Chapter 21

2178 Words
Chapter 21: Meeting them! Matapos tanggapin ang pabuya para sa ibinigay na mga ulo ng Giant Rat ay lumakad na siya palabas ng Adventurer's Guild. Huminto rin naman siya nang maalala niya ang lugar na susunod niyang pupuntahan, ang Blood Shop. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay sumaktong huminto siya sa harap ng pinto para isipin ang mapa ng Blood Village. Pero hindi rin naman tumagal at napatango rin siya sa naalalang kabuuan ng gusali, tatlong palapag ito at kung hindi siya nagkakamali ay malapit lang ang tindahan sa Adventurer's Guild. Kailangan niya lang lumakad sa kanang bahagi ng kalsada ng Adventurer's Guild at lumiko ng ilang beses. Sa taas ng gusaling iyon ay madali niya ring matatagpuan ang tindahan kahit na magkamali pa siya ng daan. "Mn?" Bago pa man bumalik sa reyalidad ang atensyon ni Rain Goodman ay wala siyang kamalay-malay na may binata at matanda na pala ang nasa harapan niya. Nakahalukipkip ang mga braso ng binatang may naiinis na ekspresyon na tila nakaranas ito ng matinding panglalait, at ang inis niya ay nakatuon ngayon sa kaharap na si Rain Goodman. Sa likod naman nito ay ang matandang lalaki na may mahabang buhok na umaabot hanggang sa ibaba ng balikat nito. Tahimik lang siyang nakatingin kay Rain Goodman. Pero ang tingin niya ay mapanindig balahibo sa sobrang lamig kagaya ng tingin ni Cleo Blood. Nang makita ng binatang tumango ng kaunti si Rain Goodman sa sarili ay lumala ang inis sa loob niya at hindi na napigilan ang sariling magsalita, "Joe? Anong tumama sa ulo mo at may lakas kana ng loob na humarang sa daraanan ko?" Ang binatang ito ay hindi kilala ni Rain, pero ang nasa likod nitong matanda na mukhang nasa limampu na ang edad ay kilalang-kilala niya. Tuluyan na ngang napunta sa harapan ni Rain Goodman ang atensyon sa narinig niyang naiinis na tono ng pananalita. Hindi niya naintindihan ang sinabi ng kaharap niya kaya tinitigan niya lang ito at inalala kung sino ang nasa harap niya. Sa kaniya namang pag-iisip ay wala siyang naaalalang kamukha ng binata, kaya naman kinonsidera niyang mahina ang kaharap at inilipat na lang sa kasama nito ang kaniyang tingin. Nang sumagi ang tingin niya sa mata ng matandang nasa likod ng binata ay nanlamig ang buong katawan niya. Pakiramdam niya ay nasa panganib ang buhay niya, sa harap niya ay nakatingin sa kaniya ang isang mabangis na halimaw na nagtatago sa katawan ng tao. Wala siyang nadaramang presensiya o aura sa matanda, ibig sabihin ay may posibilidad na normal na tao lang ito. Pero hindi, ang kaharap niyang matanda ay isang mabangis na Adventurer, ang kagaya nitong matanda ay hinding-hindi magiging ordinaryo, lalo na at alam niya pa ang katauhan nito. Ang kaharap niya ay ang isa sa mga Elder ng Blood Clan o kilala rin bilang tiyuhin ng pinakatalentadong Adventurer sa kasaysayan ng angkan nila, ang tiyuhin ni Cleo Blood. "Drey, masiyado ka pa rin talagang mainitin. Hindi mo kailangang itrato ng masama si Joe, kadugo mo pa rin siya." Paalala ng matandang nasa likod ng binatang nagngangalang Drey Blood. Ang tono ng pananalita nito ay hindi malumanay, hindi rin ito makikitaan ng dahas, at hindi ito mabuting pakinggan dahil sa lamig ng boses. Hindi madaling intindihin kung naiinis ba o natutuwa ang matanda. Pero kung ibabase sa binitawang mga salita ang opinyon ng matanda, ibig sabihin ay hindi siya sang-ayon sa ugaling ipinakita ni Drey Blood. Habang sinasabihan niya ang estudyante niya ay napunta kay Joe Blood ang tingin niya nang mapansing nanginginig ang mga kamay nito at may mga butil din ng pawis ang namumuo sa noo nito. Sa nakitang estado ng emosyon ng binata ay hindi naman na siya nagulat, mayroon talaga sa paligid niya ang nagbibigay ng matinding takot sa mga nakakasalamuha niya. Marahil ay kasalanan ito ng mga mata niyang parang yelo sa lamig kung makatingin, o baka naman dahil sa aura at presensiya niya na talagang nakakapangilabot. Medyo nakokonsensiya ay sinubukan niyang ngumiti sa binata para pagaanin ang loob nito. Sanay na siya sa ganitong sitwasyon kaya parang wala na lang ito sa kaniya. Pero kung alam lang nila na hindi naman talaga siya ganoon kasungit at istrikto ay baka mawala ang takot sa puso nila. Kaso, tuwing sinusubukan niyang linawin ang mga hindi pagkakaunawaan, sa hindi niya malamang dahilan ay mas napapalala lang niya ang problema. "Guro, si Joe na malas lang naman ang kaharap ko. Hindi ko kinokonsiderang kadugo ang malas na 'yan." Naiinis na sagot ni Drey na hindi napapansing iba na ang tunog ng sagot niya sa kagalang-galang niyang guro. Isa siyang mapagmataas na talentadong Adventurer. Hindi siya kasing talentado ni Cleo Blood at ang kaniyang potensyal ay masasabing mas mataas lang ng konsiderable sa mga normal na Adventurer. Pero ang binatang kaharap niya ay maraming haka-haka na nagsasabing isa itong malas. Bukod pa rito ay ang impormasyon tungkol sa kasalukuyang antas ng lakas ni Joe Blood, mas matanda ito sa kaniya ng ilang taon subalit ang level ng Rank niya ay mas mababa pa rin sa kaniya. Sa mundong lakas ang basehan ng respeto ay mas bumaba pa sa basura ang tingin niya rito. Pero ang agresibo at naiinis niyang tingin kay Rain Goodman na para bang inapakan nito ang pagkatao niya ay naglaho nang makaramdam siya ng isang daliring dumikit sa balikat niya. Dama niya ang bigat ng daliring dumikit sa balikat niya. Sa pagdikit nito ay may kakaibang enerhiya ang bigla na lang kumalat sa loob ng buong katawan niya. Hindi ito ang pisikal na lakas ng daliri, alam niya rin kasi na ang isang daliring 'yon ay may sapat na lakas para wasakin ng walang kahirap-hirap ang buong balikat niya. Pero sa kaniyang panlulumo ay nalaman niyang ang enerhiyang kumalat sa loob ng katawan niya ay nagpabigat sa katawan niya at pakiramdam niya ay nawalan ng enerhiyang tumayo ang mga paa niya. Gayunpaman, nanginginig niyang pinilit tumayo ang mga tuhod para hindi mapaluhod sa harap ng kinaiinisan niyang binata. ang p'wersa na nagmula sa balikat ay mabilis kumalat sa buong katawan niya. Kagaya ni Rain Goodman ay may mga butil ng pawis ang namuo sa noo niya at ang mga pawis ay napakalamig na nagbibigay ito sa kaniya ng hindi komportableng pakiramdam. Paglipas ng hindi niya malamang oras ay nagawa na nga niyang suportahan ang sarili para masiguro ang pagtayo niya. Tinignan niya ang balikat niya at tumumbad ang daliri na halatang galing sa matandang tao. Pero ang mga pawis sa noo niya ay mas dumami lang dahil sa takot, tila isang napakamapanganib na armas ang daliring nakadikit sa balikat niya na malaking banta para sa buhay niya. "Humingi ka ng paumanhin kay Joe. Totoong napagkasunduan ng mga nakatataas na sa labas ng baryo siya mabubuhay. Pero hindi nito mababago ang katotohanan na kadugo mo pa rin siya at kahit na hindi siya ginagalang ng iba, subukan mong respetuhin ang tibay ng loob niya para mabuhay at piliing magpalakas sa kinakaharap na sitwasyon. Hindi siya kasing talentado ng iba pero ang determinasyon niya ay kahanga-hanga. Kung hindi mo kayang respetuhin ang kagaya niya ay kakalimutan kong estudyante kita at puputulin ko ang lahat ng ugnayan ko sa'yo kahit na kaibigan ko pa ang mga magulang mo." Pangaral ni Elder Troy sa estudyante niya. Natauhan naman si Drey sa narinig niya na lalong nagpamutla sa mukha niyang parang wala ng dugo. Hindi siya puwedeng bumalik sa mga magulang niya na may ganitong balita, 'pag nangyari 'yon ay siguradong papalayasin siya ng mga magulang niya. Magkaibigan ang guro niya at mga magulang niya kaya malalaman at malalaman nila ang katotohanan sa huli. "P-pasensiya na, Guro." Nanghihina man ang katawan ay pinilit niyang humingi ng tawad sa guro. "Humingi ka ng paumanhin kay Joe. Siya ang nagawan mo ng kasalanan." Ani ni Elder Troy. Umukit naman ang inis sa mukha ni Drey sa kaniyang narinig. Ilang taon siyang mas bata kay Joe at mas mataas na ang antas ng rank niya rito, kaya natural lang na ilagay niya sa mas mataas na posisyon ang sarili kumpara rito. At ang humingi ng paumanhin sa mas mahinang tao ay masiyadong masakit para sa dignidad niya. Gayunpaman, nginitngit niya na lang ang kaniyang mga ngipin at tumingin ng masama kay Joe bago humingi ng paumanhin. "P-pasensiya kana Joe." Iniyuko niya na ang ulo niya para hindi makita ang mukha ni Joe na kinaiinisan niya na ng lubusan. "A-ayos lang 'yon. Kasalanan ko rin naman dahil kung ano-ano ang iniisip ko habang nakaharang sa daan. Pasensiya ka na." Nanginginig sa takot na sagot ni Rain habang hindi maiwasang ibalik ng paulit-ulit ang tingin kay Elder Troy. Medyo humupa naman ang galit ni Drey sa narinig na paghingi ni Rain ng paumanhin. Hindi niya na lang pinagtuunan ng pansin ang kaharap at lumakad na papasok sa gusali. Tahimik namang sumunod si Elder Troy at tinanguan ng may malumanay na ekspresyon si Joe sa nadama niyang aura nito, halos malapit na itong makatungtong sa [Body Strengthening 6]. Sa loob na lamang ng ilang linggong pagpupursigi ay siguradong aangat ang antas ng rank niya. Lumakad na rin paabante si Rain para makalayo na sa Elder. Walang duda na mapapahamak siya kapag may napansin itong kakaiba sa kaniya at nagdedisyon itong imbistigahan siya. .... Pagpasok ng estudyante at guro sa loob ng Adventurer's Guild Building ay napatingin ang ibang nag-iinom sa direksyon ng matanda, sumeryoso ang mga tingin sa mata nila at huminto rin sila sa paggawa ng mga ingay. Bilang isang Elder ng Blood Clan ay malaki ang respeto sa kanila ng mga mamamayan kahit na normal na tao o Adventurer pa sila, lahat ng mas mababa sa kaniyang posisyon ay dapat magbigay galang at hindi gagawa ng aksyon na ikaiinis nito. "Magandang tanghali, kagalang-galang na Elder Troy. Sa'yo rin, ginoong Drey." Nakangiting bati ni Ana sa dalawa. "Magandang tanghali, Binibining Ana." Tugon naman ni Drey na sinuklian niya rin ng matamis na ngiti. Tahimik namang tumango lang sa likod si Elder Troy. "Kailangan mo ba ng rekomendasyon sa misyon?" Tanong ni Ana sa binata. Bilang Receptionist, siya ang umaayos at madalas naglalagay ng mga misyon sa [Mission Board] kaya siya ang nag-iisang dapat pagtanungan kung may kailangang misyon sa pagsasanay si Drey. "Ano ang mairerekomenda mo, Binibining Ana? Nais ko sanang kumuha ng misyon na mapapalaban ako sa mga halimaw na [Body Strengthening 6]." Nakangiting saad ni Drey na parang pinagmamalaki niya ng sobra ang pagtaas ng antas ng rank niya sa 6. "Oh, binabati kita sa pagtaas ng level mo, Drey. Kung gusto mo ng misyon na may makakasagupa kang mga level 6 ay magandang piliin mo ang--" huminto ang dalaga at inisip kung ano ang p'wede niyang irekomenda sa binata, masiyadong mapanganib ang Bloody Tiger kaya hindi na siya nag-aksayang ihayag ito. Bigla niya naman naalala ang kaninang si Joe na may dala-dalang mga ulo ng Giant Rat at naalala niya ang isang misyon. "Sa teritoryo ng mga Giant Rat ay may namataang Hari ng mga higanteng daga ang mga batang Adventurer. Isa ring level 6 ang halimaw at higit pa itong mas mahina sa mapanganib na Bloody Tiger. Perpektong pagsanayan ng mga kakaapak lang sa Level 6." Paliwanag ni Ana kay Drey. "Giant Rat King? Ano sa tingin niyo, Guro?" Lumingon siya at magalang na tinanong ang matanda sa likod. "Maganda nga ang suhestiyon ni Ana. Pagkakataon mo na rin ito para makalaban ang isang rare na halimaw, madalang magkaroon ng Hari sa mga Giant Rat, mas mataas ang kalidad ng kayamanan na makukuha mo rito at hindi ito kasing panganib ng Bloody Tiger." Pagpayag ni Elder Troy sa suhestiyon. Kahit na magkaparehas ng antas ng rank ang Giant Rat King at Bloody Tiger, kapag pinagkumpara ang dalawa ay higit na mas malakas ang tigre, ang depensa sa katawan nito at ang pakiramdam sa paligid ay masiyadong mapanganib para kay Drey. Kahit gumamit siya ng espada ay mahihirapan siyang butasin ang depensa ng tigre kaya naman masiyadong malaki ang panganib na dala ng tigre. "Tama, pakiramdam ko ay nabalitaan din ni Joe kanina ang balita tungkol sa Giant Rat King. May dinala siyang sampong Giant Rat kanina dito at sariwang-sariwa pa ang mga sugat sa ulo ng mga daga. Siguro ay minalas lang siya sa paghahanap ng Giant Rat King kaya hindi niya napatay ang halimaw. Mukhang magdodoble ka ng trabaho, Ginoong Drey." Wika ni Ana. Pero nang marinig ito ng dalawa ay nagulat sila, kahit si Elder Troy na nasa likod. 'Sampong Giant Rat? Malinaw na level 5 pa lang si Joe, paano niya nagawang tumapos ng sampong Giant Rat?' nagtatakang isip ni Elder Troy. Kahit na mas malakas na siya ng kaunti sa isang Giant Rat, imposibleng hindi makaramdam ng pagod si Joe kaya mahihirapan itong makapatay ng sampong Giant Rat. "Tatanggapin ko na ang misyon para sa Giant Rat King." Nag-iinit na sambit ni Drey. Malinaw niyang nakita sa mukha ni Ana na napahanga ito sa nakita kaninang pagdala ni Joe ng sampong Giant Rat. Mahilig makipagkompetensya si Drey Blood kahit kanino, hindi siya pumapayag na nalalamangan siya ng iba maliban kay Cleo Blood.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD