Chapter 29

1842 Words
Chapter 29: Growth! Mainit na tanghali ang sumasakop sa malawak na lupain, kasama na rito ang Niarich Forest na hindi naman gayon katindi ang init dahil sa mga sariwang ihip ng hangin. Sa liblib na bahagi ng Niarich Forest, sa loob ng teritoryo ng mga Black Tiger ay may binatang nakapikit ang mga mata habang nakatapat ang likod sa puno. Tahimik niyang inaamoy ang simoy ng sariwang hangin habang dinadama ang mga natural na enerhiya sa paligid. Hindi naman nagugulo ng mainit na temperatura at nakakasilaw na sinag ng araw ang konsentrasyon niya sa pagmumuni-muni. Pinili niya ang puwesto ng punong sinandalan dahil tago ito at malilim ang kapaligiran. Pakiramdam niya ay halos isang oras na o maaaring higit pa ang oras na lumipas simula nang lisanin niya ang Blood Village. Sa kaniyang pagtakas ay nakatuon lang ang atensiyon niya sa patagong pag-alis ng ligtas, mas tumagal siya sa mas malayong daan na tinahak pero hindi naman siya nagsisisi sapagkat mas ligtas ito. Maingat siyang pumunta sa Niarich Forest at hinanap ang pinakamagandang lokasyon na sa tingin niya ay ligtas. Balak niyang dito konsumuhin ang mga Herbs at Pills na nakuha niya, hindi niya kasi p'wedeng gawin sa loob ng Potara Village, kapag ginawa niya iyon ay parang inaanunsiyo na niya ang sarili na may mga natuklasan siyang kayamanan na magpapagalaw sa mga ganid na puso ng iba. Bukod pa rito ay hindi makakalagpas sa matalim na pandama ng Elder Devil at iba pang makapangyarihang Adventurer ang mga enerhiyang papasok sa katawan niya mula sa mga kokonsumuhing pang palakas. Sa loob ng pitong minuto ay bumukas na ang mga mata ng kanina pa tahimik na si Rain Goodman. Bumalik na ang natural na enerhiya sa katawan niya na sasapat para maprotektahan niya ang sarili. Hindi naman na talaga niya kailangan ng natural na enerhiya para maipagtanggol sa kapahamakan ang sarili, nagmumuni-muni lang siya upang mabawasan ang pagod at stress sa katawan na natamo noong bigla niyang ginamit ang halos lahat ng Natural na Enerhiya sa katawan niya, alam niyang sa ganitong estado ng katawan at mentalidad ay mahihirapan siyang lumaban. Pero hindi naman siya basta-basta na lang tatablan ng mga atake ng kalaban. Para maapektuhan ang kahit balat niya lang ay kailangan muna nilang makatungtong sa [Foundation 5] o higit pa. Inuna niya lang ang pagmumuni-muni dahil sa ugali niyang pagiging maingat. "Ang mga halamang gamot at Pills." Hindi mapigilang mapangiti ng binata sa kasabikan bago binuksan ang kaniyang [Inventory]. "Ang bilang ng iba't ibang uri ng mga Pills na nakuha ko ay walang dudang magpapataas sa kabuuan ng [Stats] ko. Kung ang mga halamang gamot naman ang pag-uusapan, ang [Vitality] ko ang tatalon ng mataas, halos limampung porsiyento rito ay para sa [Vitality]. At dahil ito ang katawan ko, kahit walang katapusang halamang gamot ang konsumuhin ko ay wala akong magiging problema. Pagkatapos nito ay ang nalalapit na [Event] sa Potara Village na lang ang paghahandaan ko." Napakuyom ng kamao sa saya ang binata. Sa mga nakuha niyang benepisyo ay marami itong maitutulong sa kaniya sa hinaharap. Noon pa man ng nakipagsapalaran siya sa pagpunta sa Blood Village ay inihanda niya na ang mga plano para sa hinaharap. Kung hindi niya agad makukuha ang mga Herbs at Pills ay mananatili pa rin siya sa baryo hanggang sa makakuha siya ng tiyempo at makaisip ng magandang plano laban sa matanda. Naisip niya rin na mas mahalaga ang pananatili niya sa Blood Village kaysa sa susunod na [Event] sa Potara Village dahil isang digmaan sa pagitan ng mga baryo ang mapipigilan niya. Pero ngayong may ilang araw pa siyang natitira para sa magaganap na [Event] ay natural lang na sasali siya rito, kailangan niya pa namang makasali sa lahat ng [Event] para sa mga benepisyo. Pinindot niya sa [Inventory] ang isang uri ng Pill. Inilipat niya ang tingin sa kamay niya at ipinorma ito na parang humihinga siya ng pera sa ibang tao. Makalipas ang ilang saglit ay may sumulpot na kulay-pulang Pill sa palad niya, kumikinang sa tuwa ang mga mata niya nang makita niya ito. Marahan niyang ibinuka ang bibig at inihagis ng mahina sa loob nito ang hawak niyang pill. Napatingin na lang siya sa mga palad niya nang bigla niyang maramdaman ang kakaibang bagay na parang nagsasabing ang pisikal na katawan niya ay lumakas ng kaunti! "Isang Pill na nakakapagpataas ng [Strength]!" Sabik na wika niya at hindi na naghintay pa, muli siyang kumuha ng panibagong Pill sa [Inventory] niya at kinonsumo ito ng walang alinlangan. Kagaya kanina ay nakaramdam ulit siya ng masarap sa pakiramdam na tila lumakas ang katawan niya. Sa kaniyang pananabik ay hindi na niya tinamasa ang sarap ng pakiramdam ng pagkonsumo sa Pill at agad siyang kumuha ng panibago sa [Inventory]. Sunod-sunod at walang senyales ng paghinto ang ginawa niya hanggang sa napansin niya na lang na ang buonf katawan niya ay umaapaw sa lakas. Gayunpaman, ibinalik niya na ulit sa [Inventory] ang atensiyon at kukuha na sana ulit ng Pill. "Ha? Naubos ko na agad ang lahat ng mga Pill?" Gulat na wika niya nang malamang wala na siyang nakikitang kahit isang uri ng Pill. Hindi naman nabawasan ang pagkasabik sa loob niya, kung wala na ang mga Pills ay siyempre, isusunod niya ang mga halamang gamot na maganda rin ang epekto sa kagaya niya. Isa-isang kinonsumo ni Rain Goodman ang mga halamang gamot at napansin niyang hindi kasing taas ang epekto nito kumpara sa mga Pills. Hindi naman na siya nagulat dahil inaasahan niya na ito, isa pa, masiyadong marami ang bilang ng mga herbs at sigurado siyang tataas ng konsiderable ang [Stats] niya, lalo na ang [Vitality]. .... Potara Village Mabilis na lumipas ang mga araw, ang apat na kinikilalang henyo at talentado sa kabataang henerasyon ng mga Adventurer sa Potara Village ay buong pusong nagsasanay ng mga Martial Arts na itinuturo sa kanila ni Elder Devil, pinaghahanda ang apat para sa nalalapit na kompetisyon na ginaganap sa baryo kada-taon. Gustuhin mang bisitahin ni Aura Scarlet si Rain Goodman ay wala naman siyang magawa dahil sa higpit ng matanda, hindi rin naman kasi normal na kompetisyon ang magaganap ngayong taon, sa kompetisyon na ito ay malalaman ng lahat ang kakayahan at abilidad ng bawat isa, higit pa roon ay magkakaroon din ng [Ranking List] na maaari nilang pagbasehan sa antas ng lakas ng mga kabataang Adventurer. Sa madaling salita, sa kompetisyon na ito ay malalaman ang katayuan ng isang Adventurer. Sa loob ng malawak na silid, sa madalas nilang pagsanayan ay makikita ang pigura ng tatlong binata at isang dalagang magkakalayo sa isa't isa na naliligo sa pawis habang kinokopya ng porma ng katawan nila ang posisyon para sa panibagong Martial Arts na kanilang inaaral. Bukod sa naliligo sa pawis ay makikitaan din sila ng kaunting dugo sa mukha na halatang nagmula sa maliliit na hiwa. Hindi lang kasi pagsasanay sa Martial Arts ang ginagawa nila, nagsasanay rin sila sa aktwal na pakikipaglaban sa isa't isa na parang gusto talaga nilang manalo hanggang sa makatulog o maubusan ng lakas ang kanilang mga kalaban. Sa kanilang lahat ay si Aura Scarlet ang madalas natatalo sa mga paglalabang ito, masiyado kasing mapanganib ang kaniyang [Skill] kaya hindi niya nagagamit ng isan-daang porsiyento ang kaniyang tunay na lakas. Subalit, sa mga natutunan niyang Martial Arts ay kinakaya niya nang tapatan ang tatlo kahit na mas malaki ang lamang nila sa kaniya na p'wedeng gamitin ang buong lakas. "Hindi talaga ako komportable sa baluti na 'to." Naiinis na wika ni Aura at bigla siyang umupo para maihiga ang likod sa malamig na sahig. Nababalutan ng baluti ang katawan niya suot-suot ang itim na damit. "Masasanay ka rin diyan. Magulo ang mundong 'to at kailangan din nating masanay sa mga ganitong bagay para sa hinaharap ay pamilyar na tayo." Lumapit naman sa kaniya si Axel Crimson na may palakaibigang ngiti sa mukha para mapagaan ang loob ng kaibigan niya na halos araw-araw ay nagrereklamo sa sinusuot nilang baluti. Bumuntong hininga na lang si Aura Scarlet at hindi na sumagot sa binata, alam niya naman na tama ang sinabi nito kaya wala siyang masasagot na matino para depensahan ang panig niya sa pagrereklamo. Si Axel Crimson din ang madalas niyang kausap, ito ang perpektong katunggali na maaari niyang kaharapin sa pagsasanay ng pakikipaglaban kaya halos sila lang lagi ang naglalaban, kung si Grim Crow at Soren Orlando kasi ay magiging problema ang pagiging masiyado nilang malakas. "Ano na pa lang balita? Nabisita mo naba si Rain Goodman?" Muling bulalas ni Axel Crimson at umupo ito sa tabi niya na nasa harapan ang dalawa niyang tuhod. Mapapansin din sa mukha niya ang may kalungkutang ekspektasyon at panghihinayang. Bumalik naman ang tingin ni Aura Scarlet sa katabing binata at ang naiinis niyang mukha ay napalitan naman ng lungkot. Masaya siya para kay Rain Goodman na determinado at may motibasyon na ito para lumakas, pero kung kagaya lang sana nila ang siguradong kaklase nila sa mundong pinagmulan ay hindi magiging ganito ang sitwasyon ng binata, pagala-gala at naputulan pa ng isang braso bago matuklasan sa sarili niyang paghihirap ang panganib ng mundong ito. Bumuntong hininga ang dalaga at nagwika. "Wala na akong balita kay Rain Goodman. Mahigpit si Elder Devil at sinisigurado niyang hindi ako pupunta sa ibang lugar na makakakuha ng atensiyon ko at makakagulo sa konsentrasyon ko sa mga pagsasanay. Kailangan ba kasi talaga na makakuha tayo ng mataas na ranggo sa kompetisyong sinasabi nila?" Sa gitna ng pagsasalita niya ay unti-unti ring napalitan ang malungkot na ekspresyon niya sa kaninang naiinis tuwing naaalala niya ang pagiging mahigpit ng kanilang guro. "Basta gawin natin ang lahat ng makakaya natin sa kompetisyon. Sinabi ni Elder Devil na maraming gantimpalang naghihintay sa'tin sa oras na makapasok tayo sa [Ranking List], sa bawat pagtaas pa ng ranggo natin sa listahan ay mas gaganda pa ang matatanggap natin. Sa bawat pagtaas ng antas ng lakas natin o pagtanggap natin ng kayamanan na makakatulong sa'tin ay mas lalakas ang p'wersa nating apat, at sa mas malakas na p'wersa ay mas masisiguro natin ang kaligtasan ni Rain Goodman hangga't hindi pa siya kalakasan." Pangaral niya sa kaibigang babae na mukhang humihina na naman ang motibasyon na magsanay. "Sabagay, ano pa bang masasabi ko? Basta ikaw na ang nagsalita ay wala na akong magagawa pa. Pero alam mo, tama ka. Hangga't maaari ay kailangan ko ring mas lumakas ng mas maaga kung gusto ko talagang tulungan si Rain Goodman." Bumangon sa pagkakahiga ang babae at inayos ang sarili para makaupo sa tabi ni Axel Crimson, nang makaupo na siya sa tabi nito ay humawak siya sa balikat ng binata gamit ang kaliwang kamay niya at ginawa itong suporta para sa binabalak na pagtayo. "Ikaw ang nagbigay sa'kin ng motibasyon na lumakas, kaya responsibilidad mo ang tulungan ako sa pagsasanay." Wika ni Aura Scarlet at humakbang ng limang beses paatras para mai-posisyon ang porma ng katawan na sumisimbilo sa pagiging handa niyang lumaban. "Mas gusto ko 'yan, kinulang din naman ako sa praktis natin kanina." Masiglang bumangon si Axel Crimson at ipinorma rin ang katawan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD