Chapter 38

2856 Words
Chapter 38 : Blood Manipulation! Ang kompetisyon ay natapos na walang napuruhan at namatay maliban sa grupo ni Rain Goodman. Hindi namatay ang isa sa kanila, pero ang natamo nitong pinsala ay mas masahol pa sa kamatayan dahil hindi na niya makakamit ang pinakadulo ng potensiyal niya. Wala na rin siyang tiyansa na matapos ang mga hinahangad niya na magbibigay ng katahimikan sa loob niya at ng kapatid. Limang grupo na kinabibilangan ng mga batang Adventurer ang matagumpay na nakapasok sa susunod na parte ng kompetisyon. Kasama na nga rito ang magkaibang grupo ni Grim Crow at Aura Scarlet na hindi naman na ikinagulat pa ng iba. Sa gitna ng kompetisyon ay ginawa ng lahat ang kanilang makakaya para makapatay ng mga halimaw, sa kasamaang palad ay hindi sumapat ang lakas nila at hindi rin naging epektibo ang pagtutulungan nila sa pakikipaglaban. Hindi naman basta-basta na lang sumuko ang iba, may ilan sa kanila na pinilit talagang sumubok na umabot pa sa puntong muntik na silang mamatay. Pero ang determinasyon nilang manalo ay hindi rin sumapat kagaya ng nangyari sa iba, sa huli, antas ng lakas pa rin ang pinaka-kailangan nila para magtagumpay. Kung alam ng ibang naghirap ng sobra na ang isa sa limang grupo ay nakapasok sa susunod na parte ng kompetisyon dahil sa s'werte, marahil ay mapapasuka sila ng dugo sa galit. Isa kasi sa mga grupo na nakapasok ay nanalo lang dahil sa s'werte, tatlo silang nawalan ng malay subalit pag-gising nila ay nalaman nilang malapit lang pala ang dalawang ulo ng mga Goblin na inihagis ni Rain Goodman sa malayo. Mabilis nilang nahanap ang mga ito kahit na hirap na hirap na silang kumilos. Hindi nila alam kung ano ang tunay na nangyari, ang mahalaga ay malakas ang kutob nila na tadhana na mismo ang tumutulong sa kanila. .... Marami sa mamamayan ng Potara Village ang sabik na naghintay para sa gaganaping pagpapatuloy ng kompetisyon sa susunod pang isang araw. Kailangan ng mga batang adventurer ang pahinga sapagkat may ilan sa kanila ang pagod na pagod na at tumanggap pa ng pinsala sa katawan na kinakailangan nilang gamutin. Hindi naman agad maghihilom ang mga sugat at pinsala nila sa loob ng isang araw. Pero ang isang araw na iyon ay sapat na para mapagaan ng kaunti ang kanilang kalagayan at upang maipagpahinga na rin nila ang pagod nilang katawan. Kinabukasan, ang araw ng pahinga ng mga batang Adventurer ay dumating na. Karamihan sa kanila ay sinulit ang araw para gamutin ang kanilang mga pinsala sa katawan, may iba naman na hindi na nagpahinga at ginamit ang binigay na oras sa kanila para hasain pa ang kanilang mga kakayahan sa pakikipaglaban. Sa mga oras na ito ay nanatili pa ring nakahiga si Rain Goodman sa kaniyang tahanan at iniisip ang mapait na nangyari sa magkapatid. Hindi niya napapansin pero nakokonsensiya na siya sa kaniyang naging aksyon sa pagtatago ng antas ng lakas niya, kung ginamit niya sana ang tunay na lakas niya ay marahil natalo niya sa isang iglap lang ang kalabang si Bret at hindi na kinailangan pang labanan ni Ben ng mag-isa ang dalawa, kung napigilan niya sana ito ay, sana ay maayos pa rin ang Core ng kasama niya. .... Ang oras na inaabangan ng lahat ay dumating na, ang araw na maghaharap ang labing-limang batang Adventurer na nalagpasan ang mapanganib na pagsubok sa unang parte ng kompetisyon ay magaganap na sa harapan nila. Bakas sa mga mukha nila ang pananabik at mayroon pa ngang iba na madilim pa ang paligid ay nakaupo na agad sa upuan ng mga manonood ng entabladong paggaganapan ng laban. Walang bubong ang entablado at kagaya lang din ng istilo nito ang iba, bilog na entablado at ang upuan ng mga manonood ay pataas ng pataas sa bawat hilera ng nakapamilog na mga upuan. Tahimik na naghihintay ang mga manonood na karamihan ay mga ordinaryong mamamayan lang. May ilan pa rin naman sa mga nakakatandang Adventurer ang dumalo sa kompetisyon para mapanood ang mga kabataan na posibleng makasama nila sa hinaharap. Pero ang pinakarason sa pagpunta nila ay nais nilang masilayan ang kakayahan ng apat na batang Adventurer na usap-usapan ng lahat na kahit ang mga kakilala nilang naiwan na estudyante ni Elder Devil ay pinupuri ang mga ito. Mabilis na lumipas ang oras, ang mga upuan na kayang magpaupo ng daan-daang manonood ay unti-unti nang dumarami. Madilim pa rin ang paligid at umabot na ng isang oras ang paghihintay ng mga nauna. Ang araw ay sumikat na at ang paligid ay sinakop na ng mainit na sinag ng araw. Sa pagsikat ng araw ay dumating na nga ang labing-limang batang Adventurer na maya-maya lang ay maglalaban na. Tahimik na naglalakad ang labing-lima habang nasa unahan nila si Elder Devil na magsisilbing tagabantay at tagahatol sa resultsa ng mga laban. .... Ang bulung-bulungan na maririnig sa upuan ng mga manonood na okupado na ng lahat ay biglang natahimik at taimtim nilang itinuon ang tingin sa gitna ng entablado. Sa baba ay nakita nila ang Elder Devil sa pagitan ng dalawang hindi masiyadong kilalang batang Adventurer, iba ang panuntunan ngayon ng laban, wala na silang armas at tanging mga kamay lang nila ang kanilang magagamit. Hindi na sila lalaban sa mga halimaw at kahilingan ng Elder na malaman kung paano pahalagahan ng mga kabataan ang [Martial Arts] na inaaral nila, naniniwala ang matanda na ang mga kamay at paa ang pinakamalakas na sandatang maaaring gamitin ng bawat Adventurer. Parehas pinaatras ni Elder Devil ang magkaharap na binata at nang makalimang hakbang na sila ay umatras na rin ang matanda na nasa gitna nila at sinenyasan sila na simulan na ang laban. Naglaban ang dalawa at tumagal ang kanilang laban ng apat hanggang limang minuto na parehas silang nagpapalitan ng mga suntok at sipa. Pilit nilang iniilagan ang atake ng isa't isa subalit masiyado silang mabagal at walang karanasan sa pag-ilag, ang resulta, naipon ang pinsala sa katawan nila sa bawat minutong lumilipas at sa walang habas nilang pagpapalitan ng mga atake ay hindi na kinaya ng katawan nila ang laban, sabay na bumagsak ang katawan nila at ang laban ay tinanghal na tabla. Sigawan ng mga manonood ang maririnig nang bumagsak ang dalawa. Ang unang laban ay idineklarang tabla ni Elder Devil. Maaari pa silang maglaban sa huli para malaman kung sino talaga ang mas malakas sa kanila. .... Ang mga sumunod na laban ay hindi masiyadong nakakasabik. May laban na puro atras lang ang ginagawa at may laban naman na gumagamit ng taktika ang batang Adventurer na hindi makatarungan sa paningin ng nakararami. Unti-unti nang naiinis ang mga manonood sa hindi kapana-panabik na mga laban. Sa paglipas pa ng oras ay lumiwanag na ang ekspektasyon ng mga manonood nang dumating na nga ang laban na inaabangan nila, ang isa sa apat na talentadong batang Adventurer ay lalaban na rin sa wakas. "Susunod na maglalaban, Aura Scarlet at Bret." Malamig na saad ni Elder Devil at lumakad na papunta sa gitna ng entablado ang dalawa. Ang babae ay nakasuot ng itim na damit at bakas sa mukha niya ang malamig na tingin na binibigay niya kay Bret, tila may nag-aapoy na galit sa mga mata niya ang gustong kumonsumo at sumunog sa binatang makakalaban niya. Hindi naman napansin ni Bret ang nakakapangilabot na tingin ni Aura Scarlet. Ang ulo niya ay nakayuko na lumakad papunta sa gitna ng entablado, kinakabahan siya sa loob niya at pakiramdam niya ay may mangyayaring hindi maganda. Sa dinami-dami nila ay siya pa talaga ang nakaharap sa babaeng ini-idolo at kinakatakutan sa henerasyon nila. Gayunpaman, mas napanatag naman siya dahil hindi ang katakot-takot na si Grim Crow ang iniharap sa kaniya, ang binata na tingin pa lang ay parang nasa presensiya na siya ng halimaw. Hindi niya maisip kung paano lalabanan ang halimaw na iyon na hindi umaatras at ipinapakita na natatakot siya, isa siyang mapagmalaking binata kaya hindi kakayanin ng dignidad niya ang umatras at mapahiya sa isang laban. Habang lutang sa kaniyang iniisip ay bumalik sa sarili si Bret na nasa gitna na pala ng entablado. Nasa gitna nila ang matanda at ang tingin niya ay dumapo na rin sa makakalabang babae. "Bret, hindi ako marunong humila ng mga atake ko. Sa tingin ko ay mas makakabuti sa'yo kung susuko kana ngayon pa lang, baka may mangyari sa'yong hindi kaaya-aya kapag itinuloy natin ang laban." Nakangsing saad ni Aura Scarlet na ipinahalatang may galit sa tono ng pananalita niya. Ang tahimik na paligid ay biglang nabalot ng bulungan ng mga manonood matapos nilang marinig ang malinaw na pagbabanta ni Aura Scarlet sa kalaban niya. Hindi nila alam ang mga detalye sa naganap na kompetisyon sa pagpaslang ng mga Goblin, kahit ang mga kapwa nila batang Adventurer na kasali sa kompetisyon ay walang kamalay-malay sa trahedyang sinapit ng grupo ni Rain Goodman. Walang maisip na dahilan ang mga nasa paligid kung bakit may galit si Aura Scarlet sa katapat niyang si Bret. Ang masamang kutob ni Bret ay lumakas at ang bawat pagtibok ng puso niya ay parang kakawala sa dibdib niya. Isang salita pa lang ng kalaban niya ay naintindihan niya na agad ang rason sa galit at pagbabanta ng babae, ito ay siguradong may kaugnayan sa sinapit ng grupo nina Rain Goodman. Hindi niya alam kung ano ang nangyari, ang naaalala niya lang ay inutusan niya ang mga kasama niya na puruhan si Ben at kung maaari ay lumpuhin nila ang mga braso at binti nito. Pagkatapos ng laban nila ni Rain Goodman, wala na siyang iba pang maalala dahil nawalan na siya ng malay. Sinabi na rin sa kaniya ng dalawa niyang kaibigan na natalo sila ni Ben pero nasaksak nila ito sa tiyan ng may kalaliman. 'Tungkol kaya kay Ben ang dahilan ng pagkawala nila sa kompetisyon? At dahil may kaugnayan si Aura Scarlet kay Elder Devil ay nalaman nilang kami ang rason sa sinapit ng grupong kinabibilangan ni Rain Goodman? Ngayon, balak niya akong gantihan at ipahiya para sa sinapit ng kaibigan niya?' isip ni Bret at agad din binura sa isipan ang alalahanin ng makitang humahakbang na paatras ang babae. Ginaya niya ito at humakbang na rin paatras ng ilang beses. "Pasensiya kana Binibining Aura Scarlet at mukhang kakailanganin ko munang tanggihan ang alok mo. Nais kong mapabilang sa listahan ng limampung batang Adventurer at kahit ikaw pa ang makaharap ko, walang makakapigil sa'kin." Medyo huling sagot niya sa sinabi ni Aura Scarlet kanina. "Mabuti naman kung gayon, gusto ko ring subukan na sa ibang Adventurer ang tunay kong kakayahan. Kahit papaano ay maaari rin naman kitang gamitin para sa'king munting pagsasanay, sana lang ay matibay-tibay kahit papaano ang katawan mo." Mapang-asar na sambit ni Aura Scarlet na nagpasabik sa mga manonood. "Haha, Aura Scarlet. Malalaman naman natin kung totoo nga ba ang mga binibitawan mong salita. Sana lang ay may sapat kang kapabilidad para tugunan ang mga kayabangan mo." Naiinis na tugon ni Bret at huminto na sa kaniyang pang limang hakbang paatras. Itinaas ni Elder Devil ang kanang kamay niya at sinenyasan ang dalawa na maglaban na tiyaka ito umatras. Nang ibigay ni Elder Devil ang senyas niya sa dalawang Adventurer ay tumalon ng tatlong beses paatras si Bret at siniguradong malayo pa ang distansiya niya sa babae. Ang eksaktong antas ng lakas ni Aura Scarlet ay hindi niya matukoy, tanging nakakapangilabot at mapanganib lang na presensiyang inilalabas ng katawan nito ang malinaw sa kaniya. Pero ang inaakala niyang lumalaking agwat na distansiya nila ay isa pa lang malaking pagkakamali, sa isang iglap ay bigla niya na lang nakita ang babae na isa't kalahating metro na lang ang distansiya sa kaniya. At ang isa't kalahating metro na distansiya nila ay mabilis ding naglaho, nakatulala pa rin si Bret sa harapan niya nang sumulpot sa kaliwa niya ang babae. Inilipat niya ang tingin kay Aura Scarlet at tatalon na sana siya paatras nang makita niyang ang kamao ng babae ay nakakuyom na at napakabilis nitong dumiretso sa sikmura niya. Sa nakita niyang binabalak ng kalaban ay naalala niya ang mapait na sinapit kay Rain Goodman, ilang beses din siya nitong sinuntok sa sikmura na tumapos agad sa kanilang laban. Sa kaniyang naalala ay nakaramdam siya ng takot at awtomatikong gumalaw ang mga braso niya para harangan ang parte ng sikmura niya na nakatanggap ng pinsala sa suntok ni Rain Goodman. CRACK! Nakakamangha ang ipinakitang bilis ng mga braso ni Bret. Tumama ang malakas na suntok ni Aura Scarlet sa kanang braso nito at mas diniinan pa niya ang suntok nang maramdaman niya ang matigas na buto ng braso ng kalaban, itinulak niya ito ng itinulak at gumamit pa ng mas malakas na p'wersa hanggang sa tumabingi ang ilalim ng siko ng kanang braso ni Bret. Tumilapon ang katawan ni Bret isang metro ang layo kay Aura Scarlet. Pagbagsak ng katawan nito sa sahig ay umalingawngaw sa entablado ang miserableng sigaw ng isang lalaki. "AAAAAAHHH! ANG BRASO KO!" Mangiyak-ngiyak na sigaw ni Bret habang nakatingin sa parte ng braso niyang nakatabingi. Humakbang palapit si Aura Scarlet sa nakalupasay sa sahig na si Bret. Binigyan niya ito ng tingin na para bang nakatingin siya sa isang basura na dumismaya sa kaniya, "Isang suntok lang at ganiyan na agad ang sinapit mo? Paano ka magkakasilbi sa pagsasanay ko kung ganiyan ka naman pala kahina?" Patuloy pa rin sa pagsigaw si Bret hanggang sa marinig niya ang puno ng panghahamak na mensahe ni Aura Scarlet. Puno ng takot ang mga mata niyang tumingin sa mukha ng babae at agad niyang naintindihan ang diperensiya ng kanilang antas ng lakas, malinaw na sa kaniya na kahit anong gawin niya at kahit na gumamit pa siya ng paborito niyang armas na kutsilyo, wala siyang magagawa laban sa katapat na halimaw. "Sandali--Oh, alam ko na. P'wede rin pala kitang pagpraktisan ng [Special Skill] ko." Nakangiting saad ni Aura Scarlet at umupo siya para malapitan pa ng mas maigi ang nanlulumong si Bret. "S-susuk--" nanginginig ang panga na sambit niya subalit ang lakas niya ay biglang naubos nang maglabas ng kakaibang aura ang babae. Pakiramdam niya ay isang mapangwasak na dambuhala ang pigura ng kaharap niyang babae at nawalan na siya ng lakas na magsalita. Wala na siyang magawa kundi ang titigan at hayaan ang makapangyarihang kalaban na magdesisyon sa kaniyang hinaharap. Itinapat ni Aura Scarlet ang may katulisan na hintuturo ng kanang kamay niya at inilapit ito sa nakatabinging parte ng braso ni Bret. Malumanay niya itong idinikit sa balat ng kalaban at walang kahirap-hirap na binutas ng kuko niya ang balat na nagresulta sa pagtulo ng dugo sa sugat. Sumakit ang buong katawan ng binata sa simpleng sugat na nilikha niya, subalit wala itong sapat na enerhiya at lakas ng loob para sumigaw, natatakot na baka magalit lang ang halimaw na nasa harapan. "Blood Manipulation." May patak ng dugo ang lumabas sa hintuturo ni Aura Scarlet at direkta itong pumasok sa sugat ng braso ni Bret na binutas niya. Parang tubig lang ang sugat na pumasok sa loob ng braso ng binata, subalit ang likido na dapat walang dalang panganib sa katawan nito ay biglang tumulis at tumibay na wari'y isa itong matalim na kutsilyo. Hiniwa ng sugat na ito ang maraming parte ng loob ng katawan ni Bret at ang ilang sandali na nasa loob ito ng katawan ng binata ay agad ding nagtapos, bumalik ito palabas sa pinasukan nitong sugat na braso at nagtungo papasok sa daliri niya. Ang mga mata ni Bret na nilalamon ng matinding takot ay biglang nawalan ng buhay paglabas na paglabas ng sugat ni Aura Scarlet sa loob ng katawan nito. Hindi lang iyon, makalipas ang ilang saglit ay lumuha ng dugo ang mga mata niya, kasunod ng tuloy-tuloy na pagtulo ng dugo sa dalawang butas ng ilong niya, 'di kalaunan ay tumulo na rin na parang gripo ang dugo sa tainga at bibig niya. "P-pinatay niya si Bret?" Hindi makapaniwalang sambit ng isang binatang manonood sa kaniyang nakita. "Mn? Namatay ka agad sa unang atake ng [Blood Manipulation] ko? Sinasabi ko na nga ba at masiyado kang mahina, ang lakas pa ng loob mo na lumaban sa kaibigan naming si Rain Goodman?" Dismayadong sabi ni Aura Scarlet sa bangkay ng kaharap niya. Alam niyang hindi makatarungan ang ginawa niyang pagpaslang sa binata, pero sa loob niya ay hindi man lamang siya nakaramdam ng konsensiya kahit na nakapatay na pala siya ng iba, bagay na kahit siya ay hindi maintindihan ang rason sa likod nito. Dahil ba ito sa kinikimkim niyang galit para sa sinapit ng kaibigan niya? O baka naman hindi niya lang talaga tinuturing na tao si Bret dahil hindi naman talaga siya nagmula sa mundong ito at ang mga tunay na tao ay ang mga naninirahan sa planetang pinagmulan niya? Hindi kaya dahil alam niya ang mga kasamaan na ginagawa ni Bret kaya hindi na siya nakonsensiya? Pero kahit na ano pa ang rason, wala na siyang pakialam pa, ang mahalaga ay naipaghiganti niya ang kaibigan niya. Isa pa, isa rin itong banta at pagpapakita ng kanilang awtoridad at kapangyarihan sa henerasyon nila, sa oras na may humamak pa sa kaibigan nila ay makakamtan nila ang galit nilang apat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD