Chapter 28: Blood Village Under Alert!
Nang matagumpay niyang makuha ang lahat ng Herbs at Pills ay lumabas na siya ng maliit na tahanan ni Tandang Alchea. Tinignan niya ulit kasi kanina ang bahay pagkakuha ng mga halamang gamot sa labas para masigurong wala siyang nakaligtaang mga Pills. Mabilis siyang lumakad at wala pang ilang sandali ay malapit na niyang malabas ang mala-gubat na lupain ng matanda, isang hilera na lang ng mga puno ang nasa harapan niya at makakaalis na siya rito.
Huminto siya saglit at sinulyapan sa huling pagkakataon ang bahay ng matanda. Sa puso niya ay itinanim niya na ang babala na kahit kailan ay h'wag nang babalik pa rito. Matinik ang matanda at matalim ang pakiramdam nito, malakas ang kutob niya na makikilala siya nito 'pag nagkalapit sila.
'Sana ay hindi na muling magtagpo ang landas natin.' isip niya at ibinalik na sa harapan niya ang tingin.
Tinaas niya ang kanang paa niya para mailakad ito paabante pero bigla itong huminto sa ere nang may maramdaman siyang kakaiba. Ang mainit na sinag ng araw na nagpapainit sa temperatura ay tila naglaho na parang bula, sa hindi niya malamang dahilan ay bigla na lang nanlamig ang buong katawan niya. Pakiramdam niya ay may nagdala sa kaniya siya sa nagyeyelong lupain.
Dahan-dahan niyang itinapak sa lupa ang nanginginig na kanang paa. Hindi niya maintindihan ang nangyayari, nanlalamig ang buong katawan niya pero tuloy-tuloy ang pagsulpot ng mga pawis sa noo niya na dapat ay nangyayari lang sa gitna ng mainit na panahon. Bukod pa rito ay may napansin din siyang kakaiba sa binti niya, nang maibaba niya ang kanang paa ay nanghina ang mga tuhod niya at para siyang matutumba ano mang oras.
'Parating na siya? Imposible, paano niya naman nalaman? Sandali, may kinalaman kaya ito sa kakaibang liwanag kanina nang kuhanin ko ang mga Pills?' isip niya nang mapansin niya ang mga pagbabago sa katawan niya.
Sa tingin niya rin naman ay tanging si Tandang Alchea lang ang makakapagbigay sa kaniya ng ganitong level ng presyur. Malinaw sa kaniya ang uri ng karakter ng matanda, hindi lang ang antas ng lakas nito ang nakakatakot, ang mapaghiganti nitong kalooban ang pinakakinatatakutan niya.
Wala pa sa harapan niya ang matanda pero binabalaan na siya ng matinding takot sa puso niyang konektado sa katawan niya na lumisan na rito. Kung hindi siya lilisan sa tamang oras ay malaking kabayaran ang sisingilin sa kaniya ng matanda, kabayaran na ang nag-iisang buhay niya lang ang maibabayad.
Huminga siya ng malalim at inisip ang mga bagay na makakapagpakalma sa kaniya.
Matapos ikalma ng kaunti ang sarili, ginamit niya ang kaniyang skill na [Hide] at ginamit ang buong lakas para makatakbo palayo sa lugar na ito. Hindi lang iyon, gumamit din siya ng kaunting Natural Energy na nagbigay ng ekstra lakas sa mga tuhod niya. Gamit ang skill, natural na enerhiya, at ang matinding determinasyon na mabuhay ay nagkaroon na nga siya ng sapat na lakas para lumakad patungo sa tahanan ng mga normal na mamamayan. Sa totoo lang ay hindi niya naman sinadya na dumiretso rito, okupado lang talaga ng matinding takot ang puso niya kaya hindi na siya nakapag-isip ng maayos.
Pinakiramdaman niyang maigi ang bawat presensya sa mga bahay na malapit sa kaniya at balisang tumakbo papasok sa isang bahay na wala siyang nadaramang presensya. Marahil ay nasa trabaho pa ang mga naninirahan dito at wala na siyang pakialam kung ganoon pa nga, ang nais niya lang ngayon ay makahanap ng pagtataguan.
Lumapit siya sa pintuan ng bahay at laking tuwa niya sa nalaman na hindi ito nakasarado. Hindi niya na inisip pa ang rason kung bakit naiwang nakabukas ang bahay, pagbukas niya ng pinto ay agad siyang pumasok at isinara ang pinto. Sumandal siya sa pinto at napaubo na lang sa sobrang takot. Habang nakaupo ay bigla na lang nanlumo ang mukha niya at ang katawan niya ay mas lumakas ang pagnginig.
'N-nandito na siya.' isip niya at tinakpan ng dalawang kamay ang bibig upang hindi lumikha ng kahit anong ingay.
....
Tatlong minuto ang eksaktong lumipas nang makaalis ang binata sa kinaroroonan niya ay dumating na nga ang matandang Alchea na nag-aalburuto sa galit ang mukha. Mapapansin din sa tanawing nasa likod niya ang makapal na alikabok na kumalat sa paligid, dahil sa napakabilis at walang ingat niyang pagtakbo papunta rito, hindi na rin naglalaro ang mga bata sa malayo sa kanilang nakitang kilos ng matanda. Isa-isang sumara ang mga bahay na nadaanan niya kasabay ng pag-sara nila ng mga bintana, kinakabahang madamay sa galit ng parang wala sa katinuang nakakatakot na matanda.
Ang nag-aapoy sa galit na ekspresyon niya ay napalitan ng blankong ekspresyon sa naramdamang presensiya na nasa loob ng tahanan niya.
"Ang opisyal na 'yon ay walang malay? At bakit nawala ang presensiya ni Joe Blood? Hindi kaya--" Hindi na niya tinapos ang sasabihin at kumaripas ulit ng takbo papunta sa bahay niya na ilang metro na lang ang layo. Pagdating niya sa loob ay nagtungo siya sa silid na kinaroroonan ng mga halamang gamot at Cauldron. Tinignan niya rin ang sikretong silid na tinaguan niya ng mga Pills at paglabas niya rito ay napangiti siya sa nalaman.
"Joe, hindi ko alam kung saan mo nakuha ang lakas ng loob na nakawan ako. Pero siguraduhin mong kaya mong tanggapin ang kabayaran ng ginawa mo sa'kin." Pabulong na sabi niya, nakangiti ang matanda at ang mukha niya ay may emosyon na makikita lamang sa mga taong wala sa katinuan kaya labis itong nakakapangilabot.
Lumakad palabas ng bahay ang matanda at hindi niya na inaksaya ang oras para tignan kung nasa lagayan niya pa ba ang mga halamang gamot. Kung titignan niya pa ito ay alam niyang masasayang lang ang oras niya, at sa bawat oras na nasasayang niya ay ang paglaki naman ng tsansa na makatakas ng buhay ang hangal na kumuha sa mga pills niya na inihahanda niya para maisakatuparan ang mga lihim na plano. Huminto siya sa harap ng pinto at tinignang maigi ang lupa, ilang segundo niyang tinignan ang sahig at natuklasan niyang may ilang malalabong mga marka ng yapak ng paa na galing sa tatlong tao, ang isa ay siguradong sa kaniya, at ang pangalawa ay nagmula sa Opisyal ng Adventurer's Guild at kay Joe Blood na nagnakaw ng mga pills niya.
Tahimik na ang paligid at wala na rin ang mga tao sa labas na lumilikha ng mga ingay, kaya naman masiyadong mapayapa ang paligid at medyo kumakalma na siya habang lumalakad na nakatuon pa rin ang atensiyon sa mga yapak ng paa. Tinuloy niya ang paglalakad hanggang sa makarating siya sa dulo at nakita niya ang dalawang yapak ng paa na mukhang galing sa magkatalikod na dalawang pigura, ang isa naman ay dumiretso paabante na siguradong galing sa kaniya kanina nung tumakbo paalis.
Minanmanan niya pang maigi ang paligid hanggang sa natuklasan niya ang panibagong bakas ng mga paa na papunta sa direksyon ng mga bahay ilang metro ang layo rito. Medyo madiin ang bakas ng mga paa na halatang nagmula sa kinakabahan o balisang tao, masuring sinundan ng matanda ang direksyon na ito hanggang sa huminto siya sa harap ng isang bahay.
"Joe Blood, papatayin kita." Mahina niyang bulong sa pintuan at pinihit ang bukasan nito, subalit nalaman niyang nakasarado pala ito at hindi niya mabubuksan sa tamang paraan, kaya naman itinapat niya ang hintuturo sa pintuan at idinikit ito rito.
CRACK!
Rinig at kita niya kung paano nagkaroon ng mga bitak ang pintuan na nagsimula sa pinagdikitan ng daliri niya, agad itong kumalat na parang nakakahawang sakit hanggang sa isang iglap ay puno na pala ng bitak ang kabuuan ng kahoy na pinto. Diniinan pa niya ng kaunti ang pagtulak sa pinto at tuluyan na ngang nawasak ang pinto na pumipigil sa kaniyang makapasok sa loob ng tahanan.
"Hahaha, humanda ka talaga Joe, sa oras na makita kita ay sisiguraduhin kong maghihirap ka hanggang sa huling hininga mo!" Galit na sigaw niya nang makitang ang loob ng bahay ay walang senyales ng kahit na sinong tao, mapapansin naman sa kinaroroonan niya na ang bintana sa loob ng isang maliit na silid ay nakabukas at mukhang dito lumabas ang binatang hinahanap niya.
Pumasok siya sa loob ng silid at sinuri ang bintana na ginamit ng salarin sa pagnanakaw ng mga Herbs at Pills niya. Taimtim niyang tinignan ang malupang sahig sa harap ng bintana at nakita niyang dalawang yapak lang ng paa ang nandito, wala na siyang iba pang makitang senyales na makakapagturo sa direksyong tinahak ng binata. Base pa sa pinakita ng binata na dalawang senyales ng mga paa lang ang makikita ay parang pinapamukha nito sa kaniya na maingat ito at hinding-hindi mahuhuli.
"Matalino ka, ibibigay ko sa'yo 'yan. Pero naniniwala akong hindi kapa nakakaalis sa baryong ito, tignan natin kung hanggang kailan mo kakayaning magtago rito. Kailangan ko lang harangan ang tarangkahan at ipahanap ka sa iba." Wika niya at tumalon palabas sa bintana upang magtungo sa tarangkahan ng baryo, sisiguraduhin niyang babantayan niya ng maigi ang tarangkahan hangga't hindi nahuhuli ng mga Adventurer ang salarin sa pagnanakaw ng mga gamit niya.
....
Pag-alis na pag-alis ng matanda ay naiwan ang bahay na sira ang pintuan at nakabukas ang bintana ng isang silid. Muling pumayapa ang tahanan na kanina ay nasa gitna ng matinding presyur dahil sa inilalabas na galit ni Alchea.
Sa ilalim ng kama ay nakahiga sa pinakadulo si Rain Goodman. Huli na ng maisip niya ang tungkol sa mga yapak ng paa na maiiwan niya kaya naman nakarating na ang matanda sa tahanan nito noong sinubukan niyang tumakas, hindi totoo na nakaisip siya ng paraan para maitago ang bakas ng mga paa, tumalon lamang siya palabas ng bintana at maingat na bumalik sa loob para magtago sa ilalim ng kama. Hindi niya alam kung ilang minuto na siyang nakahiga, o siguro ay oras na, ang alam niya lang ay napakabagal ng takbo ng oras nang makita niya ang mga paa ni Tandang Alchea na parang paa ng kamatayan sa paningin niya.
Siyempre ay sinigurado niya ring walang bakas ng mga pawis ang tumulo sa sahig na magbibigay ng senyales sa matanda. Pinunasan niya saglit ang mga pawis sa sahig at agad na nagtago sa ilalim ng kama.
Nakahiga ang mukha ng binata sa isang malambot na unan na basang-basa na ng pawis. Pinili niyang kumuha ng unan sapagkat alam niya na hindi ordinaryo ang pandama ng matanda, kahit ang simpleng pagtulo ng pawis niya ay madarama nito sa oras na pumasok ito sa loob ng bahay na pinagtagaguan niya. Bukod sa tinakpan niya ng unan ang buong mukha niya ay sinigurado niya rin na hindi siya humihinga gamit ang mga kamay niyang mariin na nakatakip sa bibig niya, kaya paglabas na paglabas niya ng kama ay napahiga siya sa kama habang hinahabol ang kaniyang hininga.
"M-mamamatay ako rito. Kailangan kong umalis sa lugar na 'to."
Ilang segundo pa lang siyang nakahiga nang bumangon siya sa kama.
Bumalik siya sa dinaan kaninang pinto at muling naglakad papunta sa lupain ng matanda, narinig niya pa naman kanina na sinabi ng matandang Alchea na magbabantay siya sa labas ng tarangkahan para masigurong hindi siya makakalabas ng baryo. Ibig sabihin ay kampante ito na hindi siya makakalabas kahit na akyatin niya pa ang mataas na pader.
At ang nag-iisang paraan na maaari lang nilang gamitin para pigilan siyang makalabas ay ang kompletong pagsasara ng buong baryo, sa madaling salita, papaganahin nila ang [Formation] na pumo-protekta sa buong baryo upang hindi sila basta-basta mapapasok ng mga tagalabas, siyempre ay hindi rin sila makakalabas sa oras na paganahin nila ito.
"May ilang minuto pa ako. Kailangan kong makapunta sa taas ng bahay niya."
Mabilis siyang tumakbo papunta sa lupain ng matanda, wala na ang mga tao sa paligid kaya naging maayos ang pagpunta niya sa mapupunong paligid. Nilabas niya ang [Foundation Grade] niyang espada at hiniwa ang puno na nasa harapan niya, hindi agad bumigay ang puno kaya naman umatras siya ng kaunti at binigyan ito ng malakas na suntok na tuluyang pumutol sa nakaawang nitong katawan. May kataasan ang puno at hinila niya ito ng walang kahirap-hirap papunta sa gilid ng mataas na pader, isinandal niya ito ng nakatayo at inayos ang balanse nito upang hindi bumagsak sa oras na akyatin niya na ito.
Nang masiguro niyang sapat na ang balanse ng puno ay gumaan na ng kaunti ang dinadala niyang kaba at napabuntong hininga siya na may ngiti sa labi. Kapag nakalabas siya ay mapapabuti na ang mga bagay-bagay, hindi niya na kakailanganin pang isipin ang digmaan na uugtong sa pagitan ng Blood Village at Potara Village.
Ibinaba niya ng kaunti ang mga tuhod niya at ipinorma rin ang kamay na may hawak na espada, binalot niya ng natural na enerhiya ang kabuuan ng mga binti niya para maging maayos ang pagtalon, at ilang sandali pa nga, tumalon na siya ng ubod ng taas at narating niya ang pinakadulo ng puno na agad namang gumalaw dahil sa biglang pagdagdag ng bigat ng katawan niya. Gayunpaman, hindi siya nagpatinag sa gumegewang na tinatapakan at buong lakas na isinaksak ang espada sa parte ng pader na nasa taas ng ulo niya, walang hirap na bumaon ang kalahati nito kaya naman napangiti siya ng kaunti. Pagkatapos nito ay tumalon siya at ginamit na patungan ng paa ang espada bago pa man bumagsak sa sahig ang puno.
"Mukhang ito na agad ang paghihiwalay ng landas natin." Malungkot siyang tumingin sa espada para tignan ito sa huling sandali. Upang makatalon siya gamit ang buong lakas niya ay kailangan niya ng tatapakan, at ang pagsasakripisyo na nga lang sa espada ang naiisip niyang paraan upang hindi siya kulangin sa oras, kung tutuusin ay p'wede siyang humiwa ng mas maraming puno, subalit kung gagawin niya naman ito ay kakailanganin niyang maglaan ng kaunti pang oras, bagay na wala siya ngayon. Bawat segundo ay napakahalaga, at p'wedeng ang isang segundong pagkahuli niya sa pagtalon ay maaaring magresulta sa kamatayan niya.
Binuo niya na ang loob at nagdesisyon na gamitin na ang lahat ng natural na enerhiyang nasa katawan niya, gamit ang lahat ng natural na enerhiya niya ay mas tataas ang pagtalon niya sa isang iglap na magpapahina naman sa kaniya pagkatapos, pero ang pinakakailangan niya ay ang makalabas sa lugar na 'to, kaya kahit na manghina pa siya ay wala itong problema.
Katulad ng ginawa niya kanina, ibinaba niya ng kaunti ang mga tuhod at ibwinelo ang katawan, ginamit niya rin ang buong lakas ng paa at tumalon na nanghihinayang sa loob niya.
Mahalaga sa kaniya ang espada dahil ito ang una niyang nabiling armas, at nang marinig niya ang espada na nabasag sa lakas ng p'wersa ng pagtalon niya ay lumakas pa ang panghihinayang sa puso niya. Pero natuwa pa rin naman siya nang makita niyang lumagpas na siya sa mataas na pader at ang berdeng tanawin na nasasakop ng maliliit na mga damo ay kitang-kita na niya, ang tanawin na sumesenyales sa kaniyang pagtakas ng ligtas sa Blood Village.