Sierra Villavicencio
Nagising akong walang telang bumabalot sa aming mga katawan, kaagad na pumasok sa isipan ang mga naganap kagabi kung kaya dali-dali akong umalis upang kunin ang aking mga kasuotan. Bakit napakalayo naman ng mga narating nito? Nang matapos ay bumalik sa kinaroroonan ng lalaki, pinagmasdan siyang matutulog nang payapa; bumaba ang aking tingin sa kaniyang matipunong dibdib, hindi rin nakawala sa aking mga mata ang kaniyang tiyan. Naaalala ko ang aking sarili na hinawakan iyon, maging ang kaniyang mukha na alam kong sabik na mapunan ang init ng katawan. Hindi namin nasilayan ang mukha ng bawat isa ngunit bakit namumuo sa aking isipan ang kaniyang ginagawang ekspresyon? Mula sa aking kinaroroonan, tanaw ko nang husto ang kaniyang mukha, mula sa plakado at paarko nitong kilay, sa tangos ng ilong, at sa manipis na labi na mawaksi sa aking isipan. Hindi ko mabatid kung bakit bigla na lamang ako nahirapang huminga kung kaya kaagad kong inialis ang tingin sa kaniya.
Ito ang aking pagkakataon para makatakas. Matagal ko nang nais na makawala sa mga mata ng nasa kampo, maging kay Darius, ngunit sa halip na matagpuan ang sariling tumatakbo papalayo, namalayan ko na lamang ang sarili na tinakpan ang kaniyang katawan gamit ang mga kasuotan niya at hinintay siyang magising. Unti-unting iminulat ng lalaki ang kaniyang mga mata, hindi ko alam ang aking unang mararamdaman. Kahihiyan? Tuwa? Inis? Galit? Ang p********k ay dapat may permiso ng bawat isa. Kahit pa sabihin na nilabasan ka, o tumutugon sa bawat haplos, kahit pa sabihin na umungol sa bawat pasok at labas, kahit pa hindi ka tumanggi sa kaniyang mga ginagawa, kung hindi ka um-oo sa ginagawa sa iyo ay matatawag iyong panggagahasa; Iyon ang nakasaad sa batas sa Pilipinas.
Ngunit sa kabila niyon, hindi ko makita ang sarili na nasa hukuman at sinasampahan siya ng kaso. Tumalikod ako nang umupo ang lalaki nang kniayos ng lalaki ang sarili. Habang ginagawa iyon ay nagtatanong siya kung bakit ako nakatalikod. Ayon sa kaniya, normal lang daw ang nangyari at walang nakahihiya kung makita namin ang katawan ng bawat isa. Sinabi rin nito na kahit ang isang pusong lalaki ay nagkakaroon din ng p********k sa isang lalaki, isa raw iyong hindi mapipigilang bagay dahil parte na iyon ng aming pagkatao na likas ang kuryusidad.
Kaagad ko siyang hinarap, "Tibo?"
Umangat ang kaniyang labi bago pinagpagan ang sarili. "Cruz, 'di ba?"
Hindi na dapat ako nagulat na alam niya ang tungkol dito. Kinuhanan kami ng bahay upang magkaroon kami ng proteksyon at kaakibat niyon ay ang mga matang patuloy na nagmamatyag mula sa malayo. Nakapagtataka lang na kung kailan wala ang mga iyon ay saka dumating ang death threat, ni hindi manlang nila nakilala kung sino ang may kagagawan.
"Maganda siyang babae, mukhang matalino rin at palaban sa buhay," komento ni Darius. Bumuntong hininga ang lalakk. "Parte ng trabaho ko ang alamin kung sino ang nakasasalamuha mo. Hindi nais ni Senator Agustin na maging guro ka pero masyadong matigas ang ulo."
Hindi ko mapigilan ang mapataas ng kilay sa kaniyang tinuran. "Hindi ka magtatagal sa iyong bagay kung wala ang puso mo rito."
"Kaya ba naging guro ka dahil sinundan mo iyong babae?"
Napailing na lamang ako. Ito na naman siya sa ugali niyang ito. Wala pa rin palang nagbago roon pagkatapos ng lahat, pero sa kabilang banda, kumpara noon, ramdam ko ang hindi tensyonadong katawan nito. Mas naibibigay na ng lalaki ang kaniyang mga iniisip hindi tulad dati na pakiramdam ko ay marami siyang itinatago mula sa akin.
Nagsimula na kaming maghanda. Sinabi ng lalaki na kinakailangan naming maghanap ng tubig. Walang duda iyon dahil kahapon pa ako nauuhaw. Habang nasa daan, napansin ko ang panay hawak nito sa mga dahon. Noong una ay akala ko ay naghahanap ito ng pagkain, siguro ay mushroom? Hindi ko alam kung may makakain ba na iyon dito. Pero noong may natagpuan kaming isa ay naglakad siya na para bang hindi iyon nakita.
"Anong hinahanap mo?" Hindi ko na tuloy mapigilan ang sarili.
Iniangat nito ang tingin mula sa paghawak ng mga bato. "Lumot."
"Lumot? Akala ko ba ay naghahanap tayo ng tubig?" Malinaw pa sa aking memorya ang mga salitang sinabi niya kanina. Iinom kami ng tubig para mapawi ang aming pagka-uhaw, ngunit bakit ngayon ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin? Dahil ba ito sa gutom niya?
Bumuntong hininga ang lalaki bago ako inayang lumapit sa kaniya. Nag-alangan man ay ginawa pa rin ang kaniyang sinabi, pinagmasdan ko ang kumpol ng mga dahon na kaniyang inalis, ang mga natira roon ay mga bato. "Tingnan mo, walang lumot banda rito."
"Nakikita ko," pagtango ko sa kaniya. "Pero anong ibig sabihin niyon?"
"Walang tubig," sabi ng lalaki. "Malalaman natin kapag malapit na tayo sa pinagkukunan ng inumin kapag may mga lumot. Hindi mo ba napapansin noong nasa dati pa ninyo kayong bahay? Kapag nasa poso ka, merong mga lumot sa paligid. Bukod pa roon, mayroon ding mga lumot sa swimming pool."
Nagsimula nang maglakad ang lalaki at muling inalis ang mga dahon sa paligid, habang ako ay nakatingin sa kaniya dahil sa aking bagong kaalaman na hatid niya. "Pero hindi ba delikado ang mga iyon? Baka sumakit ang tiyan natin kapag uminom tayo sa tubig na may mga lumot."
"Ah, iyon ba? Hindi mismong tubig galing sa pagkukunan natin ang ating iinumin. Kinakailangan nating pakuluan ito para makaiwas makasiguradong hindi contaminated," wika ni Darius. Tinulungan ko ang lalaki sa paghahanap ng mga berdeng bagay habang siya ay patuloy na nagpapaliwanag. "At ang steam na galing sa pinakuluan nating tubig ay ang siyang ating iinumin."
"Hindi ba masyadong maproseso iyon?"
Sumang-ayon ang lalaki, bago ngumiti nang bahagya saka bumalik sa ginagawa. Maproseso ang kaniyang mga sinasabi. Wala na bang mas madaling paraan? Baka mamatay na kami at wala pa ring makuhang inumin. At saka isa pa, kung dito ang kampo nina Darius, hindi ba nakapagtataka kung hindi niya alam ang pinagkukunan ng tubig dito?
"Masyadong malalim ang mga iniisip mo," aniya. "Huwag kang mag-alala, kaya nating mabuhay ng tatlong araw nang walang tubig."
Napanganga ako sa kaniyang itinuran. Ano ba ang nais niyang iparating? Na dahil lang sa mga sinabi niyang iyon, kung may katotohanan man o hindi, ay pupwede na kaming huwag uminom ng tubig? Hindi nakatatanggal iyon ng aking mga pag-aalala.
"Alam mo ba ang rule of 3s?"
"Rule of, ano?"
Pinaglaruan ng lalaki ang mga batong hawak. Sapat na boses ang kaniyang pagsasalita habang kumukuha ng tatlong bato na sapat lamang para aking marinig.
"Rule of 3s: Kaya mong mabuhay ng tatlong (3) minuto nang walang oxygen; tatlong (3) oras nang walang tirahan kapag delikado ang paligid; tatlong (3) araw nang walang maiinom na tubig; tatlong (3) linggo nang walang pagkain."
Mahirap ipasok sa utak ang kaniyang mga sinasabi. Simula pa kahapon ay marami na itong inuusal na mga patakaran na kinakailangan kong tandaan, at sinusubukan ko na alalahanin ang mga iyon. Lumaki si Darius sa lugar na ito, kinalakihan niya ang mga natural na panganib sa bundok, at idagdag mo pa ang katotohanan na kanang kamay ito ni Senator Agustin at sanay kumitil ng buhay. Kung kaya sa aking palagay, hindi na kataka-taka kung nahasa ang isip nito sa kung papaano manatiling humihinga. Hindi maipagkakaila na marami nga itong alam sa mga ganito, ngunit bakit niya sinasabi iyon sa mga oras na ito? May kinalaman ba ang death threat na natanggap ko kung kaya ganito ang mga ikinikilos ng lalaki? Walang kasiguraduhan, ngunit hindi malabo.
"Darius!" sigaw ko na kaagad nakakuha ng kaniyang atensyon. Nataranta ang lalaki at naging balisa, kinuha nito ang armas at itinutok sa paligid. Napatampal ako nang noo nang maalalang hindi ko nga pala dapat ginawa iyon. Nanliit ang mga mata ng lalaki nang mapagtantong walang panganib na nakaabang, may halong inis ang kaniyang mukha habang nakatingin sa akin. Lumapit ang lalaki nang senyasan ko siya, itinuro ko ang aking kamay na nakalapat sa mga bato. "Lumot," mahinang sabi ko, hindi mapigilan ang mga ngiti. Parang batang nakakuha ng gantimpala, ng candy, naghihintay na malasahan iyon.
Nagmamadali kaming pumunta sa lugar na iyon, patuloy na naghahanap ng berdeng bagay bilang isang gabay sa kung saang direksyon patungo, hanggang sa namalayan na lamang na hindi na kinakailangan iyon dahil lalong lumamig ang paligid. Bukod pa roon ay mas lalong naging basâ ang aming nilalakaran, sinundan pa ito ng mahinang pagbuhos na tila ba ay ulan. Patakbo kong sinundan ang tunog, at nang tuluyang masilayan iyon ay kusang lumuwa ang mga mata sa nakita. Ito ang unang pagkakataon na makakita ng ganito, nasanay lamang ang sarili sa dagat at sa swimming pool. Malapít sa aking puso ang tubig, kinakalma nito ang aking puso, binibigyang seguridad nito ang kapayapan ng aking isipan.
Kagaya ng inaasahan, napaliligiran ito ng mga puno at ang mga ugat nito ay pumaparoon sa mga malalaking bato na may namumuong mga lumot. Patuloy ang pagbagsak ng tubig, napakilis nito at nag-aayang inumin siya. Wala sariling napalunok ako nang maramdaman na nabasa ang aking paa ng tubig. Hindi ko na napigilan, umupo ako at yumuko, isinalok ang kamay sa tubig at handa na sanang inumin iyon nang may pumigil sa aking kamay at itinapon nito ang inumin na nasa aking kamay.
"Ano bang iniisip mo, Sierra?" madiing tanong ng lalaki, hinila niya ako paalis doon saka pinaupo sa malaking bato hindi kalayuan sa talon, napasandal na lamang ako sa puno dahil sa pagod. "Gusto mo bang mamatay sa contaminated na tubig? Hindi natin alam kung may ihi ng tao, o dumi ng hayop iyan."
Kumunot-noo ako sa kaniya. "Kaya ba paiinitin muna kagaya ng sabi mo kanina?"
Napahugot nang hininga ang lalaki na para bang nauubos na ang kaniyang pasensya, ngunit pinili pa rin nitong sagutin ang katanungan ko. "Oo."
Nagsimula siyang kapain ang kaniyang bulsa, doon ay may nakita akong lighter, ngunit hindi iyon pang karaniwan dahil para itong parisukat at pilak. "Mukhang hindi mo na kakayanin na gumawa ng apoy kung kaya ito na muna ngayon, pero sa susunod ay pag-aaralan mo."
Hindi ko na talaga kaya at isa sa mga ikinilos ko kanina ang patunay ng bahay na iyon. Sa kabilang banda, batid ko na ang tinutukoy nitong pagkawa ng apoy ay ang mga sinaunang pamamaraan, hindi ko nga lang sigurado kung alin sa mga pamamaraan na iyon ang ianiyang tinutukoy. At tama lang ang desisyon niya na hindi muna ngayon ang paggawa ng apoy dahil sa aking palagay, hindi sapat ang isang araw para matuto kung papaano gagawin iyon.
Nagsimula kaming mangalap ng mga kahoy. Dahil nga basa ang paligid, kinailangan pa naming bumalik nang bahagya sa aming pinanggalingan na sadyang nakauubos ng oras. Dito lamang sa bahaging ito ang may tuyong mga dahon at sanga, bukod pa roon ay kinailangan pa naming kumuha ng lalagyan ng tubig. Pagkatapos ay bumalik din kami roon sa talon.
"Lumot lang ba ang paraan para malaman kung nasaan ang tubig?" tanong ko sa lalaki habang sumasalok ito.
Napatingin siya sa akin, "Hindi naman." Handa na sana siyang dugtungan ang sasabihin nang biglang may gumalaw sa paligid. Doon ay may nakita kaming agila, may bitbit itong daga sa kaniyang tuka. Isang lunukan lamang niya iyon, pagkatapos ay naligo ito at habang ginagawa iyon ay umiinom ng tubig. "Kagaya niyan."
"Huh?" Nilingon ko ang lalaki, naagaw nang husto ng ibon na iyon ang aking atensyon. Nakamamangha ang laki nito, ang kung papaanong kinaya na lumunok ng buhay na daga, ang kung papaano nakatutok din ang atensyon nito sa amin na parang may pagbabanta habang naliligo.
"Kailangan na nating umalis, Sierra. Hindi ligtas kung mananatili tayo rito."
Muli kaming bumalik sa aming pinanggalingan. Doon ay nagsimula kaming, o mas tamang sabihin na ako. Oo, nagsimula akong magpaapoy habang ang lalaki ay nakatingin lamang sa aking ginagawa. Nang matapos ay napatingala na lamang ako. Hindi sapat ang nakuhang tubig mula sa singaw ng aming pinakuluang tubig.
"Gusto ko pa," tanging naiusal ko na lamang. Ipinakita ng lalaki ang lalagyan na wala nang laman. Kumibit balikat ito bago tinago sa kumpol ng mga dahon ang aming mga ginamit. Bumagsak na lamang ang aking balikat sa nakita, lalo na nang sabihin nito na muli kaming magpapatuloy sa paglalakad. Wala na bang katapusan ito? Gaano ba kalawak ang Sierra Madre?