Chapter 27

2625 Words
Chapter 27: Taking! Hinatid ni Rain Goodman si Tandang Alchea hanggang sa labas ng lupain nito na walang makikitang emosyon sa mukha niya. Hindi matukoy kung masaya ba siya o malungkot sa naputol na proseso ng kanilang leksyon tungkol sa paggawa ng mga Pills. Kalmado sa labas pero alam niyang sa loob-loob niya ay sabik na sabik na siyang mawala sa paningin ang matanda. 'Bakit nagpaiwan pa ang isang 'to?' kasama ng pananabik niya ay ang nag-aapoy na galit sa loob niya. Hindi kasi umalis ang binatang nag-ulat ng misyon sa matanda. Sa takot na mapansin ang inis o pananabik niya ay pilit niya na lang binubura sa isipan ang katabi at itinutuon na lang ang atensyon sa pananatili ng kaniyang blankong ekspresyon. "Ang kagalang-galang na Alchea, siguradong may mabubuo na naman siyang mataas na uri ng Pill sa oras na makuha niya ng tama ang halimaw sa tinanggap na misyon." Sabik na sambit ng binatang labing-siyam na taong gulang. Ang pulang balabal na may nakaukit na itim na espada sa likod ay suot nito, nakatayo ng tuwid ang binata na tila pinagmamalaki niya ang kasuotan na sumisimbolo sa posisyong hawak niya sa Adventurer's Guild. Kahit na gustuhin niya rin namang palitan ang kasuotan ay hindi niya rin ito magagawa dahil bilang isa sa mga baguhang opisyal ng Guild, dapat ay ito at mukhang kaaya-aya ang suot niya. "Tama ka. Hindi na ako makapaghintay sa pagbabalik ng kagalang-galang na Alchea." Mahinang komento ni Rain Goodman dahil hindi naman siya direktang kinakausap ng opisyal. Nagulantang ang opisyal na nasa tabi ni Rain Goodman nang marinig nito ang sinabi niya. Pabulong ito pero sapat naman na ang lakas ng bigkas para marinig ng walang problema ang mensahe. Normal lang ang binitawang salita, pero ang tono ng pananalitang ginamit ay isang malinaw na sarkastiko at may senyales pa ng inis. Hindi naman tumagal ang gulat sa mukha ng opisyal, agad umukit ang inis sa mukha niya at pakiramdam niya ay may isang basura ang humamak sa pagkatao niya. Agresibo siyang tumingin sa katabi at nagsalita. "Saan mo nakuha ang lakas ng loob na gumamit ng ganyang tono ng pananalita sa'kin? Baka nakakalimutan mo ang diperensiya sa katayuan natin, isa ka lang hamak na basurang itinakwil ng angkan habang ako ay isang respetadong miyembro ng Guild." Mapagmataas na sigaw ng opisyal sa mukha ni Rain Goodman para ipamukha rito ang malaking diperensiya sa kanilang dalawa. Naiintindihan niya naman ang posibleng rason kung bakit gumamit ng ganoong tono ng pananalita si Rain Goodman. Marahil ay naistorbo ng mensahe niya ang ginagawa nila na siguradong may kaugnayan sa Herbs at Pills, ang mga ito lang din naman ang tanging dahilan para magkaroon ng ugnayan ang isang basurang kagaya ni Joe Blood sa respetadong matanda. Bukod sa dalawang ito ay wala nang iba pang rason ang naiisip niya na makukuha ang interes ni Tandang Alchea. Pero kahit na alam niya ang rason kung bakit naiinis ang binata, ano naman? Siya ay nasa taas at ang kagaya ni Joe Blood na nasa baba ay walang karapatang sumalungat o tumanggi sa kagustuhan niya. Matapos marinig ang mga sinabi ng opisyal ay tahimik na tumingin si Rain Goodman sa mukha nito at hindi na nagulat sa ipinakita nitong ugali. Bilang isang opisyal ng Guild ay natural lang na respetado ito ng ibang tao, kabaliktaran ng kasalukuyan niyang ginamitan ng Disguise Skill na si Joe Blood; isang binata na kinikilala bilang malas at nasa pinakailalim ang katayuan. Alam niya rin na ang higit pang ikinaiinis ng opisyal ay sa katotohanang sinubukan nitong kausapin siya. Sa madaling salita, kinalimutan nito ang katayuan ni Joe Blood na kilala bilang malas at tinuring ito na parang kakilala. Pero ang natanggap nito ay ang sarkastikong mensahe na binitawan niya, kaya naman kahit saang anggulo tignan ay inaasahan na talaga niya ang ugaling ipapakita nito. Gayunpaman, umiling lang si Rain Goodman bago bigyan ng sarkastikong ngiti ang kaharap niya, kasunod nito ay nagsalita na naman siya, "Sa taglay mong talento at potensiyal ay walang duda na hindi mo matatapakan ang posisyong hawak mo gamit ang sarili mong mga paa. Siguradong nagmakaawa ka sa pamilya mo para makamit ang mayroon ka ngayon, kaya bakit pinagmamalaki mo ang posisyon mo? Wala na bang natitirang kahihiyan sa loob mo?" Ngumiti siya ng mapang-asar at lumakad na pabalik sa loob ng tahanan ni Tandang Alchea. Nang bitawan niya ang mga salitang ito ay parang tinamaan ng kidlat sa gulat ang opisyal. Tulala siyang hindi makapaniwala sa sinabi ng kaharap niya. Kahit kailan ay hindi inaasahan na ang malas na si Joe Blood pa ang sasampal ng katotohanan sa mukha niya. Tama naman ang sinabi ni Rain Goodman. Malinaw sa lahat ng nakakakilala sa kaniya na normal lang ang talento at potensyal niya. Hindi siya pinagpala rito, pero nabiyayaan naman siya sa kaniyang pamilya. Pinanganak siya sa isang mayaman at makapangyarihang pamilya na may kaunting impluwensiya sa Guild. At kagaya ng sinabi ng kaharap niya ay nakuha niya lang ang posisyon niya sa tulong ng kaniyang tiyo. Ang marinig ang mga salitang ito sa harap pa ng mukha niya ay talagang nakakakulo ng dugo. Isa pa, sa lahat ng kakilala niya ay walang kahit na sino ang naglakas ng loob na banggitin ito, pero ang kinikilalang basura, ito pa talaga ang nagsabi sa kaniya, bagay na nagpalala pa sa nag-aapoy niyang galit. "Anong sinabi mong malas ka? Wala akong pakialam kung wala kana sa katinuan, kung iniisip mong hindi kita kayang turuan ng leksyon dahil may kaugnayan ka sa kagalang-galang na Alchea. Ipapaalam ko sa'yong nagkakamali ka!" Ang pilit pinapakalmang ekspresyon sa mukha ng opisyal ay kinain na ng matinding galit. Pakiramdam niya ay hindi siya ginagalang ni Joe Blood kahit na mataas ang posisyon niya, dahilan para mapaisip siya na posibleng may iba pang nag-iisip ng ganito na natatakot lang imungkahi dahil sa awtoridad ng pamilya niya. Kung ang basurang si Joe Blood ay hindi ginagalang ang natamo niyang posisyon, ano pa kaya ang opinyon ng iba tungkol sa kaniya? Bigla siyang hiningal sa mga naiisip at bumakat ang mga ugat sa noo niya nang tumingin siya sa likod para lapitan ang binatang nagsabi ng mga kawalanghiyaan sa kaniya. Binilisan naman ni Rain Goodman ang mga hakbang niya nang marinig ang sunod-sunod at malalim na paghinga ng opisyal. 'Tama 'yan, sumunod ka lang. Kasalanan mo rin naman at pinili mong manatili.' isip niya at kinontrol na ang bawat hakbang upang masiguro na hindi agad siya maaabutan ng nasa likod niyang opisyal na nag-aalburuto sa galit. Dahil sa piniling magpaiwan ng opisyal sa lupain ni Tandang Alchea ay magkakaroon ng kaunting pagbabago sa plano niya. Sa totoo lang ay wala naman na siyang planong manakit ng iba para makuha ito, ayaw niyang lumikha ng kahit anong komusyon na p'wedeng makakuha sa atensyon ng iba. Pero kailangan niya na itong gawin dahil sa opisyal, inisip niya na lang na para rin naman ito sa kapayapaan ng dalawang baryo. Nang dumating siya sa harap ng bahay ay hinawakan niya ang bukasan ng pinto at pipihitin na sana ito nang may biglang humawak ng marahas sa balikat niya. Hindi niya itinuloy ang pagbukas ng pinto at nilingon ang opisyal na inaasahan niyang sasabog na sa galit, at kagaya nga ng inaasahan niya, bumungad sa harap niya ang mukha ng opisyal na ang noo ay makikitaan ng mga nagbabakatang ugat habang ang mga mata nito ay nanlilisik sa galit, bumabagay sa mga mata at buhok nitong kulay dugo. Taliwas sa inaasahang paggalaw ng kahit na ano sa mga braso nito, bibig ang unang gumalaw sa opisyal. "Para sa kagalang-galang na Alchea, handa akong patawarin ka at kalimutan ang mga sinabi mo 'pag humingi ka sa'kin ng paumanhin." Nagtitimping alok ng opisyal habang napapangitngit ng mga ngipin sa galit. Hindi niya gustong bigyan ng problema ang pamilya niya kaya pilit niyang kinakalimutan ang kahihiyang natamo upang subukang ayusin ang problema. Totoo na may koneksiyon ang pamilya niya sa Adventurer's Guild. Totoo rin na mayaman sila at hindi ordinaryo kahit sa kabuuan ng angkan, subalit ang matandang Alchea ay isang kagalang-galang na Alchemist. Isa sa mga pinakamataas na posisyon dahil sa pagiging napakahirap at napakahalagang propesyon nito. Kaya naman hangga't maaari ay ayaw niya ring madamay ang pamilya niya sa maliit na hindi nila pagkakaunawaan ni Joe Blood (Rain Goodman). Bumuntong hininga si Rain Goodman at binigyan ng makahulugang tingin ang kaharap. Tumango siya bilang tanda ng pagpayag niya sa inaalok nito at nagwika, "P'wede bang sa loob na lang ako humingi ng paumanhin? Nais rin ng kagalang-galang na Alchea na bantayan ko ang mga halamang gamot na gagamitin namin mamaya upang hindi magkaroon ng aksidente sa Old Green Leaf." Sa narinig ay humupa ng kaunti ang galit na kinikimkim ng opisyal at mahinahon na rin itong nagwika, "Sige, pumapayag ako sa kagustuhan mo." Binuksan ni Rain Goodman ang pinto at pumasok sa may kadilimang silid. Iniwan niyang nakabukas ang pinto para makapasok din ang opisyal, hindi na siya lumingon pa at dumiretso na lang sa silid na pinaglalagyan ng mga halamang gamot at Cauldron. Huminto siya sa harap ng panibagong pinto at hinawakan ang bukasan nito, nanatili siya roon ng ilang segundo hanggang sa marinig niya ang tunog ng sumaradong pinto sa likod niya, binuksan niya ang nasa harap niya at pumasok sa loob nito. Dahan-dahan namang naglakad papasok ang opisyal habang tinitignan ang paligid. Hindi niya mapigilang makaramdam ng pangamba sa puso niya habang tinitignan ang madilim na paligid at medyo kakaibang disenyo ng bahay bukod sa mga halamang nakatago sa loob ng mga bote. Tumingin siya sa direksyon ni Rain Goodman at nagtaka kung bakit kailangan pa nilang pumasok doon, subalit isinantabi niya rin naman ito at sumunod na lang. Iniwan ni Rain Goodman na nakabukas ang sunod na pintong papasukan ng opisyal kaya mabilis para mabilis itong makakapasok dito. Masiyadong tahimik ang paligid at sa hindi malamang dahilan ng opisyal ay parang nag-iba ang hangin sa paligid. Gayunpaman, nagpatuloy pa rin siya sa paglalakad hanggang sa makarating na nga siya sa harap ng pinto. Una niyang nakita ang sahig na may kalumaang pilak na Cauldron, sa kanang banda nito ay ang mga bote na naglalaman ng iba't ibang halaman. Maingat siyang pumasok sa loob at tumingin sa bukasan ng pinto na hinawakan niya, dahan-dahan niyang isinara ang pinto na puno ng pag-iingat, kinakabahan na may aksidenteng mangyari sa mahinang hangin na papasok sa loob ng silid kapag sinara niya ng mabilis ang pinto. At nang maisarado niya na ang pinto ay ibinalik niya ang tingin sa likod kung saan nararamdaman niya ang presenya ng kasama. Subalit paglingon niya ay naramdaman niya na lang na may humawak sa suot niyang balabal. Kahit ang suot niyang damit ay nahawakan ng kamay na ito at bigla na lang lumutang pataas ang katawan niya. "Anon----" naguguluhan niyang wika ngunit hindi niya rin naituloy ang sasabihin nang makaramdam siya ng mabigat at matigas na bagay na tumama sa pisngi niya. Bumigat ang katawan niya at ang tanawin sa harap niya ay biglang lumabo, dumodoble rin ang mga bagay na nakikita niya at nagiging tatlo o apat pa nga ang mga ito. Nahihilo siyang tumingin pababa sa kamay na nakahawak ng marahas sa balabal niya, at ang tingin na iyon ay lumipat naman sa braso nito hanggang sa mapunta ito sa malabong mukha ng isang binata. "S-si--" Hindi na naman niya naituloy ang sasabihin nang makita niyang tumaas ang kanang kamay ng malabong pigura sa harap niya, mabilis na ibwinelo ng kaharap niya ang kanang braso nito at pinakawalan ang ubod ng bilis na suntok papunta sa mukha niya. Pagkatapos ngang mangyari nito ay bigla na lang dumilim ang paligid niya at wala na siyang maramdamang kahit ano. Binitawan ni Rain Goodman ang walang malay na opisyal kaya maririnig ang bumagsak sa sahig na katawan nito. Tinignan niya ang kanang kamao na pinangsuntok sa opisyal at napansin na medyo namumula pala ito, mukhang hindi nga talaga ordinaryo ang mayamang pinatulog niya na mas matibay pa ang katawan sa normal nitong antas ng lakas. "Ilang minuto lang ang meron ako. Kailangan kong makaalis ng mas maaga." Paalala niya sa sarili at mabilis na tumakbo para sa nakaboteng mga halamang gamot na nasa sahig. Hindi na niya inaksaya ang kahit isang segundo at buong lakas na ginamit ang lahat ng bilis na kayang gamitin ng katawan niya para mailagay lahat ng mga 'to sa [Inventory]. Wala pang dalawang minuto ang lumipas ay nakuha niya na lahat ng mga halamang gamot na nasa sahig. Hindi niya rin pinalagpas ang Old Green Leaf na may pinakamababang epekto para sa kaniya, kahit maliit ay makakatulong pa rin naman ito kaya para sa kaniya, kasing halaga rin ito ng iba. Nanghihinayang siyang tumingin sa Cauldron at pilit na pinipigilan ang sarili na hindi ito kuhanin. Mapanganib kasi kung ilalagay niya ang gamit sa kaniyang [Inventory], kahit na hindi ito mararamdaman ng matanda, may posibilidad na may ginawang kakaiba sa Cauldron ang matanda na hahayaan siyang makita ang pinakamamahal na Cauldron kahit na malayo pa siya rito. At sa oras na ilabas niya ang Cauldron para magamit o ibenta, baka maramdaman lang ito ng matanda at magamit para tukuyin ang lokasyon niya. "Ang mga pills na lang at mga herbs naman sa labas." Mahinang bulong niya sa sarili at tumingin sa kahoy na pader. Hinawakan niya ng madiin ang pader na nasa bandang gilid, diniinan niya ang pagtulak gamit ang mga daliri niya at umatras ng kaunti ang maliit na parte ng pader na parang hugis pintuan. Tinulak niya pa ng tinulak ang hawak na pader hanggang sa nakita niya na lang ang lagusan papasok sa kabilang banda ng pader. Taimtim siyang pumasok sa pader na iyon na puno ng saya ang mukha, subalit eksaktong pagpasok niya ay nanlaki sa gulat ang mga mata niya sa kaniyang nakita. .... Bloody Forest Sa gitna ng gubat na puro maliliit na damong sahig at mga puno na mas maitim ng kaunti sa ordinaryong puno ay may matanda ang ubod ng bilis na tumatakbo, sa sobrang bilis nito ay hindi na siya nakikita at nadarama ng mga pagala-galang mababangis na halimaw sa paligid na nagtataglay ng mas malakas at mas malinaw na pandama kumpara sa mga tao. Hindi na niya napigilan ang pagkasabik na makuha ang mga sangkap at materyal na makukuha niya sa halimaw kaya hindi na siya nagtungo sa Adventurer's Guild upang mapabilis ang pagkuha niya rito, lalo na at alam niyang masiyadong rare ang ganitong uri ng halimaw, kapag nagkaroon ng aksidente at napalaban ito sa ibang kapwa halimaw ay malaking benepisyo ang mawawala rito. Habang tumatakbo ang matanda ay hindi niya maiwasang mapangiti ng malaki. Ilang minuto pa lang simula nang umalis siya sa tahanan niya upang tumakbo ng mabilis papunta sa Blood Forest, sa ilang minutong iyon ay napakalayo na agad ng distansiya na napuntahan niya. "Ang mga pills ko." Napahinto sa napakabilis na pagtakbo ang matanda at napalingon siya sa direksyon na pinagmulan niya. "May gumalaw sa mga pills ko? Bakit nawala ang mga pills ko?" Naguguluhang tanong niya at nang maisip niya na posibleng may hayop na nagnakaw sa mga pills niya para maitago sa mataas na kalidad ng Storage Space ay biglang umukit ang pangit na ekspresyon sa mukha niya, ekspresyon na puno ng poot at galit. Hindi na nagdalawang isip pa ang matanda. Agad niyang tinahak ang daan pabalik sa Blood Village na may intensyong patayin ang kung sino mang magnanakaw, siyempre ay para na rin mabawi niya ang kaniyang mga pills, masiyadong mahalaga ang mga pills na iyon at kahit na ano pang mangyari ay hindi ito p'wedeng mawala sa kamay ng angkan. Kumpiyansa rin naman siya sa sarili na sa oras na makabalik siya sa baryo ay mararamdaman niya ang hangal na magnanakaw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD