Chapter 36

2413 Words
Chapter 36: The Worst! "Anong ginagawa niyo ritong tatlo? Umalis na kayo kung ayaw niyong mapuruhan!" Puno ng pagbabantang sabi ni Ben na kasalukuyang lumalakad papunta sa kasama niyang si Rain Goodman. Matapang ang kaniyang ekspresyon at talagang nakakasindak ito tignan, subalit mapang-asar na ngiti lang ang isinukli ng tatlo sa kaniyang marahas na sinabi. "Mukhang patay na nga ang kapatid moat tignan mo pa ang sarili mong naliligo na sa sariling dugo. Sa tingin mo ay may magagawa kapa rin laban sa'min? Pero alam ko naman na hindi ka talaga mangmang, h'wag na kayong lumaban, ibigay ninyo ng mapayapa ang mga tinapos niyong Goblin at hahayaan namin kayong makaalis na walang natatamong pinsala sa katawan. At kung hindi man kayo pumayag, baka ito na ang maging huling araw ng pagiging Adventurer niyo." Mahinahon na puno rin ng pagbabantang sagot ng binatang nasa gitna nilang tatlo na nakahawak sa maliit na kutsilyo. Maikli ang buhok ng nasa gitna at masasabing mukha na siyang kalbo sa kaiklian ng mga buhok niya. Gayon din ang buhok ng mga kasama niya at pare-parehas silang tatlo na may hawak-hawak na mga kutsilyo. Hindi naman sila magkakamukha kaya malinaw na hindi sila magkakapatid, magkakaibigan lang sila mula pagkabata na bumuo ng kanilang grupo para sa kanilang mga sariling benepisyo. Madalas ay mayabang ang tatlong magkakaibigan kaya binansagan din silang hambog ng magkapatid na Ben at Benny. Gayunpaman ay hindi maikakaila na may talento ang tatlo kaya hindi sila mapagbayad ng magkapatid sa ilang panghaharas ng mga ito. "Bret, binabalaan kita. Sa oras na nakawin niyo ang pinaghirapan naming Goblin ay magbabayad ka ng malaki." Muling banta ni Ben subalit ang katawan niya ay hindi nakisama sa kaniya, ang sugat sa balikat niya na natamo kanina sa tumamang palaso ay bigla na lang sumakit ng ilang beses kaya hindi niya napigilan ang pag-ukit ng nagdurusang ekspresyon sa mukha niya. "Hahaha! Ben, ibigay niyo na lang ng mapayapa ang dalawang Goblin at hahayaan kitang mabuhay na walang natatamong malalang pinsala sa katawan. At hindi pa ba malinaw sa'yo ang sitwasyon natin? Wala kang karapatang magdesisyon, sa ngayon ay kami muna ang masusunod. Kung magpupumilit ka, hindi ako mag-aalinlangang lumpuhin ka kapag tinuloy mo ang mga pagbabanta mong nakakairita." Wika ni Bret at sinimulan na nitong tumakbo pasugod kay Rain Goodman na nag-iisa. Hindi pa tuluyang nakalapit si Ben kay Rain Goodman. May ilang metro pang distansiya kaya sa isang iglap ay mas lumala lang ang sitwasyon na kinakaharap nila. Tumakbo siya gamit ang buong lakas subalit nakakailang hakbang pa lang siya nang huminto rin agad siya nang mapansin niyang ang mga hakbang niya ay bumagal at ang katawan niya ay bumibigat. Napangiti siya ng mapait at tinignan ang dalawang binatang kasama ni Bret na tumatakbo sa direksyon niya na bakas sa mukha ang masamang hangarin. Habang tumatakbo si Bret ay nakatingin siya kay Rain Goodman na bakas sa mukha ang matamis na ngiti na wari'y nagtagumpay na sila sa unang parte ng kompetisyon. Pero ang ngiti sa labi niya ay naglaho nang makita niya ang pagbabago sa ekspresyon ng mukha ni Rain Goodman, pakiramdam niya ay naiinis ito at nabastusan sa akayon niya na para bang mataas itong uri ng tao at siya naman ay isa lang hamak na normal, agad din naman itong nawala at bumalik ang nag-aalalang ekspresyon sa mukha nito. Napangitngit ng ngipin si Rain Goodman at nanghihinayang na kinuha ang ulo ng isang Goblin na nasa sahig. Makalipas ang ilang saglit ay pumorma ang katawan niya na wari'y ihahagis niya palayo ang ulo ng halimaw, katulad nga ng inaasahan ni Bret na nakita nito sa posisyon niya ay inihagis niya sa malayo papasok sa mga puno ang ulo ng Goblin na kailangan nilang ipakita bilang patunay na tumapos sila ng halimaw. Buo na ang desisyon niya na isakripisyo muna ang mga napatay nilang Goblin upang makatakas sa kinakaharap na peligro. Hindi rin naman siya mahihirapang umagaw ng mga Goblin sa iba, ang iisipin niya lang ay kung paano ito gagawin na hindi ipinapakita sa iba na mas malakas siya sa kanilang inaasahan na kilala nila bilang basurang Adventurer. "Hmph! Ikaw! Anong ginagawa mo? Tumigil ka!" Sigaw ni Bret nang mapansin niyang kinuha ulit ni Rain Goodman ang pangalawang ulo ng Goblin sa sahig at balak itong ihagis sa ibang direksyon na labis na malayo sa pinaghagisan niya ng unang ulo. "Gusto mong makuha ang pinaghirapan naming mga Goblin? Ito oh, hanapin niyo." At inihagis ni Rain Goodman ang huling ulo ng halimaw na napatay nila na umabot din papasok sa loob ng mapunong bahagi. Pumatulis ang mga kilay ni Bret at bumakat ang ilang mga ugat sa noo niya suot ang parang nagngangalit na apoy sa galit niyang ekspresyon. Tumingala siya at sinundan ng tingin ang ulo ng Goblin na direktang lumipad sa mapunong parte ng gubat. Mabigat ang katawan ng halimaw at kung ulo lang nito ang bubuhatin ay natural lang na gumaan ito ng maraming beses na para bang kasing bigat lang ng bola ang kanilang hinahagis, at ang resulta ng pagbato ni Rain Goodman gamit ang konsiderableng lakas ay nagresulta sa mabilis na paglaho ng ulo sa tanawin nilang dalawa, walang duda na kahit nasa malalim na parte na ng mapunong bahagi ang ulo ay malayo-layo pa rin ang mapupuntahan nito. "Basura, wala akong problema sa'yo pero dahil sa kamangmangan mo, pagbabayarin kita ng malaki." Galit na sambit ni Bret at ipinatuloy ang pagtakbo pasugod sa kinaroroonan ni Rain Goodman. Pinulot naman ni Rain Goodman ang espada niya sa sahig at itinapat ang talim nito sa harapan, inihanda niya ang sarili sa paparating na laban. Dismayado lang siya ng kaunti at pilit ring pinipigilan na kumawala ang inis sa loob niya para hindi siya mawalan ng pokus sa pagtatago ng kaniyang antas ng lakas. Pero sa nakikita niyang emosyon sa mukha ni Bret ay hindi niya mapigilang mapangitngit ng ngipin sa inis. Inabanduna niya na ang mga Goblin na pinaghirapan ng mga kasama niya para lubayan lang sila ng katunggaling grupo, ngunit nandito pa rin sila at umaakto pa sila na wari'y sila pa ang nalugi kaya nag-aapoy sila sa galit. "Tuluyan niyo ang Ben na 'yan. Siguraduhin niyo lang na hindi kayo sosobra sa parusa niya." Pasigaw na paalala niya sa dalawang kasama na sumugod sa direksyon ng mag-isang si Ben. Dahil sa biglang pagsasalita ni Bret ay sinulyapan ni Rain Goodman si Ben na nanatiling nakatayo sa kinaroroonan niya habang hinahabol ang kaniyang hininga. Ibinalik niya ang tingin kay Bret na malapit na sa kaniya bago tumakbo papunta sa direksyon ng kasama niyang si Ben, hindi niya p'wedeng abandunahin na lang ang kasama sa masamang kalagayan, mas mahihirapan lang siya kapag bumagsak ang kasama niya na tutulong sa kaniya para hindi mabunyag ang kaniyang sikreto. "Ben, gamitin natin ang armas natin laban sa Goblin!" Tumatakbong sambit niya na may kabilisan. "H-hindi ko na kayang tumakbo pa, makakahabol at makakahabol lang sila sa'kin." Nakokonsensiyang tugon ni Ben na nagpahinto sa pagtakbo ni Rain Goodman. Inihanda niya na lang ang sarili para sa dalawang hambog na makakaharap niya. "Kung gayon ay hindi na talaga maiiwasan pa ang laban." Huminga ng malalim si Rain Goodman at ibinuga ito agad bago tumakbo pasugod sa kalaban niyang may kutsilyo. Makalipas ang parehas nilang limang hakbang ay tuluyan na ngang nagharap ang landas nila. Walang pahintulot niyang inihawi patagilid ang espada sa bandang tiyan ni Bret. "Hmph! Basura!" Mayabang na wika ni Bret at sinalag ng walang kahirap-hirap ang espada gamit ang kutsilyo niya. CLANG! Parang mga espada ang nilikhang tunog ng dalawang armas na gawa sa metal. Naunang nagpakawala ng atake si Rain Goodman at hindi masiyadong maayos ang naging buwelo niya dahil sa pagmamadaling makabato ng unang atake, kaya naman hindi masiyadong mapanganib para kay Bret ang pagsalag ng espadang ito. Bagkus, ginamit niya pa nga ang pagkakataong ito para itulak pataas ang espada ng kalaban. "HAA!" Itinulak ni Bret pataas ang espada ni Rain Goodman na natugunan naman niya ng walang kahirap-hirap. Hindi maayos ang porma at posisyon niya kaya nang maitulak ng kalaban pataas ang espada niya ay walang natirang depensa sa harapan niya, isama pa ang p'wersa sa pagtulak ay napaatras siya ng kaunti at nagulo ang balanse sa paa niya. Ikinuyom ni Bret ang kaliwang kamay niya at mabilis itong ib'winelo paatras para mapakawalan ang suntok na hinahangad niyang ibigay sa walang depensang harapan ng kalaban niya. Hindi rin nito madedepensahan ang sarili dahil hindi sila magkatulad na may dalawang braso, kaya naman ng sa tingin niya ay sapat na ang b'welo niya para sa level ng suntok na gustong gamitin, pinakawalan niya na ito na parang isang tigreng tumalon para sunggaban ang pagkain. Dalawa hanggang tatlong pulgada na lang ang layo ng kamao niya sa tiyan ni Rain Goodman at tatama na ang suntok na siguradong tatapos sa nagaganap nilang laban. Pero bago pa tumama ang suntok ay naibalanse na ulit nito ang kaniyang mga paa at ginamit ito para makatalon paatras. Sa kaniyang pagtalon ay lumaki ang layo ng distansiya ng kamao sa tiyan niya hanggang sa imposible na ngang maabot pa siya ng suntok, hinugot ni Bret ang kamao niya upang mapanatili ang maayos na balanse. "Paano niya nagawang ilagan ang suntok ko? Isa lang naman siyang basura?" Naguguluhang tanong ni Bret sa kaniyang sarili at parang nawala ang atensiyon niya sa laban nila ni Rain Goodman. Hindi na nag-alinlangan pa si Rain Goodman at pinadyakan ng malakas ang sahig para makatalon at makasugod ng mas mabilis sa maikling panahon na nakatulala ang kalaban. Habang nasa gitna ng himpapawid isang metro ang taas ay itinaas niya na rin sa ere ang espada niya at walang awang inihawi ito pababa sa bandang ulo ng kalaban. Sa mga huling sandali ay bumalik sa sarili ang nalilito niyang isipan kung paano nagawang ilagan ng binansagang basura ang kaniyang suntok. Mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili kagaya ng dalawa niyang kaibigan kaya naman pakiramdam niya ay hindi kaaya-ayang tignan ang nangyari sa pagitan nila ni Rain Goodman. "Isang basura! Anong karapatan mong ilagan ang suntok ko!" At nang bumalik sa reyalidad ang isipan niya ay mas lumaki lang ang kahihiyan sa puso niya na napalitan ng galit. Tumalon din paatras si Bret para ilagan ang surpresang atake ni Rain Goodman sa kaniya habang wala siya sa sarili. Mataas na ang antas ng lakas niya at ito rin ang pinagmumulan ng kaniyang kumpiyansa sa sarili, higit na mabilis at mas malinis siyang nakatalon paatras kumpara sa ginawang pag-ilag ng kalaban niya kanina. Nakalutang pa rin sa ere ang katawan niya at nakatingin kay Rain Goodman kung paano nito itinuloy ang paghiwa sa kanina niyang kinaroroonan upang puntiryahin ang ulo niya, senyales na balak talaga siyang tapusin ng kalaban niya. Gayunpaman, itinuon niya pa rin ang tingin sa kalaban at pinagmasdan kung paano dumiretso ang espada nito hanggang sa umabot ito sa may katigasang mga lupa. Ilang pulgada pa bago dumapo ang mga paa niya sa sahig nang makita niya ang panibagong aksyon na ikinikilos ng basura niyang kalaban. Bigla na lang nitong binitawan ang hawak niyang espada at mabilis na dumakot ng mga lupa sa sahig na malinaw namang hindi naging madali. "Isa ka talagang basura! Mandaraya!" Naiinis na giit niya sa kaniyang naisip na binabalak ni Rain Goodman. Pagkasabi niya ng hinanakit sa walang hiya niyang kalaban ay ipinikit niya ang kaniyang mga mata at ipina-ekis ang braso para protektahan ang kaniyang mukha sa kawalang hiyaan ng kalaban. Nang makita ni Rain Goodman na pumikit at hinarangan na ni Bret ng mga braso niya ang mukha nito ay umukit ang ngiti sa labi niya at binitawan ang mga lupa na kungwari ay dinakot niya para guluhin sana ang paningin ng kalaban niya. Pero sa pagpikit nito at pagharang ng mga braso niyang naka-ekis ay natamo naman na niya ang hinahangad para sa kaniyang binabalak. Kumaripas ng takbo pasugod si Rain Goodman kay Bret na wala pa ring kamalay-malay na iba pala talaga ang binabalak niya, at sa kaniyang mabilis na pagtakbo ay agad niyang narating ang harapan ni Bret na walang kadepe-depensa sa sikmura, puro nasa mukha niya lang nakatuon ang lahat ng proteksyon na maaari niyang gamitin. Sinagad niya ang buwelo ng kaniyang braso at ikinuyom ito ng madiin tiyaka pinakawalan ang suntok sa sikmura ni Bret. Pagdikit ng kamao niya ay bumaon ito ng kaunti at agad niya rin itong hinatak paatras para masundan pa ang naunang suntok. Tahimik na nakapikit si Bret at pinipigilan ang sarili na tumakbo pasugod dahil sa talagang naiinis siya sa kawalang hiyaan ni Rain Goodman. Malapit na silang maging ganap na Adventurer 'pag natapos nila ang kompetisyon pero umaasa pa rin ito sa mabababaw at kawalang hiyaang mga taktika na hindi dapat ginagamit ng kahit na sino. Pero ang galit sa loob niya ay naglaho nang makaramdam siya ng mabilis at mabigat na bagay na tumama sa tiyan niya na nagbibigay ng matinding sakit, bigla na lang siyang nahirapang huminga at ang katawan niya ay mas bumigat. Habang tinitiis niya ang sakit ay may panibagong p'wersa na naman ng mabigat na bagay ang tumama sa tiyan niya. Hindi na niya napigilan ang sarili at may malakas na pakiramdam sa loob niya na nagbibigay ng senyales na parang masusuka na siya. Agad niyang binitawan ang hawak na kutsilyo at ginamit ang mga kamay para takpan ang bibig. Wala na ang atensiyon niya sa paligid. Tanging pinagtutuunan niya na lang ng pansin ay ang kumikirot niyang tiyan at ang pagbigat ng katawan niya na wari'y babagsak na siya ano mang oras. Pero ang pinaglalaanan niya ng pansin na mga pinsalang natamo sa tiyan ay napunta sa mukha niya nang makaramdam siya ng panibagong mabigat na bagay, direkta itong tumama sa baba niya at pakiramdam niya ay magkakabitak ang buto niya rito. Dahil sa natamong suntok sa baba ay napaangat ng p'wersa ang porma ng ulo niya at bigla na lang sumulpot sa tanawin niya ang nakakasilaw na sinag ng araw. Hindi lang 'yon, pakiramdam niya ay umangat din ng kaunti ang katawan niya sa sobrang lakas ng tumama sa baba niya. Pilit niyang ibinaba ang tingin habang nakalutang ang katawan sa ere. Bumungad sa lumalabo niyang paningin ang pigura ng binata na may isang braso lang at ang brasong iyon ay naka-buwelo na paatras na tila susuntok ito. "S-sanda---" nanghihinang pakiusap niya pero bigla na lang dumilim ang paningin niya matapos maramdaman ang tumamang kamao sa mukha niya na inaakala niya kaninang mabigat na bakal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD