CHAPTER 15
“Bestie, hindi ako makakasabay mag-lunch mamaya. I can’t go with you, may biglaan akong kailangang gawin ng lunch break. Kapag hindi ako nakabalik agad, ibigay mo na lang ‘tong folder kay kuya Wayne ‘no,” bilin sa’kin ni Gail, narito s’ya sa tabi ko at abalang-abala sa pagtitipa sa cellphone n’ya. Kanina ko pa s’ya napapansing aligaga pero hindi ko na lang s’ya pinupuna.
“Anong mayroon? Mag half-day ka ba? Bakit? Siguraduhin mong importante ‘yan ha. Sumbong kita sa Prof mamaya, promise,” pangsisindak ko sa kanya. Pero alam ko namang ‘di naman ‘to matatakot na lumiban dahil alam n’ya sa sarili n’yang kayang-kaya n’yang humabol sa mga subjects na ‘di n’ya nadaluhan.
Sinamaan ako nito ng tingin. “Walang kalokohan akong gagawin, importante lang talaga. Bigay mo ‘yan kay kay kuya ha?”
“Defensive mo naman,” pang-aasar ko pa.
“Honest lang naman ako.”
Abala rin ako sa mga papel sa harapan ko. Sa mga nakalipas na linggo ay puro ito lamang ang inaasikaso ko. Sandamakmak na article ng mga co-journalist ko ang aking mga binabasa. Pati na rin ang pagrereview ng mga lectures para sa sunod-sunod na assessment. Nalalapit na rin ang pagrerelease namin ng Report Card. ‘Di ko na mapangalanan ang nararamdaman kong kaba, alam ko namang sinusubukan ko parati gawin ang makakaya ko, pero iba pa rin ang lumulukob na takot sa’kin kung saka-sakaling mayroon akong mababang marka. ‘Di ko gugustuhing marinig ang reaksyon ng Mommy at Daddy ko.
Mabilis na lumipas ang oras, matapos ang mahigit tatlong oras na pakikinig sa Prof namin tungkol sa Advertising and Media Relations na subject ay lunch break na. Masyadong draining ang subject na ito kaya’t ‘di ko masisisi ang mga kaklase ko na antok na antok at mga hilong-hilo matapos ang ilang oras na pag-aaral. Pagkalabas pa lang ng Prof namin ay halos ang lahat ay mga nagrereklamo na. Karaniwang ganap na ito sa amin at ‘di na iyon bago.
Mag-isa lang akong papunta sa Roxas building kung saan naroon ang Cafeteria. Nagmamadaling umalis si Gail kanina kaya hindi na rin ito nakasabay sa akin sa pagbaba. ‘Di na rin nito nagawang magpaalam sa’kin ulit. Nagulat na lang akong wala na ang mga gamit nito sa kanyang upuan.
Dumiretso akong maupo sa bungad na lamesa, dito kami parati nauupo nila Gail. Malapit lang kasi ito sa entrance ng Cafeteria kaya’t pabor na pabor sa amin kung saka-sakaling mahuli na kami ay mabilis pa rin kaming makakabalik ng room.
Pumili at bumili lang ako ng pagkain matapos kong ilagay ang laptop ko sa lamesa pati na rin ang ibinilin na folder ni Gail sa akin. Kukunin raw ito ng pinsan n’yang si kuya Kier Wayne.
Bitbit ang binili kong banana cake at chocolate shake ay bumalik na ako sa aking inuupuan. Mag-isa lang ako rito. Wala pa masyadong tao sa Cafeteria kaya malakas ang loob kong dito na lang kumain. Komportable ako kung hindi masyadong maraming estudyante at hindi gaanong maingay sa paligid. Isa pa, malayo ang lugar ng Cafeteria namin kaya ‘di na dinadayo ng mga taga ibang departamento. Mayroon kasi kaming sari-sariling Cafeteria na malapit lang sa aming kani-kaniyang building.
Tahimik at payapa lang akong kumakain ng paborito kong banana cake nang may marinig akong mga yabag na papalapit sa akin. ‘Di na ako nag-abalang tingnan pa ito dahil paniguradong ang ibang mag-aaral lang ito ng MU.
Nabigla ako nang mayroong maglapag ng mineral water sa harapan ko, handa na akong bugahan ng apoy kung sino man ito, pero nang maalalang ‘di ko naman nga pala pagmamay-ari ang lamesang ito ay sinubukan ko na lang kumalma. Pagpihit ko para tingnan kung sino ito ay parang mas lalong gusto kong ibuga ang pagkaing nasa bibig dahil sa gulat.
Yumuko ito at tiningnan ang kabuuan ng mukha ko, natatawa-tawa pa. “Stay hydrated, Xia.”
Natulala pa ako at sandaling pino-proseso ang nangyari. Ang tagal naming ‘di nagkita nitong lalaking nasa harapan ko. Madalas ay nagkakakumustahan lang kaming dalawa sa message. At hindi ko maitatangging magaan at masaya itong kausap. Sa katotohanan nga’y ‘di namin namamalayan ang oras sa tuwing nagkakausap kaming dalawa. Ang dami ko kasing natutuhan sa kanya. Ang dami rin naming pagkakapareho sa isa’t-isa. Kaya hindi na ako magtatakang mabilis din kaming nagkalapit.
‘Di ako nakapagsalita agad at pilit kong nilunok ang banana cake na nasa bibig ko. Hiyang-hiya ako dahil ganado pa naman ako sa pagkain kanina at punong-puno pa ang bibig ko ng maabutan nila ako rito. At kung sinu-suwerte nga naman ay nasamid pa ako. Mahina kong kinabog ang aking dibdib. Nakita kong mabilis na binubuksan ni Alec ang water bottle at ibinigay sa akin.
“Here, water. Careful, Xia. Dahan-dahan lang naman kasi, wala namang humahabol sa’yo e.” Nagpipigil pa ito ng tawa ng iniabot sa akin ang tubig. Sana naman ay totoo s’yang concern sa’kin. Pinipigilan pang matawa e. Ituloy ko na kayang bugahan ‘to ng apoy?
Kinuha ko lang ang inialok nitong tubig at uminom. Naiilang pa ako dahil nakatingin ito sa akin at bantay ang bawat galaw ko.
“Thank you, Alec. Ano ba kasing ginagawa mo rito? Nakakabigla ka naman e!” Pagpo-protesta ko.
Nagkunyari pa itong nag-iisip at tsaka nagsalitang muli. “Maybe because I’m also student here?”
“Ay, talaga ba? Estudyante ka pala rito, ‘di ko alam.” Inirapan ko pa ito matapos kong magsalita. Lakas naman kasi ng tama n’ya. Parang hindi nagtatanong ng maayos.
Naupo ito sa tabi ko at mayroong tinatanaw sa counter ng Cafeteria.
“Oh, ‘wag kang nagagalit. Namumula tuloy ‘yang pisnge mo. We’re here to get Kier’s folder. ‘Yon sila oh, dito na rin daw kami kakain.” Bakas sa boses nitong nae-enjoy n’yang mambuwisit.
“Bakit ang dami n’yo namang kukuha? Kala mo namang ang bigat ng folder na ‘to.” Ipinakita ko pa ang folder ni kuya Kier. Totoo naman kasi, required pa lang by group ang pagkuha ng gamit.
“Nag-aya si Kier na samahan namin s’ya. Hayaan mo na at ‘wag ka ng kumontra. Gusto rin kitang makita.” Itinaas-taas pa nito ang kilay n’ya.
‘Di ko agad naintindihan ang sinabi n’ya nanlaki pa ang mata ko’t sabay na tumingin sa kanya. Nakaiwas na ang mata nito at nakatingin sa gawi nila kuya Kier sa counter. Natagalan ito dahil nakapila pa.
“Gusto mo ko makita? Bakit naman, mabubulag ka na ba bukas? Natawa ito sa sinabi ko. Seryoso naman ako, ha?
Umiling-iling pa ito, ‘di makapaniwala sa sinabi ko. Hindi ako nito pinansin at nagtanong lang ito “Ano pang gusto mong kainin? Sandali, o-order kita.”
“Huwag na, busog na ako.” pagtanggi ko. “Ha? Busog ka na? Wait there.” Umalis ito sa harap ko at sumunod sa pila nila Kuya Kier. Tamang-tama namang sila na ang nasa pila kaya’t nakita kong pabalik na ang iba nilang kasama at naglagay ng pagkain sa kapareho kong mesa.
Hindi pa rin ako makapaniwala na nandito s’ya ngayon. Matapos kasi ng pagkikita namin ay ‘di na muling nasundan. Pareho kaming abala sa mga gawain kaya’t wala ng libreng oras para mag-chill.
Makalipas lang ang ilang minuto ay nakabalik na sila dala-dala ang kanilang mga pagkain.
“Ely, anong sabi sa’yo ni Gail? Loko ‘yon ‘di nagpaalam na mag half-day s’ya. Ngayon ko na lang nalaman. Pagsasabihan mo ‘yon ha. Baka nagrerebelde na.”
Gusto kong tumawa nang malakas dahil sa narinig ko kay kuya Kier. Si Gail ‘yong tipong cool pa rin kahit magrebelde kaya low-key susuportahan ko s’ya. Biro lamang.
“Ang sabi n’ya lang ay may kailangan s’yang gawin. ‘Wag ka mag-alala kuya, akong bahala kay Gail.”
Maya-maya pa ay dumating naman si Alec dala ang pagkain n’ya.
“Kyle, move, move.” Pinausog pa nito ang katabi kong si Kyle.
“Egg sandwich without egg yolk and mayonnaise. Eat up turtle,” makulit talaga si Alec, isa ‘yan sa napansin ko sa kanya. Sinabi kong huwag na pero ibinili pa rin ako. Hindi talaga s’ya magpapatalo. Naalala ko ring nabanggit ko sa kanya noon na ‘di ako kumakain ng egg yolk pati na rin ang ‘di ko pagkain ng mayonnaise. Nakakatuwang naalala n’ya pa pala iyon. Sa sobrang dami naming napag-usapan ay ‘di ko na inaasahang matatandaan n’ya pa ang mga maliliit na detalye tungkol sa mga ayaw at gusto kong kainin.
Tahimik lang kaming kumakain. Paminsan-minsan ay sumusulyap ito sa akin at biglang mag-iiwas ng tingin. Parang tanga lang.
“What time resume ng class natin, Kyle?” Pagtatanong ni kuya Kier kay Kyle. Nakikinig lang ako sa kanila. Tahimik lang din ang dalawa pa nilang kasama. Ang katabi ko naman ay tinatapos pa ang pagkain n’ya.
“1:30 pa, bakit?”
“Bilisan mo, Alec. Guys, bilisan n’yo. Baka mahuli tayo. Ipapasa ko pa ‘tong folder mamaya, need na raw ‘to ni Prof Layug.” Pagpapaalala ni kuya Kier kay Alec at sa mga kasama.
Mabilis namang sumagot ang katabi ko. “Bakit ang bilis naman? Wala pa nga tayong isang oras dito. Puwedeng maiwan na lang muna ako rito?”
Napakunot-noo ako at nagtaka, bakit naman n’ya gustong maiwan dito?
Natatawa sila Kyle sa sinabi ni Alec, samantalang ako naman ay nagtataka pa rin.
“Alec, my man! This is not the right time for that.” si Kyle.
Hindi sila pinansin ni Alec, umusog ito sa tabi ko at bumulong.
“What time class mo?”
“1:30 din. Bakit ka ba kasi magpapaiwan ka dito? May gagawin ka ba?” Kuryoso kong tanong.
“Wala, naman.” Hindi ko talaga makuha ang ibig n’yang sabihin.
Matapos kumain at nang sandaling pag-uusap ay napagpasyahan na naming umalis na. Pare-pareho kaming may klase ng ganoong oras. Niligpit ni Alec at isinalansan ang pinagkainan namin bago umalis, tinulungan ko lang din ito at sabay-sabay kaming lumabas ng Roxas building.
Malayo ang building ng department nila, kaya malabong makita at makasalamuha namin sila maliban na lamang kung talagang sasadyain. Nauuna sa paglalakad si kuya Kier at si Kyle pati na rin ang iba nilang kasama na ‘di ko gaanong kilala. Si Alec naman ay kasabay ko. Nagkukuwento lang ito ng mga naging ganap sa kanya. Busy talaga din ito kaya nakakagulat na may oras pa itong sumama sa mga kaibigan n’ya para kunin lang ang folder sa’kin.
“Kailan natin itutuloy ang pagkakape, Xia?”
“Akala ko ba’y madami kang ginagawa? Kaysa sa pagkakape kasama ako ay magreview ka na lang din. Malapit na exam n’yo ‘di ba?” ani ko.
“Puwede namang magreview habang nagkakape ‘di ba? Tara, bukas?” pag-aaya nito. Halatang hinihintay ang sagot ko.
“Sige, mag-check din ako ng mga ipinasang article sa’kin. Magre-review na rin ako. Anong oras ba?” Tanong ko sa kanya.
“After ng klase mo, anong oras bang tapos mo? 3pm lang kami bukas, intayin na lang kita. Goods goods na ba ‘yon sa’yo?” Ibang klase din naman mag-aya ‘to, palagay ko ay ginagamit niya sa akin ang mukha niya bilang advantage.
“4:30 pa ako, edi ang tagal mo ‘kong hihintayin? ‘Wag na, puntahan na lang kita kung saan tayo magkikita,” sabi ko naman agad. Ayaw ko rin naman s’yang pag-antayin , paniguradong pagod din s’ya.
“Saglit lang ‘yon. Hintayin na kita bukas, para makapag-decide tayo kung saan tayo.”
“Okay, Ikaw bahala. Puwede ngang ipagtimpla na lang kita ng 3 in 1 e, ayaw mo ba n’on?” Natawa kaming pareho sa joke ko. Suportado naman n’ya ako sa ganito kaya wala kaming problemang dalawa.
“Puwede rin naman, magdala ka na rin biscuit para kumpleto.” Agad namang sagot nito. ‘Di rin talaga mauubusan ng kalokohan sa katawan.
“Oh sige na, bukas na lang. Iniintay ka na nila kuya Kier. Bagal mong maglakad.”
“You’re gossiping with me, Xia! I’ll wait for you tommorow. Deserve mong hintayin kasi sabi mo sa’kin Gold ka ‘di ba?” Hinampas ko lang s’ya dahil sa sinabi n’ya. Lahat ‘ata ng sinasabi ko sa kanya ay tandang-tanda n’ya. Na-concious na tuloy ako sa mga pinagsasabi ko.
“Ssssh, oo na. See you, tomorrow. Bye!” Kumaway lang ako sa kanila at tumalikod na ako. Hiwalay ang daanan namin. Sa kanang bahagi ang building namin at ang sa kanila ay sa bandang kaliwa malapit sa main gate ng MU.
Bumalik lang ako agad sa room namin, maaga pa naman ako ng sampung minuto kung kaya wala pa ang susunod naming Prof. Nakita kong abala ang lahat ng mga kaklase ko kaya na-inspired din akong maging abala. Nakakahiya naman sa kanila dahil mukhang walang puwang ang mga taong nais lang magchill sandali dito sa aming room.
Binuksan ko sandali ang cellphone ko at nakita kong mayroong message si Gail. Tinatanong lang n’ya kung nakuha raw ba ng pinsan n’ya ang folder nito.
“Bestie, nakuha ba ni Kuya Kier ‘yong folder? Patay ako kapag ‘hindi. Tapos patay ka sa’kin.” Aba! Ang lakas naman ng loob n’ya. Nagbilin na nga lang s’ya sa’kin e,
“Hindi nakuha, bakit need ba n’ya ‘yon today?” ganting sagot ko naman, gusto n’ya palang makipaglokohan ha.
“LAGOT AKO ROON, SERYOSO BA KASI? KAILANGAN N’YA RAW ‘YON NGAYON NA! ELYXIA LYANNE NAMAN E,” capslock na ang typings nito kaya ramdam ko na ang kaba n’ya. Tinigil ko na agad ang pambu-buwisit ko at baka mamaya ay alalahanin pa n’ya ito kung nasaan man s’ya ngayon.
“Chill lang, Gail Dela Calzada, ang puso mo. Naibigay ko na kanina, ‘wag ka na mag-alala.”
“Mabuti naman, kung hindi iiyak ako rito. Tapos magse-send pa ako ng video kong umiiyak, paniguradong di mo ‘yon bet.”
Basa ko pa sa huling reply n’ya. Hindi na ako nakasagot dahil dumating na ang Prof namin. Agad ko ng itinago ito at nag-focus na ako sa aming klase.
Hinahanap si Gail ng mga kaklase ko at ng mga Prof namin kaya, heto ako , ang naiipit sa sitwasyon para pagtakpan s’ya, kaya’t siguraduhin n’ya lang na worth it ang pagsisinungaling ko kundi ay malilintikan talaga s’ya sa akin.