Chapter 39

1867 Words
Chapter 39: Questions. Sa isang iglap, ang lahat ng mga manonood na sabik na sabik sa taas ay natahimik sa narinig nilang sinabi ni Aura Scarlet, kahit ang mga kapwa nila batang Adventurer na nakapasok sa bahaging ito ng kompetisyon ay hindi makapaniwala sa kanilang narinig. Hindi lang naman sila basta nabigla sa binitawang salita, mas nagulat sila sa nakita nilang ekspresyon ng babae habang sinasabi ito na tila wala siyang ginawang mabigat na bagay. Tumapos siya ng buhay ng isang tao. Pero ganito pa rin ang reaksyon niya? Hindi man lamang makikitaan ng kahit katiting na konsensiya? Ang katanungan na gumugulo sa isipan ng mga nakakita. Kung kabilang sa Blood Clan ang tinapos ni Aura Scarlet o isang mabangis na halimaw, siguro ay maiintindihan pa nila ang reaksyon ng babae. Kaso hindi, kahit na masama si Bret, kahit na wala itong ginawang matino sa kanilang baryo, kabilang pa rin ito sa Potara at dito rin ito lumaki. Sa madaling salita, masasabing kapwa niya ang kaniyang tinapos, pero ganito lang ang reaksyon niya? Bakit pakiramdam nila ay nakatingin lang sa isang hayop ang babae? Bakit parang hindi pa nga tao ang turing niya rito? Ano ang mga tumatakbo ngayon sa isipan niya? Nanatiling tahimik ang paligid, wala ni isa sa kanila ang naglakas ng loob na pumikit o lumikha ng ingay na makakagulo sa konsentrasyon nila sa takot na makaligtaan ang mga detalye sa harapan. Wala silang balak palagpasin ang kahit katiting na impormasyon para makakuha ng sagot sa katanungang bumabagabag sa kanila. Sa paglipas ng ikatlong minuto simula nang lamunin ng matinding katahimikan ang paligid ay wala pa ring makikitang senyales ng paggalaw ang babae. May ilan na sa mga manonood ang kanina pa namumula sa sakit ang mga mata, halos lahat naman ay kanina pa hindi nakayanan ang pagmulat ng matagal at taimtim na pinikit ang kanilang mga mata. Kung ang mga mamamayan at ibang batang Adventurer sa paligid ay masuring naghihintay sa galaw ni Aura Scarlet, ang isipan naman niya ay lumilipad habang nakatulala sa binatang naliligo ang mukha sa sariling dugo. Sa totoo lang ay kanina niya pa gustong lumakad paalis at bumalik sa tatlo niyang kasama. Hindi naman siya natatakot at hindi rin siya napi-presyur ng kahit na sino para mapigilan ang galaw niya. Ano itong nararamdaman niya? Ito naba ang senyales ng konsensiya sa ginawa niya? Bakit hindi niya mawala-wala ang tingin niya sa duguang mukha ni Bret? Lumipas ulit ang hindi nila malamang oras sa ganitong sitwasyon, tuluyan nang gumalaw ang kamay ni Aura Scarlet. Itinapat niya ang palad sa duguang mukha ng binata at dahan-dahan itong inilapit dito na parang wala siya sa kaniyang sarili. Malakas ang pakiramdam niya na kapag hinawakan niya ang duguang mukha nito, may magandang mangyayari sa kaniya. Marahil ay may koneksiyon ito sa kaniyang [Blood Manipulation] at ang katawan niya na ang kumikilos para matuklasan niya ang isa sa mga paraan na mapapalakas siya ng [Special Skill]. Simple lang ang aksyon na nakikita ng mga manonood kay Aura Scarlet at halos pigilan na nila ang kanilang mga hininga para sulitin ang mga nakikita. Hindi sila pamilyar sa kaniyang [Special Skill] at talagang natatalinhagaan sila sa misteryosong kapangyarihan na ipinakita niya. Kaya naman wala ni isa sa kanila ang nais sayangin ang pagkakataon para malaman kung ano ba talaga ang ginagawa ng babae. Pero ang makapigil hiningang simpleng tanawin sa harapan nila ay nagtapos na nang marinig nila ang mga yapak ng paa na rinig na rinig sa buong Arena, bagay na hindi dapat posible kung 'di dahil sa katahimikan ng paligid. Ang tingin nila na kanina pa nakadirekta kay Aura Scarlet ay napalitan ng matinding paghahangad na malaman kung sino ang lumalakad. isa-isang napunta sa pinagmulan ng mga yapak ng paa ang tingin ng lahat maliban sa babaeng sentro ng atensyon, at sa kanilang nakita ay lumobo sa gulat ang mga mata nila sa ekspresyon na nakikita sa isang binata. Kagaya ng babae ay nakasuot ito ng itim na damit. Ang mga buhok niyang kulay apoy at mga mata niya na nag-iinit sa inis ay malinaw na nagpapakita ng pagtutol sa isang bagay. Hindi mabasa ng marami kung ano ang dahilan sa inis nito, subalit sa kanilang nakikitang tinitignan ng binata ay napagtanto nilang may koneksiyon ito kay Aura Scarlet. Nasa duguang mukha pa rin ng binata ang buong atensiyon ni Aura Scarlet. Hinayaan na rin ni Elder Devil si Axel Crimson na kasalukuyang lumalakad palapit sa kaibigan nitong babae. At bago pa mahawakan ng babae ang mukha ni Bret, isang mainit na kamay ang humawak sa kamay niya para pigilan ang binabalak nitong gawin na paghawak sa mukha ng bangkay. "Aura Scarlet, hindi mo p'wedeng gawin 'yan." Mahinang pigil ni Axel Crimson. Dahil sa mahigpit na hawak ni Axel Crimson sa braso ni Aura Scarlet ay bumalik siya sa reyalidad at malumanay na tumingin sa kaibigan. Binigyan niya ito ng palakaibigang ngiti at agad nakuha ng binata ang kaniyang nais iparating na bumalik na siya sa normal at hindi na kailangang mag-alala. Binitawan ng binata ang braso niya at ang masamang intensyon sa mga mata niya ay hindi niya na napigilan pang ilabas at muling itinuloy ang paglapit ng palad sa mukha ng bangkay, ang pinagkaiba lang ay higit na mas mabilis ang binabalak niya ngayon na hindi magiging madali para kay Axel Crimson ang pigilan siya. "Sapat na muna 'yan, Aura Scarlet. Magpahinga kana muna." Isang malamig na boses ang sumulpot sa likod ni Aura Scarlet at kasabay nito ay ang dalawang magkadikit na daliring dumiretso sa batok ng babae na sa sobrang bilis ay hindi ito makikita ng mga normal na tao. Nang dumikit ang mahinang atake ni Elder Devil sa batok ni Aura Scarlet ay huminto ang buong katawan nito kasama ang kamay niyang nasa gitna ng ere. Ang mga mata nito ay naging purong puti at nawalan ng malay. Mabilis namang sinalo ni Axel Crimson ang walang malay na kaibigan at sinserong nagpasalamat sa kanilang guro. "Maraming salamat, Elder Devil." Bahagyang yumuko ang binata habang inaalalayan ng maingat ang kaibigan. Walang kaalaman ang matanda sa sikreto nila ni Aura Scarlet, sa ginawa ng Elder na pagpigil sa kaibigan niya ay napigilan nila ang posibleng trahedyang tatama sa kanila, hindi ito p'wedeng makita ng iba, kaya lubos ang pasasalamat niya kahit na sa puso niya ay nagagalit siya dahil sa ginawa ni Aura Scarlet. Masiyadong marahas ang ginawa ng kaibigan niya at hindi ito makatarungan, naniniwala siya na hindi naman kailangan ng mga kaibigan niya na tuparin ang napag-isipan nilang plano tungkol sa tatlo. Alam niya naman na mali ang ginawa ng tatlo sa kasama ni Rain Goodman. Subalit para sa kaniya ay hindi pa rin talaga mabuti ang gumanti, sa paghihiganti kasi ay naniniwala siyang hindi makakamit ng tao ang hinahangad niyang kapayapaan kahit na magtagumpay pa siya, makakamit lang ng tao ang kapayapaan kung kakalimutan ng tao ang galit at pipiliing magpatawad. Bumalik na siya sa kinaroroonan ng mga kapwa nila batang Adventurer upang lumapit sa dalawa pa nilang kaibigan na sina Grim Crow at Soren Orlando. Sinalubong sila ng dalawa at kagaya ng normal ay malamig na ekspresyon lang ang nakita niya sa kanilang tinuturing na pinuno. Pero mas nagulat naman siya sa reaksyon ni Soren Orlando, lumapit ito sa kanila ngunit ang tingin nito ay nakatuon sa bangkay ni Bret, higit pa roon, ang ekspresyon niya ay malinaw na sabik at puno ng ligaya na parang may nadiskubre siya. "Ihatid mo na lang muna si Aura Scarlet sa tahanan niya. Panalo naman na siya at sigurado akong mapapabilang na siya sa ranggo ng listahan kahit hindi na siya lumaban sa susunod. Papakiusapan ko na lang si Elder Devil na bigyan ka ng ekstrang oras para makalaban ka pa rin pagbalik mo." Suhestiyon ni Grim Crow kay Axel Crimson at tinapik ang balikat nito para pagaanin ang loob ng kaibigan. Kilala niya ang binata at kabisado niya na ang ugali nito sa maikling panahon na nagkasama sila, alam niyang mabuti itong tao at maikukumpara ang ugali nito sa mga karakter na gumaganap bilang tagapagtanggol sa mga palabas na napapanood nila sa mundong pinagmulan. "Kung gayon ay aasahan ko ang sinabi mo. Pero maaari bang hindi niyo na ituloy ang binabalak ninyo?" Nagbabakasakaling tanong ni Axel Crimson. Ang malamig na ekspresyon sa mukha ni Grim Crow ay lumambot ng kaunti. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at bahagyang iniling ang ulo, senyales na wala siyang balak baguhin ang kanilang plano. Nanatili siyang nakapikit ng halos limang segundo bago niya ulit minulat ang mga mata niya. "Ito ang isa sa mga kailangan nating gawin para ideklara ang kapangyarihan natin. Tiyaka, alam mo namang sa oras na pumasok tayo sa limampung listahan ng mga Adventurer ay parang opisyal na tayong pumasok sa totoong mundo ng mga tunay na Adventurer. Hindi natin kilala ang iba lalo na at halos lahat sa kanila ay wala pa rito, marahil ay may mga kagaya natin na hawak din ng isa sa mga Elder. At kung hawak man ng ibang Elder ang mga Adventurer na hindi natin makasundo o magkaproblema sa atin, siguradong tanging mga sarili lang natin ang ating maaasahan, kaya hindi dapat tayo magmukhang mahina sa paningin ng iba at dapat malaman ng lahat na hindi tayo ang uri ng mga Adventurer na p'wedeng basta-basta na lang hahamakin." Nang marinig ni Axel Crimson ang paliwanag ni Grim Crow ay lumungkot lang ang mukha niya at bumakas ang konsensiya sa mga mata niya. Tama naman ang mga sinasabi ng kaibigan niya, sa totoo lang ay hindi nga niya mahanapan ng tamang rason ang sarili para kontrahin ang plano nila. Sinubukan niyang ipaliwanag ang ibang dahilan kung bakit hindi nila dapat ituloy ang binabalak, subalit tuwing nagbibigay siya ay dalawa o tatlong rason naman ang binabalik na rason ni Grim Crow kung bakit mas kailangan nila itong gawin. Naintindihan niya naman na prayoridad nila ang kanilang mga buhay, ngunit tuwing iniisip niya ang buhay ng tatlong mapapahamak ay hindi niya maiwasang kainin ng konsensiya. Bakit kailangang ganito ang mundong ito? Bakit kailangan ng p*****n? Bakit kailangang lumakas para mabuhay? Bakit kailangang gumawa ng masama para sa mabuting hinaharap? Sa sunod-sunod na mga katanungang bumabagabag sa puso niya ay ito namang ikinalalaki ng lungkot at dismaya niya dahil sa gulo ng mundong ito. Malinaw sa kaniya ang mga epekto sa binabalak nilang plano, ang hinaharap nilang tatlo, at ang posibleng pagbabago nila sa hinaharap na maaari pa ngang maging matulungin sa iba. Bumuntong hininga si Axel Crimson at hindi na lang sumagot kay Grim Crow. Tulala siyang lumakad palayo na buhat-buhat ang babae habang tinatanong ang sarili kung sino ba ang dapat niyang unahin. Ang buhay ng mga kaibigan niya na nagmula sa dati nilang planeta? Iligtas ang tatlong kapwa niya Adventurer na may masamang puso? Malinaw naman na ang sagot sa katanungan niya, hindi lang talaga kinakaya ng puso niya ang mamili. Nang lumabas si Axel Crimson ay tumingin si Elder Devil sa direksyon ni Grim Crow at sinenyasan itong lumapit. Pabulong na ipinaliwanag ng binata ang lahat sa matanda at naintindihan naman niya ito. Pagkatapos nilang mag-usap ay muling bumalik si Grim Crow sa puwesto niya at inanunsiyo ng matanda ang susunod na laban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD