VII - First Kiss

1287 Words
BUMAGSAK ang mga luha ni Amber nang magsimula siyang humakbang sa aisle. Ipinagpapasalamat niya na dahil sa veil ay hindi iyon masyadong pansin ng ilang mga bisita na naroon. Pamilya at ilang malalapit na kaibigan lang ng kanilang pamilya ang inimbitahan sa kanilang kasal. Nagpatuloy siya sa paglakad habang sa dulo ng aisle ay naroon si Carl Xin, pormal ang anyo at tila hindi iniinda ang magiging pagbabago sa mga buhay nila pagkatapos ng seremonyang magaganap. Sa mga sandaling ito ay hindi pa rin niya lubos maisip kung ano ba talagang dahilan kung bakit bigla na lang ay nagdesisyon ang mga magulang niya lalo na ang kaniyang ina na ipakasal sa lalaking ito. Maingat niyang pinunas ng sapin sa kamay ang mga luhang umagos sa kaniyang pisngi. "Ganiyang-ganiyan ako nang ikasal kami ni Robert, hindi ko mapigil ang mapaiyak sa labis na tuwa," narinig niyang sabi ng isa sa mga naroon na nahalata ang kaniyang pag-iyak dahil sa ikinilos niya. Lalo siyang napaiyak. 'Kung alam n'yo lang, umiiyak ako hindi dahil ikakasal ako, kun'di pakiramdam ko, ito ang araw ng bitay ko,' sa loob-loob niya. Sinalubong siya ng kaniyang mga magulang upang ihatid kay Xin. Naramdaman niya ang paghawak ng kaniyang Mommy sa kamay niya, mahigpit iyon at napakalamig ng palad nito. Nilingon niya ito at nakita niya ang mga luhang lumandas sa mga pisngi nito. Parang may kung anong kumudlit sa puso niya at ninais sanang magsalita pero naramdaman niya ang kamay ng kaniyang ama nang hawakan nito ang kamay niya at iabot kay Xin. Nasa harap na pala niya ang binata, hindi niya namalayan. 'Ni hindi nga niya nakita ang ginawa nitong pakikipag-shakehands sa kaniyang ama at pagbeso sa ina niya. Tinitigan niya ang mukha ni Xin sa kabila ng veil na nakatabing sa kaniyang mukha. Malamig ang ekspresyon ng mukha nito at halos hindi siya tingnan. Nang abutin nito ang kamay niya ay tumagos ang init ng palad nito sa kaniyang bridal glove lace. Parang nanunuot iyon hanggang sa kaibuturan ng kaniyang buto. Inilagay nito sa braso ang kaniyang kamay at walang salitang iginiya siya palapit sa altar. ••• NAGPATULOY pa ang kaganapan sa seremonya ng kanilang kasal hanggang sa i-announced na ng pari na sila ay nga ay husband and wife na mula sa mga sandaling ito, kasunod ay winika nito na 'you may now kiss the bride.' Kagyat pa silang nagpakiramdaman hanggang sa kumilos si Xin, pumihit paharap sa kaniya kaya napilitan din siyang pumihit paharap dito. Nakadama siya ng panlalamig ng palad at talampakan nang i-angat ni Xin ang veil niya. Hindi siya sigurado kung hindi ba naagnas ang make-up niya dahil sa pag-iyak simula pa kanina. Nagkatitigan pa sila bago dahan-dahan nitong tinawid ang pagitan ng kanilang mga mukha. Wala sa loob na naipikit niya ang mga mata dahil sa mas matinding kabang sumalakay sa kaniya sa isip na hahalikan talaga siya nito, subalit kaagad siyang napamulat nang sa pisngi niya dumapo ang malambot at mainit nitong labi at tila napasong kaagad ding lumayo. "One more!" korus ng mga naroon na tila hindi nakuntento sa paraan ng paghalik ni Xin. Nagkatinginan ulit sila at bahagya siyang napapitlag nang walang paalam na hapitin ni Xin ang kaniyang baywang at mabilis na halikan ang labi niya sa mariing paraan. Natuog siya at tila nabingi sa palakpakan ng mga naroon pati ng paring nasa kanilang tabi. Ngunit higit siyang nabingi sa lakas ng t***k ng kaniyang puso. Ito ang first kiss niya sa totoo lang at hindi niya sukat-akalain na ganito ang kaniyang mararamdaman sa kabila ng pamamaraan ni Xin kung paano nito iyon ipinaranas sa kaniya. Nanlalata ang mga tuhod niya at talagang animo'y tuma-thumbling ang kaniyang puso sa loob ng dibdib niya. Parang mahihimatay siya. Nang iwan ni Xin ang kaniyang labi ay wala sa loob na natutop niya iyon. Tila naiwan doon ang labi nito, nararamdaman pa rin niya iyon sa kaniyang labi. ••• IPINILIT ni Carl Xin sa ama na hindi sila lalabas ng bansa ni Amber para lang sa kanilang honeymoon dahil wala naman talagang honeymoon na mangyayari sa pagitan nila. Ipinilit din niya rito na hindi niya kailangan mag-leave sa trabaho para lang masabing nag-honeymoon sila. Kaya naman pagkagaling sa reception ay dinala niya si Amber sa bahay niya. Ayaw rin sana niyang dalahin ito roon pero napilitan siya dahil sa pagpupumilit ng kaniyang ama. Sumang-ayon man siya ay wala siyang planong itabi sa kama si Amber. Kaya sa reception pa lang ng kasal kanina ay tinawagan na niya ang kasambahay na si Nanay Ynes para ipaayos dito ang isa sa mga kuwarto sa bahay niya para kay Amber. Sa gate pa lang ay sinalubong na sila ni Nanay Ynes. Kinuha nito ang mga gamit ni Amber na ito lang din ang may bitbit. Kinuha pa nila iyon sa bahay ng mga magulang nito pagkagaling nila mismo sa wedding reception nila. "Nay, pakihatid siya sa silid niya," utos niya sa matanda. "Magpapahinga na ako." Kumilos na siya papasok sa loob. Nang makapasok sa silid ay hinubad niya ang mga kasuotan at dumiretso sa bathroom. Doon ay tiim-bagang niyang tiningnan ang sarili sa full-length mirror na naroon at pagkaraan ay tila nanlalatang napaupo sa marbled floor. Nang mapatingin siya sa daliri kung saan nakasuot ang wedding ring ay kaagad niya itong hinubad at ipinukol sa kung saan. Narinig pa niya ang mahinang ingay niyon kung saan bumagsak. Tumayo siya at tinungo ang walk-in shower at itinapat ang sarili sa tubig upang sa pamamagitan niyon ay maibsan ang galit na nararamdaman sa dibdib. ••• NAPATINGIN si Amber sa maedad na babae nang maihatid siya nito sa silid na gagamitin niya. Doon iyon sa itaas at may isang silid lang na nakapagitan sa kuwarto nila ni Xin. Ipinagpasalamat niya na hindi pala sila magtatabi ni Xin sa kama. Ganunpaman ay nananatili sa isip niya ang ilang mga katanungan, isa na lang doon ay kung bakit siya nito pinakasalan gayong tila hindi naman talaga siya nito gusto? Kanina sa sasakyan ay 'ni hindi siya nito kinausap, 'ni hindi man lang sinulyapan. Ayaw rin naman talaga niya itong kausapin, ayaw rin niyang tingnan, subalit naguguluhan talaga siya. Ano ba'ng nangyayari? "Ikaw si Amber?" tanong ng matanda na siyang umudlot sa kaniyang pag-iisip. Tumango lang siya bilang tugon. "Ako si Nanay Ynes. Nag-iisang kasama ni Xin dito sa bahay. Ipinaayos niya sa akin ang silid na ito kanina para raw sa pagdating mo," turan nito habang sinimulan nang ayusin ang mga gamit niya sa bawat angkop na lugar. Hindi siya nagsalita. Naupo siya sa gilid ng kama habang iginagala ang paningin sa kabuuan ng silid na ito. Hindi kalakihan ang silid, pero maaliwalas dahil organized ang mga kagamitan. Napatanaw siya sa labas ng glass-wall door na ilang hakbang lang ang layo sa kama na kinauupuan niya. "Maaari kang lumabas sa balcony at magpalamig doon, basta ugaliin mo na laging isarado ang pinto, ayaw ni Xin na kinakaligtaang bukas iyan," wika nito nang mapansin na nakatingin siya roon. Tumango lang siya bilang sang-ayon sa sinabi nito. "Naiayos ko na ang mga gamit mo, kung may kailangan ka, katukin mo lang ako sa silid ko sa baba, 'yong pinto sa gilid ng hagdanan," mahinahong bilin nito. "Salamat," maikling sabi niya. Nang makaalis na ito ay nahiga siya. Niyakap ang sarili saka pinakawalan ang mga luhang kanina pa gustong maglandas. Napakabigat ng pakiramdam niya. Napakabilis ng mga pangyayari, kahapon lang ay dalaga pa siya pero ngayon, isa na siyang maybahay sa edad na bente-dos. Napailing siya ng mariin at paulit-ulit habang tahimik na umiiyak. Hindi niya alam kung ano'ng buhay ang naghihintay sa kaniya sa poder ni Carl Xin. Ngayon pa lang ay gusto na niyang kumawala sa sitwasyong ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD