Chapter 35

2318 Words
Chapter 35: Brothers! Umalingawngaw sa paligid ang desperadong sigaw ni Ben sa nakita niyang sinapit ng kapatid niya. Sa sobrang lakas ng sigaw niya ay nagsiliparan pataas ang ang mga ibong nakadapo sa puno na may kalayuan sa kinaroroonan nila. Hindi na siya makapagisip ng tama, pakiramdam niya ay nakita niya na noon ang sitwasyong ito, at napakasakit para sa kaniya ang pangyayaring iyon, kahit na anong mangyari ay hindi p'wedeng maulit ang senaryong nakita ng mga mata nila harap-harapan. Sumasakit pa ang katawan niya subalit tinawag niya ang lahat ng enerhiya sa katawan niya na maaaring gamitin at ginamit ito para makabangon. Pero ang paa niya na umapak ng mariin sa sahig upang makatayo ay aksidenteng nakaapak ng ilang pirasong mga bato na sakto lang ang liit para madulas siya, at ang mga paa niya ay dumulas nang sinubukan niyang tumayo na naaapakan ang maliliit na bato. Ang resulta ay umangat ng kaunti ang katawan niya gamit ang p'wersa sa mga kamay niya na agad din namang bumagsak dahil sa bigla nitong pagdulas. Marahas ang pagbagsak ng balakang niya sa kaniyang pagkabalisa, subalit hindi niya na ito pinansin at nakatuon pa rin sa mabagal na bumabagsak na katawan ng nakakatanda niyang kapatid ang tingin. Buo pa rin ang katawan ng kapatid niya. Hindi naman ito mapupugutan ng Goblin dahil sa masiyadong mababa ang kalidad ng espada nito. Pero ang mga dugong nagsitalsikan sa ere na mabilis tinangay ng hangin palayo sa kinaroroonan nila ay kitang-kita niya, hindi niya nga lang alam kung kanino nagmula ang mga dugong iyon. Kung titignan namang maigi at ibabase ang resulta sa biglang pagbagsak ng kapatid niya ay malabong galing sa halimaw ang dugo. Ganoon pa man ang nangyari, pilit niya pa ring pinaniniwala ang sarili na buhay pa rin ang kapatid kaya pilit niyang sinusubukang bumangon. "AAAAAAHH!" Sa kaniyang inis ay napasigaw na lang siya. 'Ba't bigla na lang dumulas ang sahig kung kailan kailangang-kailangan kong bumangon?' isip niya at sinuntok ng malakas ang may katigasan na kalupaan at sa pagkakataong ito ay tuluyan na nga siyang nagtagumpay sa pagbangon. Tumakbo siya pasugod sa halimaw na bakas sa mukha ang pagkahayok sa dugo. Pero hindi pa siya tuluyang nakakalapit sa kapatid nang bigla siyang makarinig ng mensahe. "Huminahon ka, buhay pa si Benny." Napatigil sa pagsugod si Ben nang marinig niya ang boses ni Rain Goodman. At ang pinagmulan ng tunog ay nasa pagitan ni Benny at ng Goblin. Ilang sandali pa ang lumipas at bigla na lang bumagsak sa sahig ang katawan ng Goblin. "Huh? Anong nangyari?" Naguguluhang tanong ni Ben at lumakad palapit sa kaniyang kapatid na walang malay. Hindi niya nasalo ang katawan nito kaya nakadikit ang likod nito sa matigas na kalupaan. Tumingin siya kay Rain Goodman at napabuntong hininga na lang sa nakita. Taimtim niyang ipinikit ang mga mata niya at tumingala sa mainit na kalangitan, nilalasap ang masarap na pakiramdam na parang may nawalang mabigat na bagay sa dibdib niya. Nalaman niya kasi na ang posisyon ng katawan ni Rain Goodman at ang nag-iisang braso nito ay nakaabante ng kaunti habang ang espada niya ay nakatusok sa ere-- halatang ginawa niya ito para saksakin ang dibdib ng halimaw at maitulak paatras ng likod niya si Benny na biglang nawalan ng malay. "H'wag mo munang ibaba ang depensa mo. Mayroon pa tayong dapat harapin na mukhang mas masakit pa sa ulo kaysa sa Goblin na 'to." Paalala ni Rain Goodman at ang espada niya ay itinapat niya sa kanan nila na pinagmulan ng Goblin na namamana. "Oo nga pala. Ang hayop na Goblin na 'yon, kung 'di dahil sa halimaw na 'yon ay hindi sana malalagay sa alanganin ang buhay namin." Tumingin din si Ben sa kanan niya at hindi na muna nilapitan ang nakalupasay sa sahig na walang malay niyang kapatid. Pagkakataon na rin nila ito para makapasok sa susunod na parte ng kompetisyon, tataas ang porsiyento ng tsansa nilang manalo 'pag nagtagumpay sila sa pagpatay sa dalawang Goblin. "Kukunin ko ang atensiyon nito. Ikaw na ang bahala para masugod mo ng patago ang halimaw." Sambit niya at hindi na hinintay pa ang sagot ni Rain Goodman sa binabalak niya na tila iyon na talaga ang dapat nilang gawin. Tama rin naman ang kagustuhan niya, kanina ay wala siyang napansin na presensiya at bigla na lang sumulpot si Rain Goodman sa pagitan ng kapatid niya at halimaw na hindi nila napapansin. Sa nakita niya ay naintindihan niya naman na ang nangyari. Kilala niya ang kapatid niya at mula pagkabata ay may problema na ito pagdating sa kaniyang takot. Matapang si Benny at matalino, subalit ang sandata niyang talino ay ang pinagmumulan ng isa sa mga pinakamalaking problema niya bilang Adventurer, sa gitna ng matinding takot ay kung ano-ano ang pumapasok sa isip niya na problema o mga mithiin na kailangan niyang makamit kahit na ano pa ang mangyari, sa pagsasabay ng matinding presyur na nililikha ng takot at ang mabilis na pagpasok ng mga impormasyon sa isip niya ay madalas siyang nawawalan ng malay. Wala silang sapat na kayamanan para ipagamot ang kapatid niya kaya hindi nila alam ang tunay nitong sakit, pero base sa kanilang mga napagdaanan at karanasan ay napagtanto nilang may problema yata sa utak ang kapatid niya. Marahil ay hindi nito kaya ang napakabilis na proseso ng mga impormasyon habang nasa gitna ng matinding presyur, lalo na tuwing ang takot na nadarama niya ay lumalagpas sa level ng kaya niyang tiisin. Tumakbo na bahagyang nakayuko ang katawan ni Ben para maitago sa nagtataasang mga damo ang katawan. Gayunpaman, sinasadya niya namang lumikha ng ingay sa bawat hakbang niya para makuha ang atensiyon ng Goblin na ilang metro pa ang layo sa kanila. Sumunod naman si Rain Goodman at tahimik na tumakbo sa kaliwa na malayong-malayo sa kanang pinagtakbuhan niya, sa taktika nilang ito ay mahihirapan ang halimaw na hanapin ang nakatagong presensiya ni Rain Goodman dahil sa lumilikha siya ng tunog habang nakatago ang katawan sa mga damo. At katulad nga sa inaasahan ni Ben ay bigla na lang nanlamig ang katawan niya nang marinig niya ang nakakatakot na tunog ng nahihiwang hangin sa bilis ng palaso na patama sa kinaroroonan niya. Umatake na nga ang Goblin at sa isang iglap ay nakaramdam siya ng matalim na bagay na dumampi sa kaliwang pisngi niya. Pero hindi nito napatigil ang kaniyang mabilis na pag-abante, sa halip na matakot, mas tumaas pa nga ang determinasyon niya dahil nakumpirma niyang nahihirapan na ang halimaw sa pagdama ng kaniyang eksaktong lokasyon. ROAR! Tinapos na ng galit na atungal ng halimaw ang katahimikan ng paligid. Umalingawngaw ang nakakapangilabot nitong sigaw na puno ng inis at galit, kasabay nito ay ang panlulumo ng mukha ni Ben na mabilis humiga padapa sa kalupaan. Eksaktong paghiga niya ay nakarinig siya ng sunod-sunod na mga palaso na dumaan sa taas ng ulo niya ilang pulgada lamang ang layo. "Muntik na ako." Nanginginig ang panga na bulalas ni Ben sa kaniyang narinig. Nawalan din ng lakas tumayo ang mga tuhod niya at ngayong humiga siya ay mas naramdaman na niya ang sakit sa mga may kalalimang sugat na natamo niya. Pero kung gaano kabilis sinakop ng takot at pangamba ang puso niya sa kaniyang pagdapa ay gayon din ito kabilis naglaho sa kaniyang narinig na miserableng sigaw ng halimaw. Bukod sa pagkalma niya ay umukit din ang ngiti sa labi niya, pamilyar kasi siya sa sigaw na narinig niya, ito ay sigaw na maririnig lang sa mga halimaw na nasa gitna ng matinding pagdurusa na nasa harap ng kamatayan. Tumayo siya sa kaniyang narinig at inilibot ang tingin sa paligid ng walang alinlangan. Hinanap niya ang pinanggagalingan ng kaawa-awang sigaw ng halimaw at agad itong nakita dahil may ideya naman na siya sa direksyon ng pinagtataguan nito. Bumungad sa tanawin niya ang binatang si Rain Goodman na nasa kanan ng halimaw. Nakatusok ang hawak nitong espada sa leeg ng Goblin, hindi ito bumaon at wala pa nga sa kalahati ng laman nito ang nahihiwa kaya imposibleng mapugutan ng ulo ang halimaw. Hindi sapat ang kalidad ng espadang pinili niya para pugutan ng ulo ang halimaw. Subalit mapapansin ang tuloy-tuloy na pag-agos ng dugo sa leeg nito na walang dudang pinakadahilan kung bakit umaatungal ng miserable ang halimaw. Makalipas ang ilang sandali ay huminto na sa pagsigaw ang halimaw at ang mga mata nitong parang maiiyak sa tinitiis na sakit ay naging blanko at walang buhay. Hanggang ngayon ay nakadikit pa rin ang espada niya sa leeg ng halimaw, mahina niya itong itinulak at ang katawan ng halimaw ay bumagsak sa lupa na nakadikit ang likod sa sahig. 'Tatlo sila at kahit mabababa ang antas ng lakas nila ay hindi ko sila maaaring galawin. Siguradong maghihinala si Elder Devil sa oras na matuklasan niyang mas malakas pa ako sa inaasahan niya. Pero kung gising lang sana si Benny, kahit sugatan na sila ni Ben ay mas mababawasan ang paghihinala ng iba 'pag nanalo kami laban sa kanila.' problemadong isip ni Rain Goodman habang nakatingin pa rin sa bangkay ng tinapos niyang halimaw. Isa siya sa mga manlalaro ng World of Fantasy na mahilig magbasa ng mga impormasyon sa laro. Para sa kagaya niyang halos binabasa ang lahat ay malabong makaligtaan niya ang ilang impormasyon tungkol sa kompetisyon ng Potara Village na ginagawad bawat taon para matukoy ang katayuan at talento ng mga mas batang adventurer, kaya naman alam niyang si Elder Devil ay mahigpit na nagbabantay para sa buhay ng mga piling kabataan na talentado at may mataas na potensiyal. Hindi niya nararamdaman ang aura at presensiya ni Elder Devil, pero alam niyang nasa paligid lang ito at pinagmamasdan sila kaya hindi niya maaatim na ibaba ang depensa sa pananatili ng kaniyang lihim, ang pagtatago ng tunay niyang lakas. Ngayong napatay niya na ang halimaw ay nalagay siya sa sitwasyong higit na mas mapanganib kaysa sa pakikipaglaban sa mga halimaw na dapat ay hindi siya nagmumukhang talentado at malakas na Adventurer. Malinaw niyang nadarama ang presensiya ng tatlong tao na ang antas ng lakas ay nasa [Body Strengthening 3-5], uri ng mga Adventurer na hindi na dapat magbibigay ng problema sa kaniya, subalit dahil sa kaniyang sitwasyon ay napakapanganib nilang tatlo laban sa kaniya. "Napatay ka rin namin." Mahinang sambit niya na sinigurado niyang maririnig ng ibang mga nasa paligid, ang tono rin ng pananalita niya ay pagod at mapapansin na hinahabol niya ang kaniyang hininga. Ito ang paraan niya para subukang ipababa ang depensa ng mga kapwa nila batang Adventurer na may partisipasyon sa kompetisyon, pagod siya at ang mga kasama niya ay mga sugatan na mukhang hindi na nila kakayanin pang lumaban, sa madaling salita, malaki ang posibilidad na mahulog sa plano niya ang mga taong nagtatago sa paligid nila. Lumapit siya sa bangkay ng halimaw at itinaas ang kaniyang hawak na espada para magkaroon ng sapat na b'welo sa kaniyang binabalak. Nang makumpirma niyang sapat na ang b'welo nito ay marahas at mabilis niyang ibinagsak ang espada niya na nakatapat sa duguang leeg ng Goblin. .... Tinignan ni Ben ang pagpatay ni Rain Goodman sa mapanganib na Goblin na gumagamit ng pana. Matapos niyang makumpirma na patay na talaga ang halimaw ay umukit ang matamis na ngiti sa labi niya at walang pakialam niyang ibinagsak sa kalupaan ang likod na hindi iniisip ang masamang p'wedeng mangyari sa kalusugan niya. Pinikit niya ang kaniyang mga mata habang unti-unting bumabagsak ang likod niya hanggang sa bigla niya na lang naramdaman ang kirot na nagmula sa pagbagsak ng likod niya. Gayunpaman, hindi pa rin nabura ang matamis na ngiti sa labi niya kahit na idagdag pa ang mainit at nakakasilaw na sinag ng araw. Sa kanilang magkapatid ay si Benny ang laging umiisip at rumeresolba ng mga problema na kinakailangang gamitan ng isip at talino. Gayon pa man ang kanilang posisyon sa isa't isa, hindi naman ibig sabihin nito ay hindi gumagamit ng isip at talino si Ben. Kung malalaman ng iba ang totoong pumapasok sa isip niya at kaniyang mga kakayahan ay hindi malabong sabihin na isa ito sa mga Adventurer na mas mataas ng kaunti sa ordinaryo ang kaalaman. Hindi niya lang ito nahasa dahil higit na mas marunong at bihasa sa paggamit ng plano at pag-iisip ang kapatid niya kaya hindi niya na ginagamit ang sariling talino, tanging ginagawa niya na lang ay sumunod at gawin ang mas malinis na mga plano ng kapatid niya. Naniniwala rin naman siya na hindi sila magkakahiwalay ng kapatid niya kahit anong mangyari, kaya para sa kaniya ay wala ring saysay ang paghahasa sa kaniyang abilidad mag-isip sa pakikipaglaban. Subalit ang masasaya niyang sandali ay naglaho na parang bula nang madama niya ang pag-usbong ng mabigat na tensyon sa paligid. Patalon siyang bumangon upang makatayo ng mas mabilis at maayos kahit na mas masakit ito sa normal na pagbangon. Tumingin siya sa direksyon ng bangkay ng unang Goblin na pinaslang ni Rain Goodman at doon ay nakita niya ang kasangga na nakatingin sa malayo ng seryoso. Sinundan niya naman ng tingin ang tinitignan ng kasama niya at ang mukua niya ay dumilim nang sumulpot sa paningin niya ang tatlong binata na nakangiting lumalakad palapit sa kinaroroonan nina Rain Goodman habang hawak ang mga sandata nila, ang dalawa sa magkabilang banda ay may espada at ang isa namang nasa gitna nila ay may hawak na sibat. "Sa dinami-dami ng mga p'wedeng makakita sa'min ay ito pang tatlong hambog ang nakakita sa'min?" Naiinis na bulong ni Ben sa kaniyang sarili na bakas sa mga mata ang galit na nadarama sa tatlong binatang nakita niya. Hindi lang kasi nila basta kilala ang tatlong ito, magkalapit lang ang kanilang mga tahanan kaya natural lang na laging magsasalubong ang landas nilang magkapatid at ng tatlong hambog na laging magkakasama, at tuwing nagkakasalubong ang mga landas nila ay lagi silang niyayabangan ng tatlong magkakaibigan, ito rin ang rason kung bakit tatlong hambog ang palayaw na ibinigay nila sa kanila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD