Kinabukasan...
Maagang nagising sina Patricia at Ara nang marinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Sina Makmak, Ian at Vincent naman ay tinotoo ang kanilang balak na hindi matulog, kaya lalamya-laya sila ngayon. Hindi rin maipinta ang mukha ni Makmak at pinipigilan anng nagbabadyang antok. Si Ara naman ay tila tahimik pa rin at hindi nakikisali sa kakulitan ng mga kaibigan nito. Tinitingnan siya ni Ian na parang nag-alala, ngunit hindi iyon napapansin ni Ara.
"Bakit kasi hindi kayo natulog?" sermon ni Patricia, habang nagtitimpla siya ng kape para sa kanilang lahat. Hindi pa naman magsisimula ang laban ngayon. May sampung minuto pa sila para maghanda.
"Paano kasi ang mga ito e, inaya pa nila ako. E, sanay pa lang hindi matulog ang mga ito ng diretsong tatlong araw," asar na sabi ni Makmak at napakamot sa kanyang ulo.
Tatawa-tawa naman sina Ian at Vincent habbang siinisimsim ang kape. Napansin naman ni Vincent ang pagiging tahimik ni Ara at hindi siya inaasar ni Ian, kaya nang tingnan din ni Patricia si Vincent ay napatingin siya kay Ara.
"Huy, Ara?" Yugyog sa braso ni Patricia.
Bumalik sa ulirat si Ara at napatingin sa kanyang kape na nasa harapan, saka nito sinimsim iyon. "Ano 'yon? Pasensya na, puyat kasi ako kagabi e," pagkukunwari nito, ngunit kita sa kanyang mata na mayroon pa itong tinatago.
"Napuyat? Hindi ba, sabay lang naman tayong natulog?" takang sabi ni Patricia. Sumang-ayon din si Makmak, dahil hindi nito nakita ang nangyari kagabi. Tanging si Ian lang.
"Naku, puyat ka kakaisip sa akin?" kunwaring pang-aasar ni Ian, dahil nakikita ni Ian sa mata ni Vincent na binabasa niyon ang nasa isip ni Ara.
"Asa ka," mataray naman na sabi ni Ara.
Nang matapos na silang uminom ng kape, niligpit naman iyon ni Makmak at hinugasan sa lababo. Nagpalit na rin sila ng damit at nagdala ng kani-kanilang mga armas, upang kung sakaling mapalaban sila ay magamit nila iyon. Naglagay na rin si Patricia nang maliit na kutsilyo sa bandang paanan, dahil iyon ang sabi ni Vincent.
Habang nagdarasal sila, biglang kumalabog ang pinto. Sigurado silang mga guwardiya na iyon at pinapalabas na sila. Nagsisimula na rin kasing sumilip ang araw at sa tingin nila ay oras na para sa unang pagsubok nila. Pinangunahan naman iyon ni Makmak at mabilis na binuksan ang pinto.
"Hoy! Bilisan ninyo at pumunta na kayo sa tore ng Madraska!" singhal na sabi ng isang guwardiya.
Narinig naman iyon nina Patricia, Ara, Vincent at Ian na nasa loob kaya naman tumango na lamang sila. Pagkatapos nilang magdasal, lumabas na sila ng bahay at sumabay sa iilang mga manlalaro patungo sa sinasabing madraska. Sa kanilang paglalakad-lakad, tumigil sila sa isang mataas na pader. Akala nila ay doon na, ngunit namangha silang lahat nang may pinindot na kung ano ang guwardiya sa gilid ng pader at saka iyon bumukas. Bumungad sa kanila ang panibagong lugar na tinatawag nilang madraska. Nasa limang palapag ang tore. Makaluma na iyon ngunit napakaganda pa ring tingnan. May mga halaman sa gilid, kaya nagmimistula itong hardin. Ang hitsura ng tore ay parang mga tore sa great wall of china. Pabilog at mataas. May isang pintuan lamang na papasukan, ngunit napakaraming bintana.
"Bakit kay hindi natin ito nakikita sa kabilang pader?" takang tanong ni Makmak habang manghang-mangha niyang tinitingnan ang kabuuan ng tore. Nasa harapan naman ang daang guwardiya, kaya kahit gustuhin man nilang libutin ang lugar ay hindi nila magawa. Isa pa, hindi naman ang paglilibot sa Madraska ang pinunta nila doon, kundi ang pakikipagsapalaran.
"Napakarami talagang tinatago ng baryong ito," bulong ni Vincent.
Nang makita nila na buo na ang animnapung manlalaro, bigla na lamang nagsarado ang lagusan na kaninang pinasukan nila. Nakaramdam nang lungkot si Patricia habang tinitingnan an kapuwa manlalaro. Hindi niya maisip na maaari pa silang mabawasan, kapag inumpisahan na ang labang ito. Hindi rin nila alam kung ano nga ba ang kakarahapin nilang pagsubok sa loob.
Biglang pumorma ang mga guwardiya na parang may sinasaluduhan. Kunot noong napatingin sila sa harapan, nang biglang iniluwal ng pinto ang isang babaeng kasing laki lamang ni Ara. Payat ang pangagatawan nito at nakaipit sa magkabilang gilid. Nakasuot ng kulay puti at itim na damit, habang ang lisptick ay kulay itim din. Mataman lang itong nakatayo sa harapan, habang binibilang siguro sa harapan ang lahat ng manlalaro. Ilang segundo lamang ang tinagal niyon, at naglakad na ito patungo sa harapan nila.
"Magandang umaga," bati nito. Sumilay ang ngiti sa labi ng dalaga. Ang ngiting iyon, nakakakilabot. Pagkatapos magsalita ay binati rin ng mga manlalaro ang babae.
"Ako nga pala si Ivy, ang inyong magiging guide sa loob ng Madraska. Pinapasabi pala ni pinuno na bumuo kayo ng limang grupo." matinis na boses nito.
Pagkasabing iyon ng babae ay biglang nagkagulo sa likuran nina Patricia. Kaagad na gumawa ng grupo ang mga tao. Noong una ay hinihila pa ng mga ito si Ara, ngunit ang sabi ni Ara ay may grupo na sila. Sakto naman kasi at lima ang grupo nila. Si Patricia, Ara, Makmak, Vincent at Ian. Hindi na sila namomoblema na kumuha pa ng kanilang isang grupo.
"Ngayong naigrupo niyo na ang sarili ninyo sa lima, maghiwa-hiwalay kayo, upang mabilang kung ilang grupo ang papasok sa madraska. Tatandaan ninyo na kapag pumasok na kayo sa loob ng tore ay hindi na kayo makakalabas. Ngunit..."
"Pero ano? Habang buhay na kami riyan?" sigaw ng isang lalaki sa likuran nila.
"Ngunit kung malampasan ninyo ang unang estado, aakyat kayo sa pangalawa, hanggang sa ikalimang palapag. Kapag nagawa ninyo ng maayos ang laro at naipanalo ninyo ito, makakaakyat kayo sa pinakataas at doon makukuha ang numero na gagamitin niyo pababa. Huwag na kayong magtangkang umalis rito dahil sinarado na namin ang ibang lagusan. Maliban na lamang kung may kakayahan kayong mag teleport. Pero tingin ko naman, wala," sarkastikong sabi nito.
"Kapag kayo naman ay natalo, dalawang bagay lang naman ang maaari ninyong kahinatnan. Una, kapag natalo kayo, babagsak kayo sa ground floor at makakalaban ang isa sa mga Quadrong nilagay namin doon. Pangalawa naman, maaaring sa ibang dimensiyon kayo bumagsak, at kung mamalasin ay sa isang butas na punong-puno ng matutulis na bagay," paliwanag nito.
Biglang napalunok si Makmak sa sinabi ng dalaga. Si Ara ay tulala pa rin at tila wala sa sariling nakatingin lamang sa babaeng nagsasalita.
"Siguro.." Tumingin muna si Ivy sa kanyang relo. "Limang minuto pa bago magsimula ang laban. Maari pa kayong mag-ensayo. Pero huwag din kayong mangamba. Madali lang naman ang unang estado," anito at saka tumalikod na at akmang aalis na.
"Teka!" biglang sumigaw si Vincent, kaya dahan-dahang lumingon si Ivy dala ang nakakalokong ngiti.
"Sa isang grupo, ilan ang makakaharap namin? At paano iyong unang pagsubok?" tanong ni Vincent, ngunit nginitian lamang siya ni Ivy.
"Huwag kang masyadong atat, Bata. Ipapaliwanag din sa inyo ang iba pa, kapag nagsimula na kayo sa inyong laro," anito at nagpatuloy nang maglakad.
Nagsimula na ang bulong-bulungan ng mga tao. Iyong iba ay nag-aaksaya pa ng oras upang pindutin ang kung ano na ginawa kanina ng mga guwardiya. Iyong iba ay sumusuko na.
"Hindi ko alam kung matatagalan ko pa ito," wika ng isang lalaki sa gilid. Pinuntahan naman ng mga kasamahan nito ang lalaki at pinalakas ang loob.
Sina Vincent ay nakahanap naman ng uupuan, kaya inaya nito ang kanyang mga kasamahanng sina Patricia, Makmak at Ara. Walang nagsasalita sa kanila at nakatingin lamang sa ibang manlalaro.
"Hindi ko maisip na ito na ang huling pagkikita-kita natin, kasama ang mga manlalaro. Masyadong mabilis ang tatlong araw para sa limang estado ng larong ito," wika ni Vincent. "Ang masaklap, dito pa gaganapin sa tore ng Madraska. Tsaka ano 'yung sinasabi ng Ivy na 'yan na numero? Kapag ba nakuha natin iyon, makakalaya na tayo? Mga walang kwenta," singhal pa niya.
"Masyado nang marami ang nabawas sa atin. Kung pwede lang sagipin sila at hindi na palaruin, ginawa ko na," ani Ian.
Sabay-sabay namang tumingin sina Patricia, Ara, Makmak at Vincent sa sinabing iyon ni Ian. Hindi kasi kapani-paniwala ang mga sinabi nito kaya nang tingnan nila ang binata at natawa na lang din ito.
"Joke lang, kayo naman!" tatawa-tawa nitong sabi.
"Pero alam mo, Ian," sabat ni Patricia. "Kung pwede lang iligtas ang mga bata na manlalaro noon, siguro mas inuna ko na sila," wika niya.
"Bakit naman? Edi dapat inuna mo na sila?" wala sa sariling sabi nito.
"Inuuna ko naman sila. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon kasi, nababantayan ko sila. Tsaka isa pa, siguro gusto rin nilang maranasan makipaglaban, kaya mas pinili na lamang nilang hindi humingi ng tulong sa nakakatanda sa kanila."
Naalala kasi ni Patricia iyong tatlong bata na tumulong sa kanya noon. Nalungkot siya na pati ang mga iyon ay nawala na. Mga matatanda na lamang ang natira ngayon. Iyong ibang ginang din ay wala na. Tanging mga kaedaran na lamang ni Patricia at Makmak ang mga nandoon. Iilan na lamang ang mga kaedaran na.
Biglang nakarinig ng malakas na pito ang mga tao. Dali-dali namang nagmartsa ang mga guwardiya at naghiwa-hiwalay. Ito na siguro ang oras ng kanilang laban.
"Maaari nang pumasok ang lahat ng manlalaro ng Sta. Ignacia," wika ng babae kanina.
Tama nga ang hinala ni Patricia. Ang babae sa likod ng mikropono at si Ivy at iisa lamang.
Kinakabahan ang iba na pumasok, kaya pinangunahan na iyon ng grupo ni Patricia. Sa unang palapag, may tatlong pinto na sumalubong sa kanila at sa tapat ng pinto, mayroong tag dadalawang guwardiya ang nagbabantay. Ang isang pinto ay nasa kanan, ay isa ay nasa kaliwa at ang isa ay nasa gitna.
"Dito kayo!" tawag ng guwardiya kna Patricia sa gitna.
Pagkapasok nilang iyon, akala nila ay nasa mismong labanan na sila kaya pare-pareho silang napapikit,ngunit dumilat ang kanilang mata nang magsalita ang babae sa mikropono. Pagtingin din nila sa gilid ay may panibago na namang tatlong pinto.
"Hindi na natapos 'to," inis na sabi ni Vincent.
"Pindutin ang switch sa kanan," turo ng babae.
Pinangunahan naman iyon ni Vincent at lumapit sila. Pagkapindot ng switch at biglang bumukas ang pinto. Iyon na mismo ang entablado ng kanilang laro.
"Dito?" sabay-sabay nilang sabi. Walang kagamit-gamit don at isang ilaw lamang na nakasabit sa itaas ang siyang nagsisilbi nilang liwanag sa loob ng silid.
"Magadang umaga," bati ng isang boses na garalgal. Mukhang iba na ito ngayon.
"Ang ating lalaruin ngayon ay palaisipan. Mbibigay ako ng ilang katanungan at kailangan ay makalimang puntos kayo. Kung paparin na masagot ninyo lahat iyon, maaari ko kayong ihatid ng mabilis sa pangalawang antas. Kung magkamali man kayo at hindi umabot kahit isang puntos na lamang ang hinihingi ko, ihuhulog ko kayo sa kinatatayuan ninyo. Hindi ninyo alam, kung ano ang naghihintay diyan," seryoso nitong sabi.
Magtatanong pa sana si Vincent, ngunit bigla na namang nagsalita ang lalaki. "Lahat kayo maaaring sumagot. Ngunit ang isasagot lamang ninyo sa akin ay isa at tamang sagot. Kung magkamali kayo, bawas iyon sa inyong buhay. Makikita ang counter sa gilid ng pader," wika nito.
Sabay sabay naman nilang tiningnan ang malaking counter na may limang ekis. May mga pangalan din iyon, kaya ang tingin ni Vincebt ay kung sino ang may maling sagot, sa kanya mapupunta ang puntos.
"Isa-isa ko kayong tatanungin. Bawat tanong ko ay may katumbas na isang puntos. Maaari kayong magturuan. Ngunit kapag mali ang naisagot ng isa sa inyo ay tutunog at magkakaron ng kulay pula ang ekis sa mga pangalan ninyo. Hindi ito madali kaya dapat pag-isipan ninyo. Siyempre, kung pabor sa akin anng lahat, bibigyan ko rin kayo ng tiyansa. Kapag mali ang naisagot ng inyong kagrupo, maaari mo siyang iligtas sa pamamagitan ng pagsagot ng tama. Kung pareho mali ang naisagot ninyo, at umabot sa lima ang ekis ay ihuhulog ko na lamang kayo. Maliwanag ba?"
Tumango lamang sina Vincent at Patricia.
"Ngayon, umpisahan na natin," wika nito. Humakbang palapit si Makmak. Tumango namaan ang mga kasamahan niya, habbanng paulit-ulit siyang lumulunok ng laway. Pilit din niyang kinakalma ang kanyang sarili, ngunit kita pa rin na kinakabahan siya.
"Unang tanong: Sa isang abandonado at lumang bahay, mayroong isang aquarium sa loob. Sa loob ng isang aquarium, mayroong anim na isda.."
Matamang pinapakinggan iyon ni Makmak at inaalisa ang bawat sinasabi ng kalaban.
"Mayroong anim na isda ang nasa loob ng Aquarium. Tatlong malalaki at tatlong maliit. Namatay ang tatlong isda, isang maliit ang dalawang malaki," paliwanag nito. "Ang tanong. Ilan na lamang ang natira?"
Biglang kumunot ang noo ni Makmak nang malito siya sa pinakahuling parte ng tanong. Papaulit niya sana iyon ngunit bigla muli nagsalita ang lalaki.
"Isang beses ko lamang babanggitin iyon at siguraduhin mong tama ang isasagot mo," wika pa nito.
Lumapit si Makmak sa kanyang kasamahan. Kahit pati sila ay napaisip rito. Binigyan ang grupo nila ng dalawang minuto upang makaasagot at kung hindi pa makasagot sa oras na iyon ay maaaring matalo si Makmak.
Napaisip nang malalim si Patricia. Inasilisa ang istorya pati na ang tanong. Napapansin kasi niya sa palaisipan, madalas ang sagot ay nasa unahan o hindi kaya naman ay nasa dulo. Ilang minuto pang natamihik at tatlumpung segundo na lamang ang oras, napangiti si Patricia nang malaman ang sagot. Binulong niya iyon kay Makmak at natuwa si Makmak sa sagot.
"Alam ko na!" sigaw ni Makmak, kaya tumigil ang oras sa dalawampung segundo. Tumingin pa si Makmak sa grupo niya at ngumiti kay Patricia na abot hanggang tainga.
"Maaari mo nang ilapag anng iyong sagot, Makmak," utos ng kalaban.
"Wala," sagot ni Makmak.
Napaawang ang bibig ni Ara, Ian at Vincent, ngunit si Patricia ay ngingiti-ngiti.
"Bakit wala?" sunod na tanong ng kalaban.
Tumingin muna si Makmak kay Patricia at bumuga ng malalim na hininga. "Hindi bat ang sabi mo noong una ay isang abandonadong bahay iyon? Ang pagkakaalam ko, kapag abandonado ay walang nakatira. Kaya kahit mamatay ang lahat ng isda, naroon pa rin sila sa loob ng aquarium dahil walang kukuha," malakas ang loob na sabi ni Makmak.
Ilang segundo lamang ay may tumunog. Pagkakita nila sa pangalan ni Makmak ay naging tsek na ito na kaninang ekis.
Bumalik si Makmak dala ang ngiti sa labi. In-apiran pa niya ang kasamahan at sa huli ay niyakap si Patricia sa sobrang tuwa.
"Ang galing mo talaga!" bulong niya.
Hindi na sumagot si Patricia.
Pagkatapos ni Makmak, sumunod naman si Ara. Huminga muna nang malalim si Ara at saka tiningnan si Makmak. Si Makmak naman ay pinapakalas ang loob ng kaibigan.
"Ikaw ba si Ara?" tanong muli ng kalaban na kanina ay nakalaban rin ni Makmak. Ang hula nila rito ay iisa lamang ang magtatanong sa kanila, kaya medyo mapapadali iyon.
Tumango si Ara. "Kasama ba 'yan sa tanong?" inis na sabi ni Ara.
"Handa ka na ba?" tanong muli ng kalaban.
Tumango lang si Ara.
"Pangalawang tanong: May dalawang sundalo na napadpad sa isang gubat. Si Juan at si Pedro. Habang naglalakad-lakad sila sa gitna ng gubat, may nakita silang isang batang lalaki. Ang batang iyon ay may bitbit na pugad ng ibon. Hindi maipagkakailang guwapo ang bata, kaya naman natuwa ang dalawang sundalo. Tumigil ang mga ito at tinanong ang bata kung ano ang pangalan nito.
Ang sagot ng bata ay ito: "Kung ano ang naririnig mo, kung ano ang nakikita mo at kung ilan kayo, iyon ang pangalan ko," wika nito. Napaisip ang dalawang sundalo.
"Ang tanong. Ano ang pangalan ng bata?" tanong ng kalaban.
Napatigil sina Makmak at Vincent sa kanilang pag-uusap. Kahit sila ay naguluhan at napaisip nang malalim. Si Ara naman ay hindi man lang tumingin sa kaniyang likuran at prente lamang na nakatayo na parang nanghihintay na bilangan siya.
"Magsisimula na ang oras," wika ng kalaban at nagbilang na ito simula sa dalawang minuto pababa.
Sa unang isang minuto ay hindi pa sila gaanong kinakabahan, ngunit nang tumuntong na ito sa dalawampung segundo at wala pang ginagawang aksyon si Ara, tinawag na siya ni Patricia.
"Ara dito!" tawag ni Patricia,ngunit hindi siya nakinig. Lumipas ang sampung segundo at kinakabahan na ang lahat. Nang tumuntong iyon sa tatlong segundo, nagsalita si Ara na ikinatigil nilang lahat.
"Ernesto," prenteng saad nito. Tumigil ang orasan pati na ang pagtibok ng kanilang puso habang hinihintay ang resulta.
Nakahinga sila nang maluwag ng tumunog at umilaw ang kulay berdeng tsek sa pangalan ni Ara.
Bumalik si Ara sa pwesto na taas noo. Hindi akalain nina Patricia na may tinatago pa lang talino si Ara. Si Makmak naman ay tuwang-tuwa at pinagmamalaki pa ang kababata.
"Sus! Napakadali naman ng tanong na iyan, para sa kaibigan ko!" pagmamalaki nito at in-apiran si Ara. Sumandal si Ara sa pader at pinaekis ang kanyang kamay.
"Ikaw na," singhal niya kay Ian na susunod sa laban.
Tinulak ni Vincent si Ian. Si Ian naman ay nilakasan rin ang loob at tumayo sa harapan na parang walang kaba sa sarili.
"Sus. Napakadali pala ng mga tanong ninyo. Ano na! Ibigay niyo na agad 'yan, para matapos na ako rito," mayabang niyang sabi. "Ako si Ian, at oo. Hindi sa pagmamayabang, pero may katalinuhan din akong taglay," dagdag pa niya.
"Kung handa ka na,ito ang pangatlong katanungan," saad ng kalaban.
"May isang eroplanong umaandar sa alapaap. Sa hindi inaasahang pangyayari, habang nagmamaneho ay nasira ang preno nito sa harapan at hindi gumana ang iilang parte. Kinakabahan anng piloto dahil napakaraming sakay ng eroplanong iyon. Nag-landing ang eroplano sa isang malawak na gubat. Nasunog ang eroplano at maraming namatay. Ang tanong.."
Biglang bumalalas ng tawa si Ian kaya nagulat sina Patricia, Vincent at Makmak sa ginawa niya. Si Ara naman ay napasinghal lang.
"Sus. Iyan lang ba ang tanong mo? Pwedeng ibahin mo naman, yung medyo mahirap-hirap," anito at tatawa-tawa pa rin.
"Tumigil ka," galit na sabi ng kalaban. "Kung hindi baka ihulog kita sa kinatatayuan mo," anito.
Tinakpan ni Ian ang kanyang bibig, ngunit naroon pa rin ang pagtawa niya.
"Ang tanong, saan ililibing ang nakkaligtas?"
Hindi pa nagsisimula ang bilang nang sumagot na si Ian. "Sus! Kahit huwag niyo na akong gamitan ng timer. Edi sa simenteryo!" mayabang na sagot nito.
Biglang napasampal sa kanilang noo sina Vincent, Makmak at Patricia. Bumulalas na rin ng tawa si Ara at manakit-nakit ang tiyan habang tinuturo si Ian.
"Tanga!" tawag nito kay Ian. Lumingon naman si Ian, kasabay ng pagtunog at pulang kulay sa pangalan niya na lumabas ang ekis.
"Ano?! Bakit mali? Eh saan ba dapat ililibing? Sa gubat? Sa hospital? Hindi man lang ninyo binigyan ng hustisya ang mga buhay..." Napatigil siya roon.
"Teka..buhay?" pag-uulit niya, kaya hindi na rin magawang pigilan nina Patricia ang pagtawa.
"Tama," wika ng lalaki. "Ang mga buhay ay hindi nililibing. Maaari ka nang bumalik sa pwesto mo," anito.
Nakayuko at malungkot namang bumalik si Ian sa kanilang pwesto. Nakatikim pa siya ng batok kay Vincent at malakas na tawa mula kay Ara.
"Yabang mo kasi e!" inis na sabi ni Vincent.
"Basic pa ha?" asar naman ni Ara.