Chapter 37

2019 Words
Chapter 37: Destroyed Future? Nang tanggapin ng mukha ni Bret ang huling suntok ni Rain Goodman ay tuluyan na nga itong nawalan ng malay at hindi na rin napigilan ang pagbulwak ng dugo sa bibig nito. Hinihila niya na ang mga suntok niya para hindi masiyadong malakas ang magamit niyang p'wersa, subalit hindi pa rin nito mababago ang katotohanan na ang katawan niya ay talagang napakatibay na at ang tumama ang kamao niya sa isang [Body Strengthening] na Adventurer ay delikado. Mabuti na lang at unti-unti niya nang nasasanay kontrolin ang paggamit ng pisikal na lakas niya dahil kung hindi ay siguradong may kalalagyan ang katulad ni Bret na may mahinang katawan kumpara sa kaniya. Tinitigan niya lang at hinayaang bumagsak sa may katigasang lupa ang duguang katawan ni Bret. Humihinga pa naman ito at nararamdaman niya na buhay rin ito kaya hindi siya masiyadong nag-aalala sa buhay ng kalaban. Pero ang tahimik niyang ekspresyon ay napalitan ng gulat sa kaniyang nadama ilang metro ang layo sa kaniya, pakiramdam niya ay may nilalang na mabilis nauubusan ng buhay, hindi niya maipaliwanag ang eksaktong nararamdaman ngunit sa tingin niya ay may mamamatay. Tumingin siya sa direksyon ng kinaroroonan ni Ben kung saan nadarama niya ang kakaibang pangyayari, bumungad sa tanawin niya kung paano bumagsak ang isa sa mga kalaban ni Ben habang ang isa ay mukhang kanina pa nakahiga sa sahig. Hindi naman siya natuwa sa nakita nang mapunta na sa kasama ang tingin niya, duguan ang tiyan nito at malinaw na hindi normal ang natamo nitong sugat kahit na nakatayo pa rin ito ng tuwid. Tumakbo si Rain Goodman papunta kay Ben na parang wala na sa sarili. Pakiramdam niya ay nananatili na lang itong nakatayo dahil sa tindi ng determinasyon niyang mabuhay, pero kung pipikit ito kahit saglit ay malakas ang kutob niya na maaring bumigay na ang determinasyon nito at bumitaw sa pinanghahawakang rason para manatiling buhay. "Ang mga hayop na 'to! Balak kaba nilang tapusin? Para lang sa isang kompetisyon?" Nanlaki ang mga mata ni Rain Goodman nang makarating siya sa harap ni Ben. Hindi niya napigilang ang pag-ukit ng galit sa mga mata niya nang dumapo sa tiyan ng binata ang tingin niya, nakita niya rito ang dalawang kutsilyo na nakasaksak ng mariin habang tuloy-tuloy ang tulo ng dugo sa mga sugat. Wala siyang karanasan sa pagbunot ng mga kutsilyo. Iba ang katawan niya at higit na mataas ang level ng katawan niya kumpara kay Ben. Hindi niya alam kung makakabuti ba ang bunutin sa tiyan ng binata ang mga kutsilyo. Taimtim siyang nag-isip sa loob ng ilang segundo at sa maikling panahon na iyon, binuo niya na ang desisyon niya at piniling bunutin na lang ang mga kutsilyo dahil sa lakas ng tulo ng dugo. Una niyang hinawakan ang kutsilyo na hindi naman gayon kalalim ang saksak. Paghawak ng mga daliri niya sa hawakan ng kutsilyo ay dahan-dahan niya itong hinatak at pinagmasdan niya rin ang mukha ng binata. Wala naman siyang nakitang pagbabago sa ekspresyon ng mukha ni Ben, maingat niya itong tinuloy ng tinuloy hanggang sa matanggal niya ng tuluyan ang kutsilyo. Binitawan niya ang binunot na kutsilyo at agad itong bumagsak sa sahig. Direktang nakatapat ang matalim na bahagi nito sa sahig at tumama ito sa paa niya. Pero hindi niya na ito napansin dahil ang atensyon niya ay nakatuon lang kay Ben. "Halos kalahati? Gusto ba nilang matanggal sa kompetisyon? Malinaw na pagpatay ang intensyon nila." Nakasimangot na reklamo niya at pinagmasdang maigi ang kutsilyo na halos kalahati ng kabuuan nito ang nakabaon sa tiyan ni Ben. Tuloy-tuloy rin ang tulo ng dugo at mukhang mas matindi pa ito kumpara sa nilikhang sugat ng binunot niyang kutsilyo. Sa sobrang putla ng mukha ni Ben ay parang naubusan na siya ng dugo sa mukha. Malayo na ang kulay ng mukha niyang may buhay kanina sa mukha ngayon na parang bampira sa putla. Ang mga tuhod niya ay nagkaroon na ng mga paggalaw at nanginig ito ng nanginig na tila bibigay na ito ano mang oras. Namuo rin ang malalamig na mga butil ng pawis sa noo niya na wari'y ito na ang mga huling bilang ng pawis na ilalabas ng katawan niya. Hindi na binunot ni Rain Goodman ang nakasaksak na kutsilyo. Tahimik at kalmado niyang pinagmasdan ang binata habang iniisip ang isang bagay na kailangan ng desisyon niya. Pero ang ekspresyon sa mukha niya na kanina ay makikitaan ng galit, na ngayong kampante na ay hindi tunay, sa loob niya ay kinakabahan na siya at naguguluhan sa dapat niyang gawin. Tatlong araw niya pa lang nakasama ang magkapatid at alam niya na sa loob niya na mabuti silang tao. Hindi sila katulad ng iba na kahit hindi pa alam ang totoo, na dahil lang sa mga naririnig na haka-haka tungkol sa kaniya ay tinatrato na siya ng masama. Maaari ring sabihin na ang magkapatid ang unang pares ng mga tao na masasabing naging kaibigan niya kahit na hindi pa ganoon kalalim ang relasyon nila. Kahit na maikling panahon pa lang ang mga oras na nakasama nila ang isa't isa ay nakita niya ang sinserong trato sa kaniya ng magkapatid, kaya naman para sa kaniya ay mahalaga na rin sila, hindi nga lang sila gayon kahalaga na handa siyang ipaalam sa iba ang sikreto niya. Konsensiya at pagsisisi. Dalawang salita na napakadaling sabihin, pero ang hirap hanapan ng solusyon. Bumuntong hininga si Rain Goodman at binuo na ang desisyon niya. Sa tingin niya ay may kasalanan siya sa sinapit ni Ben, kayang-kaya niyang tulungan ang binata. Pero dahil sa takot na mabuking ang tinatago niyang lakas ay pinili niyang magpanggap na mahina na nagresulta sa mas matagal na laban nila ng pinatulog niyang binata, hindi, mabilis lang ang naging laban nila, pero kung ginawa niya ang lahat ng makakaya niya ay siguradong matutulungan niya ito at hindi matatamo ni Ben ang mapanganib na mga sugat sa katawan. "Ben, pasensiya na. Sana ay magustuhan niyo ang desisyon ko." Bulong ni Rain Goodman kay Ben at ginawa na ang binabalak niya. Sa huli, tao pa rin siya at hindi naman siya kagaya ng mga demonyo na walang puso para hindi pakitaan ng awa ang mga taong deserba ang kabutihan. Tumingala si Rain Goodman at sumigaw siya ng malakas para ipaalam ang kaniyang desisyon. "ELDER DEVIL! SUMUSUKO NA ANG AMING GRUPO SA KOMPETISYON!" Umalingawngaw sa tahimik na paligid ang sigaw niya na sa isang iglap lang ay nagkaroon agad ng kasagutan. Sa gilid ni Ben ay sumulpot ang isang pigura na isa sa mga pinakakinatatakutan ni Rain Goodman, si Elder Devil. Tahimik at kalmadong nakatayo ang matanda na wari'y kanina pa siya handang lumapit sa kinaroroonan nila Rain Goodman. "Mn? Napinsalaan ang core niya?" Patanong na sambit ni Elder Devil habang sinusuri ng kamay niya ang loob ng katawan ni Ben gamit ang palad nitong nakadikit sa tiyan ng namumutlang binata. "Rain Goodman, saglit ko pa lang tinignan ang kalagayan ni Ben at alam kong halos imposible na siyang magkaroon pa ng hinaharap bilang Adventurer. Hindi siya talentado kagaya ng ibang kabataan at sa tingin ko ay hindi rin sapat ang buhay niya para aksayahin ang isang kayamanan na magpapahilom sa pinsalang natamo ng Core niya. Inaamin ko hindi ko inaasahan na makakatungtong siya sa kasalukuyan niyang antas ng lakas, masipag siya at matiyaga kagaya ng kapatid niya, pero talento pa rin ang basehan, tanging talentado at mga Adventurer na may mataas na potensiyal lang ang may magandang kinabukasan." Paliwanag ni Elder Devil na mapapansin sa mga mata niya na may interes na siya kay Rain Goodman. Nakita niya ang lakas nito at nalaman niyang mas mahina lang ng isa o dalawang level ang binata kina Grim Crow na ibang level na agad ang natungtungan. "Core? May core na ba ang bawat Adventurer na nakatapak pa lang sa [Body Strengthening]?" Nalilitong tanong ni Rain Goodman. Ang alam niya ay tanging mga [Foundation Rank] pataas lang ang may [Core] sa katawan. "Mayroon na siya, sinasabi sa ilang libro na hindi pa dapat mamumuo ang [Core] ng isang tao hangga't hindi pa sila nakakatungtong sa [Foundation Rank]. May ilang pangyayari pa rin naman na maagang nabubuo ng mga tao ang kanilang [Core] sa tindi ng pagsasanay o paghihirap. Pero kagaya nga ng sinabi ko kanina, mababa ang potensyal ni Ben at kahit nabuo niya ng maaga ang kaniyang [Core] ay wala naman itong espesyal na epekto maliban sa mas mapapadali ang pagpasok ng mga enerhiya na aabsorbahin niya sa hinaharap. At unti-unting lalaki ang pinsala na natamo ng [Core] niya sa bawat paglipas ng oras hanggang sa mawasak ito, gagaling pa rin naman siya kung kokonsumo siya ng [Pill] na nakadisenyo para magpagaling sa mga [Core] na may pinsala." Mahabang paglilinaw niya sa binata at muling nagsalita, "Rain Goodman, bibigyan kita ng isa pang pagkakataon para magpatuloy. Gusto mo bang tumuloy o tuluyan mo nang sinusuko ang inyong grupo?" Ang pangamba sa puso ni Rain Goodman ay lumala sa kaniyang nalaman. Malinaw sa kaniya ang importansiya ng [Core] at sa oras na mawasak ito o mawala ay hindi na makakagamit pa ng enerhiya o ibang kapangyarihan ang taong mawawalan nito, sa madaling salita, ang buhay ng isang Adventurer ay babalik sa pagiging normal niyang tao kapag nawasak ang kanilang [Core]. At alam niya kung gaano ka determinadong lumakas ang magkapatid dahil sa kanilang hinahangad, hindi nila sinasabi sa kaniya ang totoo dahil tagalabas siya, pero may ideya na siya at tungkol ito sa paghihiganti. Pero sa oras na sumuko siya sa kompetisyon ay masisira ang mga plano niya para sa hinaharap. Ang mga plano ba niya para sa hinaharap o ang buhay ni Ben? .... Isa't kalahating oras ang lumipas nang sabihin ni Rain Goodman ang kaniyang desisyon na hahatol sa hinaharap niya at ng magkapatid na si Ben at Benny. Hindi naman na inanunsiyo ng Elder ang desisyon ng binata dahil wala naman itong halaga para sa kaniya at iba pang grupo na sumali sa kompetisyon, dismayado ang matanda sa desisyon nito at tuluyan na siyang nawalan ng ekspektasyon dito. Gayunpaman ay nirespeto niya pa rin ang kagustuhan ni Rain Goodman at tinulungan silang makalabas ng gubat sa mas maikling panahon. Sa loob ng isang bahay ay tahimik na nakaupo sa lumang kahoy na upuan ang binatang si Rain Goodman. Taimtim siyang nakatingin sa may kalakihang kama na pinaghihigaan ng magkapatid na walang malay, nilinis na ang katawan nila at tinulungan na rin sila ng ilang manggagamot sa Adventurer's Guild para masigurong wala sa bingit ng kamatayan si Ben. Pinili niya ang desisyon na sa tingin niya ay tama, at sa pagpili niya ng tama ay alam niyang magsisisi siya sa hinaharap. Pero malinaw rin naman sa kaniya na kakainin siya ng konsensiya 'pag pinilit niyang magpatuloy sa kompetisyon na tatapos sa puro pinsalang katawan ni Ben. Tatlumpong minuto na siyang nagbabantay sa pagbangon ng magkapatid. Tinanggap niya na rin na ang hinaharap ni Ben ay hindi na kasing liwanag ng dati, masiyadong mataas ang presyo ng [Pill] na kailangan niyang konsumuhin para paghilumin ang pinsala sa [Core] niya. Mahirap lamang ang magkapatid at kahit siya ay walang sapat na kayamanan para bumili ng [Pill]. Lumipas ulit ang hindi niya na malamang oras ay gumalaw na nga ang ulo ng isa sa kanilang magkapatid. Bumakas ang takot sa ekspresyon ni Benny habang nakapikit ang mga mata niya at ang panga niya ay nanginginig sa kaniyang bahagyang pagbukas ng bibig, tila binabangungot ito. Nilapitan ni Rain Goodman si Benny at tinapik-tapik ang balikat nito. Sa pangalawang tapik niya ay huminto na sa pagnginig ng mga panga niya si Benny at ang mga mata niyang nakapikit ay bumukas na. "B-buhay pa ako? Nasaan ako?" Nalilitong tanong ni Benny sa nakikita niyang si Rain Goodman na may seryosong ekspresyon, pero ang mga mata niya ay makikitaan ng lungkot na halatang pilit nitong tinatago na nagpakunot sa noo niya. Pakiramdam niya ay may hindi kaaya-ayang balitang dala ang kaharap niya. "A-anong nangyari?" Tanong ulit niya. Bumuntong hininga si Rain Goodman. Umupo siya sa sahig para mapantayan ang nakahigang ulo ni Benny at malungkot na inihayag ang mga nangyari kanina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD