Chapter 31: Ranking List Competition!
"Dahil narito na ang lahat ng inaasahan kong mga batang Adventurer ay sisimulan ko na ang paliwanag sa mga dapat niyong malaman tungkol sa kompetisyong gaganapin. Kung mayroon namang bumabagabag sa isipan niyo at sa tingin niyo ay mahalaga ito, magtaas lang kayo ng kamay para maimungkahi ninyo sa'kin ang mga nais niyong malaman." Istriktong sabi ni Elder Devil suot ang ekspresyon niya na parang mangangain ng buhay sa oras na may lumikha ng anumang tunog ng walang permiso.
Walang alinlangan na tumango ang bawat batang Adventurer sa kanilang narinig bilang tanda ng pag-intindi nila sa sinabi ng Elder. Tumango naman siya sa nakitang reaksyon nila at inilibot pa ang tingin upang masigurong walang naalis na tingin sa kaniya. Ganito man ang pinapakita niya ay alam niyang sa loob niya ay hindi siya magdadalawang isip na itapon na parang basura sa labas ang makikita niyang hindi nakikinig ng maayos.
"Sisimulan ko ang paliwanag tungkol sa parte ng kompetisyon, ito ay nahahati sa dalawa at kung may mga kaalaman kayo sa nakaraang kompetisyon ay mas mabuting kalimutan niyo na muna ito. Ngayon pa lang ay sinasabihan ko na kayo, iba at malayo sa kompetisyon nitong nakaraang taon ang magaganap. Hindi makakatulong sa inyo ang mga impormasyon tungkol sa nakaraang taon." Wika niya na may sapat na lakas lang ng boses para marinig sa buong silid ang kaniyang paliwanag.
Huminto siya saglit at tumingin ng makahulugan kay Grim Crow bago ibinalik sa iba ang tingin.
"Ang unang parte na sinasabi kong malayong-malayo kumpara sa unang parte noong nakaraan ay isang mapanganib na pagsubok. Papalayain namin ang mga halimaw na nagmula sa Niarich Forest, tinatawag ang halimaw na Goblin. Kailangan niyong patayin ang mga papakawalan namin at maaaring dumepende rin sa bilang ng mga ito ang resulta kung makakapasok ba kayo sa susunod na parte ng kompetisyon."
Gumuhit ang gulat sa mukha ng bawat isa nang marinig nila sa kagalang-galang na Elder ang pangalan ng halimaw na dapat nilang patayin. Bago sa kanila ang pangalan at kung nagmula ito sa [Practice Zone] ng Niarich Forest ay siguradong malalaman nila ito. Pero ang pangalan ng halimaw ay hindi pamilyar sa kanila, at alam nila na ang impormasyon lang na wala silang masiyadong kaalaman ay galing lang sa mga halimaw ng mapanganib na parte ng Niarich Forest. Dahil naman sa masiyadong mapanganib ang mga halimaw roon para sa antas ng lakas nilang mga kabataan ay inisip nilang hindi ito nagmula sa mapanganib na parte ng gubat.
Anong uri ng halimaw ang mga Goblin?
Kung hindi ito nanggaling sa Niarich Forest na sakop ng Potara Village, saan naman ito nagmula?
Malakas ba ang halimaw? O baka naman mabilis lang ito?
Iba-iba ang katanungan na pumapasok sa kanilang isipan. Sa bawat oras ay padami ng padami ang katanungan nila hanggang sa hindi na napigilan ng isa sa kanila ang maglakas ng loob na itaas ang kaniyang kamay.
Sa dulo ng lamesa, pinakamalayo kay Elder Devil ay makikita ang isang binata na nanginginig ang nakataas niyang kamay. Hindi siya nanginginig sa ngawit, nanginginig siya dahil habang nakataas ang kamay niya ay kailangan niyang tumingin sa kinaroroonan ng nakakapangilabot na Elder upang magpakita ng respeto.
Mabilis namang napansin ng matanda ang pagtataas ng kamay ng binata.
"Ano ang itatanong mo? Malamig na tanong ni Elder Devil na nagbibigay ng pakiramdam sa paligid nila na tila nanggaling pa siya sa pinakailalim ng lupa.
Natigilan sa kanilang mga iniisip ang lahat at isa-isang sinundan ang binatang tinitignan ni Elder Devil. Sa loob nila ay hindi nila maitago ang galak sa katapangang ipinamalas ng nagtanong.
"E-elder Devil, a-anong uri ng halimaw ang Goblin na binanggit niyo? K-kung walang problema ay maaari ba naming malaman kung ano ang Rank nito?" Kinakabahang tanong ng binata habang ginagawa ang lahat ng makakaya niya para maitago ang takot sa harap ng halos lahat ng mga batang Adventurer na kaedaran niya.
Tumango ang Elder Devil sa kaniyang narinig at sinenyasan ang binata na ibaba na ang kamay nito bago nagpaliwanag, "Ang Goblin ay isang uri ng mga halimaw na matatagpuan lang sa mas malalim at mapanganib na parte ng Niarich Forest. Tanging mga Adventurer lang na may sapat na lakas para mabuhay sa mapanganib na parte ng gubat ang maaaring kumalaban sa mga Goblin. Sa madaling salita, mga nakatatandang Adventurer lang ang kayang lumaban sa mga uri nito."
Sa paningin ng mga batang Adventurer ay mas nagmukhang nakakatakot ang ekspresyon sa mukha ni Elder Devil. Hindi nila maintindihan kung sinasadya ba ito ng matanda, kung hindi man ay wala na rin naman nang mangyayari dahil may mga kabataan na ang pinapawisan sa takot sa kanilang narinig.
Dahil sa takot na masiyadong malakas para sa kanila ang Goblin ay panibagong binata ang naglakas ng loob na nagtaas ng kamay para magtanong. Subalit ang matapang na binata ay agad ding nagbaba ng kamay nang makita niya ang senyas ni Elder Devil na nagsasabing ibaba niya na ito.
"Hindi niyo kailangang mag-alala kahit nabubuhay lang sa malalim na parte ng Niarich Forest ang mga Goblin. Mahina sila kumpara sa mga halimaw na naninirahan doon, at ang nag-iisang dahilan lang naman kaya nabubuhay pa sa mapanganib na lugar ang mga halimaw ay dahil sa abilidad nilang magkaisa at mamuhay sa malaking grupo; abilidad na wala ang ibang halimaw." Huminto siya at inilibot muli ang tingin.
"Pero, hindi pa rin maikakaila na mapanganib ang mga Goblin para sa inyong henerasyon, kaya naisip namin na hatiin ang bilang niyo sa labing-dalawang grupo na mayroong tatlo o apat na miyembro base sa pangkalahatang lakas ng inyong grupo. Sa tingin ko naman ay sapat na ang bilang na tatlo laban sa isang Goblin. Siyempre ay may posibilidad pa rin na matalo kayo kung wala kayong kooperasyon sa isa't isa. Ang tatanghaling pasok sa susunod na parte ng kompetisyon ay ang limang grupo na may pinakamaraming bilang ng mga napatay na halimaw." Mahabang tugon niya sa dapat na itatanong pa lang ng binata kanina.
Matapos magpaliwanag ay nagtaas ng kamay si Axel Crimson at tinanong sa matanda ang nais niyang kumpirmahin na bumabagabag sa kaniya.
Tumango naman ang matanda at binigyan si Axel Crimson ng permiso para magsalita.
"Elder Devil, ang mga Goblin ba ay ang mga halimaw na may katawang katulad sa tao at berdeng balat?" Kalmadong tanong na walang bakas ng takot sa mukha na magalit sa kaniya ang matanda sa paraan ng pananalita niya.
"Oh? Alam mo na ang tungkol sa mga Goblin?" Nabago ng kaunti ang pustura ni Elder Devil at hindi na niya naitago ang pagkagulat sa nalaman niya kay Axel Crimson, ibig lang nitong sabihin ay maraming kaalaman ang binata at masikap itong nag-aaral hindi kagaya ng iba na lahat ng atensiyon ay nakatuon sa pagsasanay.
"Tama ang iyong mga binanggit. Pero ang mga halimaw na iyon ay marunong gumamit ng kutsilyo, espada, at iba pang uri ng armas na nagpataas ng antas ng panganib na dala nila. Kung magpapabaya kayo ay malaki ang tiyansa na mapatay kayo ng mga Goblin, kaya naman dapat ay sanayin niyo ang inyong mga sarili at kilalanin ang mga makakasama sa loob ng tatlong araw na ibibigay ko bago magsimula ang kompetisyon."
"Maraming salamat, Elder Devil." Tumayo si Axel Crimson at bahagyang yumuko sa harap ng matanda para magbigay galang. Sa kanilang apat ay siya lang ang madalas at hindi nakakalimot gumawa nito kaya naman maganda ang opinyon sa kaniya ng Elder.
Tinanguan niya ang binata at ibinalik na rin sa iba ang kaniyang tingin bago muling nagsalita, "At kagaya nga ng sinabi ko, bawat grupo ay kailangang makakuha ng isang bangkay ng Goblin o higit pa para mapabilang sa limang grupo na makakapasok sa pangalawang parte ng kompetisyon. Mag-iiwan kami ng labing-limang Goblin sa limitadong parte ng Niarich Forest at doon ay kailangan niyo silang hanapin. Bilang nakatatandang Adventurer ay bibigyan ko kayo ng suhestiyon, tapusin niyo sila hangga't maaga dahil kapag nagkasama-sama na ang mga halimaw ay maaaring kayo pa ang maubos nila."
..
Sa kanilang mga narinig tungkol sa kompetisyon ay hindi mapigilang magulantang ng halos lahat. Malayo at hindi nga talaga ito kagaya ng huling kompetisyon na hindi naman kinailangang ibuwis ang buhay ng mga kabataan para makapasok sa susunod na parte ng kompetisyon, sa halip, mapanganib ang pagsubok ngayon at limitado din ang bilang ng mga makakapasok sa susunod na parte.
Matanda na si Elder Devil at marami na siyang karanasan sa buhay. Tumigil muna siya sa kaniyang paliwanag tungkol sa susunod na parte ng kompetisyon upang magkaroon ng oras ang mga kabataan na absorbahin ang mga kagulat-gulat na impormasyong binitawan niya. Alam niyang kapag p'winersa niya pang magbigay ng mga impormasyon ay maguguluhan lang sila at magkaroon pa ng mga katanungan habang nagpapaliwanag siya, 'pag nangyari 'yon ay mas tatagal lang ang pagpupulong at masasayang ang mga oras nila.
Lumipas pa ang mga oras at ang mga batang Adventurer na nakaupo ay isa-isang bumalik sa kanilang mga normal na pusturang halatang walang bumabagabag sa kanilang isipan.
Tumango ang matanda at muling nagsalita para sa ikalawang parte ng kompetisyon.
"Ang pangalawang parte naman ng kompetisyon ay ang laban sa isa't isa. Ito na rin ang masasabing tunay na kompetisyon dahil sa mga laban ninyo rito ay masusuri ko ang pangkalahatang antas ng lakas niyo. Dito ko na rin ibabase ang inyong magiging ranggo sa listahan ng malalakas na Adventurer, at h'wag kayong mag-alala kahit na mababa ang makuha ninyong ranggo, dapat pa rin kayong magbunyi dahil ang mapabilang pa lang sa listahan ay isa ng malaking karangalan na dapat ninyong ipagmalaki." Saad ni Elder Devil na hindi malaman ng mga batang Adventurer kung mas lalakas ba ang motibasyon nila sa mga nakakamotibong sinabi ng Elder o matatakot dahil sa nakakapangilabot nitong boses.
"Ngayong tapos na akong magpaliwanag ay hahatiin ko na lang kayo sa grupo. Ang mga miyembro ng unang grupo ay si Grim Crow, Soren Orlando, at Krain. Lumapit kayo sa'kin upang makuha ang mga medalyong may numerong uno sa gitna na magpapatunay na kayo ang unang grupo."
Ibinuka ng matanda ang kanang kamay niya at may tatlong medalyong pilak ang lumitaw sa palad niya na may naka-ukit na numero. Sumunod naman agad sa sinabi niya ang mga pangalang binanggit at bumuo ng maliit na pila sa harapan ng matanda habang nasa unahan si Grim Crow at nasa gitna naman si Soren Orlando, sa likod ay si Krain na ang mga tuhod ay medyo nanginginig sa hina. Pero ang mukha nito ay masaya dahil alam niyang sigurado na ang p'westo niya sa pangalawang parte ng kompetisyon.
Maraming nakakakilala kay Krain at may mga kaibigan din siya na nasa loob nitong silid. Ngunit ang mga mata na nakatingin sa kaniya ay makikitaan ng inggit at kaunting inis, para sa kanila ay mas karapat-dapat silang mapabilang sa miyembro ng apat na pinakatalentadong mga batang Adventurer dahil alam nila sa sarili nila na mas nagsisikap sila at mas nagsasanay ng matindi upang lumakas. Gayunpaman, pilit na lang nilang itinago ang pait na nararamdaman nila sa desisyon ng Elder Devil at humiling na sana ay mapabilang sila sa malalakas na miyembro ng grupo.
Nang makuha na ng tatlo ang mga medalyong para sa kanila ay bumalik na sila sa kanilang mga upuan at muling nabalot ng katahimikan ang paligid, "Ang mga miyembro ng pangalawang grupo ay si Aura Scarlet, Axel Crimson, at Bom. Lumapit na kayo rito para sa mga medalya ninyo." At kagaya nga ng kanina ay lumapit ang tatlo habang nakatingin ang karamihan kay Bom na may inggit sa mga mata nila.
Nagpatuloy pa sa pagtawag ng mga grupo ang Elder Devil at hindi kalaunan ay tatlong miyembro na lang ang naiwan na wala pang grupo.
"Ang miyembro naman ng huling grupo o pang labing-dalawang grupo ay si Rain Goodman, Ben at Benny. Lumapit kayo sa'kin para sa inyong medalya."
Nang marinig ni Ben at Benny ang anunsiyo ni Elder Devil ay hindi nila mapigilang manlumo sa naging kakampi kahit na inaasahan naman na nila ito. Kilala nilang dalawa ang binatang si Rain Goodman at sikat na sikat ito sa buong baryo bilang basurang Adventurer na bumahag ang buntot sa isang duwelo, ang taong hindi kayang protektahan ang dangal at dignidad niya ay mas masahol pa sa basura.
Anong klaseng kamalasan ang meron silang magkapatid at sa kanila pa napunta ang siguradong magiging pabigat na kakampi?
"Masusunod, Elder Devil." Magalang na tugon nilang magkapatid at nanghihina ang loob na tumayo para lumapit sa matanda. Dahil malapit na ang upuan ni Rain Goodman kay Elder Devil ay mabilis niyang nakuha ang kaniya at bumalik din agad sa pagkakaupo.