Sikel Villavicencio
Muli kaming nagpatuloy sa paglalakad, walang hanggang paghakbang at pagod ang aking nararamdaman at kahit ilang minuto palang ang aming paglalakbay ay nakaramdam kaagad ako ng pagkauhaw. Naalala ko nga pala na hindi manlang umabot sa aking lalamunan ang tubig na aming ininom, kung kaya hindi na nakapagtataka na ganito ang aking kalagayan. Tagaktak na rin ako ng pawis, aakalain na naligo ako kahit na iba ang sinasabi ng aking amoy ukol doon. Walang katapusang paglalakad sa mga puno, masukal na daan, at sa ilalim ng tirik na araw. Bakit ba pakiramdam ko ay paulit-ulit nalang ang aming dinaraanan? Parang hindi kami umaalis sa lugar na ito.
"Pinaglalaruan mo ba ako, Darius?" huminto ako sa paglalakad at napakapit sa puno. Matalim ang mga matang ipinukol sa kaniya, binalot naman ng pagtataka ang mukha ng lalaki. "Kanina pa tayo naglalakad. Saan ba talaga tayo papunta?"
Ipinaliwanag ng lalaki na patungo kami sa hideout na kung saan sinabi niya ay may bunker, hindi ko pa rin batid kung ano ang bagay na iyon ngunit ayon sa kaniya, ito raw ang aming magsisilbing proteksyon habang nasa lugar na ito. Hindi raw kami maaaring lumabas ng probinsya dahil delikado, hindi ko alam kung bakit niya nasabing delikado iyon kung may hinala siya na hindi mapagkakatiwalaan ang mga taong narito. Hindi ba mas nakababahala na itapak mo ang sarili sa pugad ng mga taong narito?
Aking ilabas ang soloobin; sabi ko, simula pa kahapon ay naglalakbay na kami ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nakatatapak sa aming destinasyon. Ang mga paulit-ulit nitong sagot sa aking mga katanungan kung "malapit na ba?" na ang palagi niyang tugon ay "hindi pa, malayo pa." ay nakabibingi na sa pandinig. Inabutan ako ng lalaki ng sanga ng puno. Ayon sa kaniya, gamitin ko raw iyon bilang alalay dahil mas lalo lang kaming magiging mabagal kung bubuhatin niya ako lalo pa dahil patarik ang bundok. Nagsasabi ng totoo ang lalaki, hindi naman kami nasa isang telenovela na kapag natapos ang p********k ay parang isang prinsesa na ang ituturing sa iyo ng kasama, at hahawakan ka sa leeg na parang pagmamay-ari ka. Hindi gano'n ang lalaki, iniisip nito na kailangang panatilihin ang lakas para sa iba pang mas mahalagang bagay. Nakikita raw nito sa akin ang pagbabago, hindi kagaya noon na una akong nakarating dito na halos himatayin na. Pinagmasdan ko ang iniabot nitong bagay, bahagya nitong ipinaalala sa akin ang unang pagkakataon din na inabutan niya ako niyon.
"Malawak ang Sierra Madre," wika ng lalaki habang nasa kalagitnaan kami ng paglalakad. "Sakop nito ang probinsya ng Cagayan hanggang Quezon. Bukod pa ro'n, pinoprotektahan nito ang Luzon mula sa mga bagyo na nanggagaling sa Pacific Ocean, kumbaga barrier, firewall, kasi pinapahina niya ang mga malalakas na bagyo na tatama sana sa Luzon."
Batid ko na ito ang probinsya ni Darius, dito na siya lumaki at sanay siya sa mga paikot-ikot dito. Minsan ko na rin siyang narinig na magsalita ng ibang diyalekto sa mga katutubo. Kakaiba, pero nakamamangha na hindi mo kinakailangang maunawaan ang banyagang lenggwahe sa labas ng bansa para lamang matawag na polyglot. Nakamamangha kung papaano lubos mong mauunawaan ang mga soloobin ng mga narito dahil sa partikular na emosyon na inilalabas nila na hindi matutumbasan ng kung anuman ang lenggawahe na nasa kapatagan.
Hindi ko alam kung namamalikmata lamang ako dahil nakikita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Kung may isang bagay man na aming pinagkakasunduan ni Darius dati, ito ay ang hindi rin niya kagustuhang makihalubilo sa mga tao. Mas gugustuhin nito na mapag-isa, makikinig sa musikang nagpapaalala sa kaniya ng bayang kinalakihan. Hindi ko mapigilan na mapaklang mapangiti sa mga magagandang alaala na mananatili lamang sa gano'ng estado.
"Nakatira ka sa Mindoro, 'di ba?" Tumango naman ako. "Pinahihina rin ng mga bundok doon ang mga bagyong tumatama sa inyo."
Ramdam ko iyon. Noong may humagupit na bagyo, malaki ang porsyento sa Luzon at Visayas ang napinsala nito, ngunit malaki pa rin ang pasasalamat ng mga guro. Ayon sa kanila, dahil daw iyon sa mga bundok na pumapaikot sa aming probinsya. Hindi ko tuloy mawari kung ano ang mangyayari sakaling mawala ang mga iyon, kapag nawala ang kabundukan, direktang papasok ang mga bagyo sa bansa at mas malaki ang pinsalang maidudulot nito hindi lang sa mga ari-arian kundi maging sa buhay. Natitig ako kay Darius na malalim ang iniisip; kaya ba niya nabanggit ang mga bagay na iyon dahil nag-aalala siya na baka tuluyang masira ang kabundukan? Bumalik sa aking isipin ang mga imaheng aking nakita noong bumaba kami sa sasakyan, walang hangin ang gulong ng kotse noong mga oras na iyon kaya napilitan kaming maglakad, at natagpuan ko ang sarili na nakatingin sa mga taong abala sa ginagawa kahit na hindi pa man sumisikat ang araw. May kinalaman ba iyon kung kaya malalim ang kaniyang iniisip? Nakumpirma ang aking hinala nang muli siyang umusal ng mga salita.
"May plano silang magpagawa ng dam. Lulubog ang malaking bahagi ng mga barangay, maging ang mga hayop na narito at mga kagubatan. Hindi na rin magiging madali ang pagkuha sa mga isda dahil halos animnapung metro ang taas ang kanilang gagawin," hindi nakaligtas sa aking mga mata ang pagsarado ng kamao ng lalaki. "Lahat ng iyon para lang mabigyan ng sapat na tubig ang taga-Maynila. Bakit kailangan na ang kapaligiran ang masira? Bakit kailangang isakripisyo ng mga katutubo ang ancestral land nila para sa hindi pagpapahalaga ng mga tao sa tubig? Bakit kailangang may maglahong mga barangay para lang mapunan ang pangangailangan sa mga establishemento na ginawa para sa mga dayuhan na dapat bago papasukin ay kinakalkula na ang maikukunsumo ng mga ito? Bakit? Bakit ganito ang sistema sa Pilipinas?"
Namalayan ko na lamang ang aking sarili na unti-unting lumapit sa kaniya. Ipinahilig ko ang kaniyang ulo sa aking balikat, hanggang sa tuluyan siyang bumigay at niyakap ako nang mahigpit. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit kami nagkakasundo dati, ang aming nagkatatagpong paniniwala, ang aming prinsipyo pagdating sa mga bagay na ito, ngunit nagbago ang lahat ng iyon sa isang kisap lamang ng aking mga mata.
Nang kumalma ang lalaki ay naghanap ako ng pagkakataon upang maiusal ang kanina ko pang nararamdam. Mahirap kasing magbukas ng usapan kapag kagagaling lamang sa isang sensitibong usapin, ngunit wala na talaga akong pagpipilian. Huminga na lamang ako bago iusal ang mga salitang iyon, "Gutom na ako."
Bahagya pa akong napapikit upang hindi makita ang reaksyon ni Daruis nang lumingon ito sa akin. Inaasahan ko na magiging tahimik ang atmospera pagkatapos kong sabihin iyon, inaasahan ko na maiinis siya ngunit salungat sa mga hinala, nakita kong sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Inilahad nito ang kamay sa harap ko, walang alinlangan kong kinuha iyon dahilan upang sumaklop ang aming mga kamay.
"Kilala mo ba si Hiroo Onoda?" tanong ni Darius. Sumalubong ang aking kilay, hindi pamilyar sa akin ang taong iyon. Artista ba ito? Wala sa konteksto kung biglang iuusal ni Darius iyon, wala akong ideya pero mukhang banyaga ito base na rin sa pangalan. "Nakatira ka sa Mindoro, hindi ba? Si Hiroo Onoda ay parte siya ng sandatahang lakas ng mga Hapon. Noong pangalawang digmaan pandaigdig, pumunta sila rito sa Pilipinas at nagtago ang sundalang iyon sa kagubatan ng Mindoro."
Nakarating kami sa isang puno, huminto si Darius at kumuha ng bunga niyon. Wala akong alam sa pagkakakilanlan, hindi ko batid kung makakain ba talaga iyon, ngunit nang makita kong sinubo at nilunok ng kasama ko ang prutas, saka ako sumunod. Kakaiba ang lasa nito, medyo mapakla ngunit napunan ang pagkatuyo ng lalamunan dahil sa katas kung kaya mas mainam pa rin kaysa wala.
"Nagtago siya sa kagubatan dahil alam niya na mabuti iyong gawin. Una dahil makakapagtago siya at mahihirapan ang sandatang lakas ng Pilipinas; pangalawa dahil maraming pagkain sa kagubatan. Hindi na malaga kung pangit ang lasa nito, basta ang importante ay masustansya at malalamanan ang iyon siskmura." Sandaling tumigil ang lalaki sa pagsasalita, habang ako naman ay tutok ang atensyon sa pagkain ng iniabot niya.
"Sierra?" Ibinaling ko ang atensyon sa kaniya at hinihintay ang kaniyang sunod na sasabihin. "Kagaya ni Hiroo Onoda, may dahilan ako kung bakit ginawa ko sa iyo ang mga bagay na nangyari. At kagaya ko, ay may dahilan din kung bakit pinili ni Senator Agustin na dito ka magtago."
Natigilan ako nang hilahin ng lalaki ang punong iyon. Huminto ang aking oras nang mapagtanto kung ano ang mga nangyayari, ang punong iyon ay lagusan sa isa pang malaparaisong tanawin. Naglakad kami papasok, muling tinakpan ng lalaki ang aming dinaanan. Iginaya nito ako sa papunta sa harapan, mula rito ay tuluyan kong natanaw ang karagatan ng Pasipiko sa kalayuan, pumaparoon pa sa akin ang kaulapan na abot-kamay ko na.