Chapter 26

2458 Words
Chapter 26: Making Pills? Maririnig sa tahanan ni Joe Blood ang sunod-sunod na naglalakasang mga tilaok ng manok sa loob ng Blood Village. Walang humpay ang ingay na nililikha ng mga manok na sumisira sa maaliwalas na katahimikan ng paligid. Para ding nagmula lang ito sa likod ng mataas na pader na nakatayo sa tabi ng bahay, dahilan para mas magmukhang malakas pa sa normal ang naririnig nila. Sa isang sapat lang ang sukat na kama para sa isang tao, nakahiga rito si Rain Goodman habang aktibo ang kaniyang Disguise Skill na kumopya sa katawan ni Cleo Blood. Ang mahimbing na tulog niya ay unti-unting nasira ng maingay na mga manok--hanggang sa tuluyan na nga siyang magising, naiirita niyang kinapa ang higaan para sa malambot na puting unan niya at nang makuha niya ito, taimtim siyang humiga patagilid at itinakip ito sa tainga niya. Dahil sa ginawang pagtakip ng unan sa isang bahagi ng tainga niya ay humina ng konsiderable ang naririnig niyang ingay ng mga manok. At hindi kalaunan ay wala na siyang naririnig na mga tilaok ng manok na siguradong magsisimula ulit sa destinadong oras na gustuhin nito. Pero ang bakas ng inis sa mukha niya habang nakapikit ay mas lumaki lang, naalala niya pa naman ang balak puntahan ngayong araw. Nais niya lang sanang magpahinga muna kahit saglit bago dumiretso sa tahanan ng matandang Alchea, subalit ang mga kasuklam-suklam na mga hayop sa kabilang banda ng mataas na pader ay sinira ang nalalabing oras niya para rito. Kung pipilitin naman niyang matulog pa saglit ay may mataas na porsiyento ng tiyansa na mapapasarap ang tulog niya at baka masira pa nito ang plano niya, kaya wala siyang ibang pagpipilian kundi ang bumangon. Labag sa loob na bumangon si Rain Goodman sa malambot na higaan. Umupo muna siya sa kama at kinuyumos saglit ang mga mata niya para linisin ito, nang luminaw na at umayos na ang paningin niya ay tumayo na ulit siya upang mai-inat ang mga braso niya. Pumipikit-pikit ang mga mata niyang nag-ehersisyo at ang konsentrasyon niya na huwag tumingin sa kama habang ginagawa ito ay talagang kahanga-hanga. Matapos ang ehersisyo ay napansin niyang gising na rin pala si Joe Blood at kumakain na ito ng tinapay habang pinapanood siya. Tinanguan niya lang ito bilang pagbati at huminto na sa pag-eehersisyo, hinubad niya ang suot na damit at pinunasan ang pawisang katawan, pagkatapos magpunas ay lumapit siya sa lamesa at hinila ang isang upuan tiyaka umupo rito. "Mn? May lakad ka na naman?" Biglang naitanong ni Joe. Napansin niya na kakaiba ang hangin sa paligid ni Cleo Blood na para bang tensiyonado ito habang nag-eehersisyo kanina. Hindi niya mapigilang mapaisip na siguro ay sasabak na naman ito sa isang mapanganib na laban sa loob ng Blood Forest, sa tingin niya ay masiyado nitong inaabuso ang sarili niya sa mga ginagawa, subalit ang pagkabahalang iyon para sa kasama ay may kasama namang pagkamangha. Kung ganito rin siguro siya ka determinadong lumakas ay marahil hindi siya maiiwan sa kasalukuyang antas ng lakas. Tinitigan lang ni Rain ang kaharap na si Joe at hindi ito sumagot. Sa halip, itinuon niya na lang sa tinapay na nakahain sa lamesa ang atensiyon niya at kumuha ng isang piraso na may kalakihan. Mabilis niya itong sinunggaban at ilang saglit lang ang lumipas ay naubos niya ito agad na nagpabalik sa kaunting lakas na nagamit niya sa pag-eehersisyo. Matapos kumain ay humiram siya ng damit sa kasama at kumuha ng isang kulay abong damit na walang disenyo. "Aalis na ako." Paalam ni Rain Goodman at binuksan na ang pinto. .... Blood Village Matiwasay na naglalakad si Rain Goodman sa loob ng baryo at pinagmamasdang maigi ang mga nangyayari sa paligid niya. May ilan sa mga nakakasalubong niya ang nagbibigay sa kaniya ng nandidiri o natatakot na tingin at mayroon din namang mga tao na walang pakialam sa kaniya. Patuloy lang siya sa paglalakad at nang makarating na siya sa harap ng Adventurer's Guild ay huminto siya saglit nang mapansin niyang nakabukas ang kalahati ng pintuan kaya sumakto pang kita niya ang kinaroroonan ng Receptionist. Tinitigan pa niya ng maigi ang Receptionist at napansin niyang sa harapan nito ay ang binatang niligtas niya kagabi na sinabihan niyang dapat magsumite ng misyon tungkol sa sinabi niyang uri ng halimaw. Hindi niya mapigilang mapangiti nang makita niyang may sinasagutan sa isang papel ang binata, alam niya na kailangan ihayag ang mas maraming detalye tungkol sa bawat misyon na isusumite ng kahit na sino para malinawan ang Adventurer's Guild na magbibigay ng misyon sa mga Adventurer, tatagal ng kaunti ang pagsagot sa papel na iyon bago tuluyang matapos. 'Hindi ko alam kung anong oras siya nagsimula o ilang minuto na siyang nagsasagot. Mas maiging dumiretso na agad ako kay tandang Alchea.' Isip niya at muli na niyang itinuloy ang paglalakad para makapunta sa bahay ng matanda. Maaari rin kasing masira ang plano niya 'pag hindi agad siya nakapunta sa matanda at nasabihan pa ito ng mga opisyal na tauhan ng Adventurer's Guild tungkol sa misyon. Hindi siya p'wedeng pumunta sa tahanan na wala ang matanda dahil siguradong mag-iiwan lang 'to ng mga bantay o patibong na po-protekta sa bahay niya, kapag nangyari iyon ay kakailanganin niyang bumuo ng panibagong plano hangga't hindi pa nakokonsumo ng mga batang Adventurer ang mga pills. .... Dumating siya sa harap ng parang maliit na gubat na lupain ng matandang Alchea. Mainit pa ang paligid kaya may ilang mga butil ng pawis ang namuo sa noo niya, pinunasan niya naman agad ang mga ito gamit ang likod ng kamay niya kaya mas bumuti ang pakiramdam niya. Mas dumalas pa ang mga ihip ng hangin na tumatama sa kaniya kaya ang mainit na temperatura ay unti-unti nitong tinatalo na nagpapapresko sa paligid. Inilibot niya ang tingin sa paligid at nalamang ang maiingay na mga batang nakasalubong niya papunta rito na naghahabulan sa kalye ay hindi lumalapit sa mga punong ito. Tila alam na nila na ang mga puno na ito ay sumesenyales na pader sa lugar na hindi nila dapat puntahan, dahil kung ipipilit nilang pumunta rito ay makakatanggap sila ng kabayaran na siguradong pagsisisihan nila. Bumuntong hininga ang binata at pilit na isinantabi ang takot sa puso niya. Hindi niya kasi mapigilan ang sarili na isipin ang malagim na sasapitin niya sa oras na matuklasan ng matanda ang kaniyang binabalak na pagkuha sa mga Pills at Herbs. Kahit na ilang beses niyang naranasan ang muntikang kamatayan, hindi pa rin siya nasasanay na wari'y ito ulit ang unang beses na mararanasan niya iyon. Gayunpaman, ang mga karanasan niya ay malaking tulong pa rin sapagkat hindi na ganoon karami ang makakapagbigay sa kaniya ng pakiramdam na nasa harap siya ng kamatayan. Tiyaka, labis naman nang mas maayos ang reaksyon niya sa pagharap sa ganoong sitwasyon. Nang maikalma niya ang isipan ay inayos niya saglit ang sarili bago humakbang papasok sa mas malalim na parte ng maliit na teritoryo ng matanda. Diretso ang bawat hakbang niya papasok, kahit na lupa ang inaapakan ay naririnig niya pa rin ng kaunti ang mahihinang yapak ng mga paa niya dahil sa katahimikan ng paligid. Pakiramdam niya ay nakakailang hakbang pa lang siya nang bigla niya na lang makita ang sarili niya na nasa harap na pala ng pinto. Biglang gumalaw ang pinto at bumukas ito na hindi niya pinipihit ang bukasan. Tumumbad sa harap niya ang matandang Alchea na nakasuot ng itim na damit at itim ding balabal. "Mabuti naman at maaga ka, sumakto at naihanda ko na rin ang mga kailangan ko para sa paggawa ng mga pills." Bati ng matanda sa kaniya at sinenyasan siya na pumasok na sa loob ng bahay. Sumunod naman ng walang alinlangan si Rain Goodman. Pumasok sila sa madilim na loob ng bahay. Dumiretso sa isa pang pintuan na magpupunta sa kanila sa isang tagong silid kung saan tinatapos ng matanda ang bawat pill na kailangan niyang gawin. Pagpasok nila sa loob ng silid na iyon, lumiwanag na ng kaunti ang paligid at tumumbad sa harap ng binata ang isang Silver Cauldron na halatang maitim na ang ilalim at mayroon na ring ilang gasgas sa iba't ibang parte, patunay na may kalumaan na ang Cauldron ng matanda. Sa tabi naman nito isa hanggang isa't kalahating metro ang distansiya ay ang magkakaibang uri ng mga halaman na nasa loob ng malinis at malinaw na mga bote. "Tumayo ka lang sa likod ko at ipapaliwanag ko sa'yo ang lahat ng detalye na nalalaman kong makakatulong sa'yo sa hinaharap mo bilang Alchemist. Sigurado naman ako na alam mo na ang bawat uri ng mga halamang gamot na itinabi ko para sa lulutuin kong pill, 'di ba? Kung gusto mong mas makasiguro, tignan mo muna ang mga herb at alamin kung mayroon sa mga ito ang hindi pamilyar sa'yo, marami naman tayong oras." Direktang paliwanag ni tandang Alchea pagpasok ng binata sa loob ng silid. "Pamilyar sa'kin lahat ang mga halamang gamot na gagamitin." Tugon naman niya sa matanda na nagpatango rito. "Kung gayon ay ipapaliwanag ko na muna ang mga kailangan mong malaman. Ang una at lagi mong tatandaan ay importante ang pag-gamit ng apoy na may sapat lang na init, mahalaga ito upang hindi mabilis masusunog ng Red Flame ang mga nasa loob dahil hindi ito normal na apoy kagaya ng iba. May ilan ding mga halamang gamot o materyal na dapat lutuin sa eksaktong init ng apoy at oras na nasa loob ito ng Cauldron upang makabuo ng ibang uri ng Pill na may kataasang kalidad." Lumapit ang matanda sa sahig kung saan nakalagay ang mga halamang gamot at kumuha ito ng isang bote na naglalaman ng mukhang ordinaryong berdeng halaman. "Katulad nito, Old Green Leaf, isa lamang itong normal na dahon. Pero ito ay may buhay rin at may sapat itong abilidad para umabsorba ng natural na enerhiya sa kalikasan. Bilang isang dahon na matagal nanatili sa kalikasan, may na-absorba na itong sapat na enerhiya para maging nutrisyon sa pagbuo ng ilang mabababang uri ng pills na kailangan ng natural na enerhiya habang nasa proseso." Kumuha ng isang Old Green Leaf ang matanda gamit ang kaliwang kamay niya at inihaya ito sa harap niya, ilang saglit pa ay itinaas niya rin ang hintuturo ng kanang kamay niya at itinapat ito sa gitna ng dahon. "At tuturuan kita ng isang sikreto na natuklasan ko nung kabataan ko. Alam mo ba kung paano makukuha ang pinakamagandang resulta sa Old Green Leaf?" Tumingin siya kay Rain Goodman at tinanong ito. Tahimik na umiling ang binata kaya humarap sa kaniya ang matandang babae at ipinakita sa harap niya ang hawak-hawak na dahon. "Sa pamamagitan ng maingat na paghiwa sa kalahati ng Old Green Leaf sa gitna ay mananatili ang natural na enerhiya kahit na humiwalay pa sila sa isa't isa. At kapag ipinasok na sa loob ng Cauldron ang hinating dahon ay hindi masiyadong marahas ang lilikhain nitong puwersa sa oras na malusaw ang dahon at kumalat sa paligid ang natural na enerhiyang laman nito, may posibilidad kasi na magkaroon ng aksidente kapag kumakalat na ang natural na enerhiya at may tinamaan itong iba pang halamang gamot. Hindi naman ito ganoon kahalaga dahil may silbi lang ang Old Green Leaf sa mababang uri ng pills, subalit maraming baguhan ang nagkakamali sa ganito na mabilis nagpapatumba sa kanilang katatagan." Maingat na inilapag ng matanda sa babasaging plato na pinagpapatungan ng mga bote ang hiniwa sa dalawang dahon. Hindi naman napansin ng binata na siya mismo ay medyo nahihikayat na sa mga ipinapaliwanag ng matanda tungkol sa pagluto ng mga pills. "Hindi ba p'wedeng magsimula sa mas mataas na uri ng pill na hindi kakailanganin ng Old Green Leaf o natural na enerhiya?" Tanong niya sa matanda na tumayo rin agad pagkatapos ilapag ng malumanay ang dahon. "Magsimula sa mas mataas na uri ng pills? Ang Alchemy ay katulad lang din ng ibang propesyon. kagaya sa pagiging Adventurer, hindi ka p'wedeng kumuha agad ng mas mataas na level ng misyon na kinakailangang makipaglaban sa halimaw kahit na wala kapang kaalaman sa pakikipaglaban. Gayundin sa paggamit ng espada, hindi mo p'wedeng basta na lang aralin ang matataas na uri ng Sword Technique na hindi pa napag-aaralan ang simpleng paghawi-hawi ng espada. Lahat ng bagay ay may simula na dapat nating aralin, ang lumagpas sa ilang mga level para tahakin agad ang mas mataas na level ay hindi makabubuti para sa'ting hinaharap." Mungkahi niya sa binata at kukuha na ulit sana siya ng panibagong nakabote ng isang uri ng halamang gamot nang mapatingin siya sa pinto. Dumiretso ang tingin niya sa labas at ilang saglit lang ang lumipas ay narinig na nilang dalawa ang sunod-sunod na may kalakasang mga katok. "Sandali lang at mukhang may bisita ako mula sa Adventurer's Guild." Lumakad palabas ang matanda at iniwan sa loob ng maliit na silid si Rain Goodman. .... Lumipas na ang tatlong minuto at wala pa ring senyales ng pagbalik sa silid ang matanda. Unti-unti na siyang nasasabik sa kaniyang puso, gustong-gusto niya nang makita kung ano ang magiging resulta ng plano niya. Kung iisiping maigi ay masasabing napakaganda talaga ng plano niya, ang halimaw na binanggit niya sa isusumiteng misyon ng iniligtas niyang binata ay walang sapat na lakas para pumalag kay tandang Alchea, ngunit ang layo ng kinaroroonan sa baryo ng binanggit niyang lugar ay walang duda na aabutin ng lima hanggang sampong minuto kahit na ubusin pa ng matanda ang lahat ng kapangyarihan sa katawan niya para mapabilis ang paglalakbay. Masasabing may limampung porsiyento ng tsansa na hahayaan na lang siya ng matandang manatili sa bahay na ito upang maituloy rin nila agad ang kaniyang kungwaring binabalak na pag-aaral sa paggawa ng mga pills. Malinaw rin naman kasi na ito ang kahinaan ng matanda. Sinong mag-aakala na ang pagiging beterano ni Alchea sa Alchemy ay isa rin pa lang kahinaan na magagamit laban sa kaniya. Sa ika-limang minuto ng pananatili niya sa loob ng silid ay narinig niya na ang mga yapak ng paa sa likod ng pintuan. Medyo malakas ang mga tunog nito at napansin niya agad na sabik ang matanda base pa lang sa mga hakbang nito na parang nagmamadali. At kagaya nga ng inaasahan niya, bumukas ang pinto at iniluwa nito ang matandang babae na abot langit ang ngiti sa labi. "Haha, swerte yata ang araw na 'to. May isinumiteng misyon sa Adventurer's Guild, kailangan kong umalis saglit para tugunan ito. Hintayin mo na lang ako rito at bantayan mo na rin saglit ang mga halamang gamot na nasa bote. H'wag na h'wag mong hahayaang mabasag ang kahit na isang bote sa mga iyan, lalo na ang mga Old Green Leaf, sa oras na sumabog yan ay madadamay ang iba." Nakatingin sa mga bote na babala ni tandang Alchea sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD