Chapter 18

2390 Words
Chapter 18: Preparing! Mas mainit sa normal na sinag ng araw ang tumatama sa kalupaan ng buong Potara Village at iba pang mga lugar. Sa gitna ng mainit na panahon ay nasa loob lang ng tahanan niya ang binata. Gayunpaman ay damang-dama niya sa loob ang mainit na temperatura kahit nakabukas na ang bintana ng bahay niya. Tulala siyang nakatayo sa tabi ng kama niya habang ang buong atensyon niya ay nakatuon sa hawak na espada. Ordinaryo lang ang disenyo nito at malinaw na gawa ito sa pilak. Walang kapansin-pansin na espesyal sa sandata, kahit ang aura nito ay walang pinagkaiba sa mga mababang kalidad. Sa madaling salita, ang espada niya ay ang uri na hindi pagtutuunan ng pansin dahil sa pagiging ordinaryo nito. Ito ang espada na binili niya sa [Event Shop]. Ganito ang anyo ng espada, pero sa oras na matuklasan ng iba ang talim at tunay na kalidad nito ay siguradong mag-aagawan ang marami para makuha ito sa kaniya. Kung iba-base pa lang sa grado ng espada ang pangkalahatang lakas nito ay kahit ang mga Black Tiger na may matibay na katawan, mahihiwa nito ng walang kahirap-hirap. Noong una ay nag-aalinlangan pa siya sa armas na pipiliin niya. Pero ngayong naputol ang kaliwang braso niya ay buo na ang desisyon niya upang piliin ang espada. Hindi na niya magagamit ang dalawa niyang braso at malaki ang magiging lamang ng kalaban sa kaniya kung lalabanan niya sila ng isang kamay lang. Kaya naman masasabing wala na rin talaga siyang pagpipilian pa kundi piliin ang sa tingin niya ay pinakamadaling sanayin. Humakbang paabante ng dalawang beses ang binata at sinukat niya ang espasyo ng paligid. Tinignan niya ang kanan niya at tumango sa nakita, gayon din ang ginawa niya sa kaliwa para sukatin ang bahay. At nang matapos siya sa pagsukat ay inihawi niya ng patagilid ang espada gamit ang buong lakas niya. Lumikha ng nakakatakot na tunog ang espadang humiwa sa hangin at nang huminto ito ay napangiti ang binata. Iginalaw niya ulit ang espada sa ibang direksyon at ginawa ito sa loob ng tatlong minuto na tanging hangin lang ang tinatamaan. Sa unang subok niya ay hindi maayos ang balanse at porma ng kaniyang paghiwa, subalit sa pangalawa, pangatlo, pang-apat at sunod-sunod pa niyang hiwa ay nagkaroon ito ng maliit na pagbabago. Hindi naman siya dismayado sa napakaliit na pagbabago ng kaniyang pag-gamit ng espada, alam niyang kailangan niyang hasain pa ng mas mahabang panahon ang sarili para maging konsiderable ang pagtaas ng kaniyang kakayahan sa espada. Tinuloy niya ang pagsasanay ng espada hanggang sa nangangawit na ng kaunti ang mga braso niya. "Sapat na muna siguro 'to." Binuksan niya ang [Inventory] at itinabi rito ang pilak na espada. Pinunasan niya ang ilang butil ng pawis sa noo niya na namuo dahil sa init ng panahon at kaunting pagsasanay niya. Huminga siya ng malalim at ibinuga ito, pagbuga niya ay dahan-dahan siyang lumupasay sa sahig at ipinikit ang kaniyang mga mata na wari'y nagmumuni-muni siya. Sa dumilim niyang tanawin ay inisip niya ang Natural na Enerhiya sa kapaligiran. Inalala niya ang lahat ng impormasyon na nabasa sa Natural Energy at ang munting impormasyon na inilagay nila rito ay malinaw na tumatak sa isipan niya. 'Pakiramdaman ang enerhiya sa paligid at manatiling kalmado.' isip niya at pilit na pinakiramdaman ang enerhiya sa paligid. Sa isang iglap, ang walang katapusang kadiliman ng pagpikit niya ay nagkaroon ng liwanag sa malayo. Hindi niya matukoy kung ano ang eksaktong distansiya niya sa liwanag na iyon, pero ang porma ng liwanag ay malinaw niyang nakikita. Ito ay puno na halos dalawa't kalahating metro ang taas. Sa paglipas ng halos limang segundo lang ay may panibagong liwanag ang lumitaw sa tabi ng puno, mas mahina ang liwanag nito ng ilang beses kumpara sa katabing puno, at ang pinagkaiba ng dalawa ay ngayon, ang maliit na liwanag ay may katawan ng isang halaman. Ang mga liwanag na nagmumula sa katawan ng halaman at puno ay ang tinatawag na Natural Energy. Limitado lang ang kayang kuhanin ng mga puno at halaman, at ang maliit na enerhiyang taglay ng mga ito ay unti-unting humina nang may kakaibang pangyayari ang naganap. Ina-absorba ng katawan niya ang mga Natural na Enerhiya at dama niya ang pagbabago sa loob ng katawan niya. Hindi naman na siya nagulat sa masarap na pakiramdam nang absorbahin ang enerhiya, nadama niya na ito noong unang beses siyang makatapak sa [Foundation Rank] dahil hindi siya ordinaryo kagaya ng mga tao rito. Habang nakapikit si Rain Goodman ay may dalawang hindi kita sa matang hangin na pumasok sa loob ng bahay niya. Direktang pumasok ang natural na enerhiya sa katawan niya subalit masiyadong maliit ang mga ito. Sa kaniyang kalkulasyon ay walang dudang aabutin siya ng ilang taon para makatungtong sa [Mana Core Rank] kung pipiliin niya ang mas ligtas na paraang pagmumuni-muni upang humigop ng Natural na Enerhiya. .... Nanatiling nagmumuni-muni ang binata hanggang sa napansin niyang sapat na ang nahigop niya para gamitin ng walang problema ang mga skill. Maaari niyang gamitin ang natural na enerhiya para mas palakasin pa ang suntok na puwede niyang maipakawala. Ngunit mabilis naman nitong kakainin ang natural na enerhiya niya na magiging pagkain ng [Disguise] at [Hide] skill. Ang natural na enerhiya ay may limitasyon pa rin naman. Ngunit ang limitasyon na ito ay para lamang sa mga normal na adventurer ng mundong ito, ang paggamit nila ng natural na enerhiya sa kanilang mga papakawalang atake ay maaari lang paabutin ang lakas na puwede nilang magamit hanggang sa umabot ito sa pinakalimitasyon ng antas ng Rank nila. Sa madaling salita, kahit may natural na enerhiya ang bawat adventurer, hindi pa rin nila magagawang lumaban sa mga nilalang na mas mataas ng isa ang antas ng Rank sa kanila. Pero kung ang ibang adventurer ay kagaya ni Rain Goodman na mataas ang [Vitality], may posibilidad na magamit nila ang natural na enerhiya para maglabas ng mas malakas na atake sa kasalukuyan nilang antas ng lakas. Ngunit gaya nga ng sinabi, tanging si Rain Goodman at ang apat lang ang walang limitasyon sa paggamit ng natural na enerhiya dahil sa system nila. Siyempre, kung may mga adventurer na nag-aaral ng mga Martial Arts na makakapagpataas ng [Vitality] nila o tibay ng katawan ay hindi rin sila mapipigilan ng limitasyong ito. Pero ang ganitong uri ng mga Martial Arts na nakapokus sa pagpapalakas ng [Vitality] ay kaunti lang sa lugar na ito. .... Practice Zone, Niarich Forest Umaalingasaw sa paligid ang masangsang na amoy ng dugo. Nakaupo sa sahig ang apat na humahabol sa kanilang mga hininga. Kalat sa paligid nila ang dugo ng mga tinapos nilang halimaw, mga halimaw na dapat ay hindi pa posibleng mapatay sa kanilang kasalukuyang edad, ang mga Black Tiger. Marami na rin silang napatay na mga halimaw sa kanilang pagsisikap. Hindi naman sila nadismaya sa resulta dahil natamo nila ang hinahangad na pagtaas ng kanilang level. Sinusulit nila ang isang minutong pahinga kahit na limang minuto na lang ang natitira bago matapos ang [Event]. "Nakarami tayo ng mga halimaw." Nakangiting saad ni Soren na puro talsik pa ng dugo ang mukha. Ang mga mata niya ay puno ng ligaya at pagkasabik dahil sa mga pagpaslang sa halimaw na talaga namang ikinasaya niya. Dito ay natuklasan niya na rin ang rason kung bakit sabik na sabik ang puso niya na bumisita at makipaglaban sa mga halimaw. "Pumili na kayo ng mga armas na sa tingin niyo ay babagay sa istilo ng pakikipaglaban niyo." Paalala ni Grim Crow habang patagong binibigyan ng ilang sulyap ang kasama nilang si Soren Orlando na may kakaibang ekspresyon. Si Soren Orlando ang pinakamaraming naitulong sa kanilang apat. Sabik na sabik itong nakipaglaban kanina at parang hindi niya rin pinapahalagahan ang kaligtasan niya, mayroon nga itong natamong kagat sa kaliwang braso niya pero gumaling din ito sa ilang oras nilang pakikipaglaban. Nabigla siya sapagkat hindi niya inaasahan na ang may pagkainosenteng binata ay may ganito pa lang itinatagong ugali. Sa nakita niya kanina ay para bang may dugo ito ng isang mandirigma na sabik sa pakikipaglaban at pagpaslang. "Sa tingin ko ay mas makabubuti sa'kin kung kukuha ako ng isang gamit na makakapagpataas ng [Stamina] ko." Bulalas ni Aura Scarlet. Kanina ay siya ang pinakaunang napagod sa kanilang apat dahil nga sa kadahilanang nahuli siya sa pagpapalakas noon nang mabalitaan ang tungkol sa inakalang pagkamatay ni Rain. "Ikaw ang bahala, basta siguraduhin niyo na hindi niyo pagsisisihan ang pipiliin niyo." Tugon ni Grim Crow kay Aura. Tumango naman si Aura at binuksan na ang kaniyang [Status]. Pumunta siya sa baba para hanapin ang [Event Shop] at nang makita niya ito ay pinindot niya ito. Tumumbad sa harap niya ang mga kategorya ng [Event Shop]. Agad siyang bumaba para hanapin ang kategoryang [Accessories] kung saan nakita niya kanina ang singsing na babagay para sa kaniya. Ang epekto rin nito ay mapapataas ng lima ang kaniyang [Stamina]. Ilang sandali pa, bigla na lang may lumabas na pulang singsing sa harap ni Aura Scarlet. Marahan niya itong hinawakan at isinuot sa pinakamaliit niyang daliri sa kanang kamay. Nang suutin ito, naginhawaan ang dalaga at pakiramdam niya ay mas tumaas nga ang [Stamina] niya. Kagaya ng babae ay kumuha na rin ang tatlo ng kani-kanilang mga armas. Kay Grim Crow ay pilak na espada, kay Axel ay may kalakihan na palakol, at ang kay Soren naman ay espada rin. Sumulpot sa harap nila ang mga armas at walang alinlangan nila itong dinakma. Pero nang dumikit ang mga palad nila sa mga armas ay nanginig ang katawan nila at para silang nakuryente na nagpahina sa kanila. Sabay-sabay na napaupo sa sahig ang tatlo habang nakatulala sa mga pinili nilang armas. "Anong meron? Bakit nakuryente ako nang hawakan ko ang espada?" Nakatingin sa nakalutang na espadang giit ni Grim Crow. Ilang sandali pa ay bumagsak din ang espada sa harap niya kaya dali-dali siyang gumapang paatras para mailagan ito at hindi na magdusa pa. Lumingon siya sa babae at tinanong ito, "Anong grado ng binili mong singsing, Aura?" "Mn? Wala namang grado na nakalagay. Nakita ko lang ang epekto nito na [+5 Stamina] kaya naging interesado ako," Malumanay na paliwanag ng dalaga at mas naging kampante na tama ang naging desisyon niyang h'wag munang kumuha ng armas. Siyempre ay hindi siya masaya sa sinapit ng mga kasama niya. "Walang grado?" Napaisip ang binata kung bakit nakuryente sila nang hawakan nila ang mga armas. Si Aura lang ang nag-iisa na walang naramdamang nakakapanghinang kuryente matapos hawakan ang biniling gamit, at kung tama ang iniisip niya ay posibleng may kinalaman ito sa grado ng armas. "Dahil kaya ito sa rank ng armas? Foundation ang rank nito pero nasa Body Strengthening pa lang tayo. Siguro ay hindi pa kaya ng katawan natin ang stress na natatanggap ng katawan 'pag hindi pa sapat ang [Strength] at [Vitality] natin? Kailangan yata na ang stats natin ay kalebel ng Foundation Rank?" Tanong niya sa mga kasama habang pinag-iisipang mabuti ang posibleng dahilan. Nanghihinayang siya dahil mukhang hindi agad nila magagamit ang armas na pinagpawisan nila para mabili. "Baka nga. Siguro ay may mga panuntunan sa mundong ito na hindi natin alam? Kagaya nito, hindi tayo makakagamit ng armas na mas mataas ng sobra ang rank sa antas ng lakas natin? Dapat talaga tayong mag-ingat, masiyadong mapanganib ang kawalan natin ng impormasyon." Sambit ni Aura. Ang totoo niyan ay ipinaliwanag na sa kanila ni Elder Devil ang tungkol sa [Foundation Grade], pero ilang bagay lang ang naipaliwanag ng matanda kaya hindi masiyadong malinaw sa kanila ang ilang impormasyon kagaya na nga nitong sitwasyon na kinakaharap. "Kahit na, mabilis naman ang proseso natin sa rank. Ilang linggo lang o isang buwan ay makakatungtong din tayo sa Foundation Rank kapag nagsumikap tayo. H'wag tayong mawalan ng pag-asa dahil lang dito." Pagpapagaan naman ni Axel Crimson sa mabigat na tensiyon sa paligid. Ganito man ang sitwasyon ay hindi naman siya masiyadong malungkot dahil kung titignang mabuti, nakatungtong na nga sila sa level 6 sa loob lang ng tatlong oras at limampung minuto. Nagawa pa nilang sanayin sa totoong sagupaan ang mga skill nila na hindi nagagamit ang buong lakas sa pagsasanay. "Tama ka Axel. Bumalik na muna tayo sa baryo, medyo hapon na at lumililim na rin ng kaunti ang paligid." Hikayat niya sa mga kasama tiyaka bumangon sa pagkakaupo. Idinikit niya naman ang dulo ng daliri niya sa espadang nasa sahig at bigla itong naglaho na parang bula, pero sa ginawa ay muling naramdaman ng binata ang nakakapanghinang kuryente na nagpawala ng lakas sa mga tuhod niya. Kagaya ni Grim Crow ay dinampian din nina Axel at Soren ang mga armas nilang nasa sahig para maitabi sa [Inventory]. Nang matapos sila sa mga kailangang gawin ay lumakad na sila pabalik sa baryo. Huminto sila saglit sa bahay ni Rain Goodman para ipaliwanag ang lahat ng nangyari. Pagkatapos ay dumiretso na sila sa kanilang mga tahanan para makapagpahinga nang maayos. .... Nakatulala si Rain Goodman sa dingding ng higaan niya habang iniisip ang nangyari sa apat. Nakokonsensiya siya dahil wala siyang sinabi tungkol dito, ngunit hindi naman siya nagsisisi dahil kapag sinabihan niya sila ay siguradong magdududa sila. Ang pagdududang iyon ay puwedeng mauwi sa sikreto nilang pagmamanman sa kaniya o kaya naman ay baka matunugan ito ng iba na posibleng kuwestiyunin siya kung bakit niya nalaman ang tungkol doon kahit na hindi pa siya nakahawak o nakakita man lamang ng [Foundation Grade] na armas. Higit na hindi niya naman p'wedeng sabihin sa kanila ng mas maaga ang tungkol sa pag-iipon ng [Points] para makapaghanda sa nalalapit na [Event]. Kapag ipinaalam niya ito ay wala siyang nakikitang palusot na maaaring gamitin kung paano nalaman ang tungkol dito, sa huli, matutuklasan at matutuklasan nila na alam niya ang mga magaganap sa hinaharap na hinding-hindi dapat malaman ng iba. Kahit na mangako silang apat na hindi ipapaalam sa iba, hindi pa rin siya mapapanatag dahil sa sitwasyon niya na alam ang hinaharap, hindi niya kakayanin ang mawalan ng konsentrasyon sa mga binabalak para lang sa alalahanin na ito, kaya naman mas pipiliin niya ang makonsensiya na lang kaysa sa ipahamak ang sarili. Wala man siyang awa pagdating sa mga kalaban at ibang tao na malaki ang panganib na dala sa kaniya, hindi pa rin maitatanggi na kababayan niya ang apat na ito at hindi maiiwasan ang makaramdam ng konsensiya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD