Chapter 19

2828 Words
Chapter 19: Visiting Blood Clan! Tahimik na nakapikit ang mga mata ni Rain Goodman. Diretso ang likod niyang nakasandal sa puno habang komportableng nakaupo. Sa kalangitan ay ang madilim na senaryo, at ang paligid niya ay natural lang na madilim din ng kaunti. Gayunpaman, hindi naman ito gayon kadilim na hindi na makikita ang pigura niya. Para siyang estatwa sa hindi niya paggalaw, ang posisyon niyang ito ay nanatili ng isang minuto. At nang makampante na sa kaniyang kinakabisado ay binuksan niya ang mga mata niya at kalmadong bumigkas ng isang salita, "Hide." Pagkabigkas niya ng skill na ginamit ay pumalibot sa katawan niya ang kakaibang enerhiya na hindi kita sa mata. Dumikit sa balat ng braso niya ang enerhiyang ito at mabilis na kumalat sa buong katawan niya. Walang bahid ng alinlangan o takot ang binata sa nadama niyang enerhiya na parang bumubura sa kaniyang presensiya. Sa halip, hinayaan niya lang itong sakupin ang katawan niya at wala pang tatlong segundo ang lumipas ay tuluyan na ngang nabura ang presensiyang inilalabas ng katawan niya. Bumungad sa repleksyon ng mga asul niyang mata ang Wild Boar na limang metro ang distansiya sa kaniya. Tinignan niya ang mga mata ng baboy at mapapansin ang pagtataka sa mga ito. Hindi lang 'yon, gumalaw na ang mga paa ng baboy ramo para suriin ang mahiwagang nangyayari sa harapan nito. Ipinikit ulit niya ang kaniyang mga mata at hinayaang lumapit ang nagtatakang halimaw. Lumapit ng lumapit ang halimaw at nang ilang pulgada na lang ang distansiya niya sa taong nakapikit ay inilapit pa nito ang ilong niya para amuyin ang binata. Sa kaniyang dismaya nga lang ay wala pa rin itong naaamoy, kahit nga ang presensiya nitong naglaho na parang bula ay wala pa rin. Dahil dito ay inilapit pa ng halimaw ang ilong niya hanggang sa dumikit ito sa noo ng binata. Ang pagtataka sa mga mata ng Wild Boar ay napalitan ng matinding takot, sa maikling segundong pagdikit ng ilong niya at katawan ng tao ay malinaw niyang nadama ang panganib na dala ng binata. Hindi ugali ng halimaw ang umatras tuwing nakakakita sila ng mga tao. Pero natuklasan agad nitong ang kaharap niya ay hindi normal at siya ang magiging pagkain nito 'pag hindi siya lumisan. Tumakbo palayo ang halimaw na  para bang nakasalalay ang buhay niya at magtatapos ito 'pag bumagal siya. Gumawa ito ng ingay na bumulabog sa katahimikan ng paligid. Gayunpaman, komportable at kalmadong-kalmado pa rin na nakaupo ang binata habang ang mga mata niya ay nanatiling nakapikit. Ilang sandali pa, bumukas ulit ang mga mata ng binatang ito at sumulpot ang mala-dagat niyang mata sa asul. Umukit ang ngiti sa labi niya at napatayo siya sa kaniyang kinaroroonan. "Tagumpay ang Hide Skill. Bukod pa roon, kung iba-base sa natural na enerhiyang taglay ko ang limitasyon nito ay tatagal itong aktibo kahit na wala pang hinto ang gawin ko." Masayang wika niya habang nakatingin sa halimaw na unti-unting nawawala sa tanawin niya. Madaling araw pa lang ay nasa loob na siya ng Niarich Forest. Kagaya ng inaasahan niya ay hindi na agad siya makakatulog ng mahimbing dahil sa mga kailangan niyang tugunan. Isa na nga rito ang pagsasanay niya ng mga biniling skill sa [Event Shop]. Dito niya piniling magsanay sapagkat may dalawa siyang rason; isa ay para iwasan ang aksidenteng pagdama ng makapangyarihang Adventurer sa Natural na enerhiyang gagamitin niya para mapagana ang mga skill, pangalawang rason ay upang mapalapiy siya sa pupuntahan niyang lugar. Kaya naman wala siyang ibang naiisip na rason para hindi magsanay ng patago sa gubat. "Disguise." Ipinikit muli ni Rain ang mga mata niya at inimahe sa isip niya ang pigura ng isang binata. Ang kaisa-isang kailangan niyang gawin ay mahawakan ang mga tao na gagayahin niya ang anyo, at may ilan na siyang nahawakan kagaya nina Grim Crow, Cleo Blood, at iba pa. Ang asul na buhok ng binata na nagbibigay ng kalmadong pakiramdam ay nagkaroon ng pulang tuldok sa bandang gitna, tuldok na sa isang iglap ay sinakop ang asul na buhok kaya ang kabuuan ng buhok niya ay napalitan ng kulay dugo na kabaliktaran ng kanina ang pakiramdam na ibinibigay, magulo at walang senyales ng kapayapaan. Matapos mabago ang kulay ng buhok ay awtomatiko ring napalitan ang detalye ng istilo nito na kagayang-kagaya sa buhok ni Cleo Blood. Walang nararamdamang kakaiba si Rain Goodman sa pagbabago ng buhok niya. Pero ang mga mata niya ay parang nag-iba ang pakiramdam sa tanawin nang mapalitan ang mala-dagat niyang mata ng kulay dugong pares ng mata. Hindi pa rito natapos ang lahat, ang maamo niyang mukha ay napalitan ng malamig na ekspresyon. Ang malamig niyang ekspresyon sa gitna ng proseso sa pagbabago ng katawan niya ay nagulat. Taimtim siyang tumingin sa kaliwang braso niya at nakitang ang kalahating ito ay bumalik sa normal. Hindi naman siya masiyadong natuwa sa nalaman kahit na malaking tulong ang magagawa nito para sa kaniya, dama niya kasi na ang namuong kaliwang braso ay maihahalintulad lang sa normal na lakas ng mga normal na tao. Gayunpaman, umukit pa rin ang ngiti sa labi niya. "Bumalik ang kaliwa kong braso." Kinuyom-kuyom niya ang kaliwang braso at pumulot ng maliit na bato sa sahig. Humakbang siya paabante ng kaunti at ib'winelo ang kaliwang braso para ihagis ang bato gamit ang buong lakas niya. Ang resulta, katulad nga sa inaasahan niya ay kasing lakas lang ito ng normal na tao. Mahina man ang kaliwang braso at hindi kagaya ng kanan niya na kayang magpatumba ng mga halimaw sa isang suntok, masaya pa rin naman siya dahil hindi na siya mahihirapan pang umisip ng palusot para ipaliwanag sa mga makakasalamuha niya ang tungkol sa putol na braso. Puwede niya rin itong gamitin sa mga kailangan niyang gawin kagaya ng pagkain o paglilinis ng katawan. Sa isang iglap, bumalik din ang mukha ng binata sa dati niyang anyo. Natuklasan niya rin na kahit gamitin niya ng diretso sa loob ng tatlo hanggang apat na oras ang [Disguise Skill] niya ay wala siyang magiging problema. Maaari rin siyang magmuni-muni para mas mabilis na humigop ng natural na enerhiya habang aktibo ang skill. "Mas mabilis kumonsumo ng natural na enerhiya ang Hide. Pero hindi ko rin naman masiyadong gagamitin ang skill kaya wala ring problema," Wika niya at inihanda na ang sarili para lumakad na palabas ng Niarich Forest. Alam niya ang daan papunta sa Blood Village, ngunit kailangan niyang lumabas ng Niarich Forest para makapunta roon. .... Blood Clan Village Ang baryo ng Blood Clan ay halos kaparehas lang din ng Potara Village. Hindi, may isa pa lang kakaiba sa Blood Village na wala ang karibal na baryo. Ito ay ang maliit na tahanan sa labas ng nagtataasang pader na pumo-protekta sa mga mamamayan at tahanan nila. Malapit lang ang maliit na bahay sa Blood Forest. Kung kakalkulahing maigi ay malalamang ang layo nito sa mapanganib na gubat ay nasa dalawampung metro lang, kaya madalas itong inaatake ng mga naliligaw na halimaw, mabuti na lang talaga at mahihinang uri lang ang mga umaatake. Ang maliit na bahay ay may bakuran sa harapan nito. Pero ang bakuran nito ay ang mga nagtatalimang sibat na nakatayo ng matibay. Ito ang nagsisilbing proteksyon ng binata para hindi siya maatake sa loob ng kaniyang tahanan habang natutulog. Nakatira rito ang isang binata na kinatatakutan ng mga ordinaryong mamamayan ng Blood Clan. Iniisip nila na isinumpa ang binatang ito sa matinding kamalasan kaya marami ang mga nagprotesta na patirahin ito sa labas ng baryo. Mag-isa na lang sa buhay ang binatang nakatira rito dahil nga sa aksidenteng naganap noong bata pa lang siya, hindi, patagong inatake ng mga kalaban ang magulang niya na nagresulta sa kanilang kamatayan. Kaya kahit na hindi mataas ang potensyal ng binatang ito na nagngangalang Joe Blood, pursigido pa rin siyang lumakas para maipaghiganti ang kamatayan ng mga magulang niya sa kalabang baryo. Ang mga mata niya at buhok ay kulay dugo. Ang istilo ng buhok niya ay medyo kagaya sa mga matatanda, pero ang kaniya ay hanggang sa balikat lang ang haba. Ang isa pang pinagkaiba nito ay ang buhok niya ay madalas nakatali sa likod. Pasikat pa lang ang araw at nasa bakuran na agad siya ng tahanan niya. Nakahiligan na niyang pagmasdan ang matalinhagang pananakop ng liwanag sa madilim na paligid tuwing madaling araw, naniniwala kasi siya na sa huli, ang masasama ay matatalo ng kabutihan, at para sa kaniya ay puno ng masasamang tao ang Potara Village na dapat talunin ng Blood Clan niya. Dahil sa paniniwalang ito ay may ilan na siyang nabiktimang batang Adventurer sa Potara Village. Tuwing hindi niya na nakokontrol ang emosyon ay patago siyang bumibisita sa Niarich Forest at matiyagang naghahanap ng mga batang Adventurer na kaya niyang paslangin. Kaso, masiyadong madalang ang mga batang Adventurer na bumibisita sa Niarich Forest kaya sa huli ay nagdesisyon din siyang itigil na ito kahit na matagumpay ang mga nauna niya. "Malapit naman na ang plano ng mga Elder. Sa oras na mabiyayaan ako ng pill ay mas lalakas ako. At mas darami ang mga mabibiktima kong mahihinang Adventurer sa Potara Village." Habang masayang ini-imahe ang binabalak sa hinaharap ay may binatang nakasuot ng pulang damit ang sumulpot sa harap ng bakuran niya. Ang mga mata nito ay nakakapanindig balahibo at ang aura na inilalabas nito ay sapat na para takutin ang mga nasa paligid niya. "G-ginoong Cleo? Anong ginagawa mo rito?" Nahinto sa iniimahe si Joe Blood nang makita niya ang sikat at kilala ng lahat bilang pinakatalentadong binata sa angkan nila. Nagtataka siyang lumapit sa tarangkahan ng pader niya. Hanggang balikat ni Cleo Blood ang taas ng matutulis na mga kahoy kaya kitang-kita ang mukha ng binata. Hindi niya alam kung ano ang rason kung bakit nandito ang binatang ito, maganda o masama ang hangarin ay wala pa rin siyang karapatan na paghintayin si Cleo. Lumakad palapit si Joe sa tarangkahan na may matutulis na kahoy rin sa taas. Pero napahinto siya nang matakpan ng anino ang kinaroroonan niya kaya napatingala siya, sa himpapawid ay nakita niyang tumalon na pala papasok si Cleo. Pagtapak ng mga paa nito sa sahig ay nasa likod na niya ito. Hindi lumingon si Cleo Blood at lumakad pa ito para pumasok sa nakabukas na pintuan ng bahay. Kakaiba ang ipinapakitang ugali ni Cleo Blood ngunit hindi na lang ito pinansin ni Joe at isinantabi na lang muna dahil mas mahalaga ang mapasaya niya ang bisita, hindi niya puwedeng galitin o inisin ang binatang ito kahit na ano pa ang mangyari. Pumasok si Cleo Blood sa loob ng bahay na walang paalam. Tahimik naman na sumunod si Joe Blood para ipaghanda ito ng makakain at maiinom. Pero nang makapasok siya sa loob ng bahay ay biglang sumara ng marahas ang pintuan, kasabay nito ay ang mariing kamay na biglang sumakal sa leeg niya at nakita niya na lang ang sarili na lumulutang pataas. "Lumaban ka at papatayin kita." Sa harapan ni Joe ay ang bisita niyang naglalabas ng pagkahayok sa dugo, ang mga mata nito ay sumesenyales din sa matinding panganib na taglay nito. "Bibitawan kita pero papatayin kita sa oras na lumikha ka ng kahit na anong ingay. Naiintindihan mo ba? Ipikit mo ang mga mata mo ng dalawang beses kung naiintindihan mo." Malamig na banta niya sa sakal-sakal na si Joe. Pumikit ng dalawang beses si Joe Blood habang ang mukha niya ay namumutla na sa kawalan ng hangin. Binitawan naman siya agad ni Cleo nang makita ang desisyon nito. Nanghihinang bumagsak ang katawan ni Joe Blood habang hinahabol ang hininga niya. "A-anong kailangan mo?" May takot na tanong ni Joe Blood habang hinihimas-himas ang leeg para pahupain ang nararamdamang kirot dito. Pakiramdam niya ay nakaligtas siya sa bingit ng kamatayan. Istriktong ipinagbabawal ang pagpatay sa kapwa nila adventurer sa Blood Village. Kahit pa pinakatalentado si Cleo Blood at basura siya kung ikukumpara rito ay wala pa ring karapatan ang binata na suwayin ang panuntunang ito. Sa halip na makampante, sa hindi niya malamang dahilan ay malakas ang kutob niya na gagawin nito ang bantang binitawan sa oras na sumuway siya sa kagustuhan nito. "Kailangan mo lang manahimik." Paliwanag nito na nagpakomplikado sa ekspresyon ni Joe Blood. Madalang siyang bumibisita sa loob ng baryo. Wala siyang mga kaibigan maliban sa isang tao na isang linggo nang nawawala, kaya hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ni Cleo Blood sa sinabi nito kahit na anong pilit niya. Lumaki bigla ng kaunti ang mga mata niya nang maalala ang mga balita na kumakalat noong bumisita siya kailan lang sa Adventurer's Guild para magbenta ng katawan ng mga pinaslang niyang halimaw. Ayon sa balita, may binatang tumalo kay Cleo Blood na galing sa karibal na baryo. Siguro ay nakaramdam ng kahihiyan ang binatang ito na itinuturing na bituing may pinakamasinag na liwanag na nilalabas, hindi niya matanggap na may mas maliwanag na bituin ang susulpot na lalampaso sa kaniya. Kaya hindi niya kinakayang humarap ngayon sa iba? "Nais mo bang manirahan dito sa bahay ko pansamantala?" Tanong niya sa binata. Kung dito nga mananatili si Cleo ay literal na walang iba pang makakakita sa kaniya, kahit na mag-ensayo siya rito hanggang maging kampante sa lakas ay mananatiling tahimik ang buhay niya. "Mn? Parang ganoon na nga. Kailangan mong magkulong dito sa bahay mo ng isang linggo." Paliwanag ni Cleo Blood at naglabas ito ng pilak na espada sa kaniyang [Inventory]. Matapos sumulpot ang espada ay nakaramdam na naman ng takot si Joe. Gayunpaman, hindi na ito kasing lala ng kanina dahil napansin niyang kayang-kaya siya nitong patayin ng walang kahirap-hirap gamit lang ang pisikal na lakas nito. "Ayaw mong pumunta ako sa baryo para walang makaalam na nandito ka?" Naguguluhan pa siya ng kaunti sa inaasta ni Cleo Blood pero unti-unti niya naman na itong naiintindihan. Idagdag pa ang pagiging talentado nito, marami na rin siyang naririnig na ang mga talentadong tao ay may mga kakaibang ugali, sa pinapakita ngayon ni Cleo, sobrang taas ng dignidad niya at ayaw niyang malaman ng iba na patago siyang nag-eensayo ng ekstra para makabawi sa tumalo sa kaniya. "Tama, 'pag nalaman kong lumabas ka papuntang baryo, papatayin kita nang patago. Ayaw ko rin na babanggitin mong nagkausap tayo kung may mga magiging bisita ka man." Banta ulit ni Cleo Blood at itinutok niya ang dulo ng espadang hawak sa leeg ni Joe. Medyo mariin ang pagkakadikit kaya nahiwa ang balat ng leeg nito at may kaunting pulang likido ang tumutulo rito. Namuo ang ilang butil ng pawis sa noo ni Joe at pilit na pinipigilang lumunok sa takot dahil kapag ginawa niya iyon ay aabante ng kaunti ang harap ng leeg niya kung saan nakatutok ang espada. Dahan-dahan na lang siyang sumagot, "O-oo. Nangangako akong walang makakaalam na nandito ka." Gusto niyang umatras para lumayo ang leeg niya sa espada pero natatakot siya na baka ikagalit ito ni Cleo. "Mabuti naman. H'wag kang mag-alala, kapag tapos na ako sa kailangan ko ay bibigyan kita ng katawan ng mga Bloody Tiger na huhulihin ko." Bigla na lang naglaho na parang bula ang espada sa kamay ni Cleo. Pero hindi ito napansin ni Joe Blood dahil ang nakapukaw ng atensiyon niya ay ang sinabi nitong magbibigay ng katawan ng mga Bloody Tiger! Para sa kaniya na nabubuhay mag-isa, napakalaking tulong ng makukuha niya 'pag nagbenta siya ng katawan ng Bloody Tiger. Maraming pag-gagamitan nito ang Adventurer's Guild at maaari ring ibenta ang karne o katawan nito para gawing disenyo. "S-sandali, nasa level 7 ka na?" Hindi makapaniwalang tanong ni Joe. Mas matanda siya ng tatlong taon kay Cleo pero siya ay nasa level 5 pa lang dahil sa normal niyang talento. "Tama, pero kailangan kong maging level 8 agad sa loob ng isang linggo. Kaya h'wag na h'wag mong sasayangin ang oras ko para lang imbistigahan ka kung lumabas kaba ng bahay mo o hindi." Malamig na tugon niya. "N-naiintindihan ko. May mga reserba rin naman akong pagkain." .... Nanatili sa loob ng bahay ni Joe Blood ang binata hanggang tanghali. Humingi ng mapa ng Blood Forest si Cleo kay Joe na medyo ikinagulat nito. Pero sa huli ay binigyan niya pa rin ito ng walang alinlangan. Kagaya ng napag-usapan nila, isinara ni Joe ang bahay niya at ikinulong ang sarili roon. Wala rin naman siyang balak lumabas dahil mabilis mag-init ang ulo niya kapag naririnig niyang pinag-uusapan siya ng mga tao tuwing bumibisita siya sa baryo. Lumabas ng bahay si Cleo Blood. Dumiretso siya palabas sa tarangkahan ng bakuran, habang naglalakad ay nagbago ang buhok niya, humaba ito ng kaunti hanggang balikat niya at ang mukha niya ay naging kamukhang-kamukha ni Joe Blood. Ang pinagkaiba lang ay hindi nakatali ang buhok niya. Pero agad din naman siyang naglabas ng tali ng buhok at itinali sa likod ang mahabang buhok. "Masiyado pa lang mahina si Joe. Hindi ko puwedeng maibenta ang Bloody Tiger, maghihinala sila." Banggit ng binatang ito at dumiretso na lang siya papunta sa Blood Forest na dalawampung metro lang ang layo sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD