Chapter 22: Alchea.
Pawisang nilisan ni Rain Goodman ang gusali ng Adventurer's Guild. Kinakabahan siyang naglalakad sa gilid ng kalsada pero itinuloy niya pa rin ang paghahanap sa gusali ng Blood Shop. Dito niya inihanda ang sarili, ang kontrolin ang emosyon sa loob niya 'pag may nakasalubong siyang Adventurer na dapat niyang layuan. Subalit sa kaniyang reaksyon kanina nang makasalubong ang Elder ay malinaw na hindi sumapat ang paghahanda niya.
Ang mga mamamayan niyang nakakasalubong ay tinanong niya para mas mapadali ang paghahanap. Mayroong nagbigay ng direksyon sa kaniya ngunit mas marami pa rin ang mga taong hindi siya pinansin dahil sa mga haka-haka tungkol sa kaniyang pagiging malas. Wala pang sampong minuto ang lumipas ay nahanap niya naman na ang gusaling nais puntahan.
Kagaya ng inaasahan niya ay tatlong palapag nga ang Blood Shop. Inaabot ng siyam hanggang sampong metro ang isang palapag kaya ang kabuuang taas nito ay halos tatlumpong metro.
Disenyo pa lang ng labas nito ay mapapansin nang ang gusali ay pinagisipang maigi at binuo pa gamit ang mga mamahaling materyal. Ang kabuuan ng gusali ay kulay pula na sumisimbolo sa kanilang mga mata at buhok na kulay-dugo. Sa pangalawang palapag naman ay may salitang naka-ukit na "BLOOD SHOP". Kumikinang-kinang pa ang mga letra at ang batong pinag-ukitan nila ng mga letra ay mukhang hindi ordinaryo.
Gusali ng karibal na baryo ang tinitignan niya ngunit kahit siya ay hindi mapigilan ang humanga. Malinaw naman na maraming oras ang inilaan nila para itayo ang ganito ka engrandeng tindahan. Pamilyar na siya sa laro at alam niya na ang mga dapat asahan. Hindi niya lang talaga inaasahan na ganito pala kaganda ang lugar sa personal.
Pagkatapos humanga sa taas ng gusali ay ibinaling niya na sa pinto ng Blood Shop ang tingin at ang paghanga niya ay mas lumaki. Sa tabi ng pinto sa magkabilang bahagi ay may dalawang guwardiya na nakasuot ng pilak na armor. Kahit ang kanilang mga espada ay naglalabas ng aura na parang kaya nitong hatiin ang lahat ng bagay. Pero ang higit na ikinagulat niya ay ang aura na nadarama niya sa dalawa, parehas silang [Foundation Rank].
Dalawang guwardiya at sila ay may ganito na kataas na kalidad ng mga gamit, kahit ang mga Rank nila ay hindi ordinaryo. Sa mga rason na 'to pa lang ay malalaman na agad kung gaano kalaki ang kapangyarihan na hawak ng may-ari nito.
Pumasok si Rain sa malawak na loob ng gusali, pagpasok niya ay bumungad sa kaniya ang sahig na kumikinang-kinang pa sa kinis. May mga babae at lalaking nakatayo sa isang lugar na nakasuot ng magara at malinis na puting kasuotan, makikita rin na may mga ilan na sa kanila ang katabi ng mga mamimili na wari'y ginagabayan nila ang mga ito sa mga gamit na binibili at hinahanap nila.
May ilang parihabang itim na kahoy ang pinapatungan ng ilang mga tinitindang gamit. Karamihan sa mga ito ay iba't ibang uri ng maliliit na kutsilyong nakapasok sa lalagyan, may mga uri na panglaban sa mga halimaw, mga kutsilyo na pang putol lang sa mga halamang gamot, pang luto at maraming pang iba.
Ang iba naman na mga espada at panalag ay nakahiwalay sa mga bandang dulo ng parihabang kahoy.
Lumapit ang nakatayo kaninang babaeng nakasuot ng puting bistida sa kinaroroonan ni Rain Goodman. Nakangiti niyang hinarap ang binata at tinanong ito nang mapunta sa kaniya ang tingin ng binata.
"Ano po ang nais niyong uri ng gamit, Ginoong Joe?" Malumanay na tanong ng babae. Ang mga mata niya ay makikitaan ng pagkabahala kahit gaano pa niya ito kahirap subukang itago, marami na itong naririnig na mga haka-haka tungkol sa pagiging malas ni Joe kaya hindi niya maiwasang magkaroon ng komplikadong tingin.
"May mga grado ba ang mga espada at kutsilyo rito?" Tanong niya sa babae. Nakikita niya ang ilang presyo ng mga kutsilyo, espada at kaya naman niyang bumili ng mga ito.
"Nasa ikalawa at ikatlong palapag po ang may mga gradong gamit. Pero karamihan sa mga ito ay [Foundation Grade] lang." Magalang na paliwanag ng babae habang nakatingin sa binata. Ang emosyong pagkabahala sa mga mata niya ay napalitan naman ng inis dahil alam niyang mahirap lang si Joe at wala itong sapat na pera o kayamanan para makabili ng mga mamahaling gamit sa ikalawa at ikatlong palapag.
"A-ah, ganoon ba. Magkano ba ang presyong inaabot sa bawat armas na nasa [Foundation Grade]?" Tanong ulit niya. Wala siyang balak bumili ng mga espada o kutsilyo rito, nais niya lang muna magtanong-tanong para hindi siya paghinalaan ng babae kapag tinanong na niya ang pakay.
"Ang bawat [Foundation Grade] na mga espada o ibang uri ng armas ay nagkakahalaga ng sampong gold coins hanggang sa isang-daang gold coins. Binabase sa sukat at grado ang presyo." Paliwanag ng babae na halatang ang ngiti sa labi ay pilit dahil mukhang naiinis na ito. Gusto niya nang bumalik sa puwesto at humanap ng bagong mamimili na posibleng bumili talaga ng gamit, kada tulong niya sa mga mamimili na bibili ay makakatanggap siya ng bonus sa sahod. Kung hindi niya lang oras para asikasuhin ang mamimili na sumakto kay Rain Goodman ay hindi niya ito lalapitan.
"O-oo nga pala. May balita po ba tungkol sa mga Pills na ibebenta ng Blood Shop?"
"Oh? Tungkol sa pills ang ipinunta mo rito? Mas maigi kung kay tandang Alchea ka pumunta, siya ang nakakaalam kung kailan niya matatapos ang mga pills." Sagot ng babae na medyo gumulat kay Rain Goodman.
Wala siyang naaalala na pangalang Alchea sa Blood Clan. May kilala siyang Alchea pero hindi galing sa Blood Clan ang taong ito. At base sa binanggit ng matandang babae, nakuha nila ang mga pills sa matandang ito na posibleng isang Alchemist. Tanging mga Alchemist lang ang makakagawa ng mga pills gamit ang mga herbs at ibang uri ng halamang gamot.
'Parehas Alchemist? Pero imposibleng siya 'yun.' isip ni Rain na medyo nabahala sa nalaman.
Binili lang ng pamunuan ng village sa Blood Shop ang lahat ng pills na nakuha pala nila kay tandang Alchea. Ito na rin ang naging simula ng paglakas ng loob ng Blood Clan na simulan ang giyera laban sa Potara Village upang maipakita at maipagmalaki ang mga kabataan nila.
"Saan ko naman po matatagpuan ang matandang Alchea?"
Nang marinig ang tanong niya ay tuluyan na ngang nagbago ang ekspresyon sa mukha ng babae. Malamig na mga tingin at hindi na makikita ang pilit na ngiti sa labi nito, sa halip, umukit pa ang simangot sa mukha niya bago sumagot, "Nasa dulo ng baryo ang tahanan ng matandang Alchea. Kung mamarapatin mo rin ay babalik na muna ako sa aking p'westo kung hindi ka rin naman pala bibili."
Paalam ng babae at hindi na hinintay pa ang sagot ng binata. Wala rin naman siyang pakialam kahit na magalit ito, sa isip niya ay may rason at karapatan siyang magalit kay Rain kaya hindi siya makokonsensiya. Kahit na magreklamo rin ang binata sa mga namamahala at nagpapatakbo ng Blood Shop ay sa kaniya naman kakampi ang mga ito.
Lumabas na ng gusali si Rain Goodman. Minabuti niyang lumakad-lakad muna ng kaunti sa gilid ng kalsada at sinigurado niya na rin na wala siyang hinaharangang daan. Nang masigurong nasa maayos na lugar na siya nakatayo ay inisip niya ang sinabi ng babae tungkol sa matandang Alchea.
"Sa dulo ng baryo. Saan naman ang dulo ng baryo?" Pinagmamasdan niya ang mga gusali sa paligid habang nag-iisip. Unang tingin pa lang sa paligid ay alam na niyang mga makapangyarihang tao o adventurer ang nakatira sa parteng ito dahil sa mga nag-gagandahang mga gusali at bahay.
'Sa tarangkahan ang harapan, kaya dapat pala ay diretsuhin ko lang iyon hanggang sa marating ko na ang dulo ng baryo.' isip niya.
Lumakad na ang binata sa direksyon na tinahak niya kanina papunta sa gusali ng mga adventurer. Nang madaanan niya ito ay lumiko-liko lang siya ng ilang beses at narating niya na ulit ang kalsada sa harap ng tarangkahan.
Tumalikod ang binata at tinahak ang daan na ito. Lumakad siya ng lumakad hanggang sa ang mga naggagandahan at nagtataasang mga gusali na nasa paligid kanina ay napalitan na ng mga nagliliitang mga bahay na gawa sa kahoy, ang iba ay may mga sira pa nga na tila winasak ito ng bagyo o anumang sakuna.
'Nandito ang Alchemist? Pero tahanan ito ng mga ordinaryong tao.' Nagtatakang tanong ng binata sa sarili.
Ang Alchemist ay may matataas na posisyon sa bawat lugar na tinutuluyan nito. Respetado sila at hindi rin kokontrahin ng iba kung sasabihin na mas mataas ang katayuan ng Alchemist kaysa sa Adventurer. Bukod sa pagkakaroon nila ng abilidad na lumikha ng mga pills, may mga antas din sila ng lakas na maikukumpara sa malalakas na Adventurer.
Sila ang pinagmumulan ng mga pills na madalas binibili ng karamihan kaya naman siyempre, may mga ginagawa rin sila para sa kanilang mga sarili upang lumakas at maprotektahan ang kanilang sarili sa iba. Kaya naman nakakapagtaka para sa binata na sa ganitong lugar naninirahan ang posibleng respetadong Alchemist.
Nagpatuloy lang si Rain hanggang sa sumulpot siya sa malawak na lupain. Ang paligid nito ay napapalibutan ng mga puno na nagtataasan, kung titignang mabuti ay nasa tatlumpong metro ang lapad at lawak ng paligid nito na natatakpan ng mga puno.
Sa likod ng mga nakaharang na puno ay may makikitang maliit na parte ng bahay na binuo rin sa mga kahoy. Kung hindi titignang maigi ay mahihirapan itong makita ng mga normal na tao, mas lumakas lang talaga ang pandama, paningin, pangrinig at pang-amoy niya kaya natuklasan niyang bahay ito.
Inayos ni Rain ang postura niya at lumakad papasok sa mukhang maliit na gubat. Nang umapak ang mga paa niya sa loob ng mga puno ay ang malamig na ihip ng hangin ang sumalubong sa kaniya. Nanlamig ng kaunti ang katawan ng binata sa hindi niya malamang dahilan, pero dahil nandito na siya ay nilakasan niya na lang ang loob niya at pilit na lumakad paabante.
Habang naglalakad ay napahinto ang binata.
"Mn? Hindi ito lugar na p'wede mo na lang bisitahin, bata." Malamig at nakakatakot na sabi ng matandang babae sa likod ni Rain Goodman.
Nanlamig ang buong katawan niya at ang mga mata niya ay puno ng pagkagulat. Hindi pa niya nakikita ang pigura ng matanda. Hindi rin niya nadama ang aura at presensiya nito na p'wede niyang pagbasehan ng antas ng lakas. Ang alam niya lang ay nakakapangilabot ang boses ng matanda at ang buong katawan niya ay biglang nakaramdan ng takot, takot na sa isang iglap ay napalitan ng matinding panganib na nagtulak sa kaniya upang tumakbo paabante para makalayo.
Patuloy pa ring tumatakbo ang binata at nang maging komportable na siya ng kaunti ay binuksan niya ang kaniyang [Inventory] at inilabas ang [Foundation Grade] na espada. Diniinan niya ang hawak sa espada at mabilis na lumingon sa napakaikling oras.
Mapanganib ang sumulpot sa likod niya pero kailangan niya pa ring subukang lumaban, hindi siya papayag na papatayin na lang siya ng iba na walang ginagawa. Pero ang determinasyon niya ay nadurog lang sa tanawing sumulpot sa harapan niya, puro puno at sa sobrang tahimik nito ay mapapaisip ang isa kung mayroon ba talagang tao na sumulpot kanina sa likod niya.
Ang hinahawakan niyang espada ay gumalaw pababa ng kaunti kahit na mariin ang hawak niya rito. Hindi niya na lang ito pinansin at itinuon pa rin ang atensyon sa paligid.
"Espada na nasa [Foundation Grade]?."Nag-iba ang pakiramdaman niya sa hawak na espada na parang mahihirapan na siyang igalaw ito. Napayuko si Rain sa hawak na espada nang mapansin ang pagbabagong ito at pilit na iginalaw ang hawak para maiatake ito.
"Hehe. Isa ka pa lang [Body Strengthening 5] pero kinakaya mo nang humawak ng [Foundation Grade] na sandata?" Nakangiting tanong ng matandang babaeng hanggang tiyan niya lang. Puro kulubot na ang mukha nito, ang mapapayat niyang mga kamay at paa ay ganoon din.
Kung titignan ang pisikal na anyo nito, napakahina niya at mukhang liliparin kapag tinamaan ng may kalakasang hangin. Ngunit taliwas ang nakikita ni Rain sa mahina at payat na katawan ng matanda, sa harap niya ay isang halimaw na hinding-hindi niya matatalo kahit na ano pang gawin niya.
'Imposible. Siya nga?' Nang makita niya ang pigura ng matanda ay nakumbinsi na niya ang kaniyang sarili. Hindi magkaiba ang taong iniisip niya at ang matandang ito.
"Hehe. Joe, anong totoong antas ng rank mo? Nagagawa mong itago ang totoong aura ng rank mo sa'kin, may itinatago kaba?" Nakangiting tanong ng matanda, pero ang ngiti na dapat magpapagaan ng tensiyon at presyur sa binata ay mas pinalala lang nito.
"Hindi p'wedeng malaman ng iba ang tungkol sa totoong antas ng lakas ko." Binitawan ni Rain ang espada na hawak-hawak din ng babae ang talim na parang wala lang ito.
Ikinuyom niya ang kanang kamao at ibwinelo ito paatras para maibayo ng malakas sa kinaroroonan ng matanda ang pinaplanong suntok. Nang maging maayos na ang porma ng braso ay isinuntok niya ito sa direksyon ng matandang babae na mukhang unano ang tangkad.
Dumiretso ang kamao niya sa ulo ng matanda. Pakiramdam ni Rain ay bumagal ang takbo ng oras at ang mga kamao niya ay hindi agad maaabot ang babae, balisa niyang itinulak pa ng mas malakas ang kamao gamit ang suporta ng natural na enerhiya para mas mapabilis at mapalakas ang puwersa na mapapakawalan ng suntok niya.
Hindi naman na gumalaw ang matanda, bagkus, kalmadong iniliko lang nito ang nakatango niyang ulo sa kaliwa niya para tignan ang kamaong papalapit sa mukha niya.
'Tatama ako!' Masayang isip ni Rain sa nakikita.
Bigla naman binitawan ng matanda ang pilak na espada at iniharang ang isang daliri sa kamaong papalapit ng marahas.
BOOM!
Nang magtama ang bayolenteng kamao na nagtataglay ng natural na enerhiya sa payat na daliri ng matanda ay lumikha ito ng mahinang alingawngaw sa paligid.
"AAAAAAAAAHHH!"
Kasunod ng alingawngaw na nagmula sa nagtamang kamao at daliri ay ang miserableng iyak ng binata.
Nagpaikot-ikot sa sahig si Rain Goodman habang nakayakap sa kamao niyang isinuntok sa matanda, para bang nadama niya ang pinakamasakit na bagay na p'wede niyang maramdaman sa buong buhay niya.
Hindi kagaya ng binatang balisang sumisigaw sa sakit, ang matanda ay tahimik lang na nakatayo sa pinanggalingan niya habang ang daliri na ginamit pansalag sa suntok ni Rain ay nanatili sa p'westo nito na wari'y hindi man lamang ito gumalaw ng kahit na kaunti.
"Gusto mo bang maghiganti kaya mo tinatago ang totoong antas ng lakas mo? At saan mo nakuha ang espada mo?"
Bumuntong hininga si Rain Goodman at pilit na itinago sa loob niya ang takot na nadarama, tumingin siya sa mga mata ng matanda at nagsalita.
"O-oo, itinatago ko ang totoong antas ng lakas ko para hindi nila aasahan ang paghihiganti ko." Nanginginig ang bibig ni Rain habang nagsasalita. At ang kaniyang ekspresyon sa mukha ay parang maiiyak sa takot, hindi niya alam kung dahil ba sa kilala niya ang matandang ito o dahil sa presyur na ipinaparamdam sa kaniya ng matanda.
"Ang espada mo, saan mo nakuha?" Tanong niya sa binata.
"M-may natuklasan akong kayamanan na iniwan ng makapangyarihang Adventurer sa tagong kweba, bahagi ng malalim na parte ng Bloody Forest. Doon ko nakuha ang espadang ito at ang mga pills na tumulong magpabilis sa progreso ng rank ko." Kagaya pa rin ng presyur ang nararamdaman niya kaya walang nagbago sa ekspresyon niyang puno ng takot.
"Sumunod ka sa'kin sa loob, tungkol ba sa pills ang nais mo?" Tumatangong saad ng matandang Alchea. Ang mga mata niya ay parang mata ng mabangis na halimaw na nakatingin sa mahinang halimaw.
'Gamit ang presyur na ito, maliit lang ang posibilidad na makapagsinungaling siya.' isip ng matanda at inaya na sa loob ang binata para tanungin pa ito. Sa oras na magsinungaling sa kaniya ang binata ay tatapusin niya ito ng walang alinlangan.