Chapter 20: Giant Rat!
Sa gitna ng mainit na tanghali, walang ingay na maririnig sa bawat hakbang ng paa ni Rain Goodman na lumalakad papunta sa natatanaw niyang gubat. Kasalukuyang aktibo ang kaniyang Disguise Skill na kumopya sa katawan ni Joe Blood para masigurong protektado ang kaniyang tunay na katauhan. Hindi naman tumagal ang paglalakad niya sa gitna ng mainit na sinag ng araw dahil malapit lang ang Blood Forest na nais niyang puntahan.
Ang kaninang malinis at maluwang na espasyo sa paligid niya ay napalitan ng mga nagtataasang puno na humaharang sa mainit na sinag ng araw. Binaba na niya ang kanang kamay at tinuon ang buong atensyon sa paligid.
Noong nasa bahay pa siya ng tunay na Joe Blood ay humingi siya ng mapa nito sa Blood Forest. Maliit na parte lang ng gubat ang sakop ng mapang ipinakita ng binata sa kaniya subalit malugod niya pa rin itong tinanggap. Puro teritoryo ng mahihinang uri ng mga halimaw ang makikita sa mapa, wala ring ekstrang impormasyon sa teritoryo ng mga Bloody Tiger o iba pang mas malakas na uri ng halimaw na makakatulong ng malaki sa pagpapataas niya ng [EXP].
Pasok naman ang antas ng lakas ng mga halimaw na nasa mapa dahil kailangan niya lang pumatay ng mga halimaw na ang Rank ay [Body Strengthening 2] hanggang [Body Strengthening 5], mga katawan na dapat niyang ibenta sa Adventurer's Guild para makatanggap ng mga pabuya na kailangan sa plano niya.
Bumuntong hininga ang binata at nanghihinayang na nagwika, "Kung mayroon lang sanang mga impormasyon tungkol sa kinalalagyan ng mga Herbs at Pills, hindi na sana ako magpapakahirap pa."
Ang totoo niyan ay sumugal nga lang siya sa pagpunta rito upang kuhanin ng patago ang mga Herbs at Pills na gagamitin ng Blood Clan sa hinaharap para mas lumakas ang mga batang Adventurer sa kanila. Isa pa, kahit na malaman niya ang lokasyon ng mga kailangan niyang kuhanin ay hindi mababago nito ang napakaliit niyang tsansa na magtagumpay. Pero ang benepisyo na matatamo niya sa oras na magawa niya ang mga dapat gawin ay masiyadong malaki. Dalawa rin ang pinakamagandang benepisyo na makukuha niya rito.
Isa sa dalawang benepisyo ay ang pagpigil niya sa pangkalahatang laban sa pagitan ng Blood Clan ay Potara Village. Sa oras na mapigilan niya ang labang ito ay maraming trahedya ang mapipigilan niya sa hinaharap, 'pag nangyari 'yon ay mababawasan ang mga problema niyang kakaharapin. At ang pinakamalalang hinaharap na mapipigilan niya ay ang tuluyang pagkawasak ng buong Blood Clan. Tama, sa hinaharap ay tadhana na ng Blood Village ang mawasak, magsisimula ang lahat ng ito dahil sa mga Pills at Herbs na magpapalakas sa mga batang Adventurer, kasunod nito ay ang masaklap na tadhanang mga aksidente sa mga susunod na [Event].
Ang pangalawang benepisyo ay para naman sa sarili niya. Siya ay hindi normal na tao, nasa loob siya ng katawan ni Rain Goodman na dating karakter niya sa laro, karakter na kayang kumonsumo ng kahit anong Pills at Herbs na hindi magagawa ng iba. Sa oras na magtagumpay siya at makonsumo ang lahat ng Herbs at Pills na makukuha niya ay mataas ang itatalon ng [Stats] niya.
Nabanggit lang noon sa laro na ang rason kung bakit nagdeklara ng giyera ang Blood Clan laban sa mga batang Adventurer ng Potara Village ay dahil sa mga pills at herbs na ito. Matindi ang hidwaan ng dalawang baryo at wala mang balak na wasakin ang Potara Village sa giyerang ito, gusto naman nilang ipamukha sa mga kalaban na labis na mas malalakas at talentado ang mga Adventurer nilang mga Blood kaysa sa mga mamamayan ng Potara Village.
Pero kahit na ganoon lang ang hangarin ng Blood Clan, mayroong aksidenteng magaganap na magreresulta ng seryosong pinsala sa Blood Clan na maglalagay sa kanila sa miserable at desperadong sitwasyon, mapu-puwersa silang magkaroon ng pangkalahatang giyera sa Potara Village dahil ito na lang ang magiging paraan para makabangon pa sila.
At alam niya sa sarili niya na mahihirapan siyang pigilan ang aksidenteng iyon. Kaya ang pinakamagandang aksyon na maaari niyang gawin ay pigilan na mismo ang giyera sa hinaharap.
Alam niya naman na hindi pa rin tama ang binabalak niyang pang-aagaw sa pills at herbs ng Blood Clan. Pero para sa kaligtasan niya at ng mga kasama, handa niyang gawin ang lahat kahit na maging masama pa ang tingin ng lahat sa kaniya. Kahit na magalit at kasuklaman siya ng lahat ng tao sa mundong ito, kung makakabalik naman siya sa dati niyang mundo at makakasama ulit ang pamilya ay sobra niya na itong ikasasaya. Wala rin naman siyang balak na gumawa ng bagay na ikagagalit ng mundo sa kaniya kaya hindi niya rin ito masiyadong iniisip.
"Giant Rat, mukhang nandito na ako sa teritoryo nila." Bawat halimaw sa Bloody Forest at Niarich Forest ay may mga kaniya-kaniyang teritoryo na hindi tinatahak ng ibang halimaw.
Ang paligid ni Rain Goodman ay nababalot ng mas maraming mga nagtataasang puno, may kadiliman ang paligid at halos walang sinag ng araw na makikita sa madadamong sahig. Perpektong lugar para sa mga Giant Rat na mahilig magtago at umatake ng surpresa sa madidilim na lugar.
"May mga nagsisilabasan na agad. Mabuti naman kung gayon." Napangiti si Rain habang nakatingin sa mga punong magkakatabi na mas madilim ang paligid, kita niya ang ilang mapupulang mga mata sa tabi ng mga puno. Itim ang katawan ng mga ito kaya sumasanib ang kulay ng katawan nila sa kadiliman, at tanging mga mata nga lang nilang kulay dugo ang makikita.
Una pa lang ay nadama naman na niya ang presensiya at aura nila. Masiyadong mataas ang diperensiya ng antas ng rank niya sa kanila kaya hindi maitatago ng mga Giant Rat ang aura nila kay Rain kahit gaano pa nila kahirap subukan.
Binuksan niya ang [Inventory] niya at kinuha ang [Foundation Grade] na espada. Nginitian niya ang tatlong Giant Rat sa magkakatabing puno at sumipa sa sahig para lumakas ang puwersa ng pagtalon niya pasugod sa kinaroroonan ng mga halimaw.
Sinugod niya ang mga halimaw sa kanilang pinagtagaguang kadiliman na hindi makikitaan ng takot sa mukha. Mahihirapan siyang makita sila sa kadiliman, pero ang mga mata nila at ang presensiya nila na malinaw niyang nadarama ay hindi makakawala sa kaniya. Ito rin ang pinagmumulan ng kumpiyansa niya sa sarili, siyempre, kampante rin siya dahil alam niyang walang sapat na lakas ang mga halimaw para sugatan ang balat niya. Kahit na sabihing [Foundation 1] na ang mga Giant Rat ay hindi pa rin nila magagalaw ang depensa niya. Kaya naman ano pang dapat niyang katakutan sa mahihinang 'to?
SCREEEEEEETCH!
Umalingawngaw sa tahimik na paligid ang atungal ng mga daga na parang agila.
Sumugod din ang mga halimaw kay Rain at nang lumabas sa mas madilim na bahagi ay lumitaw sa paningin ng binata ang mga katawan nilang hanggang tuhod niya at ang katawan nila na kasing laki naman ng tiyan ng tao. May katabaan ang katawan nila pero ang bilis na pinapakita nila ay kahanga-hanga.
Kapansin-pansin din ang isang maliit na itim na sungay sa gitna ng noo nila kagaya sa karamihan ng mga halimaw, ang sungay na ito ang nag-iisang kailangan ng Guild para gawing materyal sa pag-gawa ng may mga grado na armas. Ang katawan kasi ng Giant Rat ay puno ng mga bakterya at may lason din ito kaya walang bumibili ng katawan nila sa Adventurer's Guild.
Tinaas niya ang hawak na espada sa harap ng nauunang Giant Rat. Nang ilang pulgada na lang ang layo ng daga ay inihawi niya pababa ang espada sa ulo nito, tumama ang espada at mabilis itong bumaon sa ulo ng halimaw na parang matalim na kutsilyong humihiwa sa malambot na tinapay. Gayunpaman, hinila niya agad pataas ang espada at iwinasiwas ito sa pangalawang daga na tumalon na sa harap niya. Kagaya nang nauna, matagumpay na tumama ang matalim na espada sa katawan ng halimaw na mabilis nitong ikinamatay.
Hinila niya ang duguang espada sa katawan ng daga at napansin niya na lang na nakahinto na pala ang natirang daga. Nakatitig ito kay Rain na nanginginig ang katawan at ang pagiging agresibo ng mukha nito ay napalitan ng takot, kahit ang mga mata niyang kulay dugo ay makikitaan ng takot.
"Dahil diyan, tatapusin kita na wala kang nararamdamang sakit." Humakbang ng dalawang beses si Rain palapit sa daga at huminto nang nasa gilid na siya nito. Itinaas niya ang espada na sinusukat ang leeg ng halimaw, nang makuntento na siya sa kalkulasyon niya, malakas niyang inihawi pababa ang espada na dumiretso sa leeg ng Giant Rat.
Nahati ang leeg ng Giant Rat at bumagsak ang ulo nito sa sahig. Bumagsak din ang katawan nito na tumatagas ang dugo sa taas.
Kinuha niya ang ulo ng Giant Rat at itinabi ito sa [Inventory]. Ganoon din ang ginawa niya sa mga naunang pinatay na halimaw. At nagpatuloy na siya sa paglalakbay niyang paghahanap ng mga Giant Rat.
....
Mabilis niyang naipon ng walang kahirap-hirap ang bilang ng mga halimaw na hinahangad niyang mahuli. Kailangan niyang kumuha ng sampong ulo ng Giant Rat upang maibenta ito sa Guild. Hindi niya kabisado ang presyo ng bawat isa pero ang naaalala niya ay lalagpas ito ng isang silver coin, para magawa ang mga kailangang gawin sa baryo ay dapat na may sampo pataas na silver coin siya para magkaroon ng sapat na pera para sa tindahan at sa isa pang pakay niya.
Ginamit niya ulit ang [Disguise] niya at kinopya ang katawan ni Cleo Blood. Babalik muna siya sa tahanan ni Joe dahil sa isang bagay na nakalimutan niya.
....
Nang makabalik siya sa tahanan ni Joe ay hindi naman na siya nagpakita rito. Lumakad lang siya palapit sa mga sibat na tumatakip sa bakuran ng bahay at binunot ang isa sa mga ito. Marami ang mga sibat at kahit naman mabawasan ito ng isa ay hindi ganoon kalaki ang mababago kaya mananatiling ligtas ang bahay sa mga halimaw.
"Inventory." Sumulpot sa harap niya ang screen ng [Inventory] na punong-puno ng mga katawan ng halimaw. Pero ang halos walumpong porsiyento ng mga ito ay bangkay ng mga Bloody Tiger na mukhang kakamatay lang. Hinanap niya sa pinakababa ang ulo ng mga Giant Rat at isa-isa itong inilabas hanggang sa nagsibagsakan na lahat ang sampo sa sahig.
May kahabaan naman ang mukhang sibat na hawak niyang kahoy. Hanggang balikat niya ito at hindi naman siya magkakaproblema sa binabalak na pagtusok.
Kagaya ng plano, itinusok niya sa sibat ang mga ulo ng Giant Rat. Ginamit niya ulit ang [Disguise] at naging kamukha niya ang buong pigura ni Joe Blood, matapos ayusin ang buhok, binuhat niya na ang kahoy na napupuno ng ulo ng mga Giant Rat tiyaka isinabit sa balikat niya.
Nang makumpirma sa sariling wala na siyang problema, sinimulan na niyang maglakad papunta sa loob ng baryo.
....
Blood Village, Adventurer's Guild Building
Ang gusali ng mga Adventurer sa Blood Village ay gawa sa materyal na kahoy. Gayunpaman, medyo kakaiba ito kumpara sa Potara Village. Sa loob ng gusaling ito ay may mahabang lamesa na kinaroroonan ng isang magandang babae, sa likod niya ay may isang pintuan. Sa gilid naman ng babae sa kanan niya ay ang parihaba na halos isa't kalahating metro ang taas at apat na metrong lapad na kahoy kung saan may mga maliliit na papel ang nakadikit; ang bawat papel ay misyon na puwedeng tugunan ng mga adventurer, subalit may mga panuntunan ang bawat misyon kagaya sa mga Rank na kailangan ay may mataas na antas ng lakas.
Sa tapat ng mahabang lamesa ng babae nasa anim hanggang pitong metro ang layo ay may mga bilog na lamesang gawa sa kahoy, napapalibutan ito ng mga upuan na inookupahan ng mga matatandang adventurer na masayang nag-iinuman kahit na tanghaling tapat pa lang. May kaingayan ang paligid kaya hindi magandang tambayan ng mga taong gusto ng katahimikan ang gusali.
Ordinaryong araw lang ito para kay Ana Blood, ang Receptionist ng Adventurer's Guild. Maputi ang kutis ng babae at ang mga mata niya ay kagaya ng buhok niyang kulay dugo, ngunit ang mga mata niya ay naglalabas ng inosente at mabuting tingin na nakakahikayat sa marami. Higit pa roon, ang edad niya ay dalawampu pa lang kaya napakabata pang tignan ng mukha niya.
Nakasuot siya ng bistidang puti na may halong itim sa ilang parte na kahawig sa sinusuot ng mga yaya. Tahimik at nakangiti lang niyang pinagmamasdan ang matatandang adventurer na nagsisigawan pa minsan nang biglang bumukas ang pinto.
Napunta sa pintuan ang tingin niya at nagulat siya ng kaunti nang iluwa nito ang binatang hindi niya inaasahan na bibisita agad.
"H-huh? Joe Blood?" Kinuyumos ni Ana saglit ang mga mata niya at tumingin kay Joe.
"Ehh? Nasa balikat niya pa rin?" Gulat na bulalas niya nang makitang hindi pa naglalaho ang ilusyon na nasa balikat ni Joe. Imposible talaga ito dahil alam niyang tuwing bumibisita ang binatang ito ay nagbebenta lang siya ng isa o dalawang [Body Strengthening 5] na halimaw.
Lumakad si Rain palapit sa dalagang receptionist na medyo komplikado ang ekspresyon. Mayroon pang takot sa loob niya dahil pinasok niya ang teritoryo ng mga kalaban na siguradong papatayin siya kapag natuklasan nila ang katauhan niya. Pero nang makita niya ang parang batang reaksyon ni Ana habang nakatingin sa kaniya ay medyo nabawasan ang tensiyon sa paligid niya. Puro ang kabutihan ni Ana kagaya ni Anya na Receptionist din kaya hindi niya maisip na sa hinaharap ay may p'wedeng mamamatay sa mga inosenteng kagaya nila.
"M-magandang tanghali, Joe. Ibebenta mo ba lahat ng Giant Rat na dala mo?" Ibinalik ni Ana ang normal na postura niya nang makaharap na ang binata.
"Ibebenta ko nga." Maikling tugon ni Rain. Ayaw niyang magsalita masiyado upang hindi siya paghinalaan ng dalaga.
"Ilapit mo na lang sa'kin dito." Ani niya at itinapat ang malinis niyang palad sa harapan na nakasuot ng pilak na singsing.
Tumango si Rain at idinikit nga ang hawak niyang sibat na kinalalagyan ng ulo ng mga Giant Rat. Nang magdikit ang palad ng babae at ang isa sa mga ulo ng Giant Rat ay nabalot ng liwanag ang sampong ulo, gumalaw ang lumiliwanag na mga ulo at dumiretso ito papasok sa singsing na suot-suot ni Ana.
"Sandali lang." Pumasok sa pintuang nasa likod niya si Ana para kumpirmahin ang katawan ng mga Giant Rat.
Makalipas ang ilang minutong paghihintay ay bumukas ulit ang pintuan at iniluwa nito ang babae na may hawak-hawak na isang [Pouch].
"Nariyan na ang dalawampung silver coins para sa mga Giant Rat. Sana ay maging madalas na ang pagbisita mo rito." Iniabot ni Ana ang hawak na pouch at malugod naman itong tinanggap ni Rain.