang parte ng katawan niya na kinakain ng halimaw habang buhay siya? O direkta na siyang papatayin ng halimaw bago siya nito gawing pagkain? Sa mga naiisip na kahihinatnan niya ay nawalan na siya ng ganang lumaban. Saan siya maghahanap ng lakas ng loob na magpatuloy na lumaban sa halimaw na nabubuhay para pumatay? Nakatingin lang siya sa papalapit na ulo ng tigre na nakabuka ang bunganga na naglalabas ng mga pangil nito. May mga likidong bigla na lang tumulo sa mata ni Neo, at ang bibig niya ay nakasimangot sa sobrang takot. Hindi niya na napigilan ang maiyak, nawalan na talaga siya ng pag-asa. Buong buhay niya ay kailangan niyang magmukhang malakas sa harap ng lahat. Pamilya niya, kaibigan, at sa angkan niya. Kahit hindi niya kinakaya madalas ang hirap ay pinapakita niya na wala lang ito at kakayanin pa niya. Pero ngayong mag-isa na lang siya, hindi niya na napigilan ang sarili na ilabas ang totoo niyang kulay. Habang nakatingin sa halimaw. Napapikit si Neo nang may tumalsik na mga likido sa mukha niya, dali-dali niyang kinuyumos at pinunasan ang mga mata niya para tignan ang nangyari. At sa kaniyang nakita ay natulala siya, pakiramdam niya ay dumating ang pinakamagiting na mandirigma para iligtas ang kaawa-awa niyang buhay. Sa bibig ng tigreng nakabuka ay may espadang nakasaksak sa loob nito. Ang talim ng espada ay nakatutok sa kaniya at ilang pulgada lang ang layo nito sa mukha niya, kung dumikit ito ay siguradong magagaya siya sa duguang bibig ng tigre na binutas ng espadang ito. Tumutulo ang dugo sa mukha ni Neo Blood, sa halip na mainis, nakaramdam pa siya ng kaligayahan. Agad gumapang paatras si Neo para ilagan ang bangkay ng halimaw. Bumagsak ang walang buhay na katawan ng tigre at makikita sa likod nito ang isang tao. Pula rin ang mga buhok at mata nito, ang problema ay hindi niya makita ang mukha nito dahil natatakpan ng mga puno sa paligid ang liwanag ng buwan sa kalangitan. Isa pa, ang p'westo ng taong ito ay perpekto rin para hindi makita ang mukha niya. Tumayo ng tuwid si Neo at yumuko ito ng sobrang lalim para ipakita ang pinakamataas na respetong maaari niyang ibigay sa taong sumagip sa kaniya. Hindi niya pa kilala kung sino ito sa angkan nila, ngunit ang ginawa nitong pagpatay ng walang kahirap-hirap sa One-Eyed Tiger ay sapat ng rason para matukoy niyang matanda ito o isang eksperto sa angkan nila. Marahil ay narinig lang nito ang laban na nagaganap sa kanila habang pabalik sa Village o baka naman papunta pa lang ito sa mas malalim na parte ng Blood Forest. "Mn? Kung magpapasalamat ka ay mas mabuting pigilan mo na muna ang sarili mo. Nais ko sanang humiling ng pabor sa'yo, ayos lang ba?" Tanong ni Rain Goodman sa Adventurer na iniligtas niya. 'Huh? Bakit parang pamilyar ang boses niya?' nagtatakang isip ni Neo sa narinig. Inaasahan niyang may katandaan na ang boses nito hindi kagaya sa narinig na parang galing pa sa mas batang Adventurer ang boses ng ekspertong ito. "Kung kakayanin ng abilidad ko, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko." Magalang na sagot ni Neo. Naguguluhan man siya kung bakit ganito ang boses ng kaharap niya at bakit parang pamilyar ito, hindi pa rin maikakaila na mas malakas ito sa kaniya at kahit na mas bata pa ito, antas ng lakas pa rin ang batayan ng respeto na dapat ibigay sa iba. Kagaya nga ng naisip niyang plano, ipinaliwanag ni Rain Goodman ang tungkol sa rare na halimaw. Sinabi niya ang posibleng kinaroroonan nito sa Blood Forest na kahit siya mismo ay parang maniniwala na sa mga impormasyon na sinasabi niya. At ang dahilan kung bakit niya hinihiling ang pabor na ito, ito ay dahil sa balak niyang hulihin ang halimaw gamit ang sarili niyang mga kamay, ang pagsusumite lang ng misyon sa Guild ay para magkaroon siya ng katulong sa oras na hindi niya mapatay ang halimaw hanggang bukas ng umaga. Gayunpaman, diniinan niya ang huling mensahe na maaari lamang isumite ni Neo ang misyon sa Adventurer's Guild bukas ng umaga. Walang kasuspe-suspetya sa mga sinabi ni Rain Goodman. Dahil iniligtas din niya ang buhay ni Neo ay determinado itong suklian ang ginawang pagligtas sa buhay nito. Kahit na hindi pa siya nito kilala, naniniwala siyang gagawin nito ang pabor na hinihingi niya. "Kung iyon lang naman ang pabor na hinihingi ninyo, asahan mo na darating ang iba para matulungan kayo sa oras na hindi mo mahuli ang halimaw hanggang bukas." Magalang na tugon ni Neo. "Aasahan ko iyan. Mauuna na ako." Tumalikod na si Rain kay Neo at tinahak na ang direksyon sa harapan niya. Tumango naman ng magalang si Neo at tinahak na rin ang direksyon sa likod niya. Literal na magkabaliktad ang daanan na tinahak nila kaya mabilis nagkalayo ang dalawa sa madilim na gubat. Dahil sa pagbabago ng kaniyang plano ay kailangan na niyang bumalik sa tinutuluyan na bahay ni Joe Blood upang makapagpahinga ng maayos. Ihahanda niya na rin ang kaniyang mentalidad upang hindi siya magkakamali sa oras na makaharap na niya ang matandang Alchea na talaga namang nakakapangilabot ang presensiya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD