Chapter 33

2827 Words
Chapter 33: Preparation of everyone. Bawat grupo na sasabak sa mapanganib na pagsubok ng kompetisyon ay masinsinang naghahanda para sa kanilang hinaharap bilang Adventurer. Ito ang unang beses nila pero ang determinasyon nila ay walang kapantay, alam din kasi nila na ang pagsubok na haharapin nila ay hindi ordinaryo. Sa kanilang sipag sa pagsasanay ay halos direkta ang kanilang praktis at wala itong hinto-hinto para magpahinga. Hindi naman na nagulat pa ang ibang tao sa nakikita nilang ugali ng mga kabataan, malinaw sa lahat na ang kompetisyon ang pundasyon para makabuo ng isang matibay na hinaharap sa propesyong Adventurer. Karamihan sa mga grupo ay piniling sanayin at palakasin ang mga Martial Arts na sa tingin nila ay makakatulong ng malaki sa kompetisyon. At ang mas maliit naman na parte ng grupo, ang katulad sa grupo nila Rain Goodman ay piniling tahakin ang mas mahirap at madugong paraan na kahit anong oras ay p'wedeng magresulta sa kanilang kamatayan, ang direktang pakikipaglaban sa mga halimaw upang mahasa ang kanilang mga kakayahan. Ang unang araw ng pag-eensayo nila ay matiwasay at hindi naman nagkaroon ng mga problema. May ilan sa kanila ang nakatanggap ng pinsala sa katawan pero hindi naman ganoon kalala na hindi na nila magagawang magpatuloy sa kanilang pagsasanay. May mga batang Adventurer din ang nakatanggap ng gabay mula sa mga nakakatandang Adventurer para masiguro ang kanilang tagumpay. At ang nag-iisang kakaiba sa grupo ng mga kabataang Adventurer ay ang una at pangalawang grupo na kinabibilangan ni Aura Scarlet, Axel Crimson, Grim Crow, at Soren Orlando. Pagkatapos nilang magsanay sa unang araw ng tatlong araw na ibinigay ni Elder Devil sa kanila ay pinatigil na rin sila ng matanda. Hindi nila agad nalaman kung ano ang rason sa kakaibang desisyon ng matanda subalit agad din naman nila itong nalaman ng kausapin sila nito. Pinaliwanag ni Elder Devil sa kanila na may posibilidad na hindi makasabay ang katawan nila sa napakabilis na progreso ng pag-angat ng kanilang Rank. Wala namang alinlangan na sinunod ng apat ang suhestiyon ng matanda kahit na may mga katanungan sa isip nila at kahit sa tingin nila ay hindi naman sila magkakaroon ng problema dahil sa kanilang totoong katauhan na taga-ibang mundo. Higit pa roon ay inutusan din sila ng matanda na maglaban-laban sa harap nila, at sa naganap na labang iyon ay talagang namangha ito sa nakitang resulta, at natuklasan niya rin kung sino ang pinakamalakas sa kanilang apat. Si Krain na pinalad mapasama sa grupo ni Grim Crow at Soren Orlando ay hindi na kinausap ng dalawa matapos ang pagpupulong. Sinabihan lang siya na dumating sa araw ng kompetisyon at h'wag gagawa ng mga bagay na makakapagpabagal sa kanila, kung hindi ay mananagot siya at malinaw sa kaniya na kahit makapangyarihan ang pamilyang kinabibilangan niya, hindi pa rin ito sapat para labanan ang awtoridad ng isang kagalang-galang na Elder. Ganoon din naman ang sinapit ni Rom, ang pinagkaiba lang ay hindi ganoon kalamig ang natanggap nitong trato dahil isang mabuting binata si Axel Crimson. Sa kanila ngang pagsasanay ay hindi nila namalayan na ang tatlong araw nilang paghahanda para sa kompetisyon ay mabilis na lumipas. .... Sa may kalawakan na parte ng Niarich Forest, sa loob ng [Practice Zone] ay may malawak na lupain ang hindi inookupahan ng iba't ibang uri ng mapapanganib na mga halimaw. Hindi nga lang madamo ang sahig dahil ang kalupaan dito ay napupuno ng maliliit at mahirap bungkalin na mga lupa, ang mga puno rito ay higit ding mas manipis kumpara sa mga punong nasa ibang parte ng gubat. Pero ang lugar na ito ay may iba pa namang bagay na masasabing positibo, bukod sa mapayapa rito ay mapapansin naman ang iba't ibang uri ng mga bulaklak sa paligid, ang mga puno ay mayroon na ring mga bunga na sumisimbolo sa kapayapaan ng lugar na ito. Sa isang malawak at malinis na lupain ng parteng ito, magkakahiwalay na nakatayo ang labing-dalawang grupo ng mga batang Adventurer na tahimik at tensiyonadong nakatayo sa tabi ng bawat isa. Handa na ang mga kakailanganin nila para sa kompetisyon na ito, lahat sila ay maaari lang kumuha ng isang armas na may kaalaman sila sa paggamit, at ang nag-iisang iyon lang ang p'wede nilang gamitin para makatulong sa kanila. Nababalot ng katahimikan ang paligid at tanging naglalakasang ihip ng hangin lang na tumatama sa mga punong lumilikha ng mahinang tunog ang maririnig.Hindi pa nagsisimula ang kompetisyon subalit nakakita na agad si Rain Goodman ng isang binata na hindi mapigilan ang pagbuo ng mga butil ng pawis sa noo nito, patago naman itong pinupunasan ng binata gamit ang likod ng kamay nito upang mapanatiling tago ang tensiyon sa loob niya. Mapanganib para sa mga batang Adventurer ang direktang paglaban sa mga Goblin na marunong gumamit ng mga sandata, isama pa ang kaunting pag-iisip ng mga Goblin pagdating sa pakikipaglaban ay tunay ngang napakapanganib nila. Ang hugis ng katawan nila ay katulad ng sa mga tao kaya naman marami silang kayang gawin na hindi nagagawa ng ibang mga halimaw. Sa mga kadahilanang 'to ay napagdesisyonan ng pamunuan ng Adventurer's Guild na bigyan ng kasuotang asul na damit na gawa sa balat ng isang makapangyarihang halimaw para protektahan sila sa mapanganib na laban. Siyempre ay sakto lang ang tibay nito at hindi imposibleng mawasak ng mga Goblin ang tibay nito. Sa harapan ng labing-dalawang grupo ay ang matandang Elder Devil na nakasuot ng itim na balabal at puting damit. Matalim ang tingin na makikita sa mga mata niyang nakatitig sa hangin na para bang may iniisip siya. At makalipas nga ang ilang saglit ay nagkaroon ng pagbabago sa mga mata ng matanda na hindi napansin ng iba, inilipat niya sa mga batang Adventurer na nasa harap niya ang tingin at malamig na nagwika, "Tapos na sila sa mga preparasyon para sa kompetisyong ito, humanda na kayong lahat para sa nalalapit ninyong pagsubok." Pagkatapos magsalita ay bigla siyang naglaho sa harapan nila at muli na naman nilang narinig sa lahat ng banda ang boses ng matanda, "Dinedeklara ko na ang pagsisimula ng kompetisyon." At eksaktong pagkasabi ng Elder ay isa-isang nagsigawan ang bawat miyembro ng mga grupo para tumakbo sa mga direksyon na nais nilang tahakin upang humanap ng mga Goblin na kailangan nilang patayin. Tahimik namang tumakbo sa ibang direksyon ng may kabagalan ang ilan sa mga grupo para hindi sila magkaroon ng mga kaagaw sa kanilang matatagpuan na mga Goblin. Isa na nga sa mga tahimik na grupo ang pangkat nila Rain Goodman na pinili ang lugar na hindi pinuntahan ng iba. Habang tumatakbo siya na nasa likod ng magkapatid ay sinulyapan niya ng tingin ang isang direksyon at tumumbad sa tanawin niya ang grupo nina Aura Scarlet, Axel Crimson, at Bom na nakatingin din pala sa kinaroroonan nila, may bakas ng pag-aalala sa mga mukha nila maliban sa isa. Tumango sa kaniya ng may seryosong tingin si Aura at Axel na agad niya namang naintindihan kahit na walang lumabas na salita sa mga bibig nila, sinuklian niya ang makahulugang tango ng dalawa na nagsasabing mag-ingat Siya tiyaka ibinalik sa harap ang tingin. .... Kalahating oras na ang lumipas nang umpisahan ni Elder Devil ang kompetisyon. Malalim na ang napasok nilang bahagi ng gubat at marami na rin ang mga grupong nagkakasalubong na walang nakikitang mga Goblin, marami sa kanila ang nadismaya at nagulat dahil hindi nila inaasahan na ganito pala kalawak ang sinasabi ng Elder na maliit na parte ng Niarich Forest. "Malayo na sila sa 'tin Benny, hindi pa ba talaga natin kailangang magmadali? Baka sa kaka-ingat natin sa hindi paggamit ng maraming enerhiya ay maubusan pa tayo ng mga Goblin?" Naiinip na reklamo ni Ben sa kaniyang kapatid. Matapos nilang tumakbo ng mabagal sa loob ng limang minuto at makumpirmang wala ng kahit na anong grupo sa paligid nila ay huminto na sila sa pagtakbo at lumakad na lang na nagresulta sa napakabagal nilang pagpasok sa mas malalim na bahagi ng gubat. "Ben, sa pagtatabi natin ng lakas ay malaki ang tsansa na mapabilang tayo sa limang grupo na makakapasa. Kung gagayahin natin ang iba na walang habas sa paggamit ng lakas ng mga paa nila ay mas liliit lang ang tsansa natin, tama ba ako, Rain Goodman?" Paliwanag ni Benny sa kaniyang kapatid na hindi pa rin nakukuha ang plano niya para sa kompetisyon. "Sa tingin ko rin ay tama ang desisyon ni Benny. Gamit ang planong nasa isip niya ay walang duda na mas malaki talaga ang tsansa nating manalo, hindi ko nga lang masasabi kung mas mapanganib ba ito o mas ligtas." Tugon naman ni Rain Goodman kay Benny. "Ewan ko sa inyo. Pero kung 'yan talaga ang plano niyo ay makikipagkaisa ako. Kaso Benny, malinaw naman sa'yo ang pagkakataong ito, 'di ba? Hindi tayo p'wedeng pumalya." Nag-aalinlangan na sabi ni Ben at binigyan niya ng misteryosong tingin ang kapatid na sila lang ang makakaintindi. Mas sumeryoso ang mukha ni Benny at tumango na lang ito bilang tugon bago ibinalik sa harap ang tingin. Sa kinaroroonan kasi nila ay nababalot na ito ng nagtataasang damo na umaabot hanggang sa tagiliran nila, wala na rin masiyadong puno. Alerto sa paligid niya si Benny at kahit maliit na pagbabago lang sa mga damong nasa paligid niya ay agad niyang mapapansin. Pero ang problema niya ay ang hangin, sa paligid nila ay tumatama ang mga hangin sa magkakaibang direksyon kaya nakakalito ng kaunti ang matataas na mga damong humihiga at tumatama sa magkakaibang direksyon. Gayunpaman ay kailangan niya lang ituon ang buong atensyon sa paligid para hindi makaligtaan ang bawat detalye sa mga damo na posibleng pinagtataguan ng isa sa mga Goblin. Sa kanilang paglalakad ay tahimik na huminto sa pag-abante si Benny at sinenyasan niya ang mga kasamang nasa likod na huminto. Lumingon siya at itinapat ang isang daliri niya sa harap ng bibig para sabihan ang dalawa na h'wag lumikha ng ingay. Mabilis namang naintindihan ng dalawa ang nais ipahiwatig ng kaharap nila at taimtim na huminto para pigilan ang kanilang mga hakbang na lumilikha ng mahinang ingay. Dahan-dahang binunot ni Benny ang espada sa tagiliran niya at siniguradong hindi ito lilikha ng ingay para hindi ma-alerto ang napansin niyang kakaibang bagay na nakahiga sa sahig na kulay berde ang kabuuan. Ang mga hugis kamay na nasa magkabilang gilid nito ay parang kagaya rin sa tao kaya mas naging alerto siya. Humakbang siya ng walang kaingay-ingay papalapit sa nakahigang berdeng katawan para kumpirmahin kung isa nga ba talaga itong Goblin o baka nagkamali lang siya. Tensiyonado ang unang hakbang niya kaya may namuong mga butil ng pawis sa noo niya, sa kaniyang pangalawang hakbang ay tuluyan na siyang huminto nang makita niya ang kabuuan ng natuklasan niya sa sahig. Nanlumo ang mukha niya at nanginig ng kaunti ang mahigpit na hawak niya sa kaniyang espada. Isang berdeng halimaw na halos kasing laki na nila ang ang nasa harapan niya. Buong buhay niya ay ito ang unang beses na nakakita siya ng ganitong uri ng halimaw. Puno ng kalamnan ang bawat parte ng katawan nito, ang mga braso, binti, at iba pa, higit pa roon ay hindi rin ganoon kalaki ang mga katawan nila kaya malinaw sa kaniya na maliksi at mabilis kumilos ang halimaw na 'to. Mapapansin din sa mga mata nitong kulay dugo ang katiting na talino, hindi kagaya sa mga halimaw na nakaharap niya na puro galit lang ang makikita. Hindi nakagalaw si Benny nang makita niyang ang nakahigang halimaw ay hindi pala tulog. Nilapitan niya lang naman ito sapagkat akala niya ay natutulog ito kung maging isa man itong halimaw. Pero isa pala itong malaking pagkakamali, ang halimaw na inaasahan niyang dapat na tulog at walang malay sa presensiya niya ay naghihintay pala ng pagkakataon sa nagtataasang mga damo, at malinaw naman na ginawa ito ng halimaw para umatake ng surpresa sa mga taong dadaan dito. At ang madugo nitong mga mata na puno ng panganib ay matalim na nakatingin sa kaniya na parang nakatingin ito sa pagkain. Nanlamig ang likod niya at gustong tumalon paatras para lumayo sa nakakapanindig balahibong tingin ng halimaw. Pero hindi niya ito magawa nang mapansin niyang parang napako sa sahig ang mga paa niya sa tindi ng takot na nadarama. Subalit ang panginginig ng mga paa niyang parang napako sa sahig ay naibsan din sa isang iglap nang malaman niyang sumulpot na lang bigla ang dalawang pigura sa harapan niya, ang isa ay ang kapatid na lagi niyang sinasandalan sa lahat ng problema, at ang isa pa ay ang kailan lang nila nakilalang binata na kagaya nila ay determinado rin pa lang lumakas. Ang mabigat na hangin sa paligid na lumilimita sa paggalaw niya ay gumaan at muli niya na ngang naigalaw ang mga paa niya. Hindi nga pala siya nag-iisa, narito ang kapatid niya at ang kasama nilang si Rain Goodman! "May isa pang nakatago sa malayo! Umatras muna tayo!" May kalakasan na babala ni Rain Goodman sa mga kasama nang mapansin niyang may isa pang Goblin ang nakatago sa kanan nila lima hanggang anim na metro ang layo, base rin sa posisyon nito na perpekto para sa kanilang maliit na patibong ay hindi malabong gumagamit ito ng armas na pang malayuan. Nagulat ang magkapatid sa sinabi ni Rain Goodman. Paano niya naramdaman ang presensiya ng isa pang Goblin? Pero binura rin agad nila ang tanong na ito at walang alinlangan na humakbang ng mabilis pa atras na nakataas pa rin ang depensa sa kaharap na nakahigang Goblin. Sa hindi nila malamang dahilan ay hindi naman sumugod ang halimaw na nasa harap nila kahit na mayroon na itong pagkakataon kanina. Kung tinatamad ito o wala pang lakas sumugod ay malugod naman nilang tatanggapin ang pagiging swerte nila at gagamitin ang pagkakataong ito para lumisan. Habang tumatakbo ang grupo nila Rain Goodman ay may isang tao ang nakatungtong sa sanga ng isang puno na nababalot ng itim na balabal ang buong katawan. Malayo ang distansiya niya sa grupo ng mga binata kaya hindi nila siya nakikita, pero para sa kaniya ay parang ilang metro lang ang distansiya nila sa isa't isa. "Anong nangyayari? Bakit hindi umatake ang mga Goblin?" Malamig ang boses na sabi ng taong ito na mapapansin ang pagtataka sa pangyayaring nakita niya na kinakaharap ng huling grupo. Sa oras na mapasabak ang mga binata laban sa dalawang Goblin ay siguradong mabubura ng walang kahirap-hirap ang grupo nila. Pero kagaya nga ng sinabi niya, may kakaibang pangyayari ang naganap at hindi niya malaman kung bakit hindi umatake ang mga halimaw. Bukod pa rito ay hindi rin nila hinabol ang mga binata. .... Nang makalayo na ng tatlong metro sa halimaw ang mga binata ay kumaripas na sila ng takbo palayo sa halimaw na kanilang nakaharap. Tumakbo sila na tila nakadepende ang buhay nila sa bilis ng pagtakbo nila kaya naman ang iniingatan nilang paggamit ng enerhiya at lakas ng katawan ay nauwi rin sa wala. Gayunpaman, mabilis naman silang nakalayo at wala ring humabol sa kanila. Nang nasa dalawampung metro na ang layo nila ay huminto na sila sa napakabilis na pagtakbo. Bahagyang nakayuko ang magkapatid at ang mga kamay nila ay nakahawak sa tuhod nila habang hinahabol ang kanilang mga hininga. Saglit lang silang tumakbo pero ang bilis ng takbo nila ay kinailangang gamitin ang buong lakas nila, kaya ang enerhiya nila ay mabilis ding naubos. Ginaya naman ni Rain Goodman ang magkapatid at umakto rin na parang pagod na pagod siya kahit na walang makikitang pawis sa noo niya. Kalmado pa rin ang ekspresyon sa mukha niya na wari'y wala lang ang nangyari sa kanila. Lumipas ang ilang minuto na hinahabol nila ang kanilang mga hininga hanggang sa bumalik na sa normal ang paghinga nila. "Ben, Rain Goodman, alam kong parang kabaliwan ang naiisip ko. Pero gusto niyo bang subukang patayin ang dalawang Goblin na naka-abang doon?" Matapang na tanong ni Benny habang nakatingala at ang mga mata niya ay nakapikit pa rin na nakaukit ang pagod na ekspresyon, senyales na hindi pa tuluyang umayos ang kalagayan niya. "May plano kaba para mapatay natin ang mga Goblin na 'yon? Malinaw naman na halos kasing tangkad natin sila at may hawak pang espada ang nakahigang halimaw. Naniniwala rin ako na higit na mas malakas sa'tin ang pisikal na katawan nila. Naaalala mo ba ang sinabi ni Elder Devil? Namumuhay sa grupo ang mga Goblin at labis silang mas malakas 'pag magkakasama. Gusto mo pa rin bang subukan ang binabalak mo?" Sunod-sunod na tanong ni Rain Goodman. Mukha siyang matanda na sinusubok ang tapang at katatagan ng isang binata. Gayon pa man ang mga narinig ni Benny, hindi naman humina ang determinasyon sa mga mata niya. Matapang siyang tumango kay Rain Goodman. Para sa kaniya ay masiyadong maganda ang pagkakataong ito, malayo ang mga kapwa nila batang Adventurer, dalawa pa ang natagpuan nilang Goblin, at sa oras na mapatay nila ng mas maaga ang dalawa ay makakapagpahinga pa sila. Malaki rin ang tsansa na mapabilang sila sa limang grupo na makakapasok sa susunod na parte ng kompetisyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD