Matagumpay silang nakauwi dala ang nanakaw na chip. Sa tulong na rin ni Ian, hindi ito napansin ng kahit na sino. Bilib na bilib si Vincent sa ginawang pag-akyat baba ni Ian sa bubong at pagpasok nito sa loob, kahit alam nilang napakarami pang Quadro ang naroon. Tuwang-tuwa na bitbit ni Vincent ang chip hanggang sa buksan nito ang pinto ng kanilang bahay. Balak kasi niyang pag-aralan iyon hanggang sa matukoy na niya kung ano ba ang ginagawa nila sa mga halimaw.
"Ano, boss? Bilib ka na ba sa akin?" pagyayabang ni Ian.
Tumawa naman si Vincent. "Oo. Hindi ko alam na may kinabukasan ka pala sa pag-akyat bahay," pagbibiro nito, sabay umupo sa tabi ng mesa at binuksan anng gasera.
Maiging tiningnan ni Vincent ang chip na naglalaman ng nakapalupot na wire. Tatlo ang kulay ng wire na iyon. Pula, asul at dilaw. Konektado iyon sa nararapat na kulay. Wala naman espesyal sa chipset, maliban sa ibang bagay. Mayroong bilog iyon na sinliit lamang ng tuldok sa bolpen. Nakita iyon ni Vincent nang tinapatan niya ito ng lente.
"Para saan kaya ito?" tanong niya sa sarili.
"Boss? Hindi kaya delikado iyan? Baka hulihin tayo sa pagnanakaw natin ha?" nag-aalala na ngayong sabi ni Ian.
Binitawan naman ni Vincent ang kanyang hawak at tumingin ng seryoso kay Ian. "Kung may mangyari mang masama sa atin pagkatapos nating malaman ito, masaya na ako. Pero huwag kang mag-alala. Gagawin ko ang lahat para protektahan ka," aniya.
Tumango na lamang si Ian bilang pagkumbinsi sa kanyang sinabi. Kahit kasi tagumpay na silang nakapagnakaw ng isang chip, hindi pa rin matahimik si Ian, gawa nang iniisip niya na baka may record sila ng bawat chip o hindi kaya maaari nilang i-trace iyon at mahuli sila.
"Boss? Ano ang sunod nating gagawin riyan?" tanong nito.
Nag-isip isip muna si Vincent. Ngayong napasakamay na niya ang chip at pag-aaralan niya iyon kung paano gumagana ang chip sa mga Quadro at paano sila napapasunod.
"Ako muna ang bahala rito. Basta wala ka munang pasasabihin," saad ni Vincent at tinago iyon sa likuran niyang bulsa.
---
Huling araw nang kanilang pahinga, ngunit gumising si Patricia na parang napakabigat ng kanyang katawan at wala sa wisyong mag gagalaw. Tiningnan niya sina Ara at Makmak na mahimbing pa ring natutulog. Hindi niya masisi ang dalawa dahil alas tres na sila natulog kanina. Tumayo si Patricia kahit nanlalambot at mabigat ang kanyang katawan. Tumingin siya panandalian sa labas at tansya niyang mag a-alas siyete pa lamang ng umaga. Umupo muna si Patricia sa upuan at pinagpahinga ang sarili. Para siyang lalagnatin ngayon, ngunit nang hawakan naman niya ang kanyang noo ay hindi naman ito mainit.
"Bakit kaya ganito ang nararamdaman ko?" tanong niya sa sarili.
Sa kanyang pagmumuni-muni, dangan ang kaba at pag-iisip kung ano ang nangyayari sa kanya, biglang umingay ang labas, dahil sa malakas na paghipa ng trumpeta.
Napabangon sina Ara at Makmak, dala ang takang tingin kay Patricia. Kahit si Patricia ay nanlaki rin ang kanyang mata nang marinig iyon. Hindi siya maaaring magkamali, bukas pa ang simula ng laban, ngunit bakit ngayon ito tumunog.
"Anong meron?" tanong ni Makmak na parang gising na gising na ang kanyang diwa.
"Bukas pa ang simula ng laban ah?" dagdag pa ni Ara na paunat-unat pang tumayo mula sa kinahihigaan.
"Hindi ko rin alam. Pero teka, titingnan ko," wika ni Patricia saka siya tumayo upang sana ay lumabas, ngunit muntik din siyang matumba nang maramdaman ang hilo, kaya napahawak siya sa sandalan ng upuan.
"Teka Patchot, anong nangyari sa iyo?" takang tanong ni Makmak saka na rin ito tumayo. Lumapit siya kay Patricia at nag-aalalang hinawakan ang noo ng dalaga.
"Medyo mainit ka. Naku, mukhang nilagnat ka dahil sa pagsasanay natin," anito. "Siya, ako na lang ang titingin at makikibalita sa labas."
Hinayaan na lamang nina Patricia at Ara si Makmak na lumabas at tingnan kung ano ang nangyayari. Inakay naman ni Ara si Patricia pabalik sa higaan, dahil sa totoo lang, hindi kaya ni Patricia na tumayong mag-isa.
"Ngayon ka pa nagkasakit, Patricia. Sana lang mawala na iyan mamaya." Inihiga nito si Patricia. "Hayaan mo, ipagluluto kita ng lugaw," anito at tumayo.
"Teka," sabat ni Patricia. "Marunong ka na bang magluto?" tanong niya sa kaibigan.
Tumawa lang si Ara at tumalikod na. "Syempre. Wala ka bang tiwala sa akin?" anito.
---
Akmang mag-uunat na sana sina Ian at Vincent, ngunit sumakto naman ang pagtunog ng trumpeta. Nanlaki ang mata nilang dalawa, sabay nagtinginan. Pareho na rin silang kinakabahan sa posibleng mangyari ngayong araw.
"Boss.." wika ni Ian.
"Huwag muna nating pangunahan," aniya. "Baka may anunsyo lang."
Nagpatuloy sila sa kanilang ginagawa. Si Vincent ay maliligo na balon na nasa labasan, habang si Ian naman ang magluluto.
"Ikaw muna ang bahala riyan ah? Makikibalita lang din ako," wika niya kay Ian,bago lumabas ng bahay.
Sumang-ayon naman si Ian.
Sa paglabas ni Vincent dala ang antigong timba at tabo, nagtungo siya sa isang balon na limang dipa lang ang layo muna sa kinatatayuan ng kanyang bahay. Habang naglalakad, nagsisimula nang mag-anunsyo ang babae, tungkol sa mangyayari bukas. Sa totoo lang, wala pa rin siyang ideya kung ano ang mangyayari bukas, pero hindi na niya iyon iniisip at mas pinagtutuunan na lamang niya ng pansin ang nakuha nilang chip kagabi.
"Ngayong araw ang itinalagang pagbitay sa dalawang guwardiya na nagpatakas ng isang manlalaro noong nakaraang araw. Hunyo diyes sa ganap na alas otso ng gabi," tugon ng babae kaya napatigil siya sa paglalakad. Pati ang iilang tao na naglalakad ay napatigil na rin at bulong-bulungan ang dalawang guwardiya na iyon.
"Pinaghihinalaan na ang dalawang guwardiya na ito ang nagpapatakas sa mga manlalaro at matagal na nila itong ginagawa. Kapalit niyon ay pagbitay sa kanila mula mamayang alas singco ng hapon hanggang alas siyete ng gabi. Kung sino man ang nais na tumulong o magpakatas sa kanila ay magkakaroon ng karampatang parusa," saad muli nito.
Kumunot ang noo ni Vincent. Hindi niya alam na mayroon pa palang guwardiya na may malambot na puso. Ngunit sa ginawa nilang iyon, sila pa ang napahamak. Kung sabagay, kahit naman siguro siya ay maaawa kapag nakakita siya ng manlalaro na pinapahirapan.
"Kawawang mga guwardiya," singhal ng lalaki na kanyang nadaanan.
Pinagsawalang bahala na lamang niya iyon at nilapag ang timba sa tabi ng balon. Habang naliligo siya ay hindi niya mapigilang isipin ang dalawang guwardiya na bibitayin mamaya. Gusto man niyang iligtas ang mga 'yon, ngunit paano? Napakasagrado ng lugar. Ang plaza ay punong-puno ng mata. Isang galaw mo lang na mali ay maaari ka nilang barilin sa ulo o di kaya paulanan ng sibat.
Pagkatapos maligo ni Vincent ay kaagad naman siyang naglakad pauwi ng bahay. Maganda ang pakiramdam niya ngayon at punong-puno siya ng enerhiya, kaya napapakanta pa siya habang naglalakad.
Sa di kalayuan, nakita niya ang isang pamilyar na tao. Tumatakbo iyon at humahangos pa pabalik ng bahay. Nang tingnan niya ng mabuti ang lalaki, hindi siya nag atubiling tawagin si Makmak, ngunit hindi siya nito narinig. Parang nagmamadali si Makmak sa pag-uwi bakas ang nag-aalala nitong mukha. Wala siyang ideya kung bakit ganon, kaya kibit balikat na lamang siyang naglakad.
"Ano kaya ang nangyari doon? Ang weirdo naman ng mga tao ngayon," bulong niya sa sarili," sabay binuksan ang pinto ng bahay.
"Boss," sumalubong naman si Ian sa kanya, dala ang kinakabahang mukha.
"Ano? Bakit ganyan ang mukha mo?" iritang tanong ni Vincent.
"Narinig mo ba Boss, iyong anunsyo kanina? Iyong ma guwardiya? Paano kung..paano.."
"Hindi mangyayari iyon. Hindi bat ang sabi ko sa'yo, mamamatay muna ako bago ka nila magalaw? Tsaka teka nga." Pumasok na si Vincent sa loob. "Nilalamig na ako e. Tumabi ka muna riyan, at huwag kang masyadong nerbiyosin," anito.
"P-pero boss. Paano na tayo? Baka ma-trace nila yung kinuha natin na isang chip? Baka tayo naman ang dukutin. Tapos...tapos," hindi na nito matuloy ang kanyang sinasabi nang humarap si Vincent sa kanya dala ang seryosong mukha.
"Gusto mo bang tapusin na kita?" pagbabanta ni Vincent.
Mabilis namang umiling si Ian. "Pasensya na boss. Kinakabahan lang ako," anito.
"Alam mo, kung kinakabahan ka, umalis ka na lang dito. Kaya kong mag-isa. At saka may pinanghawakan ang pangako sa'yo. Marunong akong tumupad, anito at tumalikod na muli.
"Siya nga pala," aniya. "Nakita ko kanina si Makmak, humahangos pauwi ng bahay. Ano kayang nangyari doon?" tanong niya at umupo sa kahoy na upuan.
"Sa tingin mo boss, konektado kaya iyon sa dalawang guwardiya na bibitayin?" pagbabalik ng tanong nito.
Napaisip nang malalim si Vincent. hindi posibleng hindi nga iyon ang rason. Pero bakit? Kamag-anak ba niya iyon? Tinulungan din ba sila? Si Patricia? Isa ba sa kapamilya nito ang mga guwardiya? Kung gayon, kailangan nilang malaman, upang makatulong sila sa kanila.
"Ian." Tumayo siya at humarap kay Ian na abala sa paghahanda ng pagkain. "Kailangan mo akong tulungan," aniya.
"Saan boss? Teka ha..aray!" Lapag niya ng mangkok na may mainit pang sabaw. Hinipan niya ang kamay na napaso, bago tumingin kay Vincent.
"Saan po?" tanong niya.
"Pupunta tayo kona Patricia," aniya.
Tumingin naman ng nakakaloko si Ian. "Dada-moves ka na ba, bossing?" panunudyong tanong nito.
"Sira. Hindi!" dipensa naman ni Vincent. "Kausapin natin sina Makmak. Baka may maitulong tayo sa kanila. Isa pa," aniya at nagsimula nang mamula ang kanyang pisnge.
"Hindi mo maipagkakaila boss. Hindi ka kay Makmak nag-aalala. Kay Patricia," anito.
Hindi na makapalag si Vincent dahil kitang-kita na na pruweba. Isa pa, tama siya. Mag parte na nag-aalala siya nang makita niya si Makmak, ngunit mas inalala niya si Patricia.
Pagpunta nila sa tapat ng bahay ni Patricia, nag aalangan pang kumatok si Vincent, kaya tiningnan niya si Ian. Sa tingin pa lang ni Vincent, alam na agad ni Ian na kabado ito, kaya siya na ang nagpasimula. Pagtapos ng tatlong katok, iniluwal naman nito si Ara. Alalang-alala ang mukha nito, ngunit sinantabi iyon ni Vincent at palinga-linga siya sa loob upang tingnan kung naroon si Patricia.
"Nasaan si P-patricia?" Nauutal na tanong ni Vincent.
Tumingin naman si Ara sa gawing kanan, kung saan nakasandal si Patricia sa pader at animoy lambot na lambot. Sinusubuan siya ni Makmak ng lugaw. Mabilis namang nakaramdam ng kurot sa kanyanng puso si Vincent nang makita ang eksenang iyon. Mabuti na lamang at tinapik siya sa likod ni Ian, dahil mukhang nakakalimutan na niya na ilihim ang pagtingin sa dalaga.
"Anong nangyari sa kanya?" tanong ni Ian.
"Ayun, nilagnat." Binuksan ni Ara ng buo ang pinto, kaya tumuloy sila. Sabay namang napatingin si Patricia at Makmak sa kanila.
Hindi alam ni Vincent kung namamalikmata lang ba siya, pero noong nagtagpo ang mata nila ni Patricia, hinawi ng dalaga ang kutsarang may pagkain na hawak ni Makmak at ngumiti ng makita siya.
"Vincent?" tawag ni Patricia.
Kaagad namang nagpunta si Vincent sa kinaroroonan ni Patricia at nag-aalala niya itong hinawakan ang kamay.
"Ayos ka lang ba? Anong nangyari sa'yo? Bakit putlang-putla ka?" Hindi maiwasan ni Vincent ang sunod-sunod na tanong, kaya bakas sa mukha nina Ara, Makmak at Patricia ang pagtataka.
"Ehem!" pakunwaring inubo si Ian, kaya naman tinanggal ni Vincent ang pagkakahawak sa kamay ni Patricia. "Boss. Hindi ba may sasabihin ka sa kanila?" pag-iiba nito ng usapan.
"Ah oo nga pala." Tumayo si Vincent, habang nakatingin pa rin kay Patricia. "Nakita ko kasi kanina si Makmak, humahangos at nagmamadaling tumakbo," aniya.
"Vincent, iyon nga rin sana ang sasabihin namin sa'yo," sabat ni Patricia.
"Teka, teka." Tumayo na rin si Makmak. "Seryoso na ba talaga kayo sa pinag-usapan natin kanina?" tanong nito.
Tumango naman si Patricia. "Alam mo naman kung gaano kahalaga sa akin sina Adonis at Liv hindi ba? Ilang beses na nilang sinagip ang buhay ko. Isa pa, pamilya ko na rin sila," wika ni Patricia kaya napakunot ang noo ni Vincent.
"K..kilala niyo sila?" tanong ni Vincent.
Tumango lamang si Makmak, ngunit hinei sapat ang sagot na iyon kaya tumingin siya kay Ara. Si Ara naman ay tila tulala lamang, habang inaasar siya ni Ian. Tiningnan niya rin si Patricia.
"Oo, Vincent. Sa totoo lang, ako ang dahilan kung bakit mangyayari iyon sa kanila," anito.
"Ikaw?" Hindi makapaniwalang sabi ni Vincent. "Pero paano?"
"Niligtas nila ako mula sa ika-apat na antas ng laro. Ang akala ko, ayos na ang lahat. Ilang araw na rin naman ang lumipas e, kaya nagulat kami bakit nakarating sa kataas-taasan ang ginawa namin," anito.
"Ngayon, hihingi sana kami ng tulong sa inyo. Mababait sina Liv at Adonis. Maaasahan natin sila! At saka, hindi ko maaatim kapag may nangyaring masama sa kanila," anito.
Tumango lamang si Vincent. Bigla naman silang tumahimik nang iusog ni Ara ang upuan at buong lakas niyang hinawakan ang tainga ni Ian palabas.
"Teka lang ah? Kanina pa ako nangigigil dito e," anito.
Hindi naman makasigaw si Ian dahil masama rin ang tingin sa kanya ni Vincent.
"Paano ba ang balak ninyo?" tanong ni Vincent nang makalabas na ang dalawa.
Umupo si Makmak sa upuang kahoy, kaya sumunod si Vincent. Si Patricia at nakaupo sa sahig habang nakasandal ang kanyang likuran sa pader.
"may suspetsya kami na may signal ang buong plaza. Tumutunog iyon, kapag may bumangga o nagbalak na tumakas mula roon, kaya nakaisip kami ng paraan," ani Makmak.
"Anong paraan?" tanong ni Vincent.
"Dahil mabilis naman akong umakyat, hahanapin ko ang switch sa bawat gilid ng plaza. Hindi pa namin napaghahandaan, dahil mamaya ay marami nang tao, kasama pa ang ibang guwardiya. Si Ara naman ang maglilito sa ibang guwardiya," paliwanag ni Makmak.
"Teka. Marunong ka bang kumalikot ng kuryente?" usyoso ni Vincent.
"Ayun nga e," ani Makmak. Tyambahan lang namin sila. Pagkatapos ikaw ang tutulong sa akin sa ibaba. May kuryente kasi ang bakal na ilalagay sa leeg nila, kaya kailangan muna natin iyon tanggalin," anito.
"Wala na tayong problema sa kuryente," prenteng sagot ni Vincent.
"Bakit naman?" tanong ni Patricia.
May kung anong dinukot si Vincent sa kanyang bulsa. Mabilis niya itong pinakita kina Makmak at Patricia ang chip na nakuha nila.
"Tinulungan ako ni Ian na kuhanin ito kagabi," aniya.
Takang-taka namang lumapit sa kanya si Makmak at kinuha iyon. "Ano ito?" tanong nito.
Bigla na lamang napatayo si Patricia at dahan-dahan na lumapit kay Makmak, upang usisain ang maliit na bagay na iyon. Matagal-tagal na rin simula nang huli siyang makakita ng chip, ngunit hindi pa rin nababawasan ang kanyang kaalaman patungkol sa mga gano'n.
"Saan mo ito nakuha?" tanong ni Patricia, sabay inagaw kay Makmak ang Chip.
"Sa dulo ng burol." Ani Vincent. "Sinundan namin ang mga Quadro kinagabihan, pagkatapos iyan ang nakita naming sinasaksak sa kanila pagkatapos," paliwanag niya.
"Kung hindi ako nagkakamali, isa itong blackchip," ani Patricia,ngunit parang wala pa ring ideya ang dalawa sa kanyang sinasabi.
"Anong pinagsasabi mo?" natatawang sabi ni Makmak. "Eh kulay ginto ito oh!" silip pa nito na parang nanloloko sa kulay.
"Hindi sa kulay nababasa ang isang chip, Makmak." Ngayon ay umupo na si Patricia katabi ni Vincent at masusing tiningnan ang bawat detalye nito."Ang black chip ay daluyan ng isang kuryente. Sa kuryenteng iyon, maaari nilang pasunurin ang isang bagay, o di kaya ang isang mabangis na hayop. Kadalasan ginagamit ito sa ibang bansa, sinasaksak nila ito sa tiyan ng mga aso upang matrace kung nasaan na ba ang mga alaga nila," paliwanag niya.
"Pero anong ganap niyan? Bakit nila nilalagyan ng mga chip ang Quadro?" naguguluhan pa ring tanong ni Vincent.
"Simple lang." Sumandal si Patricia. "Iyan ang magmimistulang tagapagbantay nila. Kung may ginawang masama ang Quadro o labag sa kanilang patakaran, maaaring sumabog ang sila gamit ang tatlong daang boltaheng nakasaksak sa kanila," anito.
Nanlaki ang mata ni Makmak. "Tatlong daan?! Eh tingnan mo nga kung gaano kaliit ang chip na iyan! Paano kakasiya riyan ang tatlong daan?" hindi pa rin nito makapaniwalang saad.
"Kaya pala walang magawa ang mga Quadro kung hindi ang sumunod na lamang," wika ni Vincent.
Tumango si Patricia. "Hindi natin masisisi ang mga Quadro kaya sila gano'n, ngunit maaari nating tanggalin ang mga 'yan," tugon nito.
"Pero bakit hindi sila? Bakit hindi na lang sila ang magtanggal e katawan naman nila 'yan?" tanong ni Makmak.
"Hindi nila maaaring tanggalin iyan, Makmak," mahinahong sabi ni Patricia. "Bago nila idikit o isuksok yan sa likuran nila, i-scan muna ang kanilang mga kamay. Kapag nadetect na lumalapit ang kamay nila sa chip na 'yan, na nasa likod naman nila, maaari iyong sumabog. Ganyan sila ka katalino," anas nito.
Kinuha naman ni Vincent sa kamay ni Patricia ang chip, at bago iyon ay nagtitigan muna sila panandalian.
"Ngayon alam ko na kung anong trabaho nito sa kanila," wika ni Vincent. "Dahil tinulungan ninyo ako. Tutulong din kaming dalawa ni-" hindi na natuloy ni Vincent ang kanyang sinasabi nang bumukas bigla ang pinto at pumasok sina Ian na ngigiti-ngiti at si Ara naman na nakakunot ang noo.
"Nandito na kami," tamad na sabi ni Ara.
"Mukhang tapos na kayong magbangayan, ah?" pang-aasar ni Makmak.
Hindi na muling sumagot si Ara at tumabi na lang siya kay Makmak. Si Ian naman ay tumabi kay Vincent sa kabila, dahil ang kanan ni Vincent at naroon si Patricia.
"Anong maitutulong namin?" tanong ni Ian.
"Ikaw ang kailangan namin sa planong ito, Ian," ani Vincent.
"Go ako riyan!" pagsang-ayon naman nito.
Natapos ang kanilang diskusyon sa loob ng dalawang oras. Nagpaalam muna sina Vincent na uuwi muna sa kanila at kukuha ng gamit na maaaring gamitin mamaya sa pagkalas ng kuryente at bakal. Nagkaroon naman ng linaw ang kaninang nag-aalalang mukha ni Patricia. Hindi nito maitago ang kaba at konsensya tuwing iniisip niya sina Lliv at Adonis. Lalo na harap-harapan pa niyang natunghayan kung paano kumitil ng buhay doon sa plaza. Ayaw na niyang madagdagan pa ang mga nabiktima no'n.
"Ayos ka na ba?" tanong ni Makmak.
Ngumiti naman si Patricia. "Kahit papaano ay lumuwag na ang dibdib ko. Salamat sa inyo," wika niya kina Ara at Makmak.
Tumayo naman si Ara. "Alam mo, sa animnapu nating manlalaro, hindi pa ba tayo magtutulungan? Pwera na lang kung 'yung mga sakim ang kagrupo mo. Baka ilaglag ka ng mga 'yon, kapag gipitan na," anito.
"Kaya nga e. Mabuti na lang talaga nagkaroon ako ng kaibigan na maaasahan," wika niya.
Tinapik ni Makmak ang balikat ni Patricia sabay tumayo. "Magpahinga ka muna at kami na ang bahala mamaya," anito.
Oo, hindi hinayaan ni Vincent na sumama si Patricia, kapalit nang tutulong sila. Halata rin naman kasi kay Patricia na hindi pa niya kaya. Isa pa, kung masyado silang marami doon, baka makatunog ang mga guwardiya at maalarma ang marami.
"Ayos ka lang ba?" tanong ni Patricia nang mapansin na kanina pa tahimik si Ara.
Tumango lang si Ara. "Naiinis lang ako sa Ian na iyon. Nabuhay lang yata sa mundo 'yon, para mambwisit e," anito na ikinatawa naman ni Patricia.
Tumaas ang kaliwang kilay ni Ara at tumingin ng masama kay Patricia. "Bakit ka tumatawa riyan?" tanong nito.
"Wala." Umiling si Patricia. "Alam mo, diyan nagkatuluyan ang lola't lolo ko," panunukso niya.
"Manahimik ka nga diyan, Patricia!" Inis nitong sabi at tumayo. Sa huli ay pati si Makmak ay nakiayon na rin at inaaasar si Ara. Dahil hindi mabatukan ni Ara si Patricia ay kay Makmak na lamang siya bumabawi. Pagkatapos niyon ay nagtatawanan na sila.