Chapter 32: Practice!
Matapos ang pagpupulong ay kinausap ni Rain Goodman ang magkapatid na si Ben at Benny. Maayos naman ang pakikitungo nila sa kaniya pero minsan ay nakikitaan niya ng inis ang mga mukha nila na alam niya naman na ang rason kung bakit. Hindi niya naman sila masisisi, kilala siya ng lahat bilang mahina at basurang Adventurer kaya kahit sino ay hindi matutuwa na mapabilang sa grupo na kasama ang kagaya niya. Pero hindi ito naging rason para ibunton ng dalawa ang galit sa kaniya, sa halip ay parang naging motibasyon pa nga nila ito para mapabilang sa mga batang Adventurer na makakapasok sa pangalawang parte ng kompetisyon.
Napagusapan nila na bukas na bukas ay magkikita silang tatlo sa Niarich Forest para magsanay. Hindi talentado ang magkapatid at hindi rin sila mayaman kaya hindi madali ang daan nila para sa mga pagsubok na hinaharap ng mga Adventurer. Isa na nga sa mga kakulangan nil ang kawalan nila ng guro at ng matataas na kalidad ng Martial Arts na dapat nilang pag-aralan, gayunpaman ay mayroon naman silang katangian na wala ang halos karamihan sa kanilang henerasyon, ang determinasyon nilang lumakas.
Dahil sa determinasyon nila at pagsisikap ay nakamit nila ang antas ng lakas na hindi makakamit ng mga batang Adventurer na nasa sitwasyon nila.
Bumalik si Rain Goodman sa tahanan niya para makapagpahinga, masiyado na niyang inaabuso ang katawan niya at hindi ito maganda para sa kaniyang kalusugan. Kailangan niya rin ng pahinga minsan.
....
Kinabukasan, madaling araw pa lang ay bumangon na si Rain Goodman sa kaniyang higaan. Tumayo siyang kinukuyumos ang mga mata niya at umupo din naman agad sa kama upang ipahinga ang kaniyang mga mata na namumula-mula pa. Lumipas ang tatlo hanggang limang minuto ay napansin niyang maayos na ang mga mata niya at sa tingin niya ay wala naman na sigurong problema kahit maligo na agad siya.
Nilinis niya ang katawan at matapos maglinis ay dumiretso na siya sa Niarich Forest na may kadiliman pa ang paligid. Tumingin din siya sa orasan bago umalis at nakita niyang ang oras ay malapit pa lang mag-alas kuwatro, ang oras na napag-usapan nila ay ang eksaktong oras na iyon kaya mas mabilis sa normal ang lakad niya.
....
Practice Zone, Niarich Forest
"Tama ba talaga na imbitahan pa natin si Rain Goodman sa pagsasanay? Paano kung magulo lang niya ang progreso natin, Ben?" Tanong ng pawisang binata na hinahabol ang kaniyang hininga habang nakatingin sa bangkay ng isang lobo.
Itim ang magulo niyang buhok na umaabot hanggang baba ng kilay niya at suot pa ang kaniyang puting lumang damit na may ilang mantsa ng mga sariwang dugo ay hindi gayon kaaya-aya ang kaniyang pigura.
Tumingin din kaagad si Benny sa kapatid na may kagayang damit at istilo ng buhok na halatang madalas hindi pinagtutuunan ng pansin. Pero ang maganda sa kanila ay ang mga braso at binti nila ay halatang matibay at puno ng kalamnan na natamo nila sa pagbubuhat ng mabibigat at sa pag-e-ehersisyo. Hindi mataas ang antas ng lakas nila, subalit tuwing magkasama sila ay masasabing walang imposible para sa kanila dahil kahit ang mga halimaw na mas mataas ng kaunti ang antas ng lakas ay kinakaya nila gamit ang ilang estratehiya at pagtutulungan.
Bukod pa sa mga ito ay masikap din sila at masipag, kahapon ay nakipagusap sila sa kakampi nilang si Rain Goodman na ngayong araw sila magkikita rito ng madaling araw upang mag-ensayo at malaman nila ang abilidad ng kasama.
Pero, kahit ngayong araw ang simula ng kanilang praktis ay pumunta na sila kahapon dito upang subukan ang abilidad nila at lumaban sa mas mapapanganib na mga lobo, at hindi naman masama ang resulta dahil mabilis nilang nabasa at napag-aralan ang uri ng pakikipaglaban ng lobo na nagresulta sa kanilang unti-unting pagkapanalo hanggang sa mapatay na nga nila ito. Ganoon din ang ginawa nila ngayon, kahit na alas kuwatro ang usapan nila, alas tres pa lang ng madaling araw ay nandito na sila upang magsanay at ma-ehersisyo ang katawan nila para sa masinsinang pagsasanay mamaya.
"Hindi naman problema 'yon, Benny. Malalaman naman natin kung makakatulong siya sa kompetisyon sa ating gagawing pagsasanay, kapag sa tingin natin ay wala siyang kapabilidad at totoo nga ang mga haka-haka na kumakalat tungkol sa kaniya, hindi na natin siya pipiliting magsanay at itutuon na lang natin ang lahat ng atensiyon para sa mas mahirap na pagsasanay. Pero kung determinado talaga siya para sa kompetisyon ay naniniwala naman akong gagawin niya ang lahat ng makakaya niya, kaya h'wag kang mag-alala." Paliwanag ni Ben sa kaniyang kapatid na nag-aalala para sa kompetisyon. Itong taon lang kasing ito ang masasabing huli nilang pagkakataon para magkaroon ng matiwasay na hinaharap sa propesyong Adventurer, hindi p'wedeng mauwi sa wala ang lahat ng paghihirap nila dahil lang sa napabilang sa kanila ang hindi mabuting kakampi.
"Sana nga ay tama ang mga sinasabi mo, Ben." Bumuntong hininga si Benny at kinuha ulit ang duguang kutsilyong nasa tagiliran niya tiyaka itinuon ang atensiyon sa bangkay ng lobo.
Pinutol na niya ang iba't ibang parte ng katawan ng lobo, inuna niya ang ulo nito na pinakamahalagang patunay na pumatay nga sila ng isang lobo sa Niarich Forest. Matapos putulin ang ulo ay hindi naman na siya nahirapan sa iba pang parte ng katawan nito dahil may sapat namang talim ang kutsilyo niya at hindi na pumapalag ang halimaw.
"Ben, nasaan na pala ang mga sako? Susubukan nating tumapos ng tatlong Wild Wolf ngayong araw, at kung papalarin tayo kay Rain Goodman at matino naman pala siyang kasama ay susubukan nating tumapos pa ng iba." Wika ni Benny at inihaya ang kamay niya sa kinaroroonan ng kapatid na nakatuon pa rin ang tingin sa patay na lobo. Ilang saglit pa ay may dilaw na sako ang inilapag ng kapatid sa kamay niya kaya tumayo na si Benny at ibinuka ang nakatuping sako. Isinako niya ang hiniwa-hiwang katawan ng lobo at inilagay itong lahat sa sakong ibinigay sa kaniya.
Mabilis na tumakbo ang oras, matapos nilang tapusin ang buhay ng isang Wild Wolf ay nagpahinga na sila upang may matira pa silang enerhiya na gagamitin para sa pina-planong pagsasanay kasama si Rain Goodman. Taimtim silang nakaupo at nakasandal sa likod ng isang puno limang metro ang layo sa sako na pinaglagyan nila ng duguang bangkay ng halimaw, masangsang ang amoy nito kaya pinili nilang lumayo ng ilang metro para manatiling payapa ang kanilang pagpapahinga.
Habang nakatingin sila sa dilaw na sako ay bigla silang nakarinig ng mga yapak ng paa na papalapit ng papalapit sa direksyon nila. May kadiliman pa ang paligid at walang kasiguraduhan kung ito ba ang binatang inaasahan nila kaya alerto silang tumayo at inihanda ang kamay sa kanilang mga sandata na nasa kanilang tagiliran. Sa oras na makita nila kung kalabang halimaw ba ang sumulpot o taong may masamang intensyon ay agad nilang bubunutin ang mga kutsilyo para sumabak sa laban.
"O-oh, si Rain Goodman lang pala." Nakahinga ng maluwag si Benny nang makita niya ang asul na buhok ng binata at ang mga mata nitong parang mapayapang dagat na nagtataglay ng mahihinang mga alon.
"Pasensiya na at nahuli yata ako ng kaunti sa napagusapang oras." Bahagyang yumuko si Rain Goodman at sinserong humingi ng paumanhin sa kanila.
"Maliit na bagay, isa pa ay kami nga ang dapat na humingi ng paumanhin. Masiyadong maaga ang oras na inirekomenda namin para sa pagsasanay natin, nagambala yata namin ang iyong pagtulog." Sagot naman ni Benny na hindi mapigilang sumulyap-sulyap sa isang braso ni Rain Goodman na nagpapalamig ng kaunti sa kaniyang likod, kapansin-pansin pa naman na ang naputol niyang braso ay nagmula sa kagat ng isang malakas na halimaw na may matalim na mga pangil, sa tingin niya ay isang mataas na uri ng halimaw ang gumawa nito dahil ang buto ng tao ay may katibayan din at hindi ito basta-basta na lang mawawasak ng mahihinang uri ng halimaw.
"Walang problema sa'kin ang oras na ito. Kung maaari ay gusto ko na rin simulan ang ating pagsasanay." Wika niya na nakatingin ng mata sa mata kay Benny na kumakausap sa kaniya.
"Natutuwa ako at mukhang hindi ka naman katulad ng mga impormasyon na naririnig kong kumakalat tungkol sa'yo. Pabor din kami na simulan agad ang ating pagsasanay, naipaliwanag ko naman na kahapon ang mga gagawin nating pagsasanay para mahasa ang pagtutulungan natin sa pakikipaglaban bilang grupo. Pero nais ko lang malaman, mayroon kabang dalang armas?" Tanong ni Benny na tumitingin sa tagiliran at ibang parte ng katawan ni Rain Goodman para hanapin ang armas nito. Subalit sa kasamaang palad ay wala siyang nakita kaya naman hindi niya mapigilan ang sarili na tanungin agad ito.
Napahinto si Rain Goodman sa kaniyang narinig, iniisip kung ano ba ang maayos na dapat niyang isagot para hindi maghinala ang mga kasama.
"Kahapon lang ay tuluyan nang bumigay ang espada ko. Wala pa akong sapat na panggastos para makabili ng bagong armas. Pero h'wag kayong mag-alala, may mga Martial Art naman akong natutunan at sa tingin ko ay sasapat na ito kasama ng mga kaalaman ko para makatulong sa inyo at hindi maging pabigat sa pagsasanay."
Gumuhit naman ang alinlangan sa mukha ng magkapatid at natahimik sa kanilang tinatayuan. Hindi nila kilala si Rain Goodman at wala silang masiyadong alam na impormasyon tungkol sa kaniya bukod sa mga balitang kumakalat na sinasabing isa siyang duwag na basura, bukod pa roon ay alam rin nila na may koneksiyon ang binata sa apat na kinikilalang henyo at pinakatalentado sa kanilang henerasyon. Hindi makakabuti sa kanilang reputasyon at buhay 'pag may nangyaring masama sa binata, posibleng magalit nila ang apat sa oras na may mangyari sa binata, at p'wedeng ito pa nga ang maging dahilan ng pagbagsak nila kaya naman lumalakas ng lumalakas ang takot kasama ng pagtanggi sa puso nila para sa kapakanan ng lahat.
Nanatili ang pagiging tahimik ng madilim na paligid. Sa bawat segundong lumilipas ay mas lumalala ang awkward na hangin sa paligid nila na tila hindi na ito maibabalik pa sa normal kapag pinabayaan pa nila ang ganitong kalagayan.
"Benny, tignan muna natin kung gaano talaga kalakas ang mga Martial Arts na inaral niya para maging ganito siya ka kampante. Kapag sa tingin ko ay hindi niya kakayanin ang marahas na pagsasanay ay ititigil natin ito at ihahatid na lang natin siya sa kaniyang tahanan para makapagsanay siya ng mag-isa." Biglang sambit ng tahimik na si Ben. Subalit sa bawat salita niya ay ang unti-unting pagiging opensiba ng kaniyang mga binibitawang salita na hindi naman niya sinasadya, talagang ganito lang siya magsalita, sinsero pero walang limitasyon at hindi masiyadong pinapansin ang mga sinasabi.
"Kung gagaan ang loob niyo sa pagsubok sa'kin ay malugod ko 'tong gagawin. Paano kung kaya kong manatiling buhay sa loob ng dalawang minuto laban sa isang Wild Wolf? Sapat naba iyon para mapatunayan ko sa inyo ang aking kapabilidad?"
Nagulat ang magkapatid sa sinabi ni Rain Goodman at walang alinlangan na tumango para pumayag sa munting suhestiyon ng binata.