Chapter 34

2583 Words
Chapter 34: Fighting the Goblins! Pinaliwanag ni Benny ang plano niya sa dalawa na hindi basta-basta mabubuo ng kahit na sino kung walang tapang at determinasyon ang mga puso nila. Hindi maiwasan ni Rain Goodman ang humanga sa loob niya sa mga pinapakita ni Benny, kahit na narito lang siya at kampanteng walang panganib ang kompetisyon ay binibigyang pansin pa rin naman niya ang mga detalye sa paligid. Malinaw rin sa kaniya ang antas ng lakas ng mga Goblin, kahit na hindi pa niya kinonsumo ang mga Herbs at Pills na nagpatalon sa numero ng mga [Stats] niya ay naniniwala siyang wala pa ring sapat na lakas ang mga halimaw para bigyan siya ng problema. At siyempre, gayon din ang mga batang Adventurer na kasali sa kompetisyon. Lumayo pa ng kaunti ang tatlong binata sa kinaroroonan ng mga Goblin. Mabuti na lang at hindi umalis ang mga halimaw kaya maisasagawa pa rin nila ang planong pagpatay sa mga ito. Ang temperatura sa paligid ay umiinit sa bawat oras na lumilipas. Pumunta muna sila sa silong ng isang puno at doon ay sinimulan na nga ang totoong diskusyon tungkol sa kanilang plano na pagpaslang sa mga halimaw. Sinimulan ni Benny ang pag-uusap at agad na binanggit ang plano niyang galitin ang mga halimaw at kuhanin ang atensiyon nila para magpahabol papunta sa kanilang itatagong patibong. Natuwa naman sa loob niya si Rain Goodman, dahil sa plano ni Benny ay hindi niya na kakailanganin pang ipakita ang maliit na parte ng totoo niyang antas ng lakas. Masiyado pa namang mapanganib, alam niyang binabantayan sila ni Elder Devil upang masigurong hindi mauubos ng mga halimaw ang mga kabataan na sa hinaharap ay papalit sa kanilang p'westo. Hindi nawawala sa isipan niya ang panganib na dala ng pagpapakilala bilang isang malakas at talentadong Adventurer, kaya kahit anong mangyari ay susubukan niyang tiisin ang lahat ng kahihiyan at panghahamak hangga't makakaya niya. "Benny, sa tingin ko ay kayo ang mas babagay sa responsibilidad na magpahabol sa mga halimaw. Nagsanay na tayo ng tatlong araw para mas mapabuti ang kooperasyon nating tatlo sa pakikipaglaban, pero sa huli ay kayo pa rin ang mas maraming karanasan at perpekto para protektahan ang likod ng isa't isa." Sinserong suhestiyon ni Rain Goodman. Pero ang totoo ay palabas niya lang ang sinseridad na pinapakita, may posibilidad kasi na nadama ng mga halimaw ang panganib na dala niya kaya hindi sila umatake, kilala niya ang ugali ng mga Goblin bilang isa sa mga uri ng mas agresibong halimaw, kaya nakapagtataka't hindi sila hinabol kanina. "May punto ka nga. Gusto mo bang pumayag sa suhestiyon ni Rain Goodman?" Tanong naman ni Benny sa kapatid niya. Ang totoo ay pinili niyang makasama si Rain Goodman dahil kinakabahan siya para sa kaligtasan ng kapatid. "Mas mapapanatag din naman ako kung ako ang magbabantay sa likod mo sa ganito kapanganib na sitwasyon." Sagot ni Ben at inihanda ang espada niya. At sa huling suhestiyon ni Rain Goodman ay nakapagdesisyon na silang magkapatid ang susubok na kukuha sa atensiyon ng halimaw. Pero imbis na sumugod ay nanatili pa rin ang magkapatid sa kanilang kinaroroonan, inihanda lang nila ang mga espada at mariin itong itinusok sa mga lupang tinatapakan nila na may katigasan. Binungkal nila ang matigas na lupa gamit ang kanilang mga espada na isinasaksak sa lupa na dapat sana ay para sa pakikipaglaban. Maraming beses nilang tinusok ng may kalaliman ang mga lupa na lumilikha ng maliliit na bitak sa paligid nito, pinagpatuloy nila ang ganitong gawain hanggang sa nalaman nilang p'wede na nilang gamitin ang mga kamay para hukayin ang simpleng patibong na ihahanda nila laban sa mga halimaw. Binantayan ni Rain Goodman ang dalawa niyang kasama na humuhukay sa lupa, isa lang ang braso niya at hindi kaaya-aya ang ipagawa sa kaniya ang ganitong uri ng trabaho. Panibagong tatlumpong minuto ang lumipas nang matapos sila sa kanilang mga patibong na iniwan malapit dito sa nag-iisang puno na napapaligiran din ng mga nagtataasang damo. Kagaya ng dalawa ay hindi naman siya nagpabaya sa trabahong pagbabantay sa mga Goblin upang masigurong hindi aalis ang mga halimaw. .... Matapang na naghanda ang magkapatid para sa kanilang binabalak na galitin ang mga halimaw at magpahabol. Sinabi ni Rain Goodman na may isa pang Goblin sa hindi kalayuan kaya posibleng humiwalay sila sa isa't isa dahil mas ligtas ito. Pero kung papalarin sila at hindi pa rin kikilos ang nakahiwalay na Goblin ay mas mabuti, makakapagpokus sila sa pagprotekta sa isa't isa habang tumatakbo papunta sa patibong na iniwan nila. Kagaya nung una ay dahan-dahan silang lumakad papunta sa kinaroroonan ng halimaw na nakahiga. Nasa unahan si Benny at nasa likod niya naman si Ben na puno ng mga lupa ang kaliwang kamay, ito ang balak nilang gamitin para galitin ang halimaw. Babatuhin nila ng lupa ang mga mata nito at mabilis na tatakbo sa oras na mapansin nilang nagalit nga talaga ito. At ilang saglit pa ay halos dalawang metro na lang ang distansiya nila sa kaninang pinanggagalingan ng Goblin, huminto si Benny at sinenyasan ang kapatid na ihanda na ang kinuha nitong lupa na ihahagis sa Goblin. Nakatayo sila nang biglang umihip ng malakas ang hangin, tumama ito sa kanila at ang mga buhok nila sa harap na nakabagsak sa noo ay hinangin pataas. Huminto sila pansamantala dahil sa binabalak nilang gawin ay maaaring tangayin ng hangin ang karamihan sa mga lupa, maaari ring humina ang p'wersa ng mga lupang tatama sa oras na ihagis nila ito sa gitna ng malakas na hangin. At kung mahina ang puwersa ay baka hindi nito mapuntirya ang mga mata ng halimaw na nais nilang tamaan para galitin ito. Lumipas ang ilang saglit ng paghihintay sa pagkawala ng hangin ay gumalaw na ang ulo ng magkapatid. Parehas silang tumingin sa isa't isa at sabay na tumango nang huminto na ang pagtama ng malakas na hangin. Tinaas ni Ben ang kaliwang braso niya at iniatras ito ng kaunti na lumagpas sa ulo niya. Tumalsik pababa ang ilang piraso ng mga lupa pero hindi niya na ito pinansin pa. Dahan-dahang umaatras ang kamay niya at agad niya rin itong itinigil nang makuntento na siya sa kaniyang b'welo. Sumeryoso ang mukha niya at may butil ng pawis sa noo niya ang namuo, nakaramdam siya ng takot kaya naman huminga siya ng malalim at tinibayan ang loob niya. Paghinga niya ng hangin sa bibig ay muli niyang iginalaw ang mga kamay at buong lakas itong iginalaw para maibato ang mga lupa sa mukha ng halimaw. Pero bago pa niya tuluyang maigalaw ang kaliwang braso ay nakarinig siya ng tunog sa gilid niya na parang nahahati nito ang hangin. At nang mawala ang nakakapangilabot na tunog ay bigla na lang siyang nakaramdam ng kirot sa kaliwang braso niyang nakataas. Hindi na niya naituloy ang binabalak na paghagis ng mga lupa. Lumaki sa gulat ang mga mata niya at ang mukha niya ay parang naubusan ng dugo, ang mga butil ng pawis sa noo niya ay nagsilamigan. Damang-dama niya kung paano manginig ang kaliwang braso niya, hindi lang 'yon, may mga likido rin ang bigla na lang tumulo pababa sa braso niya. Habang tulala siya at hindi makapaniwala sa mga kakaibang nangyayari sa kaniya na hindi niya inaasahan, nakita niya na lang na ang tanawin pala sa kaliwang mata niya ay medyo mapula, tila ang nakikita ng kaliwa niya ay isang impyerno. Nang tumama ang bagay sa kaliwang braso niya ay may aksidenteng tumalsik na dugo sa mukha niya, at hindi pinalad na makaiwas ang kaliwang mata niya. Pinikit niya ang kaliwang mata dahil sa kakaibang kulay nito upang hindi magulo ang paningin niya. Pero eksaktong pagpikit niya ay biglang lumala ang sakit na nadarama niya sa kaliwang braso, hindi ito kagaya kanina na kaya niya pang tiisin. Napangitngit ng mga ngipin si Ben at tinignan niya kung ano ba ang nangyari sa kaliwang braso niya. At nang makita niya ang kabuuan nito ay mas nanlumo pa ang mukha niya, ang braso niyang nakataas, sa ilalim ng siko nito ay may palasong nakatusok ng malalim at tuloy-tuloy pa ang agos ng dugo rito. Ang panlulumo niya ay mas tumindi pa nang makarinig siya ng mga yapak ng paa sa harapan nila na malinaw na nagmula sa may kabigatang nilalang. Ibinaling niya sa mga yapak ng paa ang tingin at bumungad sa harap niya ang Goblin na kanina ay nakahiga lang, tuluyan na nga itong gumalaw at bakas na sa mukha nito ang pagkahayok sa dugo. Sa kanang kamay nito ay may isang espadang gawa sa kahoy na mukhang hindi naman ganoon kadelikado, ngunit nang makita niya ang talim nito sa unahan ay nanlumo siya sa nalaman. Kahit walang panama sa espada nila ang armas na hawak ng halimaw ay walang duda na magdurusa sila ng matindi 'pag tumarak sa parte ng katawan nila ang espada ng Goblin. Sa hindi kalayuan ay mabilis na tumatakbo ang binatang si Rain Goodman. Hindi niya inaasahan na ang mga Goblin ay mas matalino pa sa inaakala niya na aatake ito ng surpresa habang naghahanda ang magkapatid. Pero habang tumatakbo ay bigla siyang napahinto nang may mapansin siyang presensiya sa hindi kalayuan, presensiya lang ang mga ito ng adventurer na nasa [Body Strengthening Rank]. 'Ang presensiyang 'to?' tanong niya sa sarili at agad ding itinuloy ang pagtakbo para magkunwaring hindi niya pa nadetekta ang presensiya ng bagong dating na nagmamasid sa kanila. "Benny, tumakbo kana muna!" Tumutulo na rin ang dugo sa gilid ng labi ni Ben at bakas sa mukha niya ang sakit na iniindang natamo sa kaliwang braso. Hindi niya na naigalaw ang kaliwang braso at hinayaan na lang itong nakabagsak, humarang siya sa harapan ng kapatid na si Benny at balak harapin ang papalapit na Goblin kahit na buhay niya pa ang kapalit. Buong buhay nila ay silang dalawa lang ang magkaagapay sa buhay, dahil sa kanilang nakaraan ay alam niyang hindi p'wedeng mamatay si Benny. Kung mamamatay ito na hindi natutugunan ang kaniyang ipinangako nung mga bata pa sila ay magsisisi ito ng matindi kahit sa kabilang buhay. At bilang kapatid nito ay hinding-hindi niya hahayaan na maging ganito ang kapalaran ng kapatid niya, na kahit sa kabilang buhay ay lalamunin ito ng matinding pagsisisi. "Anong tumakbo? Hibang kana ba? Ikaw ang tumakbo, ako ang panganay sa'ting dalawa at obligasyon ko ang protektahan ka!" Naiinis na reklamo ni Benny at sinugod ang papalapit na Goblin para hindi ito harapin ng kaniyang kapatid. Pero habang tumatakbo siya ay narinig na naman ni Ben ang tunog ng hangin na parang nahihiwa, kinakabahang tumingin si Ben sa kapatid niya at balak sanang harangan ito para siya ang tamaan, pero hindi agad nito naigalaw ang mga paa niya at bago pa siya makagalaw, nakita niya na lang sa harap mismo na tumama na ang isang palaso sa balikat ni Benny, na nagresulta sa paghinto nito. Sa paghinto ni Benny ay napunta sa sugat niya ang kaniyang atensiyon. Pumalpak siyang mapansin na ang halimaw na pinagmumulan ng kanilang sitwasyon ay nasa harapan na pala nila at nakataas na ang kanang braso nito na humahawak sa kahoy na espada. Kakaiba ang posisyon ng espada dahil ang matulis nitong unahan ang nakatapat sa ulo ni Benny na para bang kutsilyo ang hawak nito. Isinaksak ng halimaw ang hawak na espada sa ulo ni Benny na puno ng intensiyong pumatay. Natural na malakas ang katawan ng Goblin kaya ang bilis ng atake nito ay mas mabilis pa kumpara sa normal, direktang tatama sa leeg ng binata ang espada nang biglang nawalan ng balanse ang isang paa ng halimaw. Sa ibang direksyon tumama ang espada at ang katawan ng halimaw ay bumagsak patagilid. Humina ang p'wersa ng atake dahil sa kawalan ng balanse, subalit ang atake ay dumiretso pa rin at nagawa nitong tamaan si Benny. Mabuti na lang talaga at sa balikat siya tinamaan at hindi sa importanteng bahagi ng katawan niya. Umukit ang galak sa mukha ni Benny nang makita niya ang kapatid na mukhang nagpadulas para mahiwaan ng espada niya ang ilalim ng tuhod ng halimaw. Pero dahil sa pagdulas na iyon ay nasa awkward na posisyon ang kapatid niyang nakahiga sa sahig habang nakatingin sa kalangitan. Mabilis na bumangon ang halimaw at hinila nito ang espada sa balikat ni Benny, galit nitong itinaas ang sandata para maib'welo sa binabalak na pagsaksak sa taong nakahiga sa kalupaan na humiwa sa binti niya. Nang makita ni Benny ang sitwasyon ni Ben at ang binabalak ng halimaw na pagsaksak sa kapatid niya ay nawala ang nasasaktan niyang ekspresyon sa mukha at napalitan ito ng matinding galit. "Subukan mong halimaw ka at tatapusin ko ang buong lahi niyo!" Nag-aapoy sa galit na banta ni Benny at pilit na itinaas ang kanang braso niya para magamit ang espadang hawak. Sa kaniyang determinasyon na matulungan ang kapatid ay nagtagumpay siyang itaas ito kahit na nagresulta ito sa mas mahapding sugat at tuloy-tuloy na pagtulo ng dugo sa balikat niya. Gamit ang buong lakas na p'wede niyang magamit ay tumalon siya paabante sa halimaw na nakatutok sa dibdib nito ang talim ng hawak na espada. ROAR! Pero nanlaki sa gulat ang mga mata niya nang matuklasang hindi pala talaga balak saksakin ng halimaw ang kapatid niyang nakalupasay sa sahig. Bagkus, tumingin ito sa direksyon niya at umatungal ng nakakapanindig balahibo bago tumalon paatras. Ngayon ay bigla niyang naalala ang babala sa kanila ni Elder Devil, ang mga Goblin ay mas mautak at may kaunting kaalaman kumpara sa ibang mga halimaw, hindi sila maaaring basta na lang maliitin. Pakiramdam niya ay bumagal ang oras sa paligid niya. Malinaw niyang nakikita ang bawat detalye ng nasa paligid niya habang nasa ere pa rin siya, ang mukha ng kapatid niya na puno ng pag-aalala, ang mga nagtataasang damo na tinatamaan ng hangin kaya napapahiga sa magkakaibang direksyon, at higit sa lahat ay ang mukha ng halimaw na nakatingin sa kaniya gamit ang madugo nitong mga mata. Nakita niya rin ang mas humigpit na hawak ng Goblin sa kahoy nitong espada. Nang maalala niya ang sinapit nila noong kanilang kabataan ay nagkaroon ng matinding determinasyon sa puso niya para mabuhay. Subalit kaakibat ng determinasyong ito ay ang matinding takot sa kamatayan. Marami pa siyang kailangang gawin na hindi siya p'wedeng pumalya, marami pa siyang dapat tapusin. Kailangan niyang mabuhay. Kailangan niyang protektahan ang kapatid niya. Kailangan niyang lumakas. Kailangan niyang gumawa ng pangalan. Kailangan niya ng kapangyarihan. Lahat ng mga 'to ay kailangan niya para sa kanilang hinaharap. Para na rin sa nagawa niyang kasalanan noon. 'HINDI AKO P'WEDENG MAMATAY!' matapang na sigaw niya sa kaniyang isipan habang nakatingin sa halimaw. Pero ang determinasyon niya ay gumuho nang makita niya ang nakakatakot na mukha ng halimaw. 'Pero ang halimaw na 'to, bakit ganito ang halimaw na 'to? Masiyadong malakas ang katawan niya, marunong din siyang gumamit ng espada, marunong din siyang gumamit ng estratehiya. Paano ko malalabanan ang ganitong uri ng halimaw? Isa lang akong tao, hindi ito patas. Gusto ko nang umuwi, gusto ko munang magpahinga. Pakiusap, ilayo niyo ako rito.' isip niya at ang nag-aapoy na determinasyon sa puso niya ay mabilis winasak ng mala-bagyong takot sa puso niya. Pagtapak ng mga paa ni Benny sa lupa ay umalingawngaw sa paligid ang desperado at puno ng takot na sigaw ng isang binata. Tinatawag nito ang pangalan niya, pero sa estado ng emosyon niya ay hindi niya na napansin ang tawag ng kapatid. At hindi man lamang niya napansin ang maiiyak sa lungkot na kapatid bago pa sakupin ng walang hanggang kadiliman ang paningin niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD