Chapter 30

2077 Words
Chapter 30: Strong mentality. Tahimik na nilisan ni Rain Goodman ang Potara Village upang hanapin ang mga Herbs at Pills na magiging rason sa pagsisimula ng matinding laban sa pagitan ng dalawang baryo. Sa kaniyang pagbabalik ay tahimik pa rin ang paligid at sa tingin niya ay halos wala ring nakapansin sa pagkawala ng presensya niya. Subalit normal naman na ito dahil ito ang panahon na maraming ginagawa at tinutugunan ang bawat mamamayan mapa-normal na tao o Adventurer. Bumalik siya sa loob ng tahanan niya na walang pagbabago. Ang higaan niya ay katulad na katulad pa rin noong iniwan niya ito para sumabak sa mapanganib na misyon. Taimtim siyang tumingin sa kinaroroonan ng salamin at lumakad papunta sa harap nito. Tinitigan niyang maigi ang hitsura niya at nakita niya na lang ang sarili na ang mapayapa niyang ekspresyon ay napalitan ng pagkagulat. "Puting buhok? At ang mukha ko, bakit parang mas tumanda ako?" Naguguluhan niyang tanong sa sarili nang makita niya ang pagbabago sa mukha niya. Bumungad kasi sa nasa harapan niyang salamin ang dalawang piraso ng puting buhok na nakabagsak sa harap ng mukha niya. Malinaw sa kaalaman niya sa nakaraang mundo na makukuha lamang ang puting buhok kapag ang isang tao ay nasa matinding depresyon o alalahanin. At ang ilang araw na pananatili niya sa Blood Village ay talaga ngang nakakatakot para sa kaniya, bawat minuto ng pananatili niya sa loob nito ay may takot sa puso niyang nagbabanta na sa oras na magkamali siya ay ang kaniyang katapusan, at ang manatili sa matinding takot para sa buhay niya habang tinatapos ang misyon ay unti-unting nauwi sa kalagayan niya ngayon. Hindi lang ang dalawang piraso ng buhok ang gumulat sa kaniya, dumagdag pa ang kaniyang mukha na nakakalito tignan. Nagbibigay ng pakiramdam sa kaniya ang mukha niya na parang tumanda ito ng ilang taon, subalit kagayang-kagaya pa rin naman ito ng mukha niya noong unang araw siyang mapunta rito. Magulo at nakakalito. "Totoong unti-unti na ngang nasasanay sa panganib ang isipan ko dahil sa mga delikadong sitwasyon na kinaharap ko, umabot pa sa puntong halos hindi na gayon kalala ang epekto nito sa'kin. Pero ang katawan ko ay hindi pa pala handa para sa presyur at tensyon na binibigay ni Tandang Alchea, kasama na rin ang iba pang mapanganib na mga tao sa Blood Village. Masiyado ba akong pabaya?" Tanong niya sa sarili habang nakatingin pa rin sa salamin. Iniisip kung saan siya nagkamali, ang alam niya ay maingat siya at sinisigurado niya rin na prayoridad niya ang kaniyang kaligtasan. "Hindi, sigurado akong maingat ako. Hindi lang talaga normal ang matandang Alchea na 'yon. Marahil ay mas mapanganib pa nga talaga siya kaysa sa inaasahan ko." Agad niya namang tutol sa salitang binitawan nang maalala niya ang mga nangyari sa baryo. Iniling niya ang ulo at kinalimutan na muna ang nangyari sa mukha at buhok niya. May mas mahalaga pa siyang dapat isipin. "Wala na akong espada at kailangang mapabilang pa ako sa tatlumpong pinakamalakas na mga batang Adventurer sa taunang [Ranking List] na isinasagawa ng baryo. Tradisyon ito ng Potara Village sa laro upang malaman kung sino ang mga talentadong Adventurer sa iba't ibang henerasyon. At kung tama ang hinala ko ay ito ang [Event] kung saan kailangang makapasok ang bawat manlalaro ng [WoF] para makatanggap ng mga regalo mula sa sistema. Isa pa, kung kagaya ito ng sa kuwento na nasa laro ay magagamit namin ang Rank na makukuha upang tumanggap ng salapi na maaaring gamitin para sa binabalak na pagbisita sa malalayong baryo!" Kinalimutan niya na ang dalawang piraso ng puting buhok sa ulo niya at ang hindi maipaliwanag na problema sa mukha niya na parang tumanda kahit hindi naman talaga. Dumiretso na lang siya sa palikuran ng kaniyang tahanan at naligo para maging presko, nais niya rin namang pumunta sa Adventurer's Guild upang hindi maghinala ang iba sa kaniya na biglang sasali sa kompetisyon. Lalo na at alam niyang mainit ang ibang kabataan sa kaniya na mukhang may kinikimkim na galit sa hindi niya rin malamang dahilan. .... Adventurer's Guild Main Meeting Room Sa mas malawak na silid, mayroong malinis at mahabang kahoy na lamesa ang nakatayo sa gitna ng silid na pinagtatayuan naman ng mga upuan sa magkabilang banda. Ang haba ng lamesa ay nasa sampong metro, at sa habang ito ay hindi nahirapang magkasya ang apatnapung upuan na okupado ng mga batang Adventurer sa magkabilang banda, may anim na lang ang hindi pa okupadong upuan malapit sa harapan. Marami sila pero ang paligid ay napakatahimik, walang naglalakas ng loob na lumikha ng kahit anong uri ng mahinang ingay. Kahit nga ang bumulong sa mga kaibigan nilang katabi ay hindi nila ginagawa sa takot na mainis sa kanila ang Elder na nakatayo sa harapan ng lamesa sa pinakaunahan. Ilang minuto na silang naghihintay rito upang makinig sa ia-anunsiyo ni Elder Devil na ipapaliwanag ang mga impormasyon tungkol sa kompetisyon na gaganapin sa susunod na tatlong araw. Gayunpaman ay wala namang nagpapahiwatig ng inis sa kanila. Ilang sandali pa ang lumipas ay ang tensiyonadong mga batang Adventurer na nakaupo sa kanilang mga p'westo ay nabuhayan ng dugo nang marinig nila ang pintuan na bumubukas, isa-isa silang napatingin sa direksyon ng pinto at ang malamig na mukha ng binatang sumulpot na kilalang-kilala nila ay nagmistulang anghel sa paningin nila, ang mga talentadong estudyante ng kasamang Elder na hinihintay nila ay dumating na rin sa wakas. "Grim Crow!" "Aura Scarlet!" "Axel Crimson!" "Soren Orlando!" Hindi na napigilan ng mga tahimik na Adventurer ang banggitin ng pabulong ang mga kahanga-hangang Adventurer na kaedaran lang nila. Subalit ang puno ng paghanga nilang ekspresyon na mabilis umukit sa mukha nila sa mga nakitang pigura ay ganoon din kabilis napalitan ng inis at pagkamunghi, at ang inis sa mukha nila ay agad ding napalitan ng tingin na parang nakatingin sila sa isang basura. Sa kanilang nakitang binata, nakaramdam sila ng inggit sa puso nila. Para sa kanila ay hindi rin patas ang tadhana, bakit ang basura ay may pribilehiyo na makasama ang apat na iyon habang sila ay hindi? Hindi na napigilan ng isa sa kanila ang nagsalita laban kay Rain Goodman. "Rain Goodman? Mukhang hindi ka nga talaga ordinaryo, matapos mapahiya ng sobra ay nagawa mo pang humarap sa'min? Kahanga-hanga! Sa tingin ko ay sa buong baryo natin, walang mas kakapal pa ang mukha sa naipakita mong kakapalan ng mukha, binabati kita." Puno ng panlalait na wika ni Krain na malaki ang galit kay Rain Goodman. Hindi niya matanggap kung bakit ang kagaya ng basurang nasa likod ng mga pigurang ini-idolo ng lahat ay hinahayaang makasama sa kanila, malinaw naman ang diperensiya ng kanilang mga talento kumpara sa basurang binata. Ano naman kung naputol ang isang braso niya at napagtanto niya ang panganib ng mundong ito? Hindi ba't patunay lang ito ng kaniyang kamangmangan? "Krain, sumosobra kana talaga. H'wag mong hintayin na maubos ang pasensiya ko sa'yo bago ka tumigil sa mga ginagawa mo kay Rain Goodman! Ganyan ba talaga kalaki ang inggit mo sa kaniya?" Sa harapan ni Rain Goodman ay ang babaeng si Aura Scarlet na mabilis nainis matapos marinig ang mga pangungutya ng binatang nakaupo ilang metro lang ang layo sa kanila. Wala na siyang nagawa sa kaniyang inis at minabuting hindi na limitahan ang sarili upang hindi na maulit pa ang nangyaring insedente noong huling beses na sumama si Rain Goodman sa pagpupulong. Tinuruan niya na ng leksyon si Krain kahit na nagmula pa ito sa mayamang pamilya, ngunit sa nakikita niya ay hindi yata epektibo ang ginawa niya para patigilin ang binata na halatang naiinggit kay Rain Goodman. Natigilan naman si Krain sa narinig niyang naiinis na reaksyon ni Aura Scarlet. Isang talentadong batang Adventurer na kilala bilang isa sa apat na direktang estudyante ni Elder Devil. Nakaramdam siya ng mga matang nagmamatyag sa kaniya at napansing nakatingin na pala sa kaniya ang iba pang kapwa batang Adventurer na mga nakaupo rin, nakaramdam siya ng hiya at gusto niyang iyuko ang ulo niya para hindi nila makita ang ekspresyon niya. Pero biglang nag-init ang emosyon sa dibdib niya at nainis siya nang malamang ang binatang si Rain Goodman na naman ang dahilan kung bakit siya mapapahiya ngayon, ang basurang 'yun na naman. Sa inis niya ay napatingin ulit siya kay Rain Goodman at ang ekspresyon niya ay mas pumangit pa sa nakita niyang mukha ng binata. Bahagyang nakayuko ang ulo nito ngunit ang mukha nito ay parang nakakadiring tignan, ang mukha niya na mukhang nagpapakumbaba ay parang nanghahamak, at hindi niya na naman alam kung bakit pero pakiramdam niya ay nakadirekta sa kaniya ang mukha nitong mapanghamak na nakakadiring tignan. "Ikaw na naman Rain Goodman! Bakit lagi na lang akong napapahiya dahil sa kagaya mong basura? Hindi katanggap-tanggap! Isang basurang kagaya mo ay--" Hindi na nakontrol ni Krain ang inis sa loob niya. Nag-aapoy sa galit ang mga mata niya at kinalimutan niya na ang mga taong nasa paligid, wala na siyang pakialam kung magmukha pa siyang ignorante sa paningin ng iba, ang gusto niya lang ay mailabas ang galit sa basurang pinagmulan ng lahat. Pero ang nag-aapoy sa galit niyang mga mata ay napalitan ng panlulumo. Nabalot ng nakakabinging katahimikan ang paligid at maski ang mga ihip ng hangin sa labas ng gusali ay hindi na nila naririnig. Unti-unting namuo ang ilang butil ng pawis sa noo niya at bigla na lang niyang naramdaman na napakalamig na pala ng mga pawis sa ulo niya. Tumulo ang pawis sa gilid ng mukha niya at pagbagsak nito ay dumiretso ito sa sahig, at pagtulo nito ay napansin niya na lang ang napakabigat na hangin sa paligid. Hindi pa natatapos dito ang lahat, ang higit na kinatatakutan niya ay ang nasa likod niya, walo hanggang sampong metro ang layo sa kaniya ay may nararamdaman siyang presensya ng isang halimaw na parang nakatuon ang tingin sa kaniya. Hindi siya makagalaw, malakas ang kutob niya na sa oras na gumalaw siya ay mamamatay siya. At dahil sa hindi niya paggalaw ay nanatili siyang nakatayo sa tensiyonadong paligid na mabilis umuubos sa enerhiya ng katawan niya, 'di kalaunan ay natuklasan niya na lang na nanginginig na pala ang mga tuhod niya habang nakatulala pa rin sa direksyon ni Rain Goodman. Minuto? Oras? Ilang oras naba ang lumipas simula nung tumayo siya? Nangangawit na ang mga binti niya at gustong-gusto niya nang umupo, subalit ang takot sa puso niya ay hindi siya hinahayaan. Buhay ba o tiisin ang pangangalay niya? Siyempre ay pipiliin niya ang kaniyang buhay! Pero bakit ganito? Napakatagal niya ng nakatayo pero hindi pa rin umaalis ang kakaibang halimaw sa likod niya. Anong nangyayari? .. Ang inaakala ni Krain na mahabang panahong lumipas ay hindi totoo. Kung tutuusin ay halos tatlumpong segundo pa nga lang ang nakalipas nang maramdaman niya ang mabigat at mapanganib na hangin sa paligid, hindi lang talaga sapat ang tibay ng mentalidad niya upang labanan ang matinding presyur na dinirekta sa kaniya ni Elder Devil, ang presyur na ito ang nag-iisang rason kung bakit hindi makapag-isip ng tama ang binata. Isa-isang napayuko ng kanilang mga ulo ang lahat ng mga batang Adventurer na nakaupo na sa kanilang mga upuan, natatakot na madamay sa gulo na nilikha ni Krain. Hindi nila nararanasan ang matinding presyur na kinakaharap ng binata subalit napansin naman agad nila na may mali sa kanilang paligid. Idagdag pa ang ipinakitang ugali ni Krain na kawalan ng respeto sa presensiya ni Elder Devil ay imposibleng hindi nila malamang may ginagawa ang matanda. Malinaw ring pinapakita ni Elder Devil na nasa panig siya ni Aura Scarlet. Bukod sa mapayapa lang itong nakatayo ay malumanay rin ang tingin na ibinibigay niya sa babae kasama ng apat nitong katabi niya. "Hindi kapa rin nawawalan ng malay, matibay ang iyong mentalidad, Krain. Dahil diyan ay bibigyan kita ng isa pang pagkakataon." Mahina pero rinig na rinig sa napakatahimik na silid ang kaniyang babala. Sa isang iglap ay naglaho na parang bula ang matinding presyur na umaaligid kay Krain, nawala na ang halimaw sa likod niya at tanging ang malalamig na pawis na lang sa noo niya ang nagbibigay sa kaniya ng hindi komportableng pakiramdam, gayunpaman ay sapat naman na ang mentalidad niya para labanan ang natirang takot upang mapakinggan at makapagpatuloy sa isasagawang diskusyon ni Elder Devil. Lumakad na rin ang lima papunta sa kanilang mga respetadong upuan na nakareserba. Anim pa ang hindi okupadong upuan na malapit kay Elder Devil, kaya naman lahat sila ay siguradong makakakuha pa ng mga upuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD